Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 21

Chapter 21

"Ano'ng nangyari sa paglabas ninyo ni Sir Joaquin? Naku, ikuwento mo agad sa akin, anak at ilang araw na akong sabik na sabik malaman!"

Agad na nanghina si Dulce sa sinabi ng kanyang ina. Sinundo niya ito sa bahay ng mga Cardinal upang sabay silang umuwi sa munting farm ng kanyang ama. Puno siya ng pag-asa kani-kanina lang, ngayon ay parang sumambulat na iyon, hindi pa man. Sa lahat naman ng pagkakataong matipuhan siya ni Joaquin ay ngayon pa. At kung bakit kailangan pa iyong malaman ng kanyang ina.

"Sinabi niya sa inyo?"

"Aba'y naririnig ko ang usapan nila, siyempre. Botong-boto sa 'yo si Ma'am Alba! Aba'y sa akin 'kako ay walang problema kung si Sir Joaquin ang mapupusuan mo. Sa totoo lang, anak, matagal ko nang napapansin na may gusto ka sa kanya, hindi lang ako umimik dahil 'ikako'y tila suntok sa buwan. Pero tulad ng lahat ng pangarap mo, mukhang matutupad din. Sadyang mabait ang Diyos. Hala, kuwento na! Gusto ko na ngang magtampo sa 'yong hindi mo man lang binanggit sa akin. Hinihintay kong magkuwento ka. Pero heto at sinundo mo ako ngayon. Siguro'y sabik na sabik ka na ring magkuwento, ano?"

Lalo na siyang nanglata. Nanglalaki ang mga mata ng matanda, halatang masayang-masaya ito. Ang mahigit isang linggo niyang pagbuwelo ay naunsiyami. Lumunok siya. "Hindi naman po eksaktong date 'yon, Nanay. Kumain lang po kami sa labas, nagkuwentuhan saglit."

"Aba'y kung hindi pa iyon date ay ano'ng tawag doon? 'Kuu, 'wag kang maging masyadong sinauna, anak. At magtiwala ka sa nanay mo, date ang tawag doon. Hindi ko lang alam kung 'yan ang tinatawag na esklusib."

Bigla siyang napataas-kilay. "At ano naman po ang nalalaman ninyo sa exclusive dating, 'Nay? 'Wag ninyong sabihing ganoon ang sistema ninyo ni Tatay noon?"

"Aba't natural, hindi! Noon, ang ligaw ay ligaw. Sabihing magkasama kami sa trabaho ng tatay mo, talagang pumahik siya ng ligaw sa lola mo. Ganoon noon. Pero ngayon, yaman din lamang na kakilala ko na si Sir Joaquin, wala sa aking problema na lumabas kayo. Ang nabanggit nga ng Tatay mo, baka daw ngayon puwede na akong mag-resign. Nakakahiya nga naman para kay Sir Joaquin na magiging nobyo mo at ako'y naninilbihan pa rin sa kanila. At ang totoo ay pinag-iisipan ko na rin. Sa katunayan, nabanggit ko na kay Ma'am Alba. 'Kako ay baka hanggang katapusan na lang ako sa kanila."

Doon biglang lumaki ang ulo niya. Higit pa pala sa inaasahan niya ang iniisip nito at ng kanyang ama! Oo at sa isang banda ay masaya siya na magre-resign na ang kanyang ina dahil sadyang iyon ang nais niya noon pa, ngunit sa kabilang banda naman ay para siyang iniipit sa pagitan ng dalawang pader. Inaasahan nitong magkakatuluyan sila ni Joaquin! Asang-asa ito. Buong-buo na iyon tila sa kalooban nito sapagkat hindi ito magpapaalam kay Ma'am Alba kung hindi. Hindi ganoon ang kanyang ina. Sa tagal nilang pagpipilit ditong magretiro, ngayon lang ito nagsabi kay Ma'am Alba.

Help me, God. Please?

"Nanay, gusto ko naman po talagang mag-resign na kayo pero gusto ko po sanang gawin ninyo iyon hindi dahil sa amin ni Joaquin."

"'Kuu, pinag-isipan ko itong maigi. Isa pa, payo rin ni Amparing na para 'wag mailang si Joaquin, ako na mismo ang dapat magpaalam. Eh, kailan daw ba kayo lalabas ulit? Teka muna, saan ka ba dinala? Ano naman ang isinuot mo? Baka naman nagpantalon ka at hindi ka nag-bestida? Eh, ikaw pa naman kung minsan, kahit ilang ulit nang sinasabi sa 'yong bagay sa 'yo ang bestida, sige ka sa pagpapantalon. Dapat sa mga ganoong okasyon, ipakita mong dalagang-dalaga ka."

Kung marahil hindi nanghihina ang kalooban niya ay natawa na siya. Mukhang teenager pa rin ang tingin nito sa kanya para payuhan siyang magdamit sa paraang magmumukha siyang dalaga. Kung alam lang ninyo, 'Nay, na hindi na ako dalaga.

Hindi siya nakaimik. Patuloy lang siya sa pagmamaneho at ang kanyang ina ay patuloy na nagkukuwento tungkol kay Joaquin. Nang magsimula itong magkuwento tungkol sa naiisip nitong lugar na puwede nilang pagkasalan ay kinailangan na niya itong agapan. Hindi na niya kaya.

Takot na takot man ay sinabi niya, "'Nay... sinabi ko kay Joaquin na hindi na kami puwedeng mag-date."

Mukha itong sinampal sa pagkatulig. Natulala ito.

"'Nay, ayos lang kayo?" nag-aalalang tanong niya.

"At bakit iyon ang sinabi mo sa kanya na bata ka?!"

Magkakasunod ang naging paglunok niya, nakatutok ang mga mata sa kalsada. "Kasi po... 'Nay, kasi po... Kasi po may iba akong gusto. M-may relasyon na po kami."

"Sino? Sino, sumagot ka!"

Nais na niyang umiyak dahil noon lang niya ito narinig na tumaas ang tinig sa ganoong paraan. "S-si... si Baba po, 'Nay."

"Sus Maria Santisima!" bulalas nitong napaantanda saka ito biglang humagulgol.

NAKATINGIN lang si Dulce sa kanyang ama. Inalo nito ang kanyang ina na kasalukuyang nagkukulong sa silid ng dalawa. Hindi naman daw masama ang loob nito, ngunit kailangan daw nitong magpahinga. Natural, alam niyang masama ang loob nito. Hindi na ito tumigil sa pag-iyak nito mula nang sabihin niya na si Baba ang napupusuan niya. She felt awful. Ngayon lang siya nagdulot ng ganoong damdamin sa kanyang ina. Pakiramdam niya ay ang napakasama niyang anak.

Naupo ang kanyang ama sa sofa, bumuntong-hininga. "Tumigil na siya sa pag-iyak. Ang sabi niya, sabihin ko raw sa 'yo na walang problema sa kanya kung sinoman ang mapupusuan mo."

Napayuko siya. Hindi madaling maging ganoon ang edad at maging sanhi pa rin ng sakit ng ulo ng magulang. "M-mabait po si Baba, 'Tay."

"Ang sabi sa akin ng nanay mo, 'wag na raw akong magsalita sa 'yo. Ang habilin niya sa akin, pabayaan ka na lang daw sa kasayahan mo at nasa edad ka na rin. Pero hindi ko kayang manahimik ganitong nalaman ko kung sino ang Baba na iyan."

"Tatay—"

Itinaas nito ang kamay, ibig-sabihin ay huwag na muna siyang magsalita. Muli itong bumuntong-hininga. "Anak, nasa tamang edad ka na pero hindi ibig-sabihin alam mo na ang lahat. Makinig ka sa akin. Makinig ka," anito nang akmang magsasalita siya. "Hindi isang tulad ng Baba na iyon ang pinangarap naming makarelasyon mo. Sa katunayan, anak, sa mga tulad niya ka namin gustong iiwas."

She felt as if she died that moment. Ang marinig ang mga salitang iyon mula sa kanyang ama, sa lalaking first love niya, sa tagapagtanggol niya, sa tagabuo ng kompiyansa niya sa sarili, sa mentor niya... napakasakit.

"Ganyang mainit pa ang relasyon, mahirap makita ang katotohanan. Isa lang ang hiling ko sa 'yo—ang imulat mo ang mga mata mo. Sa ngayon, wala pang problema pero paano kung lumalim ang relasyon ninyo? Kilala mo na ba ang taong 'yan? Ang sabi sa akin ng nanay mo..." Nahigit nito ang paghinga, tila sumikip ang dibdib. Napailing ito at natutop ang noo. "Ang kuwento daw sa nanay mo ni Ma'am Alba, dating rebelde daw at naging miyembro pa raw ng private army ang taong 'yon."

Pinigil niya ang mga luha kahit nais na niyang mapahagulgol. "Taong 'yon." Na para bang ang tulad ni Baba ay hindi nararapat tawagin sa pangalan nito. Alam niya, maliit na bagay lang pero pagsama-samahin ang lahat ay masakit sa tainga. Ngunit higit na masakit sa dibdib.

Hindi na niya magawang sumingit sa usapan kahit nais niya. Hindi na niya magawang makapagsalita man lang, kung hindi ay tutulo ang luha niya. Ang pinakamahirap sa sitwasyon ay ang katotohanang hindi rin niya magawang magalit sa kanyang ama dahil alam niyang nagmamalasakit lang ito. Gayunman, nahiling niyang sana ay binigyan nito ng kahit na kaunting benefot of the doubt si Baba. Wala na bang karapatan si Baba na magbago?

Nagbago na ito. At in the first place, hindi nito ginustong maging rebelde at maging miyembro ng priavte army. Kahit siya ang malagay sa posisyon nito, marahil ganoon din ang gagawin niya. Wala itong pagpipilian. At nang makakita ito ng paraan para iwan ang buhay na iyon ay umalis naman ito. Bakit kailangang pilit pa ring ipapasan kay Baba ang mga bagay sa nakaraan nito na ni hindi nito ginusto?

God, he was only sixteen when he was forced to join the Villacorte's army. What did a sixteen year old know about life? Nothing. Ngunit heto, dala ni Baba ang marka na iyon. At bakit ba kailangan pang ikuwento ni Ma'am Alba sa mga kasama sa bahay ang tungkol kay Baba?

Lihim siyang napabuntong-hininga. Sa isang banda, nauunawaan niya rin iyon. Isang pamilya na ang buong tahanan ng mga Cardinal. Alam ng mga kawaksi ang lahat at mas alam ng mga ito ang limitasyon. Mapagkakatiwalaan ang mga ito, batid niya. Marahil, iyon din ang nadarama ni Ma'am Alba.

Mahirap lang dahil nahusgahan na agad ng mga magulang niya si Baba base sa mga nasabi ni Ma'am Alba.

"Ang akin lang, anak, kaunting ingat sa mga desisyon mo. Alam kong kaya mong dalhin ang sarili mo, pero gaya ng nasabi ko, kung minsan ay nadadala tayo ng labis na emosyon natin na nalilimutan na nating pakaisipin kung ano ang tama at kung ano ang mali. Kung ang sabi ng nanay mo ay walang kaso sa kanya, ipagpaumahin mong hindi ko matutularan ang opinyon niya. Hindi ko puwedeng sabihin na walang kaso sa akin ang relasyon na pinasok mo."

Noon siya biglang napaiyak. Hindi ito ang inaasahan niyang marinig bagaman inasahan niyang magpapaalala ang matanda sa kanya. They were being unfair. At kung kanina ay nauunawaan niya ito, ngayon ay tampong-tampo na siya rito. Ni hindi siya nito binigyan ng pagkakataong ipagtanggol si Baba.

"Tatay, nagbago na siya. Bakit kailangan niyang dalhin ang nakaraan niya?" lumuluhang tanong niya. "Mabait siya—"

"Lahat ng tao ay may kabaitan."

"Bigyan n'yo siya ng pagkakataon."

Hindi ito umimik. Masamang-masama ang loob niya kaya nagpaalam na rin siya rito. Ang sabi nito ay ito na ang magpapaalam para sa kanya sa kanyang ina. "Mag-isip ka, Dulce. Matalino kang babae. 'Wag ka sanang magpapadala sa mabulaklak na salita ng mga lalaki. Alam kong wala kang karanasan sa mga ganyang bagay at maaaring nadadala ka lang."

Hindi siya umimik dahil lalo nang sumama ang loob niya. Dahil pala sa inamin niya ang relasyon nila ni Baba, nagduda na rin ito sa "katalinuhan" niya. Ang tanging nais niyang gawin sa mga sandaling iyon ay ang kausapin ang binata, humanap ng comfort sa mga bisig nito. Ngunit nais din niyang makapag-isip, mapag-isa.

Umuwi siya. Tulala lang siya sa biyahe. Halos hindi niya namalayan na nakauwi na siya sa dami ng mga isipin niya. Nagtungo siya sa silid at doon humagulgol muli. Nang may mag-doorbell ay tiningnan niya kung sino iyon. Si Leticia. Napaungol siya bagaman hindi niya kayang huwag pagbuksan ang kaibigan.

"Oh, sweetie," anito nang makita siya. Batid niyang mugto ang mga mata niya. "I bought you chocolates and cake. Come."

Tumuloy siya sa bahay. Kahit paborito niya ang mga tsokolateng dala nito ay wala siyang ganang kainin ang mga iyon. Iyak lang siya nang iyak at pinabayaan lang siya nito. Mayamaya ay umamin sa kanya ang kaibigan niya.

"Tumawag sa akin ang tatay mo. Nagtanong siya sa akin tungkol kay Baba."

Napatutop siya sa ulo. "And what did you tell him?"

"The truth."

"Everything? How could you?"

"Not everything. Hindi ko sinabing dito na tumitira si Baba. Sinabi ko lang kung ano ang alam ko tungkol sa boyfriend mo."

"Why?"

Bumuntong-hininga ito. "Alam naman niya. Isa pa, ang hirap magtakip sa tatay mo. Kilala mo naman 'yon."

Muli, nainis siyang nauunawaan niya si Leticia. Mahirap talagang magsinungaling sa kanyang ama. Napakabait nito. Ito rin ang tipong titigan lang ang isang tao ay magtatapat na. Mayroon itong ganoong katangian.

"Bakit ganoon ang tingin nila kay Baba, Tish? Hindi naman nila kilala 'yong tao."

"At ikaw? Kilala mo na ba siya? Think about it. You met the man only a few weeks ago. What makes you think you know him already?"

"I know him. I just do."

"Hindi mo ba naitanong sa sarili mo kahit minsan kung ano ang ginagawa niya sa Santa Fe kung may farm pala siya sa Cavite? Baka may ibang trabaho pa siya doon?"

"No. That's not... That couldn't be... That's... that's ridiculous, what you're trying to imply," aniya kahit may bahagi ng isip niya ang biglang naghanap ng kasagutan. Hindi niya masyadong na-explore ang tanong na iyon, aminado siya. Kapag kasama niya si Baba, parang hindi na mahalaga ang kaliit-liitang detalye ng buhay nito.

"Kung ganoon, bakit siya nandoon?"

"Dahil may mga bagay siyang dapat ayusin," aniya, mula sa sinabi sa kanya ng lalaki. Itinanong ni Leticia kung ano raw ang mga iyon at ang tanging naitugon niya ay, "Something to do with his past."

"And what might that be?"

"I don't know! I don't know exactly, all right? All I know is I love him and he loves me! I'm happy. Why can't you all be? Just this once, for me!"

"Can't you see? We're worried about you. 'Wag mo naman sanang asahan na makakampante kami nang ganoon na lang. Yes, it helps to know that he's Joaquin's brother but even that we're not yet sure of."

Dama niya ang panglalaki ng mga mata. "What do you mean you're not yet sure? Oh, God. Tisha, you're being very unfair."

"Fine. Kung sakali man, kailangan mong isipin na hindi sila sabay lumaki. Iba si Baba. At nahihirapan kami—at least ako at ang parents mo—nahihirapan kaming iwasan na mag-alala, Dulce. We love you."

May nabuong determinasyon sa puso niya. Tuwid niyang tingnan si Leticia. "I'll show you. Ipapakita ko sa inyo kung gaano kabait si Baba. All I ask is for you to give him a chance."

"Of course."

Pinagbigyan nga siya nitong magkuwento tungkol kay Baba, mga bagay na lalo lamang nakapagbigay-diin sa kany ang katotohanang hindi niya ito ipagpapalit. Alas-nuebe na ng gabi umalis si Leticia at bigla ay labis ang naging pangungulila niya sa nobyo. Napabuntong-hininga siya dahil masyado nang malalim ang gabi para lumakad. Dapat pala, kanina siya nagtungo sa farm nito. Hindi malayo ang Silang—kung saan naroon ang munting lupa ng kanyang mga magulang, sa Alfonso—kung saan naman naroon ang farm ni Baba. Tinawagan na lang niya ito.

Hindi nito sinasagot ang tawag niya. Hindi siya nabahala, inisip na baka may ginagawa lang ito. Nagpadala siya rito ng text message na nagsasabing tawagan siya nito kapag libre na ito. Alas-onse na dumating ang tawag na iyon.

"O, bakit ngayon ka lang tumawag? Gusto ko nang magtampo. You didn't text or call me the whole day," aniya.

"Marami lang akong ginawa. Kumusta ang araw mo?"

"It was terrible but I'm okay. Gusto sana kitang puntahan diyan kaso gabi na."

"At hindi ka pa nakakarating dito."

"May supplier ako diyan kaya nakarating na rin ako sa area. Alam ko naman ang address so madali ko na sanang mahahanap. Kailan ka babalik dito?"

"Hindi ko pa sigurado."

Something was wrong. Dama niya iyon kaagad. Walang init ang tinig nito, walang pananabik. Para ba itong nakikipag-usap nang pilit sa isang taong sadyang kailangan lang nitong kausapin kundi ay hindi nito pagtitiyagaang tawagan. "May problema ba, 'Ba? Parang matamlay ka yata?"

"May inaayos lang ako dito."

Marahil, sa tagal nitong hindi pagbisita sa farm ay nagkaroon ng aberya at iyon ang inaalala nito. Gusto pa niya itong makausap ngunit gabi na rin at baka pagod na ito, bukod sa nanghihina ang emosyon niya.

"I will call you tomorrow, okay? Good night."

"Sige. Magpahinga ka na."

Tinapos na rin nito ang tawag. Hindi niya maalis-alis sa dibdib ang hindi magandang kutob.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro