Day 7.3
11:55 pm
"Maria!"
Napadilat ang babae nang marinig ang nag-aalalang boses ni Vernon. Nanlalabo man ay kitang-kita niya ang bulto ng lalake na papalapit sa kaniya. Kahit papano'y gumaan ang loob ni Maria na makita itong paparating at tutulong sa kaniya. Naalis sa sistema niya ang takot dahil sa dinanas mula sa malupit na kamay ni Cassey.
Nag-aagaw ang liwanag at dilim sa kaniyang mga mata nang saklolohan siya nito at marahang hinawakan upang itayo. Maagap at maingat naman si Vernon sa kilos nito upang hindi masaktan si Maria.
"Maria! Anong nangyari?!" Nag-aalalang tanong ni Vernon.
"Tu-tulungan m-mo 'ko." Tanging nasabi ni Maria sa lalake.
Dahil sa kalunos-lunos na hitsura niya ay kaagad na tinulungan ni Vernon ito patayo. Maingat at nanginginig ang lalake habang binubuhat si Maria dahil sa buto nito sa tuhod na nabasag at nakausli na. Marahan din itong nakahawak sa likod ni Maria na namumula't may iilang linya ng lila pa na halatang nabugbog. Kitang-kita ito ni Vernon dahil sa gutay-gutay ang suot nito.
Paika-ika man at uugod-ugod ang galaw nila ay matiyaga pa rin si Vernon na mailigtas si Maria. Hindi man niya alam kung anong nangyari, ang importante sa kaniya sa mga oras na iyon ay ang mailayo't mabigyan ng paunang lunas si Maria.
"Tulong!" Sigaw ni Vernon na umaalingawngaw sa buong pasilyo, umaasang sana'y may makakarinig at tutulong sa kanila, "Tulungan n'yo kami!"
Mula sa dulo ng pasilyo ay biglang nagsisulputan sina Thea at Kate na halatang hinahanap ang pinagmumulan ng sigaw ni Vernon. Gaya nila ay gutay-gutay at duguan din ang mga suot nina Thea at Kate na pampasyenteng damit. Nang makita nila ang nangyari kay Maria ay mabilis silang napasugod sa kinalulugaran ng kaibigang nangangailangan ng saklolo.
"Anong nangyari?!" Tanong ni Kate nang tuluyang makalapit sila. Agad naman itong umalalay at tinulungan si Vernon sa pagbubuhat kay Maria.
"Hindi ko alam. Naabutan ko na lang siyang ganiyan sa pasilyo kanina." Sagot naman ng lalake.
"N-nasaan ba tayo?! Papaanong napasok tayo rito?!" Tanong naman ni Thea na naguguluhan talaga.
"Magulong-magulo ang isipan ko. Hindi ko alam kung anong nangyayari!" Sagot ni Kate na naiinis na rin.
"Saan tayo pupunta?!"
"Hindi ko alam! Basta hahanap tayo ng tu—"
Naputol si Vernon sa pagsasalita nang biglang tumilapon ng takip ng vent sa ibabaw nila. Sa gulat nila ay napayuko sila at napatakip kaagad sa ulo sa takot na baka matamaan sila nito. Natigil sila't dahan-dahan na tinignan ang vent. Takang-taka sila sa kung paano iyon nangyari.
Ngunit, hindi nila lubos na inasahan ang sumunod na nangyari. Labis silang nagimbal sa puntong nagsisigaw sila sa takot.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro