4 - Bangkay
Hindi nag-aksaya ng oras sina Max at Budz nang mabalitaan ang tungkol sa natagpuang bangkay sa kabilang bayan. Dali-dali nilang pinuntahan upang kumpirmahin ang hinalang nabuo sa isip nila.
Siksikan ang mga taong nakiusyuso sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay. Malalanghap pa sa hangin ang medyo mabaho nang amoy na siguradong galing sa bangkay na natagpuan.
"Excuse me! Makikiraan lang sandali." wika ni Budz habang hinahawi ang siksikang mga tao para bigyang daan si Max.
Nagbigay daan naman ang mga tao ng makita silang dalawa na unipormado kaya nakadaan sila ng maayos.
"SPO2 De Jesus, kami 'yong galing Sta. Barbara Police Station Sir. Alvarez po! Si SPO2 Romulo naman po itong kasama ko." pagpapakilala ni Max sa pulis na nadatnan nilang kasasara lang ng cadaver bag na naglalaman ng bangkay na nakita sa lugar.
"Hindi na halos makilala ang mukha ng bangkay. Stab wounds sa buong mukha and dismembered ang mga hita at braso. Parang hindi tao ang gumawa nito." wika ni SPO2 De Jesus kay Max.
"You mean, chopped?" usisa ni Budz na halata ang gulat sa mukha.
"Hindi. Mas masasabi kong hinila 'yong mga braso at hita niya kaya natanggal sa katawan nito." sagot ni De Jesus sa dalawang kausap.
Sumama ang mukha ni Max. Hindi niya inaasahan ang mga narinig tungkol sa natagpuang bangkay. Sumama sila sa pagdala ng bangkay sa crime lab para sa autopsy at DNA testing. Kailangan nilang malaman kung may match sa DNA samples ng bangkay doon sa mga babaeng nawawala.
Malakas ang kutob ni Max na posibleng isa ito sa mga nawawalang babae. Kapag nagkataong tama ang hinala niya, iyon ang unang lead nila sa kidnapping cases na tinutukan nila ngayon.
Gaya ng sinabi ni SPO2 De Jesus, halos di na makilalang mukha iyon ng isang babae dahil sa dami ng stab wounds na tinamo nito sa mismong mukha. Lumuwa na 'yong mga mata dahil sa ilang beses na tama. Wala na itong ilong at isang buong tainga habang may kapirasong naiwan sa kabila tainga nito. Gutay-gutay ang mga pisngi, labi at gilagid nitong wala nang ngipin.
Nakakapanlumo ang sinapit niya dahil bukod sa sirang mukha, nahiwalay din ang braso at hita nito mula sa kaniyang katawan. Teorya ni Max ay nahiwalay ang mga parteng iyon sa pamamagitan ng malakas na paghila dahil sa nakikita niyang pagkapunit ng balat at laman nito.
"I'll send you a copy of the postmortem examination kasama na ang dental at DNA result ng biktima as soon as lumabas na ito." wika ni De Jesus habang papalabas sila ng crime lab.
"Thank you Sir. Malakas ang kutob ko na isa siya sa siyam na babaeng nawawala." tugon ni Max.
"Kung sakaling isa nga siya sa maraming babaeng nawawala, magkakaroon na ng pag-usad ang kaso. Nakakalungkot nga lang isipin na ibabalik natin siya sa kaniyang pamilya na wala nang buhay." bakas sa mukha ng SPO2 De Jesus ang kalungkutan sa sinapit ng natagpuang bangkay.
"Pagbabayarin natin ang walang kaluluwang gumawa nito sa babaeng 'yon." nakatiim-bagang na wika ni Max habang nakakuyom ang kamao sa galit na nararamdaman.
Titig na titig sa kaniya si SPO2 De Jesus na parang hindi makapaniwala sa tapang at determinasyon na nakikita niya sa kaharap.
Unang tingin niya kanina kay Max ay hindi siya makapaniwalang isang babaeng pulis ang iniradyo sa kaniya ng kaniyang kasamahan na pupunta sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay ng babae.
Matangkad, morena, sexy sa suot na uniform at may maamong mukha. Iyon ang unang nakikita sa pisikal na anyo ni Max.
"Bilib ako sa tapang mo. Alam kong nagmamalasakit ka sa mga biktima at sa pamilya nilang nangungulila ngunit kailangan doble ingat ka dahil kahit may tsapa at baril ka, hindi na yan sinasanto nang mga masasamang loob sa panahon ngayon. Kahit pa nakasuot tayo ng uniform, hindi na tayo nagiging banta sa mga taong halang ang kaluluwa." paalala ni De Jesus kay Max.
"Tama kayo sa sinabi niyo Sir. Kahit pulis hindi na kinakatakutan ng mga kriminal. Saksi ako sa katotohanang sinabi niyo at hindi ako titigil hanggang hindi sila nagbabayad sa mga kasamaang ginawa nila." puno ng galit na sambit ni Max habang inaalala ang mga nangyari noon na siyang naging dahilan kong bakit siya nagdesisyong magpulis.
Isang nakaraang pilit man niyang kalimutan dahil sa utos ng kaniyang ina subalit hindi niya magawa dahil sariwang-sariwa pa rin ito sa kaniyang ala-ala kahit matagal ng nangyari. Ramdam niya pa rin ang sakit na dulot nun sa kaniyang naghihinagpis na puso.
Patuloy na nag-imbestiga sina Max at Budz sa mga karatig bayan kung saan may mga nawawalang kababaihan. Umaasang makakuha ng kahit anong lead na makakatulong sa kasong hawak nila ngayon.
Binisita nila ang ilan sa mga kapamilya ng mga biktima para makibalita ngunit bigo silang makakuha ng bagong impormasyon dahil lahat sila ay wala pa ring natatanggap na tawag sa kung sinuman ang nandudukot ng mga babaeng nawawala.
"Kung hindi ransom, anong motibo sa mga pagdukot na nangyayari?" kunot-noong tanong ni Budz kay Max habang nagmamaneho pabalik sa police station.
Hindi kumibo si Max na parang may malalim na iniisip.
"May kasama pa ba ako dito?" untag ni Budz sa kapartner nang mapansing wala itong kibo. "Anong iniisip mo't parang nawala ka sa mundo bigla?"
"Iniisip ko kung dinukot nga ba talaga 'yong mga babaeng nawawala." sagot ni Max sa tanong ng kasama saka ibinaling ang tingin dito. "I mean, walang kahit isang testigo na makapagsabi na dinukot sila. Walang kahit isang testigo sa krimen Buddy." paliwanag ni Max bilang suporta sa iniisip niyang posibilidad.
"Iyan nga din ang mas nagpapahirap sa kasong 'to pakner. Wala tayong makunan ng kahit isang lead." segunda ni Budz na halatang napaisip din sa sinabi ng Max.
"Pero naniniwala akong walang krimen na nagagawa ng malinis. Siguro sa ngayon nasa panig ng masasama ang bwenas pero may lalabas din na lead na makakatulong sa atin para malutas ang kasong 'to. Mahahanap din natin kung sinong may gawa nito." puno ng determinasyon na sambit ni Max.
"Naniniwala din ako diyan pakner. Mahuhuli't mahuhuli din natin ang salarin." pagsang-ayon ni Budz sabay park ng sasakyan sa harap ng istasyon.
Isa sa kasamahan nilang pulis ang nakasalubong nilang palabas ng istasyon at nagsabing pinapadiretso sila sa opisina ni General Alvaro. Tumalima naman agad ang dalawa.
"Mabuti't nandito na kayo. May pinadalang report si SPO2 De Jesus ng Sta. Catalina Police." bungad na wika ni General Alvaro sa kauupo palang na sina Max at Budz sabay abot ng folder na naglalaman ng nasabing report.
Si Max ang tumanggap at nagbasa ng report saka niya ito ipinasa kay Budz na dali-dali ding pinasadahan ng basa ang laman ng papel.
"Tama ang hinala natin pakner. Si Chelsea Guillermo ang natagpuang bangkay sa Sta. Catalina." nanlulumong wika ni Budz habang nakatingin kay Max na halatang nalungkot sa kumpirmasyong natanggap.
"Siya ang pang-apat na babaeng nawala na taga Sta. Ines." dagdag ni Max.
"Karumal-dumal ang pagkakapatay sa babaeng ito at walang bakas na naiwan sa katawan niya na pwedeng magturo sa salarin." komento ng heneral
"Unang isinauli na wala nang buhay." mahinang sambit ni Max sa boses na nahagilap dahil sa panlulumo.
"Ipinaalam na sa pamilya nang biktima ang nangyari and I'm sure sa mga oras na 'to nakita na nila ang katawan ni Chelsea." narinig nilang sabi ni General Alvaro.
"Hindi 'to pwedeng magpatuloy. Hindi ito maaaring mangyari sa iba pang biktima. Kailangang mahanap natin ang salarin." may halong galit sa boses ni Max.
"Pero paano natin mahahanap ang salarin pakner? Ni wala tayong kahit isang lead sa kaso." si Budz na halatang balisa sa kinauupuan. Ganoon siya kapag atat siyang gawin ang isang bagay lalo na kapag may hawak na kaso.
"Balikan natin ang mga lugar kung saan sila huling nakita. Kausapin natin ang mga taong huli nilang nakasama. Baka may makuha pa tayong impormasyon na pwedeng makatulong sa pagtunton sa kanila." suhistiyon ni Max na sinang-ayunan ni General Alvaro.
"Sige, pagbutihan niyo ang pag-iimbestiga." narinig nilang wika ng heneral bago sila lumisan sa opisina nito.
Desidido na ang dalawa na gawin ang lahat ng makakaya para malutas ang kaso ng mga nawawalang babae lalo na ngayong may isinauli nang isa kahit na bangkay na. At iyon ang mas nagpasidhi ng kagustuhan nilang mahanap ang salarin para pagbayarin sa ginawa nito at maibalik ang ibang babae sa kani-kanilang pamilya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro