Chapter 7
Hindi dalawin ng antok si Baba. Kanina ay palakad-lakad siya sa labas ng bahay, pasulyap-sulyap sa pintuan. Ngayon ay nakaupo na siya sa bangkito sa tabi ng pintuan, naninigarilyo. Hindi siya mapakalai. Iyon ang unang pagkakataon na mayroong babaeng tumuloy sa bahay niya. At ni wala itong imbitasyong matino mula sa kanya.
Sa kabila ng katotohanang sinabihan niya ang babae kanina na maaari na itong umalis, nanatiling isang bagay iyon na hindi niya talaga magagawa. Bluff, 'ika nga. Batid niyang kung mag-iisip lang itong maigi ay mauunawaan nitong walang ibang ligtas na lugar para rito sa bayang iyon, maliban sa piling niya. Kasama sa pag-"arbor" niya rito kay Candida ay ang pangakong hindi makakalabas ng Santa Fe ang babae na hindi nakalagay sa isang kahon. Kung sakali mang hindi niya iyon matutupad ay kargo niya anuman ang gagawin ng babae. Siya ang nakataya roon.
Tanga. Tanga talaga ako, sa isip-isip niya, hindi maunawaan kung bakit kailangan dumating sa Santa Fe at maging problema niya si Dulce gayong marami na siyang iniisip. Ang pamantayan niya sa buhay ngayon ay simple lang—manahimik, itama ang mali. Malaking kaabalahan ang babae.
Ngayon ay natutulog na sa mismong kuwarto niya ang babae. Dalawa lang ang silid sa bahay na iyon, maliban sa silong na matagal na niyang hindi nalilinis, at sa silid na pag-aari ng anak-anakan niyang si Macario. Doon na lang muna siya tutuloy sa silid ni Macario.
Pati kuwarto mo, ibinigay mo sa babaeng luka-luka na hindi makatiis itikom ang bibig. Sa tingin mo, kapag pinaalis mo siya bukas, hindi siya magsusumbong sa pulis? At dinala mo pa sa bahay mo. Damay ka diyan.
Napabuntong-hininga siya. Ang tanong ngayon ay kung paano kukumbinsehin ang babae na manahimik. Ano ang magiging garantiya niya? Makikinig ba ito sa rason? Hindi niya alam. At hindi niya alam kung ano ang gagawin niya rito, lalo na at malaking tukso ito ngayon—ilang hakbang lang mula sa kanya.
Natutop niya ang noo, pinaglabanan ang tuksong pasukin ang silid niya at ipakita sa babae kung gaano ito kadelikado sa kanya. Na magsilbing babala iyon dito, na para sa isang tulad nito ay hindi tama ang maging napakatapang, lalo na kung hindi ito pamilyar sa lugar na pinupuntahan nito. Ano ang karapatan nitong magtiwala sa kanya? Nakuha na niya iyon, batid niya, patunay ang katotohanang tulog na ito ngayon. Hindi ito dapat nagtiwala basta.
"Putsa," sambit niya, nahagod ang buhok, tensiyunado kahit walang aksiyon sa gabing iyon maliban sa mga alitaptap na kumukutitap sa abot-tanaw. Sa huli ay naisip niyang wala rin siyang magagawa sa ngayon. Nagpunas siya, nagsepilyo, saka pumasok sa silid ni Macario. Hindi siya komportable sa mga poster na nakakabit sa dingding kaya nagpasya siyang lumabas nang muli. Sa sala na lang siya matutulog, tutal ay kailangan niya ring makatiyak na hindi aalis ang babae.
Dulce, paalala niya sa sarili. Iyon ang pangalan nito. Matamis sa Kastila. Bagay na bagay dito sapagkat sadyang matamis din ang mga labi nito. Muli siyang napabuntong-hininga at pinilit na ang sariling makatulog.
Nang maalimpungatan siya ay maliwanag na at amoy-bawang ang kabahayan. Sinangag. Agad siyang bumangon at tumuloy sa kusina. Mukhang komportable ang babae sa kamiseta niya na nagmukhang daster dito. Nakayapak lamang ito. Nais niyang mapaungol. Umaabot lang sa tuhod nito ang haba ng kamiseta. Kitang-kita niya ang mahahaba ang makikinis nitong binti, maliban sa mga mapupulang marka na marahil mula sa insidente kahapon. Parang kay sarap itaas ang kamiseta para haplusin ang hinala niya ay napakakinis din nitong hita. Tiyak niyang sa bandang iyon ay wala nang galos.
Nagkaroon ng reaksiyon ang katawan niya. Kung ito ang makikita niya tuwing umaga, malamang na pagod siya maghapon. Parang kay sarap nitong huwag nang pauwiin. Ano kaya ang gagawin nito kapag nalaman nito ang mga ideyang tumatakbo sa isip niya? Marahil magsisigaw ito.
Na dapat lang. Hindi ito dapat na nagluluto sa kusina niya. Hindi nito dapat isinuot ang kamiseta niya. Sa katunayan ay dapat na takot na takot na ito sa kanya at hindi lumalabas ng silid.
Tila noon pa lang siya nito napansin. Ngumiti ito. "Good morning, 'Ba."
Labis niyang ikinabigla ang tila masaya nitong disposisyon, lalo na ang reaksiyon nito sa kanya. Maliban sa iilang babaeng nakasama niya sa kama, karaniwang hindi ganoon ang tipikal na reaksiyon ng isang babae sa kanya, lalo na at isang babaeng batid kung ano siya. Pinagmasdan lang niya ang babae. Patuloy ito sa pagsasangag, tila walang problema sa mundo.
"Nagising ako kaninang alas-tres kasi mahapdi ang mga paa ko. Nagutom din ako kaya nagsaing ako. Malamig na ngayon kaya sinangag ko na lang."
Bahagya siyang tumango, hindi alam kung ano ang tamang itugon. Alas-una pasado na siya nakatulog, samakatuwid ay kasarapan ng tulog niya nang magising ito at hindi man lang siya nagising. Kung isang mamatay-tao ang babae ay pumanaw na siya sa mundo nang walang kamalay-malay. At hindi siya ang tipo ng taong malalim kung matulog.
Nilingon siya nitong muli, bahagyang kumunot ang noo. "'Wag mong sabihing ganyan ka makatingin sa akin dahil ginamit ko ang damit mo? Wala akong damit, nasa Paraiso ang bag ko. Speaking of which, I have to get it and then return here."
May mali yata sa nasabi ng babae. Nais nitong kunin ang gamit nito at bumalik sa bahay niya? Nagpasya siyang linawin iyon. "Ano'ng sabi mo?"
"Hindi puwedeng puro damit mo ang suotin ko o ang damit ko kahapon. I would really prefer using jeans around here. Maghahain na ako mayamaya at pagkatapos, samahan mo na akong kunin ang mga gamit ko."
Nagpasya siyang obserbahan ang babae. Baka kailangan din niyang magkape para magising ang diwa niya dahil hindi niya maunawaan ang nais nitong mangyari. O marahil, mas kailangang magkape ng babaeng ito upang tubuan ng nerbiyos. O hindi naman kaya at ito ay nabaliw na sa nangyari nang nagdaang araw?
Nagtungo muna siya sa banyo, naghilamos, saka nagbalik sa hapag. Pagkaupong-pagkaupo niya ay naghain ng umaasong tasa ng kape ang babae. Bahagya itong ngumiti, saka naglasang ng kawali. Pinakialaman na rin nito ang ref niya, patunay doon ang tapa na mukhang balak nitong iprito. Nasa hapag na rin ang kamatis na ginayat nito, pritong itlog, sinangag. Hindi pa sapat ang naging pagkabalisa niya kagabi at ang labis niya ngayong pagtataka sa inaakto ng babae, kailangan ding ipaalala ng presensiya nito ang kawalan ng isang babae sa lugar na iyon at ang katotohanang parang nais niyang mahiya na hindi masasabing presentable ang bahay niya.
Oo at kapag naroon si Macario ay sinusubukan nitong ayusin ang bahay, ngunit sa pag-alis nito, lahat ng kurtinang ikinabit nito ay inaalis din niya. Hindi niya kailangan ng sagabal sa paningin niya. Hindi siya sanay sa bahay na hindi tanging mga esensiyal na bagay ang nakalagay.
Ano kaya ang hitsura ng bahay ng babae? Base sa usapan nila ni Candida ay lumalabas na mataas ang posisyon ng babae sa isang pagawaan ng mga muwebles. General manager ito roon at marahil ay siyang may-ari rin. Samantalang ang muwebles sa bahay niya ay matagal nang dapat na napalitan.
At ngayon, sinasabi ng babae na parang balak nitong manatili sa bahay na iyon. Hindi niya maturol kung bakit. At muli, nabuhay ang inis niya rito. Dapat na nagkukumahog na ito paalis. Uminom siya ng kape, naghihintay sa sasabihin nito.
"Puwede bang inumin iyong tubig sa poso sa labas?" tanong nito, nakatingin sa kawali habang nagpiprito. Mukhang sanay ito sa kusina. Bahagya itong sumulyap sa kanya, saka ibinaba ang siyanse, nagtungo sa lababo upang maghugas ng ilang pinggan doon. "Tinatanong kita, Baba."
Muli siyang uminom ng kape, saka tumugon. "Basta't pakukuluan."
"Nagpakulo nga ako sa takure. Dapat pala makabili tayo ng mas malaking takure para isang salangan lang ang tubig. Malakas kasi akong magtubig. Wala bang nagde-deliver dito ng purified water?"
Hindi siya umimik, napapantastikuhan sa itinatakbo ng mga ideya nito.
Malakas itong bumuntong-hininga. "I've got a good feeling about this. Baka nga hindi ko naman kailangan na magtagal. Last night it dawned on me that I will not waste my tragic experience. I will not let those monsters win. With that in my mind, I slept well. Desidido akong 'wag magpatalo sa mga pangyayari. Nagpunta ako ritong mayroong misyon at hindi ako aalis nang ganoon na lang."
Biglang nag-init ang ulo niya kahit pa nga kung tutuusin ay sumakto sa kailangan niyang gawin ang plano nito. Nakakapag-init ng ulo na hindi nito nauunawaan na mali ang mga ginagawa nitong desisyon. Sino ba ang lintik na taong iyon na hinahanap nito na hindi nito magawang pabayaan na lang?
"Nakalimutan mo na yata ang nangyari sa 'yo kahapon," paalala niya rito. "Kapag nagtanong-tanong ka tulad ng ginawa mo, hindi lang ikaw ang malalagay sa alanganin. Magpatulong ka na lang sa mga propesyonal para makita mo ang taong hinahanap mo. Siguro, para sa 'yo madali nang gawin 'yon."
"Exactly, Baba. Exactly."
Kung bakit parang kay sarap marinig ng pangalan niya mula sa mga labi nito. Naghintay siyang magpaliwanag ang babae na agad dumating:
"Naisip ko na pagkatapos ng nangyari, hindi na ako puwedeng maghanap-hanap dahil napaka-paranoid ng mga tao sa lugar na ito. I mean, honestly. Kaya nakabuo ako ng desisyong maghanap ng propesyonal. Magpapatulong ako sa kanya."
"Iyon naman pala."
"At sa palagay ko, nakita ko na siya." Ngumiti ito, tumitig sa kanya.
Bigla siyang napailing, kahit ang gusto sana niya ay ang mapatayo. Uminom siyang muli ng kape, saka muling umiling, "Hindi ako ang kailangan mo."
Mukhang kalmado ang babae, tumugon ito. "Alam kong tatanggi ka. Sa katunayan, sigurado akong tatanggi ka. Parati kang tumatanggi sa akin, 'Ba—"
"Isang bagay lang ang puwede mong ialok sa akin na hindi ko tatanggihan," agaw niya. Muli, hindi niya maunawaan kung bakit kailangan niyang sabihin iyon. Ano ang inaasahan niyang magiging reaksiyon nito? Kaunti na lang, baka kumaripas na ito ng takbo at panibagong problema na naman iyon para sa kanya. Samakatuwid, pagdating sa babaeng ito ay nagtatalo ang mga desisyon niya. Sala sa init, sala sa lamig.
Hindi ito agad nakaimik ngunit mayamaya ay bahagyang umismid. "Seryoso akong nakikipag-usap sa 'yo, Baba. Mahirap bang makipag-usap sa akin nang seryoso rin?"
"Seryoso ako. Wala na akong mas iseseryoso pa."
Namula ang mukha nito, halatang nailang. Naitanong niya sa sarili kung naaalala kaya nito ang pinagsaluhan nilang halik kahapon. Tulad din kaya ng epekto niyon sa kanya ang epekto niyon dito? Maling-mali ang ginawa niya, dagdag parusa sa sitwasyon ngayon. Pero nangyari na ang lahat at kahit maulit pa ay gagawin at gagawin pa rin niya. Taglay ng babae ang pinakamatamis na mga labing natikman niya.
Nang muli siya nitong balingan ay pinandilatan siya nito. Napangiti siya. Magaganda ang mga mata nitong malalaki, bagay sa matangos nitong ilong at mga labing makipot ay malalapad, nangangako ng tamis. Morena ang babae, napakakinis ng kutis. Sa madaling salita, ito ang tipo ng babaeng hindi nararapat na pumunta sa lugar kung saan maraming Rufo na nakabantay anumang sandaling malingat ito.
Hinango na nito ang tapa at naghain sa mesa. Gamay na gamay na nito ang kusina niya at bakit nga naman ba hindi kung tila may plano itong magtagal?
"Tigilan mo nga ako, Baba. Kailangan ko ang tulong mo. Pinag-isipan ko itong maigi," giit nito. "Wala ka namang ginagawa at kailangan ko ang tulong mo. Bakit hindi tayo magtulungang dalawa?"
"Pinag-isipan mo ba kung ano ang gagawin mo sakaling magbago ang isip ko at umuwi kang umiiyak, tinatanong kung bakit ibinigay mo ang tiwala mo sa tulad ko? 'Wag mong lokohin ang sarili mo, Dulce. Hindi ka ligtas sa akin. Kung mangangako kang hindi ka gagawa ng anumang hakbang para mai-report ang nangyari sa 'yo, ihahatid na kita pa-Maynila."
Tama na. Kailangan na nitong umalis. Malaking sagabal sa kanya na kailangan niya itong manmanan sa loob ng ilang panahon ngunit mas mainam iyon kaysa manatili ito sa piling niya. Wala siyang balak mag-alaga ng isang babae sa bahay niya, lalo na at isang babaeng sa tingin niya ay walang ihahatid sa kanya kundi gulo. Wala ito sa plano pero sira ang mga plano niya dahil dito.
Sinong niloloko mo? May appointment ka ba sa Malacañang? Masyado ka bang abala sa pagpapastol ng mga baka at pag-aani ng kamote? O baka naman plano mong bilangin ang alitaptap sa gabi?
Gayunman ay panatag siya sa simple niyang pamumuhay. Tahimik. Iyon ang gusto niya. Para sa isang tulad niya, ang paglagay sa tahimik ay hindi nangangahulugan ng pag-aasawa kundi ang pagtahak sa tamang daan, walang aberya, walang gusot. Sinira na iyon ng babaeng ito sa loob lamang ng dalawang araw. At ngayon ay wala itong balak tantanan ang buhay niya.
BABA WAS mad if he thought that she was going home. Not now. Si Dulce Verdas ay hindi umuuwing luhaan. At kung iniisip nitong hindi siya magre-report tungkol sa nangyari sa kanya ay nagkakamali rin ito. Sabihing nailigtas siya sa kapahamakan, naniniwala siyang kailangang maihatid ang hustisya sa kanya, gayundin sa iba pang mabibiktima ng mayora.
Wala siyang nabubuong plano sa ngayon kung ano ang gagawin niya ngunit natitiyak niyang hindi siya basta mapapatahimik. Ngunit sa ngayon, mas mahalaga sa kanya ang magawa ang misyon niya. Nabulilyaso na siya at lahat, hindi maaaring mabale-wala iyon at uuwi siya para sabihin kay Joaquin na wala itong maaasahan sa kanya. Isa pa ay para siyang sundalong meintras pinipigil ay lalong nanggigigil. Nasa bingit na siya ng pagkatuklas kung nasaan ang hinahanap niya. Malaki ang hinala niyang nagkukubli sa bayan na iyon ang mga impormasyong kailangan niya. Hindi siya matatahimik.
Kung nagkataon marahil na walang tulad ni Baba na magtatanggol sa kanya ay marahil kagabi pa siya nagkukumahog umuwi. But last night made her realize that if there was one man she can trust, it was Baba. Una, kung may balak itong masama sa kanya tulad ng nais nitong ipahiwatig, marahil ay hindi na siya buo ngayon. Pangalawa, wala itong obligasyon para "arborin" siya sa mga goons kahapon, ngunit ginawa nito. Pangatlo, sa unang pagkikita pa lang nila ay inagapan na nitong maabot siya ng kapahamakan. Para sa kanya ay sapat na iyon para maunawaan na mabuting tao si Baba, sa kabila ng lahat.
Hindi malinaw sa kanya ang mga dahilan kung bakit nito ginawa iyon, ngunit nagpapasalamat siya. Naniniwala siyang maaari itong madaan sa matinong usapan.
"Nagdesisyon ako kagabi, Baba, tulad ng sinabi ko sa 'yo. Hindi ko sasayangin ang mga nangyari sa akin para umuwi kung kailan malapit ko nang makita ang hinahanap ko."
"Umuwi ka na. Bigyan mo ako ng ilang linggo, ako ang maghahanap sa taong 'yon," anito.
Saglit niya iyong pinag-isipan, sa huli ay umiling. Napakadali para rito na sabihing hindi nito nakita ang hinahanap niya, o kung hindi man ay sabihing wala na ang mga iyon sa Santa Fe. At ano siya pagkatapos noon? Wala na siyang magagawa pa. She needed concrete proof. She needed to find out for herself. Nagpatuloy siya sa paliwanag. "Sa tingin ko, hindi ako aabutin ng isang linggo rito, Baba, kung tutulungan mo lang sana ako."
"Wala kang makukuhang tulong sa akin. Umuwi ka na."
Nakadama siya ng inis. Sa isang banda ay nauunawaan niya ito—makakaistorbo siya rito, ngunit wala man lang ba itong balak na pakinggan ang mga plano niya? Puwes, maririnig nito sa ayaw nito at sa gusto.
"I'm willing to pay you. Isipin mo, malaking tulong ang ibabayad ko sa 'yo para maipaayos mo ang lugar na ito. Kung ayaw mo naman, ako mag-isa ang babalik sa bayan para patuloy na maghanap. Tutal naman, sagot mo na ako. Wala na siguro akong magiging problema." Of course she was bluffing. Hindi siya makakatagpo ng lakas ng loob na muling magtanong-tanong nang hindi kasama ang lalaking ito. At may duda siyang walang ibang taong makakaikot nang malaya sa Santa Fe nang hindi kinikilatis ng mayora at ng mga bataan nito.
Madilim na ang mukha ng lalaki sa puntong iyon. "Matigas ang ulo mo, Dulce."
Ang paraan nito ng pagbigkas sa pangalan niya ay masarap sa kanyang tainga, parang humahaba at rumorolyo sa dila nito ang tunog ng "S" doon, masuyo kahit walang pagsuyo sa mukha nito. Pero teka, bakit ganoon ang itinatakbo ng isip niya? Aanhin niya ang pagsuyo mula sa isang tulad nito? Hindi sa pinipintasan niya ang lalaki ngunit magiging isa siyang malaking hangal kung bibigyan niya ng timbang ang mga ganoong bagay. Nandoon siya para sa isang misyon lang, at hindi para pag-isipan ang pagsuyo sa tinig ng isang... gun for hire.
Iyon nga ba ito? Marahil, at dahil doon ay mas mapapadali ang kanyang balak. For hire ito at handa siyang i-hire ito.
"Hindi ako titigil hangga't hindi mo ka umoo sa akin," giit niya. "Ano ba ang mawawala sa 'yo sa ilang araw na trabaho? Wala akong balak magtagal nang higit pa roon."
Bumuntong-hininga ito sa huli, tumango. Nakiramdam siya, sa isang banda ay inaanalisa pa rin kung tama ang kanyang kapasyahan. Wala siyang nakapang kaba sa piling ni Baba. This was the most logical and safest way. In a few days, she was out of there, hopefully with both Dominga and Dante Esperanza. Tapos ang istorya, masaya ang lahat.
Kumain na siya, magaan ang loob. Kahit si Baba ang pinakanakakakabang taong nakilala niya ay panatag siya rito. Ipinaalala niya sa sarili na bibigyan niya ng malaking bonus ang lalaki. Kasama na roon ang board and lodging niya, maging ang gantimpala sa pagliligtas nito sa kanya. The man deserved it.
"Kailan tayo magsisimula?" tanong niya.
"Sa lalong madaling panahon para makauwi ka na agad," mabilis nitong tugon, tila iritado. Lihim siyang napangiti. Magaling, kung ganoon. Iyon ang gusto niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro