Chapter 22
Chapter 22
Hindi manhid si Dulce upang hindi madama na nanglalamig si Baba sa kanya. Kahit nag-uusap sila sa phone, hindi iyon nagtatagal at kadalasan ay siya ang tumatawag dito. Nais sana niyang isiping abala lang ito sa farm, na baka nagkaroon lang ng kaunting aberya doon, ngunit halos tatlong linggo na silang hindi nagkikita. Noong isang araw ay sinabi nitong uuwi na sa Maynila at naghintay siya sa pagdating nito para lang tumawag ito at sabihin sa kanyang hindi na ito matutuloy. May inaayos daw ito.
Ilang ulit na siyang nagsabing pupuntahan niya ito ngunit parati na'y marami raw itong ginagawa at hindi rin siya maasikaso. She felt terrible. Sa bawat umagang gigising siya ay masama ang timpla niya. Sinisisi rin niya ang stress dahil parating mabigat ang pakiramdam niya.
Baba, what's wrong, for crying out loud?
Nitong nakaraang ilang araw ay naisip niyang kailangan na niyang maipakilala ang lalaki sa mga magulang niya. Mas lalo lang lalaki ang hinanakit ng mga magulang niya kapag hindi niya ipinakilala sa mga ito si Baba. Tiyak niyang maiisip ng kanyang ama na may relasyon na sila ng lalaki ay hindi pa rin ito nagpapakilala sa dalawa. Ngunit ganitong ang hirap makausap ng lalaki at parati itong abala, mas lalo siyang nape-pressure.
Lunes na naman. Simula na naman ng linggo. At aandar ang linggong iyon na tiyak maraming trabaho sa farm nito. Linggo ang day off ng mga tauhan kaya't marahil sasabihin nitong sa Linggo na lang sila magkita. Hindi talaga ganoon si Baba.
Napabuntong-hininga siya at nang makapag-ayos, sa halip na tumuloy sa opisina ay nagpasya siyang hanapin na ang farm ng lalaki sa Alfonso, Cavite. Hindi na niya ito kaya. She missed him terribly.
Umalis siya sa bahay ng pasado alas-nuebe ngunit matindi ang traffic sa Coastal Road. Nakaratingsiya sa bayan ng Alfonso ng pasado alas-dose na. Looban ang farm nito at eksaktong ala-una siya nakarating doon.
It was not like the farm she had envisioned at all. Hindi iyon simple, tulad ng sinabi ng lalaki. Mayroong gusali sa labas niyon na bagaman maliit lang ay nagsasabi sa kanya na malaking negosyo iyon. Isa iyong dairy farm at madali iyong hanapin. Mukhang bukas sa lahat ang farm at kakatwang may lima silang sasakyan na pumasok doon. May paradahan sa loob ng tarangkahan.
Pagbaba niya ay napansin niyang ang laman ng ibang sasakyan ay mga namamasyal. Natural na ikinasorpresa niya iyon at nais niyang magduda kung tama ang napuntahan niyang lugar. Sumunod siya sa grupo at ilang hakbang pa ay may nakita siyang isang maliit na istasyon na mayroong nakaukit na "information." Nakangiti ang babaeng naroon.
"Ito 'yong Casa de Labranza?" tanong niya sa babae. Ayon kay Baba, si Macario raw ang nagpangalan sa farm. Ang ibig daw sabihin niyon ay "farm" o "house of tillage." Kaya niyang makita sa isip niya ang isang Baba na ipinapaubaya kay Macario ang pagpapangalan sa lugar.
"Yes, Ma'am. First time po ninyo dito?"
Agad siyang tumango. Inabutan siya nito ng isang brochure. Nakatala roon ang iba't ibang bagay na maaaring gawin sa farm—may pottery class para sa matatanda at bata, mayroong nagtuturo kung paano magtanim ng mga organic na gulay, at mayroon ding schedule ng cooking class bagaman twice a month lang iyon.
She was stunned.
"Gaano katagal nang may ganitong ino-offer na workshop dito?" aniya.
"Two years na, Ma'am. Dati kakaunti lang din po ang mga guests. Baka po next year maglagay na rin kami ng mga cottage dahil marami pong gustong mag-overnight dito."
"I see. So it's okay to walk around?"
Tumango ito at itinuro sa kanya kung nasaan ang greehouse na bukas para sa lahat, gayundin ang barn kung saan makikita kung paano ginagatasan ang mga baka, at ang organic garden. Mayroon ding tindahan doon na nagbebenta ng mga binhi at sapling, at mayroon ding maliit na tindahan ng sariwang gatas; kesong gawa sa gatas ng kambing; kalabaw at baka; at mga gulay.
Wala na siyang makuhang sabihin pa. Intensiyon ba ni Baba na gawing sorpresa ang lahat ng ito sa kanya? Bakit hindi nito sinabi? Bakit ang sabi nito ay maliit lang daw ang lupa nito? Bagaman sa nakikita niya ay hindi nga iyon kasing-laki ng ibang farm ngunit iyon ay ang bahagi lang na para sa mga bisita. Mayroong bahagi kung saan mayroong mataas na bakod at karatulang nagsasabing "off limits." Mataas ang bakod at higit na mataas ang halamang nasa likod niyon, tinatakpan ang tanawin sa likod.
Hiling niyang sana ay mawala na ang masamang kutob sa dibdib niya, lalo na nang mapadaan siya sa ubod-gandang greenhouse at mabasa ang karatula sa labas niyon: Jardin de Candida. The name was very familiar. Nagkataon lang ba na kapangalan iyon ng mayora?
Nang may makita siyang lalaking may hilang renda ng kabayo ay pasimple siyang sumunod doon. Binuksan niyon ang gate na off limits sa mga bisita. Naghintay siya ng ilang minuto bago sumunod. Hindi naka-lock ang gate. Marahil sapat na ang karatula para panatilihin sa labas ang mga bisita.
Ilang malawak na lupain ang natanawan niya, puro puno, bagaman mayroong pathway na siyang dinaanan niya. Hindi na niya makita ang mamang pumasok doon kanina. Hanggang sa dumalang nang dumalang ang mga puno at matanawan niya ang isang simpleng bahay sa gitna ng parang. And it looked exactly like how Baba described it. Para siyang nakahinga nang maluwag at tinungo na iyon. Lagot sa kanya ang lalaki na hindi nito sinabi sa kanya na napakalaki pala ng potensiyal ng farm nito at dinarayo ng mga local tourists.
Ngiting-ngiti na siya sa puntong iyon sapagkat nangibabaw sa kanya ang pananabik na makita ang lalaki. Masaya rin siya sapagkat batid niyang kapag nakita ng kanyang ama ang lugar na ito ay matutuwa ang matanda. Halos takbuhin na niya ang bahay bagaman nang makapasok sya sa mababang picket fence ay tiniyak muna niyang maayos ang kanyang buhok at hindi oily ang mukha.
Marahan siyang kumatok saka sinubukang buksan ang pinto. Hindi nakapinid ang seradura. Mukhang walang tao sa loob. Tumuloy na siya, bahagyang nagtataka. Hindi tipikal kay Baba ang iwang buksan ang pintuan, gayunman ay naisip niyang marahil ay kampante ito sa lugar na iyon. Malayo iyon sa Santa Fe, bukod sa marahil ay iilang tao lang ang nakakaalam na pag-aari iyon ni Baba.
Napangiti siya nang makita ang pintuang tiyak niyang daan patungo sa silong. Ganoong-ganoon ang pakakalarawan sa kanya ni Baba roon. At ang silong, tulad ng napag-usapan nila ng binata, ay gagawin niyang workshop. Yes, she can live here. She would be happy to.
Tinungo na niya ang iniisip niyang silid ng binata. Pagbukas niya ay sinalubong siya ng malamig na hanging mula sa aircon. At parang nanglamig din ang kalamnan niya at napatulala sa nakita—si Baba, pantalon lamang ang suot, katabi si Candida na nakahilig sa dibdib nito, natatakpan ng kumot ang katawan. Natutulog ang dalawa.
Bigla ang pag-alsa ng galit niya na marahil kung may dala siyang armalite ay butas na ang kisame ng silid sa pagratrat niya doon. But she found she too stunned to move. Hayun siya at nakatitig lang sa dalawa, hanggang sa magmulat ng mata si Baba at halatang nabigla itong makita siya roon. Agad itong tumayo.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong nito, blangko ang mukha.
"Ano'ng ginagawa mo?" sambit niya nang sa wakas ay matagpuan niya ang tinig niya. "What the hell are you doing with that woman, Baba?"
Noon nagising si Candida. Tumingin ang babae sa kanya, may tila nababagot na eskpresyon sa mukha. Mabilis na nagsuot ng kamiseta si Baba, saka siya hinawakan sa braso upang ilabas sa silid.
"Don't you dare touch me!" singhal niya rito, sabay bawi sa braso. "Explain this! Now!"
"Sa labas na tayo mag-usap," anang lalaki, nagpatiuna sa paglabas ng silid.
Sa loob ng ilang sandali ay hindi niya alam kung ano ang gagawin. Dapat ba siyang sumama rito o mas tamang pagsasampalin niya si Candida? Sa huli ay masamang tingin ang ipinukol niya sa babae. Hindi pa siya tapos dito. Sa katunayan, marami itong atraso sa kanya.
Malalaki ang hakbang na pinuntahan niya si Baba. Galit na galit siya rito. Halos hindi siya makapaniwala na ito ang lalaking ipinagtanggol niya sa ama at kaibigan niya. Kaya pala busy ito parati, busy sa pakikipaglampungan! At kay Candida! That woman almost had her raped and killed! Kaya pala kay daling nagawa ni Baba na "arborin" siya rito. Was it their plan all along?
"How dare you," sambit niya, nakakasugat ang talas ng tingin dito.
"Mali ang iniisip mo."
"Ah, talaga? Gawain mo lang na magpatulog ng babae sa kama mo habang nakayakap sa 'yo?"
"May kailangan lang siya sa akin."
"I bet!"
Bumuntong-hininga ito, hinagod ng mga daliri ang buhok. Kung hindi siya halos umusok sa galit, marahil naisip niyang gusto rin niya ang ganoong anggulo nito. Dumaan iyon sa isip niya at lalo na siyang nabuwisit. Here she was, truly, madly, deeply in love with the philanderer of the century!
"I hate you so much, Baba. So much!" singhal niya. Nanginginig siya ngunit kakatwang hindi sumama ang tinig niya.
Bumuntong-hininga ito, pinakatitigan siya at sinalubong niya ang titig nito. Lumabas na ang ilog ng mga isipin niya kahit anong pagpipigil niya sa sarili. "Inisip kong kahit paano, maayos ka. Bilang isang tao, bilang isang lalaki. Pinilit ko ang sarili kong isipin na sa kabila ng lahat ng kung ano ka, puwede kang maging matino. I was deluding myself all this time, damn you! Tama ang mga magulang ko sa 'yo. Tama si Tisha tungkol sa 'yo—you are nothing but trash!"
Hinihingal siya sa galit. God, she wanted to cry.
"Paano ko naisip na magkakasundo tayong dalawa in the long run? I mean, my God—you're the kind of man my parents warned me about! In fact, you're exatly what parents protect their children from! How could I have been so blind?" Walang malinaw sa kanya sa mga sandaling iyon kundi ang galit niya. At ang nag-uumapaw na sakit sa dibdib niya.
She went on. "Tama! Bagay kayo ng babaeng 'yon sa kama mo. Kayong dalawa lang ang makakatanggap sa isa't isa." Matapos ang ginawa sa kanya ni Candida, makikita niya ang babae sa kama ni Baba. May dulot iyong pait sa kanya. This man obviously did not care about her. Paimbabaw lang lahat ng ipinakita nito sa kanya at ang totoo ay ito, nagdudumilat—si Candida ang nasa kama nito, ang parang pinapanigan pa nito sa kabila ng lahat ng ginawa ng babae sa kanya.
At ang Jardin de Candida na nakita niya kanina ay malinaw na ngayon sa kanyang para kay Candida talaga, sa mayora, at wala nang iba. How dare this man tell her that he wanted them to live there! Pinaglololoko siya nito mula simula! At sa sandaling iyon, wala siyang nais gawin kundi ihabla si Candida, kunin ang hustisya sa ginawa nito sa kanya. She will. Maghintay lang ito.
"Mukhang malabo tayong magkasundo," sa wakas ay sabi nito.
"Tingin mo?" sarkastikong balik niya.
"Uuwi rin akong Santa Fe."
That ripped her heart to a million pieces. He knew it all along. Plano na nito iyon noon pa, natitiyak niya. Sa wakas, naunawaan na niya kung ano ang dahilan kung bakit ito nagbalik sa Santa Fe gayong nasa Maynila na ito. Si Candida ang dahilan.
Biglang tumaas ang palad niya sa panga nito. Hindi iyon sampal kundi sapak. Bahagya siyang nagulat sa nagawa niya, lalo na at tumibok sa sakit ang palad niya at sa pagbawi niya roon ay dumaplis ang kuko niya sa balat nito, dahilan para magkaroon ito ng guhit na pula doon. Napasinghap siya ngunit nanaig sa kanya ang galit, lalo na at nakita niyang naglapat din ang mga labi nito, tanda na galit na rin ito sa puntong iyon.
Ano ang karapatan nitong magalit? Wala! Wala itong karapatan! She was willing to disobey her father's wish for the very first time of her life for him! Naging handa rin siyang suyuin ang mga magulang niya hanggang sa abot ng makakaya niya para lang matanggap ng mga ito ang lalaki! Umiyak ang nanay niya, nabahala ang kanyang ama, at higit sa lahat ay iginiit pa ng lalaking ito na ipakilala niya ito sa dalawang matanda! Ang kapal ng mukha nito kaya ano ang karapatan nitong magalit? Nasaktan itong pisikal? Paano siya? Paano nito ibabalik ang kinuha nito?!
"Oh, God..." Natutop niya ang noo nang maalala iyon. Hayun ang mga magaganda niyang pangarap sa love life niya. At si Joaquin... God, she was a fool! Paano niya nagawang ipagpalit ang disenteng si Joaquin kay Baba na ganito pala ang gagawin sa kanya? She felt deceived, betrayed. "To think that I let Joaquin go!"
"Iyan ang nangunguna sa isip mo," anito, muling nauwi sa pagkablangko ang mukha. She was sure he was surprised but he was good at hiding his emotions, a quality that made him good at deceiving people.
"Uuwi kang Santa Fe? You're going back there for her, aren't you? Ang dahilan ng pagbalik mo doon three years ago and now is that woman, am I correct?" tanong niya kahit batid niya kung ano ang sagot.
"Oo. Si Candida ang dahilan. Si Candida ang parating dahilan."
She just crashed and burned. "Puwes, bagay ka doon, Baba. Lugar ng mga patapon. You will never belong in a civilized world," pang-uuyam niya kahit parang latigo iyong bumalik din sa kanya. Halos hindi siya makapaniwala na may dulot na sakit sa kanya ang sakit na iginawad niya rito. O baka ni hindi ito nasaktan sa mga sinabi niya at nagpapakatanga na naman siya upang isiping posible itong maapektuhan niyon. "Don't ever speak to me again. Ever."
Tumalikod na siya, pinilit maging kalmado. Ngunit nang makalabas siya sa pintuan ay bumuhos na ang mga luha niya at bumilis nang bumilis ang paghakbang niya hanggang sa tumakbo na siya. Muntik na siyang mabangga ng ibang mga bisita ng farm dahil hilam ng luha ang mukha niya.
"I'm sorry," aniya, ngunit tila mas sa sarili niya iyon sinasabi kaysa sa babaeng muntik na niyang nabangga. Hindi siya makapaghintay na makaalis doon. Agad niyang pinaarangkada paalis ang sasakyan.
Ngunit mayroong tumawid na kabayo sa daanan at agad siyang napapreno. Umiyak ang gulong niya. Hindi nakakabit ang seatbelt niya at tumama ang noo niya sa windshield. Iyon ang huli niyang naalala.
"BAKIT ba alalang-alala ka sa babaeng 'yan, Baba?"
Hindi nilingon ni Baba si Candida kahit nais niya itong singhalan. Nasa ospital siya, sa silid ni Dulce. Nagkamalay na ang babae kanina ngunit kinailangan pa itong obserbahan dahil hinimatay ito. Hihintayin din daw ang resulta ng CAT scan.
"Uuwi ka na ng Santa Fe, hindi ba? Paano na ang babaeng 'yan?" patuloy nito.
"Hindi ko siya maiiwan sa ngayon, Candida."
"Puwes, siguraduhin mong hinid 'yan magsasalita. Alam mong marami akong ginagawa pero kinailangan kong lumuwas dahil masama ang kutob ko sa babaeng 'yan. May tiwala ako sa 'yo pero nang hindi ka magbalik agad, I had to make sure everything was okay."
Natural. Nangunguna sa isip nito ang kapakanan nito. Si Candida. Parating si Candida. At matagal na panahon bago niya nakita iyon.
"Tatawagan kita, Baba. Kailangan kong umuwi. Nasa ospital na naman si Daddy."
Tumango siya. Hinagkan siya nito sa pisngi. Kung noon marahil ay anong init ang dulot noon sa puso niya ngunit matagal nang kumupas ang tamis ng mga halik nito. Oo at bumalik siya sa Santa Fe para sa babae ngunit hindi sa dahilang iniisip nito. Pumihit ito, umalis na.
Alam niya, nagdududa na ang babae sa kanya. Alam niyang iyon ang totoong dahilan kung bakit ito lumuwas upang hanapin siya. Alam niya at mayroong nagsabi sa kanya. Tatlong taon. Napakatagal na noon para hindi niya pa rin magawa ang pakay niya ngunit hindi iyon madaling gawin.
Agad niyang binalingan si Dulce nang umungol ito. Mayroon itong maliit na sugat sa noo ngunit bukod doon ay wala na. Hinawakan niya ang palad nito, hinagkan. Mahal na mahal niya ito kaya niya ito pinabayaang umalis kanina. Iyon din ang dahilan kung bakit lalayo na siya sa babae, isang desisyong hindi naging mahirap buuin nang maunawaan niya ang posibleng maging sakripisyo nito.
Nang bumukas ang pintuan ng silid ay agad pumasok ang mga magulang ng babae. Batid niyang mga magulang nito ang dalawa sapagkat hindi iyon ang unang pagkakataong nakita niya ang mga ito. Ang ama ng dalaga ay sinadya siya sa farm upang sabihin sa kanya na kung maaari ay bigyan niya ng oras ang anak nito para pag-isipan ang kanilang relasyon.
Nasaktan ba ang damdamin niya?
Pakiramdam niya ay mas masarap pang mabaril.
Ipinaliwanag sa kanya ng matanda ang lahat ng paghihirap ni Dulce upang marating ang kinaroroonan nito. Sa madaling sabi, iniisip ng matanda na siya ang sisira sa lahat ng iyon, bagaman hindi nito direktang sinabi. Sa isang banda, nauunawaan niya ang matanda. Sa katunayan, labis niya itong nauunawaan at nais niyang magalit sa sarili niyang umasa siyang magagawa siyang tangaapin ng mga tao.
Kahit kailan ay hindi naging ganoon kahalaga iyon sa kanya, maliban na lang nang nakausap na niya ang ama ni Dulce. Para iyong patalim na muli't muli ay bumaon sa sistema niya. Mahirap kalimutan at pinakatandaan niya. Paano magiging masaya si Dulce sa isang tulad niya? Paano niya nagawang hilingin na siya na lang, sa halip na si Joaquin ang makasama ni Dulce sa habang-panahon?
Sa isang banda, may galit siyang nadarama na hindi iyon binanggit sa kanya ng dalaga. Sa kabilang banda, naunawaan niyang maging ito ay nahihirapang panindigan ang relasyon nila. At hindi niya kayang bitbitin ang nakaraan niya para sa mga taong hindi iyon matatanggap dahil wala na siyang magagawa upang ibalik ang lahat ng iyon.
Iniisip ba ng mga tao na ipinagmamalaki niya iyon? Na walang kaso sa kanya at walang lamat na natira sa pagkatao niya?
Bahagya siyang tumango sa dalawang matanda. Agad nagtanong ang ama ni Dulce at ipinaliwanag niya ritong naaksidente ang dalaga sa farm niya.
Noon nagmulat ng mata ang dalaga. Nagtama ang mga mata nila. Ang una nitong sinambit ay, "Paalisin ninyo rito ang lalaking 'yan, 'Tay."
Pakiramdam niya ay tinarakan ng punyal ang dibdib niya. Lumabas na siya, hindi na hinintay na ulitin ni Dulce ang kahilingan nito. Patuloy siyang naglakad palayo, malalaki ang mga hakbang. Hindi niya maiwasang maalala ang nakaraan na naghatid sa kanya sa puntong ito...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro