Chapter 9
Chapter 9
"Okay ka lang ba?"
Nagtaas ng mukha si Baba upang tingnan si Dulce. Hindi niya alam kung ano ang itutugon sa babae kaya tumango na lang siya nang bahagya. Mainit pa rin ang ulo niya ngunit mahirap panghawakan ang inis sa harap ng dalaga. O dalaga nga ba ito? Marahil. Ito ang tipo ng babaeng kung may asawa na ay hinding-hindi huhubarin ang singsing. Isa pa, anong klaseng asawa ang mayroon ito parapayagan itong tumulak patungo sa kung tawagin ng iba ay "No Man's Land?"
"Nurse 'yon," sambit niya mayamaya, lihim na napapailing, ang tinukoy ay si Macario.
"Si Marie?"
Napangiwi siya. Matagal na panahon na mula nang magpasya si Macario na gawing "Marie" ang palayaw nito at lahat ng tao ay iyon na ang tawag dito, maliban sa kanya. Kahit kailan ay hindi siya magiging komportableng iyon ang itawag sa lalaki. Para sa kanya, ito ay si Macario, ang batang alaga niya magmula nang mapasali ito sa grupo nila noong ito ay anim na taong gulang pa lang.
Noong panahong iyon ay labing-limang taon na siya. Iyon ang tantiya niyang edad niya, sapagkat hindi niya alam. Hanggang ngayon, hindi niya alam kung ilang taon na siya o kung ano ang totoo niyang pangalan. Ang naaalala lang niya, bata pa siya ay kasama na niya ang mga armadong kalalakihan sa itaas ng kabundukan. Bata pa lang siya ay pinahawak na siya ng mga ito ng baril. Edad labing-tatlo nang una siyang makabaril ng sundalo.
"Registered nurse si Marie?" muling tanong ni Dulce.
"Board topnotcher 'yan, third place. May alok diyan ang professor niya na mag-Amerika, tinanggihan. Umuwi dito pagkatapos mag-call center. Dalawang taon lang 'yan nag-ospital. Pumasok sa call center para raw makapag-aral ng cosmetogoly. Hindi ko inuudyukan, pero sumige pa rin. Nag-ipon nang kaunti, tapos nagtayo ng parlor dito. Sa lugar na ito. Kahit alam niyang walang kinabukasan dito."
Nang maunawaan niyang naihinga niya sa babae ang matagal na niyang saloobin na wala siyang pinagsasabihan ni isang tao ay natigilan siya. Ano ba ang mayroon sa babaeng ito na kay dali niyang nagawang sabihin ang mga iyon dito? Hindi siya ang tipo ng taong mareklamo sa buhay.
"Hindi siya magiging masaya kung hindi niya gagawin ang gusto niya," si Dulce. "Ganoon naman ang lahat ng tao, hindi ba? Paano ka magiging successful kung ang ginagawa mo ay hindi mo gusto. Pabayaan mo siya. Bata pa siya, marami pang pagkakataon."
Hindi siya umimik. Wala naman siyang magagawa dahil hindi rin siya ang tipong pipigilan si Macario sa nais nitong gawin, lalo na at kailanman ay hindi ito umapela sa kanya pagdating sa pinansiyal na aspeto ng buhay nila. May pera siya na handang ibahagi rito, lamang ay hindi niya inakalang isang parlor sa ganoong klaseng lugar ang siyang magiging hanapbuhay nito. Ngunit ayaw nitong iwan ang probinsiya. Hanggang naroon daw siya, hindi ito aalis.
Putsa, sa isip-isip niya. Naiinip na siyang dumating ang panahong maiisipan ng lalaki na hindi tamang iasa nito ang buhay sa magiging desisyon niya. May misyon siya sa kanyang pagbabalik sa Santa Fe, isang misyong hindi niya alam kung hanggang kailan magtatagal. At habang hinihintay siya nito ay nauubos ang panahon nito.
"Matagal na ba kayong magkasama?" tanong ni Dulce.
Tumango siya. Anak si Macario ng isa sa mga miyembro ng grupo. Anak sa isang babaeng mababa ang lipad. Pumanaw ang nanay nito at kinuha ito ng ama, dinala sa bundok. Habang siya noong mga panahong iyon ay tunay na miyembro na ng grupo ang turing.
Ang nagbigay sa kanya ng kanyang edad ay ang isa sa mga kasamahan sa grupo, si Ka Abel. Hindi na niya naaalala kung paano siya napasama sa mga ito, basta't ang sabi sa kanya ni Ka Abel ay nakita raw siyang gumagala-gala sa kabundukan at walang naghahanap sa kanya. Nang tanungin siya ng mga ito kung ano ang pangalan niya, ang sabi niya ay "Baba."
Si Ka Abel ang nagturo sa kanyang bumasa, sumulat, magkuwenta. Ito rin ang nagturo sa kanya ng mga idelohiya ng grupo. At sa loob ng maraming taon ay naniwala siya sa mga iyon, tumanim sa puso niya ang lahat ng iyon—na kailangan nilang lumaban sa gobyernong pinapatay ang karapatan nila bilang tao. Sinabi nitong ang kanyang ina ay napatay sa laganap na raid sa bayan na iyon, kung saan ang Pamilya Villacorte ang siyang namumuno—ang batas sa bayan nila.
Marahil daw ay nakatakas siya sa raid kaya siya nakita ng mga itong pagala-gala sa kabundukan. At iyon lang ang nakikita niyang paliwanag patungkol sa kung bakit siya nag-iisa nang makita ni Ka Abel, lalo na at makailang atake ang isinagawa ng private army ng mga Villacorte sa Santa Fe upang tugisin ang grupo nila. Walang pakialam ang mga ito sa mga mamamayan na naiipit sa gitna ng gulo. Animo mga bulag na tigre ang mga ito, walang sinasanto.
Madalas noon na inaalog niya ang isip niya para maalala niya kung sino siya, ngunit ang tanging malinaw niyang alaala ay ang mukha ng kanyang ina, isang napakagandang babae. At bilang din lang ang alaala niya na kapiling niya ito. Ang pinakapaborito niya ay ang alaala kung saan magkatulong silang gumawa ng saranggola. Ni hindi niya naaalala ang mga sinasabi nito, bagaman sa alaala niya ay nakikita niya ang nakangiti nitong mukha.
Nasa sahig sila—isang kawayang sahig. Nagkalat sa paligid ang mga ginupit na diyaryo. Mayroong pisi na nakapaikot sa isang lata. Nakangiti ito, pinipisil ang kanyang pisngi. Sa lahat ng iyon, ang masuyo nitong tinig na tinatawag siyang "Baba" ang tanging naaalala niya. Hanggang ngayon, ang tinig nitong iyon ay umaalingawngaw sa kanyang tainga.
Siya si Baba, iyon ang tawag nito sa kanya. Hindi niya alam kung iyon ay bigay na palayaw o hango sa totoo niyang pangalan. Ilang pangalan ba sa mundo ang mayroong "ba" na maaaring maging tunay niyang pangalan? Napakarami. At marahil maaari siyang pumili sa mahabang listahan ngunit mas pinili niya ang Baba, dahil iyon ang tawag sa kanya ng kanyang ina. Ang tanging alaala niya rito ay isang larawan na napasakamay lang niya nang pumanaw si Ka Abel.
"'Ba?" pukaw sa kanya ni Dulce.
Tiningnan niya ito. May kumudlit sa dibdib niya sa pagtingin sa maamo nitong mukha. Ganoon ang naaalala niyang pakiramdam na dulot ng kanyang ina sa kanya—mainit sa dibdib. Ngunit wala siyang balak na tangkilikin ang mga ganoong walang-silbing damdamin. "Ang tagal ng order natin. Titingnan ko lang kung luto na."
Tumayo na siya. Nahiling niyang sana ay makita na nila ang hinahanap nito. Gusto na niyang magbalik sa dati ang buhay niyang tahimik. Simple.
"GANOON ba talaga si Baba?" hindi nakatiis na tanong ni Dulce kay Marie nang magbalik ito mula sa banyo. "Parang takot magsalita."
Tumawa ang binabae. "Si Kuya? Diyos ketch! Ipinaglihi yata sa sama ng loob 'yan, Ateng. Pero kung may isang tulad mong susuyo sa damdamin niya, baka magbago."
Nag-init na naman ang kanyang mukha. Tila hindi tamang magtanong sa taong ito na mayroong makulay na imahinasyon. Gayunman, nag-uumapaw ang kuryosidad sa kanya, isang kuryosidad na batid niyang hindi niya dapat madama para kay Baba. "Matagal na ba kayong magkasama?"
"Oo. Pareho kaming laking-bundok niyang si Kuya."
"Laking-bundok?"
"Taong-taas. Rebelde. Komunista. O kung anuman ang gusto mong itawag, Ateng."
Labis siyang nabigla kaya hindi siya agad nakatugon.
Tumawa si Marie. "Pero kabilang lang kami sa grupo. Siyempre naman hindi na ngayon, okay ka lang? Ikaw naman, masyado kang kinabahan."
"Paano kayo...?" Hindi niya naituloy ang sasabihin dahil hindi niya tiyak kung nais niyang marinig ang kuwento.
Ngunit tila handang magkuwento si Marie. "Six years old ako noong dalhin ako ng Tatay sa itaas. Namatay kasi si Mudra, TB. Naabutan ko na si Kuya Baba doon. Dahil kami ang bunso sa grupo, kami ang parating magkasama. Fifteen na siya noon. Noong seven years old ako, niratatat kami ng army." Lumapit ito sa kanya, saka pabulong na idinagdag. "Private army ng Villacorte. Kami lang dalawa ang nabuhay. Pero nahuli rin kami kasi may tama si Kuya. Dinala kami dito sa Santa Fe at kinuhang tao si Kuya Baba. Deal kumbaga—magtatrabaho siya para sa mga 'yon para hindi siya makulong."
Nagbilang siya sa isip at napanganga. "Pero kung sixteen pa lang siya noon, paano siya makukulong?"
"Hello, Ateng, mga Villacorte ang pinag-uusapan natin dito. Kung gusto nilang padilaan sa 'yo ang kalsada mula Santa Fe hanggang Candelabra, magagawa nila. Isa pa, kanino kami lalapit? Wala kaming alam, wala kaming kilala. Laking-bundok nga, 'di ba? Anyway, nakaganda naman kahit paano ang pangyayari."
Napamaang siya rito. "Paano nakaganda 'yon?"
Nagkibit ito ng balikat. "Nabigyan ako ng tsansang makapag-aral, habang si Kuya Baba naman, unti-unting namulat sa katotohanan. Bata pa kasi siya, nasa bundok na siya kaya puro idealismo ng mga rebelde ang in-inject sa sistema niya. Hindi siya nabigyan ng pagkakataong bumuo ng sarili niyang paniniwala. Pero matagal bago siya nakasabay. Matagal bago niya napakawalan ang mga 'yon. Ilang taon din."
Aperktadong-apektado siya. Nailalarawang-diwa niya ang isang batang Baba, teenager pa lang ay may dala nang armalite, sa halip na mag-aral sa eskuwelahan ay nag-aaral bumaril. At nang mailigtas, nagkataong nailigtas ng grupong halang ang kaluluwa. He was turned into a killing machine at a very young age. No wonder the whole province knew him. No wonder everyone feared him. Isang batang maagang tumanda at natutong gumawa ng mga bagay na ni hindi nito alam na masama. Tinuruan itong gawin ang mga ganoong bagay kasama ang mahigpit na leksiyong iyon ang tama.
"It must have been very hard for him..." sambit niya.
"True, Ateng. Pero mabait ang Diyos. Kung tutuusin, maaga pa ring namulat sa katotohanan si Kuya. Twenty-three siya nang umalis kami dito sa Santa Fe. Nag-aral siya at nag-aral din ako."
"Teka, nag-aral siya ng elementary sa edad na twenty-three?"
"Hindi. Nag-college siya. Automatic ang diploma niyang si Kuya, courtesy ng mga Villacorte. Bayad sa serbisyo baga."
"I see. Pero bakit pa kayo bumalik kung nakapag-aral pala kayo pareho?"
Nagkibit ito ng balikat, halatang ayaw nang ituloy pa ang paksa. "Ang dami ko na yatang naikuwento, Ateng. Ayaw ni Kuya Baba ng madaldal. Ano ba ang meron ka at napakuwento ako sa 'yo ng todo? O, ayan na siya. 'Wag mong sabihin na nagkuwento ako, magagalit 'yan."
Natanaw niyang papalapit na rin si Baba, dala ang siang tray na puno ng pagkain. Habang kumakain ay saka ipinaliwanag ni Marie kung bakit ito nakulong.
"As always, Kuya, inggit na inggit sa akin ang bata ni Cruz. Pamangkin niya iyong kalaban kong parlor sa palengke, 'di ba? Ang ginawa ba naman, eh, pinatira ang kuntador ko ng kuryente. Siyempre, nagalit ako. Eh, may nakakita sa kanya so may saksi ako. Sinugod ko ang bakla. At 'ayun, dinampot ako ni Cruz."
Hindi umimik si Baba, panay lang ang subo ng pagkain. Nagpatuloy ang kuwento ni Marie, mukhang hindi totoong natatakot kay Baba. Naunawaan niya sa mga sandaling iyon na tama talaga ang hinala niya sa lalaki, mabait ito. Marahil hindi sa tipikal na paraan ngunit nakikita niya ang totoong ito sa pamamagitan ni Marie.
Saglit lang silang nagpahinga matapos ang hapunan at bumiyahe na pabalik ng Santa Fe. Mag-aalas-dose na sila nakabalik at latang-lata na siya. Nagpaalam na siya sa dalawa na matutulog na siya.
"Ay, ang taray, sa master's bedroom pala natutulog si Ateng. Sinasabi ko na nga bang special treatment ang ganyan kaganda," komento ni Marie.
Napatingin siya kay Baba na napansin niyang namumula ang mukha bagaman masama ang tingin sa binabae. Umakto ang binabae na nag-zipper ng bibig. Tumuloy na siya sa silid, napapangiti sa kawalan.
Dala niya sa paghiga ang ngiting iyon at agad siyang nakatulog. Nang magising siya ay mataas na ang sikat ng araw. Agad siyang lumabas, bitbit ang tuwalya at damit. Naabutan ang dalawang lalaki sa sala. Si Marie ay nagbabasa ng magazine, habang si Baba naman ay nagbabasa ng diyaryo.
"Good morning, Ateng," nakangiting bati ni Marie.
Napangiti rin siya. "Good morning!"
"Bago ka mag-almusal, titingnan ko ang talampakan mo, ha? Hindi mapakali si Kuya kung hindi ko titingnan, eh. Alam mo na, concerned."
May pagbabanta ang tinig ni Baba nang magsalita. "Macario!"
"'Huu, hitsura mo naman diyan, Kuya. Totoo naman. Kaninang madaling araw mo pa sinasabing ihanda ko ang gamit ko. Sige, Ateng, mag-morning ritual ka muna at kukunin ko ang gamit ko."
Ilang na ilang siya nang tumingin kay Baba na nakatingin din pala sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon niya kaya't pumihit siya at nagtungo sa banyo. Matapos maligo ay nag-ayos siya ng sarili, saka bumalik sa sala. Nandoon na si Marie, may medical kit na nakapatong sa mesa. Pinaupo siya nito sa sofa at sinuri ang paa niya.
"Ang taray. Hanggang talampakan ang kinis. Kaya naman pala special na special kay Kuya. Mahapdi pa ba, Ateng? Tuyo na ang mga galos at maninipis lang," anito.
Umangil si Baba na noon ay nakamasid mula sa lagusan patungo sa komedor. Bigla tuloy siyang napatawa. Mukhang walang magawa ang lalaki kay Marie. Sa kabila ng bagsik nito sa mata ng ibang tao, pagdating kay Marie ay wala itong magawa kundi ang umangil o simimangot.
"Ateng, anong work mo sa Manila?" patuloy ni Marie.
"Furniture designer," tugon niya.
Mukhang naaliw si Marie. "Ay, ang taray. Eh, di magaling ka palang mag-drawing, ganoon?" tanong nitong sinagot niya ng tango. Muli itong nagtanong. "Sa palagay mo ba, itong bahay ni Kuya, may pag-asa pa? Tingnan mo naman, walang ka-style-style. Sa tuwing lalagyan ko ng kurtina, inaalis niya. Gusto ko ngang i-repaint itong bahay na ito kahit kawayan. Pero ayaw niya, eh. Gustong-gusto niya iyong ganito ang hitsura ng house, iyong pangmahirap ba." Kumindat sa kanya si Marie, kinukutsaba siya sa mga sinasabi nito.
Pumalatak si Baba, napailing, saka nagtungo sa komedor. Gayunman ay hindi nakaligtas sa kanyang hinila nito ang upuan malapit sa lagusan kahit pa nakatalikod ang upuan sa kanila. Nakita iyon ni Marie. Nagpatuloy ito sa pang-aalaska sa binata. "Kahit saan kami magpunta, parating tangay ni Kuya iyang upuan na 'yan na ang sarap sunugin." Itinuro nito ang grandfather's chair.
"Ang sarap ngang i-reupholster," hindi niya napigilang ikomento.
"Ay, tutulungan kita diyan, Ateng, kung type mo."
Noon nagsalita ang lalaki, nakatingin sa kanila. "'Wag ninyong pakialaman ang upuan ko. Tingnan mo na ang paa niya at may lakad pa kami."
Humagikgik si Marie habang nilalagyan ng gamot ang talampakan niya. "Ganyan talaga si Kuya, iyang upuang 'yan ang first love niya. Eh, ikaw, Ateng? May jowa ka ba sa Manila? Baka naman may asawa ka na, ha?"
"I'm single."
Nilingon ni Marie si Baba sa komedor. "O, narinig mo na ang gusto mong marinig, ha, Kuya 'Ba? Ako na ang nagtanong para sa 'yo."
Tumayo si Baba. "Macario, hindi ko pa nalilimutan ang ginawa mo kahapon."
Tumawa ang binabae. "Three points ka, Kuya. Hay naku, Ateng, ano ba ang ginagawa mo rito sa amin? Ang sabi ni Kuya, may hinahanap ka raw na tao? Kaano-ano mo ba 'yon?"
"Kamag-anak ng isang kaibigan," tugon niya.
Mukhang napukaw ang kuryosdidad ni Marie. "Bakit naman pinapahanap?" tanong nitong ibinaba na ang mga paa niya matapos suotan ng medyas. "Ano 'yan, parang teleserye na may mamanahin, ganoon?"
"Hindi ganoon. May kailangan lang siya doon sa tao."
Hiningi ni Marie ang lahat ng impormasyon sa kanya na ibinigay niya naman dito, maliban sa kung sino ang nagpapahanap sa maginang Dominga at Dante Esperanza. Sinabi rin niya ang mga natuklasan niya mula sa library, bago siya nadampot ng grupo ng mayora.
"Mahirap yata ito. Nang mawala siya, bata pa kahit si Kuya 'Ba. Kung ang petsang nakita mo doon sa logbook ng barangay ang huling petsang may bakas siya, ni hindi pa ako isinisilang noon. Si Kuya Baba mga four years old pa lang. Tama, Kuya?"
"Kaya titingnan natin sa Kapitolyo. Baka sakaling mayroong listahan doon."
Nag-almusal na siya at sinabayan siya ni Marie. Masaya itong kausap at mukhang walang kaproble-problema sa buhay. Sinabi nitong iiwan na rin siya nito doon dahil pinayagan na ito ni Baba bumalik sa parlor dahil sa pangungilit nito.
"Ateng, may request lang ako sa 'yo, ha? Sakaling wala kang balak seryosohin ang kuya ko, 'wag mo nang paibigin, ha?"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro