Day 8.6
12:46 am
Dinig na dinig at umaalingawngaw pa sa isipan ni Kate ang palahaw ni Thea bago ito nawalan ng buhay.
Kahit malayo-layo na ang naitakbo niya ay parang nandiyan pa rin paligid niya si Thea dahil sa lakas ng alingawngaw ng iyak nito.
Pilit niyang iwinawaksi ang boses na naririnig niya at ipinupukos sa ibang bagay ang kaniyang atensyon. Pero hindi niya magawa, binabagabag siya nito.
Sa kalagitnaan ng pagtakbo niya ay napatigil siya nang makita ang isang babaeng nakatalikod sa kaniya na lumulutang sa hangin. Tuwid na tuwid itong nakalutang animo'y nakatayo lang sa ere. Pamilyar ang bulto nito, pero hindi niya lang makilala kung sino.
Naglakad na lang siya at nilapitan ito.
Hanggang sa unti-unti itong umikot ng dahan-dahan animo'y inihip ng hangin.
"Maria!"
Nagalak si Kate nang makitang si Maria ito. Ngunit sadyang tulog ito na lumulutang sa ere. Hindi man niya alam kung papaano ito lumutang at kung paano ito napunta roon ay masaya pa rin siya para sa kaibigan na natagpuan niya ito.
Ang iisipin niya muna ay kung papano niya ito ibababa.
"Maria!" Tawag niya upang gisingin ito. "Maria!"
Pero hindi ito nagigising. Kahit anong sigaw pa ni Kate ay tulog na tulog pa rin si Maria.
Hindi siya tumitigil at tumalon na rin para abutin si Maria na halos dumikit na ang ulo sa kisame. Kahit pagod na pagod na ay pinilit pa rin niyang abutin ito. At sa kabutihang-palad ay mahigpit niyang nahawakan ang paa nito kalaunan at nahila niya paibaba.
Pero hindi niya napaghandaan ang pagkahulog nito. Kung kaya't nasalo niya ang buong bigat nito at natangay siya't sabay silang bumagsak sa sahig. Napadaing naman sa sakit si Kate dahil sa bigat ni Maria nang bumagsak sila, lalo pa't nabagok din ang ulo nito na marahang ikinahilo niya.
"Bangon, Maria."
Sinuportahan ni Kate ang kaibigan nang bumangon silang dalawa. Alalang-alala naman siya para kay Maria dahil sa umuubo ito at sumusuka, animo'y galing sa pagkakalunod. Laking-pasasalamat naman niya dahil sa nagising ito at buhay pa.
Muling naalala ni Kate ang insidente at napagtanto niyang hindi pala totoong Maria ang nasaklolohan nila kanina. Ang totoong Maria ay narito lang pala at nakalutang.
"N-nasaan s-sila?" Tanong ni Maria matapos kumalma ang loob nito.
Parang pinilipit ang puso ni Kate dahil sa tanong niya, "W-wala na sila," at hindi nakayanan pa ni Kate at tumulo ang nagbabadyang luha nito.
"I-ikaw na lang ang natira?!" Tanong ni Maria at naiyak bigla.
"Oo, nalok—"
"Naloko ka rin."
Hindi natapos ni Kate ang kaniyang sasabihin nang biglang bumaon ang kamay ni Maria sa leeg niya at tumagos sa likod nito ang kaniyang matutulis na kuko.
Itinulak pa ito ni Maria at mas diniinan ang pagsaksak, hanggang sa lumitaw na sa likod ni Kate ang mga daliri nitong nangingitim at nabahiran ng dugo.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro