Day 7
11:26 pm
Pagdilat ng mga mata ni Maria ay natagpuan niya ang sarili sa loob ng isang silid. Nakasuot siya ng damit pampasyente na gutay-gutay na, sobrang dami rin ng bahid na mantsa nito na para bang natuyo na dugo.
Iginala niya ang kaniyang tingin at labis siyang nagtaka nang mapansing parang kakaiba ang kinalalagyan niya. At wala siyang naaalala sa kung paano siya napunta rito, blangkong-blangko ang kaniyang isipan.
Hindi niya alam kung nasaan siya, basta't ang alam niya lang ay parang lumang ospital ang kaniyang napasukan; tahimik, bitak-bitak na pader, malamig na paligid, maalikabok, at mabaho ang amoy nito—nakakasulasok. Wala ring bintana na pwede niyang pagsilipan upang alamin kung nasaang lupalop siya ng mundo.
Wala namang mangyayari kung hihiga lang siya, kung kaya't bumangon ito at inapak ang kaniyang mga paa sa sahig na malamig at maalikabok, wala itong ibang balak kung hindi ang umalis na sa loob ng ospital sa pamamagitan ng paghahanap ng lagusan palabas.
"Ma?" Pagtawag niya, "Ma, nasaan ka?"
Nagpatuloy lang ito sa paghakbang ng dahan-dahan, natatakot na baka may maapakang matulis at magkakasugat pa siya. Panay pa rin ito sa pagtawag ng ina umaasang susulpot ito bigla at tutulungan siya.
Nakabukas ng kaunti ang pintuan nang maabutan niya ito. Buti na lang at hindi siya naka-lock sa loob, kung kaya't dali-dali niyang hinawakan ang seradora at hinila ito pabukas. Nang lumaki ang bukas ng pintuan ay sinalubong kaagad siya ng malakas na bugso ng hangin na mistulang humahaplos sa kaloob-looban niya lalong-lalo na ang mga buto nito. Kasabay nito ay ang mas nakakasulasok pa na amoy na nalanghad niya na para bang may namatay na pusa sa paligid.
"Ma?"
Abandonado.
Unang ideya na pumasok sa isipan ni Maria nang makalabas siya sa sariling silid ay ang salitang abandonado. Pansin niyang parang pinaglipasan na ng ng panahon ang ospital na kinalulugaran niya. Patay-sindi na ang ilaw sa pasilyo at kagaya sa silid na pinagmumulan niya ay bitak-bitak din ang pader na nakapaligid sa kaniya.
"Ma?!"
Umalingawngaw ang boses nito sa buong pasilyo.
Nagsimula nang kabahan si Maria dahil sa takot na nag-iisa lamang siya—walang ina at tanging siya lang. Tagaktak na ang pawis nitong malamig at hindi na maayos ang paghinga nito, animo'y nawawala na ang hangin sa paligid ng mabilisan.
Sa pagpatay-sindi ng ilaw sa pasilyo ay napansin niya na parang may bulto ng tao sa dulo nito. Sa tuwing umiilaw o nagliliwanag ang paligid ay biglang lilitaw 'yong babaeng may mahabang buhok at gutay-gutay na damit na papalapit sa kaniya. Sa simula'y akala niya na namamalik-mata lamang siya, pero hindi, nakikita niya na gumagapang ito at para bang nagsusumamo na lapitan siya't abutin—hindi ito nawawala.
Hindi maitatangging mas lalong kinabahan si Maria sa kaniyang nakita. Napapaatras na rin siya't nanginginig na para bang nawawalan na ng lakas ang mga binti niya.
Biglang binalot ng kadiliman ang paligid at siya'y nanigas sa kinatatayuan. Nanginginig niyang yinakap ang sarili habang ang mga mata niya'y walang tigil sa pagluha. Pinakiramdaman niya ang kaniyang paligid at lubos na nananalangin na sana'y walang mangyayaring masama sa kaniya.
Ilang segundo ang nakalipas at biglang bumaha ang liwanag.
Labis naman ang kaniyang pasasalamat nang malamang wala na iyong babaeng gumagapang at parte lang pala iyon ng kaniyang imahenasyon—namamalik-mata lang pala siya kanina.
Pero paglingon ni Maria ay bigla siyang namutla nang makita ng harap-harapan ang babaeng inaagnas ang mukha. Sunog na sunog ang mukha nito at nagsilitawan ang mga uod na aktibong gumagalaw at kumakain sa laman ng kaniyang pisngi. Sobrang lapit ng mga mukha nila kaya kitang-kita ni Maria ang naninilaw na mata ng babae.
Si Cassey.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro