Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 24

Chapter 24

Hindi tulad ni Mayor Lucas Villacorte, si Delfin Magno ay hindi nangangailangan ng maraming alalay. Alam ni Baba na iisa ang bodyguard nito na siyang driver din. Naghintay siya sa labas ng bahay na tinutuluyan nito, nakitang umalis ang driver at isang kawaksi, sakay sa kotse ni Delfin. Marahil inutusan ang mga itong umalis. Ang pinakamalapit na tindahan ay malayo. Magagawa niya ang pakay bago pa makabalik ang dalawa. Maingat siyang lumapit sa bahay. Saulado niya ang bahay na iyon sa makailang ulit na niyang pagparoon.

Nagawa niyang buksan ang kandado ng pintuan sa likod ng bahay at maingat na nakapasok doon. Narinig niya agad ang tunog na nagmumula sa sala. Bukas ang telebisyon. Maingat siyang naglakad patungo roon hawak ang kanyang baril, bawat galaw ay alerto, maingat, sanay.

"Daddy, lagyan mo ng pandikit dito."

Lahat ng determinasyon at apoy sa puso niya ay naglaho nang marinig ang tinig na iyon ng isang batang lalaki. Wala siyang nakikitang taong nakaupo sa sofa ngunit nagmumula ang tinig sa bandang iyon. Lumapit pa siya at nakitang nakaupo sa sahig si Delfin, kausap ang anak nitong marahil ay siya o walong taong gulang. Noon lang niya nakita ang bata. Sa pagkakaalam niya ay may anak nga ang abogado bagaman pumanaw na ang asawa nito. Hindi siya napansin ng dalawa dahil nakakubli siya sa poste at madilim na, maliban sa sala kung saan nakabukas ang malamlam na liwanag.

"Daddy, paliliparin ba talaga natin itong saranggola bukas?" wika ng bata.

"Basta't nangako ang Daddy, tinutupad niya. Sa isang taon gagawa tayo ng malaking-malaki, ilalaban natin sa kite festival."

"Sige, Dad! Kapag ba nagpalipad ako ng saranggola, makikita ni Mommy?"

"Siyempre. Lahat ng ginagawa natin, nakikita ni Mommy kasi nasa heaven na siya. Lahat ng bagay makikita mo kapag nasa heaven ka."

Biglang-bigla, para siyang tinarakan sa dibdib sa alaalang biglang nabuhay sa isip niya. Ilang panahon na niyang hindi naaalala ang eksenang iyon, walang tunog ang alaala, animo isang malinaw na palabas sa telebisyon—makulay at buhay na buhay. Mga diyaryo sa lapag, gunting, pandikit na nasa lata ng gatas. Ang kanyang ina, nakangiti sa kanya. Gumagawa sila ng saranggola...

"Ano'ng ginagawa mo rito?" si Delfin.

Nagbalik ang pagiging alerto siya, nais magalit sa sarili na sa gitna ng importanteng misyon ay nawala siya sa sarili. Agad na itinutok niya ang baril sa lalaki. Pilit niyang tinandaan na ang lalaking ito ang nagsamantala sa pinakamamahal niya.

"Daddy, sino po 'yon? Daddy?" tanong ng batang tila nais kumawala mula sa ama nito at dahil pumalag ito ay lumuwag ang kapit dito nito Delfin. Tumayo ang bata, humarap sa kanya. "Sino po kayo?" tanong nito.

Ang mga mata nito... Marahil habang-buhay niyang maaalala ang mga inosente ang malalaking matang iyon, may bahid ng takot.

"Enrique, tumaas ka na sa kuwarto mo. Ngayon na," wika ng abogado sa bata.

Lumingon ang bata sa ama nito, saka muling tumingin sa kanya. Tahimik nitong dinampot ang hindi pa gawang saranggola at pumihit. Tumaas na ito sa hagdan. Binalingan siya ni Delfin, umaatras ng lakad kahit wala rin itong maaatrasan—isang mataas na mesa ang nasa likuran nito. Natural, kilala siya ng lalaki. May galit na nakasulat sa mukha nito.

"Isang tao lang ang naiisip kong maaaring nagpapunta sa 'yo rito—"

"Tumahimik ka," mahinahon, halos-bulong na sambit niya. Gulong-gulo ang kalooban niya sa mga sandaling iyon.

"Bakit, ayaw mong marinig ang totoo? Totoo pala ang mga sabi-sabi, ano? Na mula sa mga sundalo ng ama niya, lumikha ng sarili niyang sundalo si Candida—"

"Tumahimik ka," muli ay babala niya rito at nabigla nang mula sa likuran ay ilantad nito ang kamay. May hawak na iyong baril. Sa labis na emosyon ay hindi niya napansin iyon. Marahil kinuha nito ang baril mula sa drawer ng mesa.

"Ang babaeng 'yon ang..." Natigil ang pagsasalita nito, natutop ang dibdib at napahakbang. Bakas sa mukha nito ang sakit na biglang nadama. Isang ungol ang kumawala sa labi nito, kasabay ng pagdaklot sa dibdib. Napaluhod ito, dalawang kamay ang naihawak sa dibdib, saka bumagsak pataob sa sahig at nakarinig siya ng putok. Pumutok ang baril na hawak nito.

Agad niya itong itinihaya at nakitang may tama ng bala sa bandang itaas ng dibdib ng lalaki. Pinulsuhan niya ito. Patay na ito. Hindi ang baril ang nakapatay dito, tiyak niya. Aksidente marahil na nakalabit ni Delfin ang gatilyo na siya ring tumama rito at ngayon ay dahilan upang maglawa ng dugo roon.

Nang makarinig ng ingit mula sa hagdan ay napatingin siya roon. Ang anak ni Delfin. Nakahawak ito sa parilya na tila ba ito nakakulong doon. Nakatingin lang ito sa amang nasa lawa ng sarili nitong dugo, walang reaksiyon. Tinakbo niya ang bata at dinala sa isang silid. Tulala lang ito, hindi nagsasalita, wala pa ring reaksiyon at parang naestatwa na. Hinawakan niya ito sa balikat.

"Kapag dumating ang tamang panahon, maiintindihan mo rin ang lahat."

Ayaw sana niya iyong iwan ngunit narinig niya ang tunog ng isang sasakyan. Tinakbo niya ang kanyang motor. Pinasibad niya iyon ay nagbalik sa Sitio Santol, magulo ang isip dahil sa batang iyon. Pagdating niya sa kubo ay wala na roon si Candida bagaman nag-iwan ito ng isang maiksing sulat: Baba, nagpunta ako sa Maynila. Bukas, tutulak ako pa-Hong Kong. Kailangan kong mag-isip, pero hindi ako magtatagal. Lumuwas ka, lumayo. Alam mo na kung bakit. Aayusin ko muna ang lahat pagbalik ko. Magpalamig ka muna. – Candida

ILANG minutong pinagmasdan lang ni Baba ang sulat ni Candida, halos hindi makapaniwala sa nilalaman noon. Dapat silang mag-usap, dapat na planuhin na kung saan sila pupunta. Talaga bang iniisip nitong magpapatuloy pa ang ganoong buhay nila sa bayan na iyon? Na kapag "nakapagpalamig" siya ay makukuha nito ang kapayapaan sa Santa Fe? Hindi ganoon ang usapan nila kanina. Ang sabi nito ay tatakas na sila.

Higit sa lahat, bakit tila napakalamig ng sulat na iyon?

Nagtungo siya sa bahay nina Candida para lang malaman na tulad ng sinabi ng babae sa sulat nito ay umalis na nga itong talaga, may dalawang oras na raw, ayon sa isa sa mga bodyguard ng pamilya. Samakatuwid ay umalis ang babae sa kubo sa sandaling iwan niya ito roon.

Umuwi siya sa bahay. Natutop niya ang noo, unti-unting tumitimo sa isip kung ano ang implikasyon ng ginawa niya. Magsasalita ang anak ni Delfin... Nasaksihan ba nito ang buong pangyayari? Hindi niya alam. Ang tiyak niya ay matutukoy siya. Kahit pa magkaroon ng autopsiya ay magtataka pa rin ang mga ito kung bakit siya naroon. Alam din ni Lucas na kaya niyang palabasing mula sa baril ni Magno ang balang tumama rito.

Inilagay niya sa peligro ang buhay ni Macario.

Agad siyang nag-empake ng damit ng bata, saka nagtungo sa Paraiso. Nang makita niya si Ramona ay nakiusap siya ritong ilayo si Macario ora mismo. Binigyan niya ito ng makapal na sobreng naglalaman ng pera. Halatang nabibigla ang babae ngunit determinado itong makatulong. Pumayag ito.

"Maraming-maraming salamat, Ramona. Maraming salamat," sambit niya.

Muli siyang umuwi, lito. Hindi na niya masusundan si Candida, natitiyak niya. Lalabas ito ng bansa at siya ay ni walang passport. Kung maghihintay siya roon ay maaaring mapahamak siya. Sino ang mag-aalaga kay Macario? Kung aalis siya ay makikita at makikita siya ng mga tauhan ni Lucas. Sa isang iglap, maging ang kakarampot na kapayapaan sa buhay niya ay naglaho.

Sumilip siya sa bintana nang mararinig ng ingay sa labas. Nakaparada na ang apat na sasakyan na pag-aari ni Lucas Villacorte sa labas. Napamura siya. Nakarinig siya ng pagkatok sa pinto.

"Alam kong nandiyan ka, Baba." Tinig iyon ni Lucas. Mismong si Lucas. Nabaghan siya. "Buksan mo ang pinto. Mag-uusap tayo."

Maingat niyang binuksan ang pinto, hawak ang baril. Nag-iisa si Lucas, ang mga alalay ay nanatili sa mga sasakyan. Ibinaba niya ang baril. May bitbit na bag ang lalaki.

"Huwag kang mag-alala, hindi sila papasok. Gusto kitang makausap."

Isinara ang pinto nang makapasok ito. Naupo ito sa sofa, inudyukan siyang maupo rin. Ipinatong nito ang bag sa mesa. "Para sa 'yo 'yan, Baba."

Hindi siya umimik, nakikiramdam. Bumuntong-hininga ang matanda, saka nagpaliwanag. "Ituring mong gantimpala iyan sa matapat mong serbisyo sa loob ng pitong taon. Isa lang ang hihilingin ko sa 'yo—ang umalis ka sa Santa Fe at 'wag nang makipag-ugnayan sa anak ko. Iyon lang, Baba."

"Puwede mo akong tapusin ngayon din. Pareho nating alam 'yan."

"Iyon ang gagawin ko kung hindi mo tatanggapin ang alok ko kaya mamili ka."

Tumango siya. Tumayo na ito. Bago umalis ay may isa itong habilin, "Ayoko nang makita ka sa Santa Fe, naiintindihan mo?"

Muli, tumango siya. Tuluyan na itong umalis. Sumilip lang siya sa bintana at nakitang umalis na ito, kasama ang mga alagad. Binuksan niya ang bag. Punong-puno iyon ng salapi. Ngunit batid niyang hindi niya iyon matatanggap. Hindi niya kayang iwan si Candida. Ang isiping hindi na niya ito makikita kailanman ay labis-labis ang sakit na idinulot sa puso niya. Gumayak siya. Hahanapin niya ang babae. Mag-uusap sila. Tatakas sila. Hindi niya alam kung paano, ngunit gagawa sila ng paraan.

"ANO'NG ginagawa mo rito, Baba?"

Hindi inasahan ni Baba ang reaksiyon ni Candida sa kanya. Ilang araw na niya itong tinitiyempuhan. Lumuwas siya ng Maynila. Alam niya kung saan naroon ang bahay ng mga ito. Ang hindi niya inasahan ay naroon pa ang babae gayong buong akala niya ay nagtungo na ito sa ibang bansa. Sa isang banda ay nakaganda iyon sa kanyang plano sapagkat hindi niya ito makikita sa ibang bansa.

Halos isang linggo na siyang nag-aantabay sa labas ng bahay nito, hindi makatiyempo sa napakarami nitong bantay. Kanina lang nabawasan iyon at sinamantala niya ang pagkakataon upang pumuslit papasok ng bahay. Hindi iyon madaling gawin dahil dalawang bantay pa rin ang nakaistasyon doon.

"Hindi kitang tinawagan, pero iba ang nakakasagot. Hindi ako puwedeng tumawag nang tumawag dahil makakahalata sila. Kumusta ka na?"

Nais niya itong yakapin, hagkan. Sabik na sabik siya sa mga planong nabuo niya habang hinihintay ang pagkakataong magkausap silang muli, tulad nito. Ngunit ang pananabik niya ay parang lobong tinusok ng aspile. Walang pananabik ang reaksiyon nito sa kanya. Ni hindi ito mukhang nababahala. Kung may emosyon ito, iyon ay ang tila iritasyon. Nakataas ang mga kilay nito, nakataas ang isang sulok ng labi.

"Ayos lang. Ikaw? Ano'ng ginagawa mo rito? Sinabi ko sa 'yong lumuwas ka at magpalamig, hindi lumuwas at pumasok sa kuwarto ko."

"Walang nakakita sa akin. Kaya kong lumabas. Sana maintindihan mong ito lang ang paraan para magkausap tayo." Hindi niya alam kung bakit kailangan nitong ipahiya siya sa mga salita nito. Oo at bawat tao ay nangangailangan ng pribadong sandali ngunit batid nito ang sitwasyon. "Kailangan nating mag-usap, Candida."

Bumuntong-hininga ito, saka itinuro ang isang silya sa kanya. Naupo ito sa kama. Napakalayo. Napakalayo nilang dalawa at damang-dama niya iyon. Gayunman, naisip niyang baka labis din ang pagkabalisa nito sa nangyari.

"Binigyan ako ng pera ng Daddy mo para iwasan ka."

Bigla itong tumayo. "How dare he!"

Kahit paano ay nabuhayan siya ng loob sa reaksiyon nito. Tumango siya. "Huwag na raw akong babalik ng Santa Fe. 'Wag na raw akong makipag-usap sa 'yo. Pero hindi ko kaya, Candida. Naisip ko, puwede tayong lumayo. Tayong dalawa at si Macario—"

Hindi siya nito pinatapos, "Nakakatuwa na naisip mo ang ganyang bagay pero tanggapin natin ang isang katotohanan dito—hindi ka matatanggap ng pamilya ko."

"Lalayo tayo sa kanila—"

"Gusto mong iwan ko ang pamilya ko at sumama sa 'yo?"

Natigilan siya. Sa isip niya ay para bang makatwiran ang mga iyon ngunit ngayong nagmula sa bibig ng babae ay para bang naging malaki siyang tanga, walang konsiderasyon dito. "Naisip ko... hindi ka totoong masaya sa piling nila. Hindi sila magandang impluwensiya... At sinabi mo rin sa akin na tatakas tayo, hindi ba? Sumang-ayon ka sa akin."

"Dahil masamang-masama ang loob ko. Pero... ang umalis ako at magtago habang buhay kasama ka? May pera ka, nandoon na ako. Pero higit doon ang kailangan ko. Alam mo 'yan. Anong klaseng buhay ang maibibigay natin sa magiging anak natin? Nagtatago tayo habang-panahon—"

"Hindi habang panahon—"

"Puwes ilang taon? Lima, sampu? Dalawang dekada? Ano, hihintayin mong mamatay ang Daddy ko? O hihintayin mong patawarin niya ako na sumama ako sa 'yo at iniwan siya nang ganoon na lang? Balikan mo ako, Baba. Balikan mo ako kapag naayos mo na ang buhay mo. Bata pa tayo. Hihintayin kita."

At bagaman tila suntok iyon sa dibdib niya ay batid niyang tama ito. Wala siyang pinag-aralan, walang trabaho, ni walang pangalan. At napakalakas ng loob niyang yayaing magtago ang babaeng ito, ang prinsesang ito.

"Babalikan kita, Candida. Pangako," sambit niya.

"ANO'NG ginagawa niya rito, Ramona?"

Napamura sa isip si Baba nang makita ang babae sa farm na kasama si Gardo. Sa lahat ng tao, si Gardo pa. Isa ito sa mga tauhan ng mga Villacorte. Pinapunta niya si Ramona sa farm dahil nais niya itong tulungan na magbago ng hanap-buhay. Sa katunayan ay matagal na niya itong kinukumbinse, mula pa nang mabili niya ang farm may pitong taon nang nakakaraan. Ngayon lang ito pumaroon. At kasama nito si Gardo. Wala siyang dalang baril, walang anumang hawak upang ipagtanggol ang kanyang sarili.

"Wala kang dapat alalahanin sa akin, Baba," anang lalaki.

"Gardo, pabayaan mo akong kausapin si Baba," wika ng babae sa lalaki na tumango at lumabas. Binalingan siya ni Ramona. "Nag-aalala ako sa 'yo, Baba. Matagal na."

"Kaya dinala mo rito ang isa sa mga alagad ng taong gusto akong patayin?"

"Hindi. At nagkakamali ka. Kung gusto kang patayin ni Lucas, noon pa niya ginawa. Alam mo 'yan. Isa pa, hindi na rin iyon makakayang gawin ni Lucas. Alam kong nagbabalak kang bumalik sa Santa Fe, nabanggit mo sa akin—"

"Anong ibig mong sabihing hindi na niya kayang gawin?" agaw niya.

Mapaklang ngiti ang kumabit sa mga labi nito. "Hindi ko binanggit sa 'yo dahil alam kong maiisip mong bumalik. Imbalido na si Lucas," anito. Labis niyang ikinabigla iyon. Sa isang banda, nabuhayan ang loob niya. "Nangyari iyon nang magbalik si Candida para maghandang tumakbo sa eleksiyon. Hindi ba niya nabanggit sa 'yo?"

Matagal bago siya nakatugon. "Ayaw niya sigurong mag-alala ako sa kanya."

"Kunsabagay, ano ba ang alam mo kay Candida bukod sa mga bagay na ginusto niyang ipaalam sa 'yo? Ikaw ang una niyang eksperimento, Baba."

Sumiklab ang galit niya. "Magkaibigan tayo, Ramona, at hindi ko inaasahan—"

"Magkaibigan tayo kaya ko ito sinasabi sa 'yo!" singhal nito. "Bakit kita ipapahamak?! Sa lahat ng nagawa ko, iniisip mong hindi ko gustong makita kang masaya? Iniisip mo sigurong dahil... dahil sa damdamin ko para sa 'yo. Pero tanggap ko kung ano ako, Baba. Mukhang hindi ganoon ang kaso sa 'yo."

"Mahal ako ni Candida," giit niya. Sa loob ng nakaraang mga taon ay bumuo siya ng buhay na para sa kanilang dalawa sa hinaharap. Nakuha na niya ang diploma niya. Plano na niyang balikan ang babae.

"Kaya ba nandoon siya at narito ka?"

"Kung nalaman ko lang ang nangyari sa tatay niya, napuntahan ko na sana siya! Nagkakausap kami. Tinatawagan ko siya at hindi pa rin nagbabago ang mga pangarap namin. Nagkataon lang na mabigat ang responsibilidad niya." Sa nakalipas na ilang taon ay makailang ulit din silang nagkita ni Candida, parating palihim, tulad ng noon.

"At sa pag-uusap ninyo, hindi man lang niya nabanggit na imbalido na ang tatay niya? 'Wag kang magbulag-bulagan, Baba. Ginamit ka lang niya para patayin si Delfin. Itinuring ka niyang personal niyang sundalo—tapat, gagawin ang lahat para sa kanya. Si Lucas mismo, takot sa anak niya. Itanong mo pa kay Gardo."

Umiling siya. Hindi iyon totoo. Hindi niya iyon matatanggap. Nagpatuloy ang babae. "Bakit ka hindi pinapatay ni Lucas? Dahil alam niyang gagantihan siya ng anak niya. At siguro naisip ni Candida na hindi ka niya mabibili kaya kinuha ka niya sa ibang paraan, hindi tulad ng paraang ginamit niya sa pagpatay kay Juanito."

Nabigla siya. "Wala na si Juanito?"

"Ilang gabi matapos mamatay ni Delfin, pinatay si Juanito ng isang tauhan niya. Ang tauhang iyon ay isa na ngayon sa mga personal na sundalo ni Candida."

"Hindi 'yon kayang gawin ni Candida."

"Talaga? Kaya ba inutusan ka niyang patayin si Delfin?"

"Masamang tao si Delfin. Tinangka niyang pagsamantalahan si Candida..."

"Bakit gagawin ni Delfin iyon sa prinsesa ng mga Villacorte? Naisip mo ba 'yon?"

Hindi siya nakaimik dahil aminado siyang sa loob ng ilang taon ay parang bangungot sa isip niya ang mga salitang iniwan sa kanya ni Delfin. Pilit niya iyong iniignora, iniisip na sinasabi lang iyon ng isang taong desperado na sa pag-iisip na katapusan na nito.

"Ano ang pakay mo sa pagsasama kay Gardo?" sambit niya.

"Gusto na niyang umalis sa grupo. Pero natatakot siya. Tulad mo noon. Nag-iipon siya ng ebidensiya laban kay Candida."

Tinawag ng babae si Gardo. Ibinigay sa kanya ng lalaki ang isang bag na naglalaman ng limang brown envelope. Matagal nang nakaalis ang dalawa ay parang ayaw pa niyang tuklasin ang laman ng envelope ngunit kailangan. Lahat ng naroon—mula dokumento hanggang mga larawan, lahat ay nagsasabi sa kanyang ilang ulit na higit ang kasamaan ni Candida kumpara sa ama at lolo nito.

At masakit man ay kailangan niyang tanggapin—ginawa lang siyang tau-tauhan ni Candida. At marahil hanggang ngayon ay alipin siya nito kung hindi lang niya ipinakita rito ang rubdob ng damdamin niya para rito. Batid nitong magiging sagabal siya sa lahat ng plano nito dahil iba ang pangako nila sa isa't isa kaysa sa buhay na mula simula ay plano pala nitong tahakin.

Sumpa nito ay mamahalin siya, na bubuo sila ng mapayapang buhay. Isang anghel ang tingin niya rito. Wala siyang kamalay-malay na sa wala palang puso ang babae.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro