Chapter 4
Chapter 4
Nais mapahiya ni Dulce kay Ramona. Natural na ang tanong niya sa babae ay patungkol sa mga G.R.O. Ang totoo ay hindi siya magiging komportableng kasama ang mga ito ngunit mas gusto niya roon kaysa sa inn sa itaas ng Paraiso na tiyak niyang ang kutson ay hinigaan na ng ilang daang pareha, ang mga sapin marahil ay ilang ulit nang nabahiran ng mga 'di-kanais-nais na bagay. Ngunit wala siyang karapatang bigyan ng label si Ramona at ang mga kasamahan nito, kahit obvious kung ano ang trabaho ng babae. Nakikiusap lang siya roon, wala siyang karapatang manghusga kahit pa nga hindi iyon ang pakay niya sa tanong. Nauunawaan niya kung bakit iba ang interpretasyon ng babae.
Hindi siya nakaimik at naglakad patungo sa isang silid ang babae. Binuksan nito ang pinto at tumuloy sa loob. "Dito ka. Kaming dalawa lang ni Nanang ang nakatira rito. Pamangkin ako ni Nanang."
Nabigla siya sa kaalamang iyon. Pinapayagan ng matanda ang sarili nitong pamangkin na maging isang G.R.O.? Ah, muli, sino siya para husgahan ang mga ito? Tumango siya sa babae, nagpasalamat.
"Ano ba ang pakay mo rito?" tanong nito.
"May hinahanap akong tao."
"Hindi ka reporter?"
"Reporter? Hindi. Bakit mo nasabi?"
Nagkibit ito ng balikat, pinagmasdan siya, maging ang mga bag niyang ipinatong niya sa maliit na kama. "Kung reporter ka, pangungunahan na kita—wala kang mapapala rito. Ilang tulad mo na ang nagtangka pero umuuwi ring walang dalang balita. Kung reporter ka, pang-ilan ka na ring tumuloy dito, at ngayon pa lang sinasabi ko na sa 'yong pag-alis mo, kawawa ang tiyahin ko. Siya ang parating napag-iinitan."
"Hindi nga ako reporter," aniya. "Ano ang kinalaman ng reporter dito?"
"Magaling kung ganoon. Isang libo kada gabi ang bayad dito dahil may sarili kang banyo. Kasama na sa bayad ang almusal at hapunan. Maiwan na kita."
"Saglit," tawag niya. Naunawaan niyang nais niyang magtanong dito tungkol kay Baba ngunit sa huli ay nagbago ang isip niya. Nag-abot na lang siya ng dalawang libong piso dito. "Bayad ko. Itatanong ko rin sana kung may kilala kang tricycle na puwede kong maging service. O kaya habal-habal."
Tinanggap nito ang pera, saka siya muling tiningnan. "Sige, sasabihin ko kay Nanang."
Tuluyan na itong lumabas ng silid. Napabuntong-hininga siya at tiniyak na nakakandado ang pintuan, saka siya tumuloy sa banyo. Naligo siya saka nahiga na rin. Pagod na pagod siya. She had no more energy left to ponder things though she knew one thing for certain—the town was not a friendly one and she needed to get out of there as soon as possible.
Kinabukasan ay alas-diyes na ng umaga siya nagising dahil sa matinding pagod. Naabutan niya si Nanang Amor sa komedor.
Ngumiti ang matanda. "Nabanggit sa akin ni Ramona na kailangan mo raw ng tricycle o habal-habal."
Pumuwesto na siya sa hapag. "Opo, Nanang." Kumalam ang sikmura niya sa nakahaing tapsilog. May naalala siyang bigla. "Nanang, sino po si Kirat?"
Bigla itong napaantanda. "Diyaskeng bata ito. Kanino mo narinig ang pangalang iyan? Oo at may habal-habal ang isang iyon pero hindi kita irerekomenda sa kanya, santisima! Hindi ako para itsismis ang iba pero halang ang bituka ni Kirat. Kaya nga iyon inalis na sa samahan ng mga driver at operator ng habal-habal. Tatlong turista ang nagreklamo doon na pinagnakawan na'y tinangka pa raw gahasain kung hindi nanglaban. At noong huli, may isang taga-ritong dalagang nagsampa ng demanda. Rape. Pero inatras din. Malaya pa ang isang iyon pero hindi magtatagal, makukulong din. Malakas lang ang loob at may tiyuhing konsehal."
Nais niyang kilabutan. Hindi siya agad nakaimik. Kung sakali pala ay doon sa taong iyon siya nakasakay. Kahit ilang text o tawag pa niya kay Tisha at naisipan na ni Kirat na gawan siya ng masama, wala ring silbi ang precautionary action niya. At si Baba... sinagip siya nito.
Well, hindi siguro puwedeng sabihing sinagip siya dahil wala namang ginawang masama sa kanya si Kirat, pero parang ganoon na rin. Napuno siyang muli ng kuryosidad sa lalaki. Nagpasya siyang tanungin si Nanang Amor. "Nanang, bakit po takot si Kirat kay Baba?"
"Aba'y kay Baba siya magloko-loko, kung hindi siya mabaldado, ewan ko lang. Bakit, ano ba ang nangyari?"
Ikinuwento niya rito ang naganap sa terminal ng habal-habal at van kahapon, saka niya sinabi, "Kung ganoon pong takot si Kirat kay Baba, halang din po ang bituka niya?"
Ngumiti ang matanda. "Iniligtas ka na'y halang pa ang bituka. Ang batang ito."
"Bakit wala po siyang pangalan, Nanang? Ayaw niyang sabihin sa akin, eh."
"Naku, pagkarami-raming tanong ng batang ito. Maiwan na muna kita at marami pa akong gagawin. Nasa labas na ang tricycle na inarkila ko para sa 'yo. Kung buong maghapon mo siyang gagamitin, tama nang abutan mo ng tatlong daan at pakargahan mo ng kurudo ang motor. O, ito na pala si Ramona. Kumain ka na rin."
Umalis ang matanda at sumalo nga sa kanya si Ramona. Mukhang bagong gising ito at ni hindi pa naghihilamos. Nagtimpla ito ng kape. "Bakit itinatanong mo ang pangalan ni Baba?" tanong nito. Nagkibit siya ng balikat. Ayaw niyang kausap ang babae pero wala siyang balak hindi punan ang sikmura niya. Mahaba ang araw na iyon para sa kanya. Muling nagsalita si Ramona. "Narinig ko ang mga tanong mo. Marami kang gustong malaman tungkol kay Baba. Talaga bang hindi ka reporter?"
Napikon na siya nang tuluyan. "Hindi nga ako reporter! At kung reporter man ako, ano ang gagawin kong report tungkol sa isang taong ni hindi ko alam ang totoong pangalan? Sikat ba siya para dayuhin ng media dito at i-report?"
Tumaas ang sulok ng labi ng babae, "Kung ganoon, interesado ka sa kanya. Hindi kita masisisi. Guwapo si 'Ba, 'di ba? Matikas, simpatiko, at higit sa lahat, magaling sa kama."
Dapat na niyang asahan marahil ang ganoong uri ng pananalita sa isang tulad nito ngunit nakakapag-init pala ng ulo. Hindi na lang siya umimik. Hindi siya bababa sa lebel nito. Binilisan na niya ang pagkain.
"Kilala si 'Ba dito sa amin, 'yan ang sagot sa tanong mo kung bakit takot si Kirat sa kanya. Bata ng dating mayor si Baba noon. Ang alam ng marami, siya ang tagalinis ni Mayor. Tagalinis ng mga kalat."
Hindi siya tanga para hindi maunawaan ang ibig nitong sabihin sa salitang "taga-linis." Hindi basura ang tinutukoy nito, kundi tao. Sa pagkakataong iyon ay hindi niya maiwasang kilabutan. Isang killer si Baba? Iyon ba ang dahilan kung bakit ayaw nitong sabihin ang pangalan nito? Dahil wanted ito? Iyon din ba ang dahilan kung bakit kagabi pa nagtatanong si Ramona sa kanya kung isa siyang reporter?
"Umalis siya noon at nang magbalik dito, hindi na siya bumalik sa pamilyang pinagsisilbihan niya noon. Pero sa pagkakaalam ng marami, on call pa rin siya sa mayora—ang anak ng dating mayor na siyang pinasukan ni Baba noon."
"Bakit mo sinasabi sa akin ang lahat ng 'yan?"
"Nagtatanong ka, hindi ba?"
Nagpasya siyang tumayo na. "Salamat sa impormasyon, Ramona. Mauuna na rin ako." Wala siyang balak kausapin pa ang babae. Hindi malinaw sa kanya kung ano ang intensiyon nito. Sa pakiwari niya ay hindi naman ganoon kasama si Baba dahil sa isang banda ay tama si Nanang Amor—iniligtas siya nito.
Lumakad na rin siya at naabutan ang tricycle sa labas ng Paraiso, tulad ng sinabi ni Nanang Amor. Mukhang mabait naman ang driver na kinuha nito, matanda na rin at maamo ang mukha. Ibinigay niya rito ang address na isinulat niya sa papel, iyon ang return address na isinulat ni Dominga Esperanza sa sobre ng sulat nito kay Mang Gorio.
"Ineng, wala na ang adres na ito ngayon," wika ng matandang driver na nagpakilala bilang 'Tatang Damian.' "Mangyari'y pinalitan ang pangalan ng mga lugar dito noon. Itong lugar na ito ang isa ang huling napalitan ang pangalan pero wala na ito ngayon. Pabrika na ng goma ang nakatayo dito ngayon. May dalawang dekada na rin siguro. Bago iyon, eh, bahayan ang gawing iyon."
Nabuhayan siya ng pag-asa. "Puwede po sigurong malaman kung sino ang mga nakatira noon doon, ano po? Sa munisipyo po tayo, Tatang."
Doon nga siya ihinatid ng matanda. Nagtungo siya sa isang opisina at doon nagtanong. Ayon sa nakausap niya ay hindi basta-basta naglalabas ng record ang mga ito. Kailangan daw niya ng awtorisasyon para gawin iyon. Nang tangkain niyang abutan ng pera ang babae ay tumanggi itong tanggapin iyon ay pinaalis siya agad.
Nagbalik siya sa tricycle at sinabi kay Tatang Damian ang problema. "Wala po ba kayong ibang kilala na tumira doon?"
"Iyong iba roon, lumipat sa Ilaya pero hindi ko alam kung saan sila doon nakatira. Puwede siguro tayong magtanong-tanong."
Iyon ang kanilang ginawa matapos mananghalian. Madali nilang natunton ang isa sa mga dating nakatira sa area na ngayon ay kinatitirikan ng pabrika ng goma. Agad niyang ipinakita rito ang address na dala niya at nagpaliwanag ito agad. Lahat daw ng mga tao noon na nakatira sa kinaroroonan ngayon ng pabrika ay iisa ang adres—ang adres na hawak niya, dating barangay hall. Itinuro nito sa kanya ang dating sekretarya ng barangay na agad niyang pinuntahan. Mayroon nga itong listahan ng mga taong nagpapabagsak ng sulat sa barangay hall. Narito pa ang kumpletong tala sa loob ng anim na taon nitong pagiging barangay secretary. Sa katunayan ay dalawang log book lang iyon. Wala raw masyadong natatanggap na sulat ang mga taga-roon.
"My God..." sambit niya. Malinaw na nakasulat doon ang pangalan ni Dominga Esperanza, sa tala ng mga nakatanggap ng sulat. May pirma ito roon. "Siya po ang hinahanap ko! Alam n'yo po ba kung nasaan na siya?"
Tiningnan ng matanda ang tala. Umiling ito. "Isa ito sa taong-itaas. Hayan sa tabi ng pangalan, nakalagay na Group C siya. A at B, mga taga-ibaba. Group C, sa itaas. Wala kaming listahan ng mga tao roon."
"Pero posible pong nandito pa siya sa Santa Fe?"
"Hindi ko tiyak, Ineng. Pero wala nang taga-itaas ngayon, nagsibabaan na. Naging magulo noon doon at maraming mga rebelde. Mula nang magsimula ang gulo, wala nang nangahas pang bumalik kahit naubos na ang mga rebelde sa sagupaan."
Kahit sinabi ng matanda na hindi siya nito matutulungan ay nanatili ang pag-asa sa puso niya. Pakiramdam niya, malapit na malapit na niyang makita si Dominga Esperanza, at siyempre, maging ang anak nitong si Dante Esperanza. Habang naglalakad pabalik sa tricycle ay nagtanong siya kay Tatang Damian. "Tatay Damian, anong taon po iyong nabanggit niyang sagupaan?"
"Mga kulang dalawang dekada na siguro ang nakakaraan iyon, Ineng."
"Marami po bang namatay doon?"
"Ay, halos lahat. Inubos ni Mayor ang mga rebelde."
"Balik tayo ng munispyo, Tatang," pasya niya. Kung ganoon ang nangyari noon, tiyak na may listahan ng mga namatay sa sagupaan. Kung taga-itaas si Dominga at nagkaroon ng sagupaan, malaki ang posibilidad na wala na ito. Collateral damage—isang hinala niya na sana naman ay hindi totoo.
Nagbalik nga sila sa munisipyo at nagtanong doon. Wala tilang nais na tumulong sa kanya. Hindi helpful ang mga tauhan. Nagpasya siyang magtungo sa kaisa-isang library ng bayan na matatagpuan sa public school. Natagpuan niya ang compilation ng mga artikulo tungkol sa nangyaring sagupaan noon. Nangyari ang lahat noong high school pa lang siya, bagaman nai-report iyon sa national broadsheet. Naging madugo ang labanan at maraming human rights advocate ang nagreklamo. Kinuwestiyon din ang private army ng noo'y mayor na siyang kumitil sa buhay ng mga rebelde.
Umabot sa Malacañan ang reklamo ngunit tila walang nangyari. Halos dalawang buwan lang ay wala nang naisulat na artikulo tungkol sa pangyayari. Bagaman wala siyang nakitang tala ng mga napatay ay nabasa niyang mahigit limampung tao ang nasawi sa engkuwentro—mga rebelde, tauhan ng mayor, at ilang mga sibilyan.
Nabuhay ang kuryosidad niya sa mayor na iyon. Iyon din ba ang pinagsilbihan ni Baba? Hinanap niya sa library ang listahan ng mga naging mayor ng bayan. Natuklasan niyang mula nang maging munisipalidad ang Santa Fe ay isang pamilya lang ang namuno roon. Una ay si Luis Villacorte na sinundan ng anak nitong si Lucas. Kapwa inubos ng dalawa ang termino ng mga ito. Bumalik sa panunugkulan si Luis ngunit sa ikalawang termino ay inatake ito sa puso kaya ito pinalitan ng vice mayor nitong siyang dating mayor din—si Lucas din mismo. Sinagad nito ang termino nito, saka pinatakbo ang anak na siyang kasalukuyang mayor, si Mayora Candida Villacorte. Panglimang termino na ni Candida dahil nang masagad ang termino nito ay isang pinsan nito ang tumakbo na nag-resign din at pinalitan nito, sapagkat ito ang vice mayor.
Bahagya siyang nabigla nang marinig ang tinig ng librarian. Anito ay magsasara na ang library. Sinipat niya ang relo. Alas singko y medya na pala. Nagpasalamat siya rito at nagpaalam na rin. Paglabas na paglabas niya ng eskuwelahan ay nilapitan siya ng tatlong lalaking naka-jacket na maong, pantalong maong, at kamiseta. Lahat ng mga ito ay nakaantipara kahit halos papadilim na, mga mukhang goons.
"Miss, gusto kang makausap ni Mayora," wika ng isa sa mga ito."Sumama ka sa amin."
Nag-panic siya. "Teka, bakit gusto niya akong makausap? Hindi niya naman ako kilala. Hindi ko rin siya kilala. Sino ba kayo?"
Totoo ang kabang bumalot sa puso niya. Naalala niya ang mga tanong ni Ramona sa kanya, ang paulit-ulit nitong pag-uusisa kung isa siyang reporter. Ngayon niya naikonekta ang lahat sa mga lalaking ito. Pero isang hindi pagkakaunawaan ang lahat, batid niya. Wala siyang balak na anoman sa mayora na iyon. Kung may itinatago man ang mayora, wala siyang balak na kalkalin iyon. Nasanggi ba niya ito? Naalerto sa pagtatanong niya kanina sa munisipyo?
Kalmado ang mga lalaki. Nagsalita ang pinakamalaki sa mga ito. "Sumama ka na."
"Hindi ako sasama sa inyo. Harassment ito!" Nilagyan niya ng tapang ang tinig kahit parang natunaw ang kalamnan niya. Agad siyang humakbang paatras, alerto, mabilis na inilabas ang cellphone niya, balak kunan ng larawan ang mga ito. Ngunit bago pa niya mai-set iyon ay nailabas na ng mga lalaki ang baril ng mga ito.
Nagsalita ang pinakamalaki habang nakatutok sa kanya ang baril nito. "Sasama ka, Miss. Alam kong madali kang kausap."
Nagpalinga-linga siya, umaasang may makakakita sa kanya. Ngunit maging si Tatang Damian ay wala. Naroon ang tricycle nito ngunit wala ito roon. Napilitan siyang sumakay sa nakabukas na van. Tahimik siyang nanalangin. Ayaw niyang sa kamay ng mga ito magtapos ang buhay niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro