Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 26

Chapter 26

Kabado si Dulce habang naghihintay sa sala. Naglakad-lakad sa labas si Baba kasama ang kanyang mga magulang. Sa kubo raw sa taniman mag-uusap ang mga ito. Halos isang oras nang umalis ang tatlo at hindi pa rin nagbabalik. Palakad-lakad na siya sa sala, nais nang sumunod sa mga ito.

Ngunit pagtanaw niyang muli sa bintana ay nakita na niyang naglalakad palapit ang tatlo. Inaasahan niyang umiiyak na naman ang nanay ngunit mukhang kalmado ito. Nang makapasok ang tatlo sa bahay ay puno siya ng agam-agam. Ang kanyang ama ang unang nagsalita.

"Bueno, ihahatid ka namin mamaya sa farm ni Baba, anak. Gusto ko ng nanay mong makita iyong tutuluyan mo. Maganda nga at malapit ka sa amin. Makakabisita kami sa tuwing puwede."

Muntikan na siyang mapanganga. Ano ang sinabi ni Baba sa mga ito? Napatango na lang siya nang magkakasunod, walang maapuhap na salita. Ang kanyang ina ay ngumiti sa kanya, pinisil ang palad niya. "Bueno, kumain muna tayo. May ginataang bilu-bilo ako diyan."

Tumulong siya ritong maghain sa kusina at hindi niya maiwasang magtanong. "Ayos lang po ba kayo, 'Nay?"

"Anak, magkakaroon ka na rin ng anak. Magiging lola na ako. Matagal ko na itong pangarap at umaasa akong bagong yugto ito ng buhay nating lahat."

Napaluha siya. "Salamat po, 'Nay."

"O, 'wag kang iiyak at masama sa bata." Itinaas nito ang kanyang mukha. "Paborito mo itong ginataan. Siya, tawagin mo na ang tatay at asawa mo."

Pinunasan niya ang mga mata at hindi na nagtangkang itama ang sinabi nitong "asawa." Tinawag niya ang dalawang lalaki sa sala na agad tumayo at nagtungo sa kusina. Habang nagme-merienda sila ay dama niya ang pagkailang ng isa't isa. Nagpasya siyang basagin ang katahimikan. "Ano kaya ang magandang ipangalan sa bata? Kung babae, siguro maganda kung isunod sa pangalan ninyo, 'Nay."

"Aba'y walang problema sa akin, pero kung nataong lalaki, mangyaring 'wag mo nang isunod sa pangalan ng ama mo at kawawang bata."

Agad tumutol ang kanyang ama. "Aba, ang pangalan ko'y hango sa pangalang-Kastila. Hindi ka lang kasi sosyal kaya ayaw mo sa Chucho." Iyon ang tunay nitong pangalan.

"'Kuu, ikaw na mismo ang nagsabing noong bata ka'y chuu-chuu ang tawag sa iyo't kinakantiyawan kang parang tuta." Nagmuwestra ang matandang babae na animo may tuta sa ibabaw ng mesa.

Bigla siyang natawa at natawa rin si Baba. Umismid ang kanyang ina. "Eh, paano nga'y walang class ang mga kalaro ko. Eh, itong batang ito'y magiging class ito kaya ang mga kalaro ay nakakaunawa ng mga Istetsayd na pangalan."

"Asus, istetsayd daw, eh, made in Gapan ka. Istetsayd..." Lumabi ang babae. "Kakasabi mo lang na Kastila, biglang istetsayd! Ang istetsayd, eh, iyong galing sa Amerika. Kaya nga Istetsayd kasi kasing Isteyts."

"'Kuu, umarya ka na naman, Carolina," reklamo ng kanyang ama, sabay subo ng ginataan.

Nilingon niya si Baba. Nakangiti lang ito. Nais niya itong pasalamatan ngunit mamaya na, kapag nagkasolo na sila. Nagtagal pa sila sa farm ng mga magulang niya saka siya nagyayang umuwi.

"Siyanga pala," ani Baba habang nagmamaneho ito pabalik sa Casa de Labranza, "Nakausap ko na si Papa kanina. Nabanggit ko na rin sa mga magulang mo. Pupunta kami sa susunod na buwan, pagkauwi niya galing sa Amerika. Paalis siya ngayon, magpapa-check up doon."

Uminit ang dibdib niya. "That's... that's great. Is he all right though?"

"Oo. Wala naman daw problema."

"Okay lang ba sa kanya na... alam mo na."

"Nabigla siya pero mukhang masaya naman."

"Okay lang ba sa 'yo ang sinabi ko kanina kay Nanay? Na isusunod sa pangalan niya kapag babae?" aniya pagdaka. "Pero mas maganda siguro kung dalawang pangalan ang gamitin natin—Dominga Carolina."

Tumingin ito sa kanya, ngumiti. "Maganda."

"Kapag lalaki, 'wag daw isunod sa pangalan ni Tatay. Eh, kung isunod sa pangalan mo?"

"Dante?"

"Baba."

"Kawawang bata. Nakaiwas sa Chucho, nauwi sa Baba."

Bigla siyang napatawa. "Parang nagugustuhan ko na kasi ang tunog ng pangalan mo habang tumatagal. Bakit nga ba naging Baba ang palayaw mo?"

"Ang sabi ni Papa, Albay daw ang probinsiya ni Nanay. May tao ako sa farm na taga-Bicol at tinanong ko siya kung may ibig-sabihin ang 'Baba' sa Bicolano. Ang sabi niya iyon daw talaga ang karaniwang tawag sa mga bata—"Padaba" o "Baba" kapag pinaikli. Kaya siguro, ayos din na pangalan 'yon."

"Ano ang ibig-sabihin no'n?"

Ngumiti ito. Ngiting totoo, ngiting napakainit. "Mahal."

At nag-init din ang dibdib niya. Padaba, mahal. His mother loved him to bits, she guessed. And he seemed to love her as much. Inabot niya ang kamay nito, pinisil. Itinaas nito ang kamay niya sa mga labi nito at hinagkan. Lihim siyang nagpasalamat sa pagkabuwag kahit paano ng pader. Hiling niyang magtuluy-tuloy na iyon. Handa siya sa panibagong simula.

"ANO 'YAN?" tanong ni Dulce kay Baba. Pinuntahan niya ito sa construction site sa loob ng farm, sa bahaging malayo sa mga bisita.

"Bahay natin," nakangiting tugon nito.

"Bago? Bakit?"

"Para lahat ng lugar mapupuntahan mo."

Natigilan siya. Napansin pala nito. Nang makauwi sila sa bahay nito ay hindi niya magawang pumasok sa silid kung saan nakita niya si Candida. Sa ibang silid siya tumuloy. Si Baba naman ay iba ring silid ang inokupa. Para bang wala roon ang silid kung saan niya nakita ang dalawa ni Candida, nilalagpasan lang nila, hindi pinapasok. Sabihing wala na ang babae, ayaw sana niyang maalala ang eksena kung saan nakita niya ito. Sa totoo lang, nabubura na rin iyon sa isip niya sa pagtakbo ng mga araw.

"Hindi mo kailangang magpagawa ng bagong bahay, 'Ba." Ngumiti siya. "Nasasanay na ako sa bahay mo. No need to spend millions on a new house. Really."

"Gusto ko lang ng bago. Luma na rin iyon at maliit. Kapag nanganak na, walang magiging kuwarto ang bata. Isa pa, kapag dumadalaw ang mga magulang mo, wala rin silang matutulugan. Gusto ko ring mas malaki ang silong para sa 'yo."

"S-salamat." Damn, she always stuttered in front of him. Parati rin siyang nagba-blush sa harap nito. Para bang teenager siya na kahapon lang nakilala ang lalaki kahit buntis na siya sa lalaking ito!

"Kumain ka na?"

Lumobo ang puso niya. Parating ganoon ang nadarama niya sa ipinapakita nitong pag-aalaga. Sapagkat maalagang-maalaga ito. Para siyang diyosa. Wala itong ipinagbago, para pa ring noong bago sila at wala pang nangyayaring aberya. Sa katunayan, kung tamad lang siguro siyang tao, sabihin lang niya ritong dalhan na lang siya ng pagkain sa silid ay gagawin nito.

"Hindi pa. Kaya ako nandito, tatawagin sana kita."

Nakangitng nilapitan siya nito at sabay na silang naglakad patungo sa bahay. Sariwa ang salad na ihinanda niya, gayondin ang gulay na ulam at karne. Namitas siya kanina sa hardin. Natuwa siyang makitang wala nang pangalan ang hardin na iyon, wala nang karatula.

Umaandar ang relasyon nila ni Baba. Baby steps. Natuklasan niyang handa siyang panindigan iyon. Matapos ang tanghalian ay bumalik ang lalaki sa construction site, habang ang mga magulang niya naman ay dumating. Sinabi ng kanyang ama na huwag na niyang tawagin ang "asawa" niya at ito na raw ang tutungo sa construction site.

"Kung bakit kailangan pang magpagawa ng bagong bahay, maayos naman ito," komento ng kanyang ina.

"Iyon nga rin po ang sinabi ko kay Baba, pero iniisip niya ang bata kapag naipanganak na at kapag daw po may dadalaw sa akin dito, walang matutuluyan."

Napangiti ang matandang babae. "Maalalahanin siya."

"Napaka, 'Nay. Para akong baby minsan."

"Hindi mo alam kung gaano ako kasayang marinig 'yan. Siyempre naman at anak kita... Ang sa akin lang, bakit hindi pa kayo magpakasal?"

Nagkasamid-samid siya at agad nitong hinagod ang likod niya. "Nanay? A-akala ko po ba, ayaw ninyo kay Baba?"

"Noong una. Sino bang magulang ang hindi kakabahan? Pero nag-usap na kami at... Sabihin na lang natin na binigyan ko siya ng pagkakataon. Heto, nakumbinse na niya ako. Mag-iisang buwan ka pa lang dito, tumaba ka na agad at nawala na ang pangingitim sa mata mo. Nakikita kong masaya ka. Alagang-alaga ka rin dito. Iyon ang mahalaga sa amin, napag-usapan namin ng tatay mo. Kaya bakit hindi pa kayo magpakasal? Kaysa ganitong nagsasama kayong walang basbas ng simbahan."

Hindi niya alam kung ano ang itutugon. Tama nga bang magpakasal na sila ngayon ni Baba? O mas tamang maghintay siya? Dahil ayaw niyang magpakasal sila sa mga maling dahilan. Oo at mabigat na dahilan ang bata ngunit ang maipit ito sa isang kasal ay hindi niya matatanggap.

Iniba na niya ang usapan. "Mabuti at mukhang masaya kayo sa pagreretiro ninyo?"

"Aba'y tama pala ang ama mo na dapat noon ko pa ginawa. Nanghihinayang ako sa oras na hindi kami magkasamang mag-asawa, matatanda na kami. Pero bumabawi naman ngayon. Siyanga pala, tumawag sa akin ni Ma'am Alba at ang sabi'y dadalaw daw sa amin si Sir Dante, kasama ang asawa mo. Dapat nga daw ay ngayong linggo pero dahil sa operasyon, kailangan pang magtagal sa Amerika ng ilang linggo pa."

"Nabanggit nga po ni Baba sa akin. Mabuti po at maayos na ang lagay ni Sir Dante."

"Nahihiya naman ako't sila pa ang dadalaw sa atin."

"Aba, 'Nay, alangan naman pong tayo ang dumalaw sa kanila? Dapat itayo ninyo ang bandera ng anak ninyo."

Nagkatawanan sila. This was happiness. Hindi iyon masasabing buong-buo na ngunit malapit na roon. Nag-e-enjoy siya sa simpleng buhay niya sa farm. Nakakapagtrabaho rin siya roon at nakakaluwas din kapag kailangan niyang magtungo sa opisina. Parati ay kasama niya si Baba at minsang nagtungo sila sa opisina ay naroon si Joaquin. Wala itong pagkailang sa sitwasyon at nagkausap na rin ito at si Baba. Everything seemed perfect. And she would like it to stay that way. Kaya marahil hindi niya naiisip na usisain si Baba tungkol sa mga pangyayari sa Santa Fe, sa mga misteryosong bahagi ng buhay nito. Nandito ang lahat ng panahon para ikuwento iyon, kapag handa na ito.

Alas-tres ay nagbalik si Baba sa bahay, kasama ang kanyang ama. Nakaluto na silang mag-ina ng merienda sa mga oras na iyon. Alas-singko ay nagpaalam na rin ang matatanda. The two looked happy for her. Genuinely happy.

"Baba, may delivery ako ng kahoy bukas," aniya rito. "I want to make a crib."

"Tutulungan kita."

"Good. Dahil tinatamad akong kumilos."

Ang lakas ng tawa nito saka siya hinagkan sa pisngi. Bahagya siyang napapitlag ngunit tila hindi nito alintana. Sa katunayan ay lalo nitong inilapit ang mga labi sa kanyang mukha. "Miss na miss na kita," sambit nito.

Nagtayuan ang balahibo niya sa katawan. Ganoon din ang nadarama niya rito. Gabi-gabi ay nahihiling niyang sana ay magkatabi sila magtulog. Gusto niyang dumantay dito, humilig sa dibdib nito.

Nang magtagpo ang kanilang mga mata ay awtomatikong nagtagpo rin ang kanilang mga labi. His kisses were as hungry as hers. Soon, they were feeling each other up eagerly. Soon, he was carrying her to the room. Maingat siya nitong ibinaba, saka nagsimulang hagkan ang kanyang balat.

She closed her eyes and gave him full access. When their bodies joined together she shivered. Soon after she reached her climax over and over.

"HINDI puwede dito sa farm, Ramona. Nandito si Dulce, alam mo naman... Sige, pupunta ako. Oo, ngayon na. Magkita na lang tayo."

Nagkunwari si Dulce na natutulog. Halos hindi niya nadamang kumilos si Baba sa loob ng silid, maliban nang hagkan nito ang pisngi niya. Agad siyang nagmulat. "Bakit nakabihis ka? Saan ka pupunta?"

"May aasikasuhin lang ako saglit."

"Saan?"

"Diyan lang sa Tagaytay."

"Sinong kasama mo? Anong oras na ba?"

"Isang kaibigan. Matulog ka pa, gabi pa. Nandito na ako bago umaraw."

Tumango na lang siya at pinabayaan itong umalis. Kung kailan wala na ito ay saka niya nais magwala. Hindi na siya nakatulog pa. Kung malinis ang intensiyon ng dalawa, bakit kailangan pang sa Tagaytay magpunta ang mga ito? Isa pa, bukod sa ilang gimikan ay wala namang ibang bukas na establisimyento sa Tagaytay sa ganoong oras maliban sa mga motel, apartelle, hotel, at lodge! It was one o'clock in the morning!

Sa loob ng ilang sandali ay nangibabaw sa puso niya ang galit hanggang sa mabilis iyong bumaba at ang nanatili ay lungkot. Ibayong lungkot. Tinangka niyang matulog muli ngunit nanatiling gising ang diwa niya kahit nanatili siyang nakahiga. Nang magsimulang magliwanag ay bumangon na siya, nagpalit ng damit, at nagpasyang maglakad-lakad.

Natagpuan niya ang sariling nakaupo sa ilalim ng isang punong mangga. Maraming isipin ang nag-uunahan sa kanya. Ilang pagkakataong mauulit ang nangyari kagabi? Hanggang kailan siya makakatiis? Bakit titiisin niya? Kung aalis siya, hindi rin ba siya magsisisi? Paano niya iyon ipapaliwanag sa mga magulang niya? Sunod-sunod ang pagkakamali sa buhay niyang maingat niyang inayos sa loob ng ilang taon.

Parang gumulong ang mundo niya mula sa itaas at ngayon ay naliligaw na iyon, hindi alam kung saan pupunta. And all because she fell in love with Baba. Napabuntong-hininga siya.

"Ang lalim naman niyan."

Agad siyang napalingon. Nakatunghay sa kanya ang lalaki. Halatang wala pa itong tulog bagaman may magandang ngiti sa labi. Tumabi ito sa kanya.

"Ano'ng problema?" tanong nito, tinangkang abutin ang kamay niya ngunit hindi niya naiwasang ilayo iyon dito. "Nagagalit ka bang umalis ako kagabi?"

"Hindi. Ano'ng karapatan kong magalit? In fact, I shouldn't even be here!" Nagulat din siya sa pagtaas ng tinig niya. At lalo na siyang nabigla nang magtuloy-tuloy ang pagdaloy ng mga salita sa bibig niya. "This relationship is doomed from the very start, Baba. Ano ba ang ginagawa natin, nagbabahay-bahayan?"

"Dulce—"

"Gusto kong sumubok tayo pero paano tayo magsisimula kung wala tayong matinong simula? Ang pundasyon natin, mga lihim, mga misteryo. At gusto kong makihati sa lahat ng 'yon pero wala akong magagawa kung ayaw mong sabihin. Pero at least dahil doon naintindihan kong masyadong maraming limitasyon ang relasyon natin. Honestly, I don't want a family like this. I don't want to spend the rest of my life with a stranger—who loves other women and has a lot of other things going in his life and..." Napabuga siya. "I can't do this, Baba. Aalis ka sa gitna ng gabi at makikipagkita kay Ramona, na alam naman nating dalawa kung ano ang trabaho. Nagse-service na ba siya ngayon, maybe like dial-a-whore? O may branch na siya dito?"

Bumuntong-hininga ito. "Pasensiya ka na kung hindi ko nabanggit na siya ang tinagpo ko kagabi. Iniisip ko kasi na baka iba ang isipin mo. Siya kasi ang pinakiusapan kong tumingin kay Enrique mula nang mawala sa puwesto si Candida."

"Wala akong mahiwagang bolang kristal para mahulaan kung sino si Enrique," anil niya. Inabot nito ang kamay niya bago pa niya iyon maiiwas, saka siya maingat na hinigit palapit dito. Idiniin niya ang palad sa dibdib nito ngunit hindi siya nito pinakawalan. Napabuga siya. "Fine! Paano ako lalaban, eh, parang pader ka?"

Hinagkan nito ang pisngi niya at napaismid siya kahit nadarama niyang magiging maayos ang lahat. Marahil dahil wala ang maskarang madalas isuot nito kapag ayaw nitong magsalita o magkaroon ng reaksiyon. May ngiti sa mga mata nito na nabahiran mayamaya ng kaba.

Bumuntong-hininga ito. "Anak si Enrique ng taong inutos sa akin ni Candida na tapusin noon. Siya iyong nakita mong lalaki sa farm sa Santa Fe, iyong gusto mong isumbong sa pulis."

Bigla siyang napasinghap. "No!"

Tumango ito. "Siya 'yon. Matagal na panahon na wala akong ideya kung nakita ang lahat, pero madali kong nahulaan noong magkita kami ulit. Masama ang tingin niya sa akin. Natural, hindi niya alam na si Candida ang nag-utos sa akin—"

"At bakit minahal mo siya, Baba? I don't understand! She's evil!"

"Makikinig ka ba talaga sa akin?" biro nito.

Agad siyang napipilan. Nagsimula itong isalaysay sa kanya ang lahat ng pangyayari sa buhay nito. Matagal itong naglahad at wala siyang nagawa kundi ang matulala rito. Soon, she was embracing him. Nabura na ang galit niya at napalitan ng pagnanais na damayan ito. How can life and people be so cruel to him? Ano ba ang nagawa nitong kasalanan at napagkaisahan ito ng tadhana at ng mga mapagsamantalang tao?

"Oh, Baba," sambit niya, ikinulong ang mukha nito sa mga palad niya.

"Pasensiya ka na sa akin, ha?" Hinaplos nito ang pisngi niya. "Na sumuko ako sa ating dalawa nang ganoon na lang. Humingi ako ng tawad sa mga magulang mo pero hindi ako makahingi ng dispensa sa 'yo. Nahihiya ako. Sabi ko sa sarili ko, babawi na lang ako. Ipaparamdam ko na lang sa 'yo na hinding-hindi na kita ulit pababayaan tulad ng ginawa ko."

"Baba..."

"Noong dumating ka sa Santa Fe, umiinom ako kasi iniisip kong ang laki kong tanga. Pinabayaan kong mawala sa akin ang taong mahalagang-mahalaga sa akin. Naging handa akong bumitiw. Kinausap kasi ako ng tatay mo. Naisip ko na baka tama siya, na baka kailangan kitang pabayaan dahil wala akong maipagmamalaki sa 'yo. Na mas bagay ka kay Joaquin. Pero naisip ko rin na maling-mali ako dahil siguro kahit paano may laban ako pero pinatalo ko nang ganoon na lang ang laban... Alam kong lumabas ka kasama si Joaquin. Alam kong matagal ka nang may gusto sa kapatid ko. Habang nakikilala ko siya, nanghihina ako dahil perpekto yata ang taong 'yon. At ako... alam mo kung ano ako."

"Diyos ko..." sambit niya. "I'm so sorry. Pero maniwala ka sa akin, walang namagitan sa amin ni Joaquin. Lumabas akong kasama siya para sabihin sa kanya na may iba akong nagugustuhan. Kasalanan kong hindi ko binanggit na ikaw 'yon. Natatakot pa ako noon. Para doon, pasensiya ka na. Oo, si Joaquin ang ideal man ko noon pero nang makilala kita, ikaw na ang minahal ko. Wala sa planong mahalin kita, Baba, at hindi ko alam kung paano ko dadalhin noong una—para doon, pasensiya ka na—"

Natigil ang pagsasalita niya nang hagkan siya nito—isang mainit na halik na dahilan para habulin nila ang paghinga. Pinasayad nito ang daliri sa kanyang pisngi, sa ilalim ng kanyang labi. "Naiitindihan ko, Dulce. Mahal na mahal kita."

Mahigpit niya itong niyakap. "Totoo? Totoong-totoo? Si C-Candida?"

"Minahal ko siya minsan, tulad ng sinabi ko sa 'yo. Pero mahirap magbulag-bulagan. Nang makita ko ang totoo, nahirapan akong patuloy siyang mahalin."

"Nandito siya noong nagpunta ako. You even have a garden named after her."

"Dinalaw niya ako. Alam kong nagdududa na rin siya sa akin. Alam kong iniisip niyang posibleng ako ang may koneksiyon sa NBI."

"You mean you...?"

Tumango ito. "Ako at si Gardo."

"Si Gardo?!" Dama niya ang panlalaki ng mga mata.

"Oo. Palabas lang namin 'yong usapan namin nang damputin ka nila. Sa palagay mo, bakit ko alam na plano ka nilang damputin noong araw na 'yon? Siya ang nagsabi sa akin. Matagal na naming pinaplano na malagay sa tama ang sistema ng Santa Fe. Masyado nang maraming taong naaauso. Sa katunayan, pangalawang pagsubok nang maaresto si Candida. Hindi natuloy iyong una dahil may nakapagbigay sa kanya ng tip. Alam ko ang posibilidad noon kaya kahit kailan hindi ako nagtiwala nang buo sa awtoridad. Salamat kay Papa, ipinakilala niya ako sa kaibigan niyang general. Siya ang humawak ng operasyon."

"And how do you feel about what happened?"

"Hindi ko ginustong mangyari ang ganoon sa kanya, pero lumaban siya. Tulad pa rin ng dati, pakiramdam niya kaya niyang gawin ang lahat. Nalulungkot akong hindi siya nagkaroon ng pagkakataong magbago, itama ang mga mali niya. Pero ganoon talaga ang mundo."

"Delikado ang ginawa mo. Paano kung nalaman nga niyang ikaw pala ang nasa likod ng lahat ng 'yon? I mean, she could've stabbed your chest while you were sleeping and you allowed her on your bed!" bulalas niya nang tumimo sa isip ang sinabi nito.

Tumawa ito. "Wala ka nang dapat alalahanin. Hindi rin ako tulog noong nakita mo kami... Pareho pa rin ang estilo niya sa noon—manunuyo, maglalambing, parang anghel. At pinabayaan ko siya, nakikiramdam sa kanya, tinatantiya kung may hakbang na siya. Sa isang banda, tama ka. Kung nakompirma niyang ako ang nasa likod noon, malamang wala na ako ngayon. Alam kong gusto niya akong gamitin ulit, pabalikin sa Santa Fe para ayusin ang lahat ng gusot na hindi man niya nakikita ay nararamdaman na niya. Pero sa isang banda siguro, iniisip niyang tulad pa rin ako ng dati. Na mahal na mahal ko pa rin siya kaya ako nagbalik sa Santa Fe."

"And those three years you were in Santa Fe to obtain more evidence?" tanong niya.

Umiling ito. "Matagal nang buo ang ebisensiya sa kanya. Iyong tatlong taon ko sa Santa Fe, iniisip niyang inilaan ko doon para magkalapit pa rin kami ulit. Mahusay siyang magpaasa at kung mahal ko pa siya, siguradong inisip ko pa rin na magkakatuluyan kami. Sa isang banda, maganda na ring tumagal ang operasyon, nagkaroon ng paraan para maiiwas ko si Enrique sa mga asunto. Isa pa, inaayos ko ang libingan ng nanay ko. Gusto kong bilhin ang bahaging iyon ng bundok, iyong pinaglibingan sa kanya."

"Oh, God..." aniya, may naalala. "Nabanggit mong kasama ni Ramona kagabi si Enruqie? Nasaan na siya ngayon?"

"Umuwi na sa Santa Fe. Siya ang pinamahala ko sa farm doon. Medyo matagal kong kinumbinseng 'wag nang magpakalayo. Ginusto lang niya akong makausap para humingi ng dispensa."

Nabigla siya. "He knows then? He believes you?"

Tumango ito. "Mahirap hindi maniwala sa autopsy ng tatay niya, idagdag pa ang mga ebidensiya laban kay Candida. Ibinigay ko rin sa kanya ang perang ibinigay sa akin noon ni Lucas. Ayaw niyang tanggapin. Ayaw ko ring itago. Malamang i-donate na lang sa ospital ng Santa Fe."

"You are such a sweetie, aren't you? One of a kind." Dinampian niya ng halik ang mga labi nito. "But Enrique must be very heartbroken knowing that he was used."

"Titibay siya doon."

Ipinatong niya ang ulo sa balikat nito. "Si Ramona, Baba? Close kayo? Dati pinuntahan mo siya."

"Noong gabing iniwan kita saglit? Naghahanap lang ng makakausap. Iba naman ang inisip mo. Dati, noong bagong baba ako may nangyari pero hindi na naulit 'yon. Disi-siete pa lang ako noon."

"May gusto siya sa 'yo. Alam ko, sinabi niya kahit hindi direkta."

"Sa palagay ko, tanggap na niya na kailangan niyang humanap ng iba. Balita ko kagabi, lumalabas-labas sila ni Gardo. Wala na rin daw siya sa Paraiso. Masaya ako para sa kanila."

"What now?" tanong niya.

Ihinugpong nito ang mga daliri sa mga daliri niya, itinaas ang kamay niya sa mga labi nito upang hagkan. "Hindi ako perpektong tao, Dulce. Maraming bagay sa buhay ko ang gusto kong baguhin pero hindi ko na magagawa. Madilim ang nakaraan ko pero maliwanag ang mga susunod na araw at taon mula nang makilala kita. Gusto ko sanang pakasalan ka, kung... kung papayag ka."

Umunat siya, tumingin dito, halos mabingi sa lakas ng pintig ng puso niya. "I know I just heard a proposal."

Ngumiti ito. "Wala nang mas magiging masaya pang lalaki sa akin kung pakakasalan mo ako, Dulce. Pumapayag ka ba?"

Napaluha siya, nakatawa, tango nang tango bilang tugon. May bumikig sa lalamunan niya at natagalan ang pagsagot niya ng, "Oo. Of course, Baba, I will marry you! Kahit saang simbahan!"

Siniil nito ng halik ang mga labi niya. Batid niya sa puso niya na kahit na ano pang pagsubok ang dumating ay malalagpasan nila iyon. Heto na ang buong kaligayahan niya sa wakas. Si Baba.

"Padaba taka, Baba," sambit niya. Naitanong niya sa Bicolano nitong tauhan kung ano ang "Mahal kita" sa wika ng mga ito. Hindi niya malimutan ang pinanggalingan ng pangalan ni Baba.

Malapad ang naging pagngiti nito, nakakaunawa. Marahil naitanong din nito iyon sa tauhan. "Padaba taka, Dulce. At mamahalin habang-buhay."

Wakas

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro