Chapter 2
Chapter 2
"Tisha, I can't accept that." Mayroong namuong agam-agam sa dibdib ni Dulce sa sinabi ng best friend at sekretarya niyang si Leticia. "What do you mean it's impossible to find him?"
"Well, it is." Ibinigay nito sa kanya ang isang folder. Dalawang linggo na niya itong inatasang asikasuhin ang mga kailangan upang matagpuan niya at personal na makausap ang kapatid ni Joaquin, isang lalaking mas matanda rito ng tatlong taon at nagngangalang "Dante." Sa pagkakaalam niya, tanging ang anak na iyon ng ama ni Joaquin ang isinunod nang direkta ang pangalan sa ama.
"Ang koneksiyon mo sa NSO?"
"Ano'ng akala mo sa akin, miracle worker? Kahit may birth certificate pa siya sa NSO, hindi ibig-sabihin madali na siyang makita. Ikaw na mismo ang nagsabi, tatlong imbestigador na ang pinaghanap nila pero walang nakita."
Hindi iyon totoo, bagaman may bahid. Hindi lang niya masabi ang buong katotohanan kay Tisha dahil hindi niya lihim iyon para ikuwento sa iba, bukod sa pakiusap sa kanya ni Joaquin na huwag nang makalabas pa ang ilang impormasyon tungkol sa paghahanap sa kapatid nito. Ang lihim na iyon ay kay Sir Dante lamang, na ipinasa nito kay Joaquin, na ipinagkatiwala sa kanya.
Ayon kay Joaquin, ang pinakamalaking dahilan kung bakit na-stress ang ama nito ay ang katotohanang hindi pa nito nakikita ang anak nitong Dante rin ang pangalan. Kasisilang pa lang daw kay Dante nang huling makita ng ama nito. Ang pangalan ng ina ng nawawalang bastardo ay "Dominga Esperanza." Ipinahanap na niya maging ang pangalang iyon ngunit heto, walang nakuhang resulta si Tisha, maliban sa kung ano ang mayroon na siya—birth certificate sa NSO at tanging iyon lamang.
Ang sabi ni Joaquin, isang imbestigador at dalawang pinagkakatiwalaang tao ng ama nito ang unang naghanap kay Dante Esperanza. Ang dalawang huli ay nagpakilala ng isang Dante Esperanza sa ama ni Joaquin, mga pekeng Dante na ipinakilala lamang dito upang samantalahin ang guilt ng matanda at makinabang sa salapi ng mga Cardinal. Ngunit matalinong tao si Dante Cardinal. Agad nitong natuklasang peke ang dalawang Dante Esperanza na ipinakilala rito. Iyon daw ang dahilan kung bakit inilihim nito sa lahat ang paghahanap sa nawawalang anak—marami ang inaasahan nitong magsasamantala sa kaalamang iyon. Ang ginawa ng matanda noong huli ay ang umupa ng isang private investigator, ngunit wala ring nangyari sapagkat sinabi ng imbestigador na deadend ang lahat. Hindi na matagpuan sina Dominga at Dante Esperanza.
"Have you tried the local registrar of Legazpi? O kahit sa munisipyo ng Legazpi at mga kalapit na bayan?" patuloy niyang tanong. Sa Legazpi, Albay nagkakilala sina Dante Arevalo at Dominga Esperanza. Doon din nangangak ang babae. Samakatuwid, tiyak na mayroong papeles ang dalawa sa mga munisipyo kahit paano sakaling namasukan ang dalawa sa kahit na anong trabahong nangangailangan ng papel. "How about the schools there?"
"I just got back from Legazpi. I'm sorry, they're impossible to find."
Napabuntong-hininga siya. "Inaasahan ako ni Joaquin dito."
"At naiintindihan ko kung ganoon kaimportante sa 'yo 'yon." Pinakatitigan siya nito. Of course, Leticia knew her feelings for Joaquin. Nahulaan nito iyon, inusisa siya sapagkat ganoon ito. Wala siyang nagawa kundi ang umamin. It felt nice finding someone she can share her feelings with. "Pero kung deadend, deadend na talaga."
"Hindi ko susukuan ito, Tish."
Nagkibit ito ng balikat. Kinuha niya ang lahat ng impormasyong kaya nitong ibigay. Kahit ang dating pinapasukang beer house ni Dominga ay matagal nang sarado. Ang may-ari ay pumanaw na rin. Ang tanging kasamahan sa trabaho ni Dominga na naaalala ni Dante Cardinal ay walang ideya kung nasaan na si Dominga, maging ang dati nitong mga kasamahan. Ni hindi alam ng mga ito na nabuntis si Dominga. Wala ring nakakaalam sa bayan na iyon kung nasaan na ang babae.
Ayon kay Joaquin, ang sabi lang daw ng ama nito ay hindi naging maganda ang pag-uusap nito at ni Dominga Esperanza sa mismong bayan ng Legazpi at iyon na ang huling pagkikita ng mga it. Kasisilang pa lang noon sa batang Dante Esperanza. Parang bigla na lang naglaho sa balat ng lupa ang mag-ina. Naglaho at hindi nag-iwan ng anumang bakas. At tila raw hindi matatahimik ang matandang Dante hangga't hindi nito nakikita ang mag-ina nito, isa sa napakarami.
"Tish," aniya sa interom, "book me a flight to Legazpi, please."
"When?"
"Tomorrow morning."
Natutop niya ang noo. Marami siyang trabaho ngunit natitiyak niyang kayang-kaya na iyon ni Tisha. Ang kailangan niya sa ngayon ay ang maasikaso ang mag-inang nawawala. Hindi siya mapapahiya kay Joaquin. Gagawin niya ang lahat para makita ang kapatid nito.
Maaga siyang umuwi sa araw na iyon, maagang nagpahinga, saka lumakad kinabukasan patungo sa Legazpi City. Walang rehistro sa munisipyo ang beer house na pinasukan noon ni Dominga kaya wala ring listahan ng mga naging empleyado roon. Gayunman ay pinuntahan niya ang lugar. Tulad ng nakatala sa ulat ni Tisha, matagal nang wala ang beer house. Isa nang malaking gusali ngayon ang dati ay kinatatayuan noon. Wala siyang matanong na nakakaalam, lahat ng mga taong nakakausap niya ay ni hindi alam na dating beer house ang lokasyon na iyon.
"Wala po talaga kaming alam na ganoon, Miss, pero baka si Mang Gorio alam," wika ng security guard ng gusali nang magtanong siya rito tungkol sa dating beer house.
"Mang Gorio?"
"Siya po iyong nagtitinda ng sigarilyo diyan tuwing gabi. Bumalik na lang kayo mamaya."
Nagpasalamat siya sa guwardiya at bumalik nga roon ng gabi. Agad niyang nahanap si Mang Gorio at tinanong. Nabuhayan siya ng loob sa tugon nito. "Ah, oo, iyong Alitaptap Beer Garden noong panahon. Noon pa nga ako nakapuwesto rito at naabutan ko iyon. Eh, nasunog iyon at nabakante itong lugar na ito nang matagal kaya napilitan akong umalis din. Nakapang-asawa iyong anak ko ng taga-kabilang bayan, doon ako tumira. Kababalik ko lang din dito mga dalawang linggo pa lang."
Naisip niyang iyon ang paliwanag kung bakit noon lang sumulpot ang clue sa katauhan nito. Marahil din ay umaga nagtungo roon si Tisha at walang nagsabi rito tungkol kay Mang Gorio. Suwerte siya at nabuhayan siya ng pag-asa. "May kilala po ba kayong Dominga Esperanza?"
"So Ingga? Ay, oo! Pagkabait-bait na bata. Waitress noon sa Alitaptap, pero umalis din. Huli kong balita, eh, may anak na."
"Mang Gorio, kailangan ko po siyang makita. Importanteng-importante po. Ipinapahanap po siya ng kamag-anak niya." Hindi niya binanggit ang totoo at mahirap na. Ayaw niyang magpakilala ng pekeng Dante Esperanza kay Dante Cardinal.
"Huli sa aking sumulat si Ingga, eh, higit tatlong dekada na pakiwari ko. Hindi ko alam kung naitabi ng asawa ko ang sulat, pero sinulatan ko ang batang iyon, hindi naman tumugon, eh. Sige, sumama ka sa akin at itatanong ko sa asawa ko kung naitabi ang sulat."
Isang malaking biyaya si Mang Gorio at ang asawa nito sapagkat ang naninilaw na sulat ni Dominga Esperanza ay naitabi ng mga ito.
Tatang Gorio,
Kumusta na kayo? Kung ako ang tatanungin ay nasa maayos naman akong kalagayan. Malusog ang anak ko. Nakalipat na kami rito sa Santa Fe, sa tiyahin ko rito. At napakahirap po ng buhay dito pero umaasa akong makakaalwan-alwan naman kami kahit paano.
Tatang, nahihiya man po ako sa inyo ay gusto ko sanang humingi ng pabor. Ang huling suweldo ko po sa Alitaptap ay hindi buong naibigay sa akin ng may-ari. Kalakip po nitong sulat ko ay ang sulat ko sa may-ari, kung maaari po sanang pakibigay. Ibibigay po niya sa inyo ang kabuuan ng suweldo ko. Tatlong daan din po iyon. Nakikiusap po ako sa inyong pakipadala po sa address na nakalagay sa sobreng ito. Ang anumang magagastos ninyo ay pakikaltas na lang po sa makukuhang pera. Alam ko pong malaking kaabalahan, Tatang, pero wala na po akong ibang malalapitan. Ni wala po akong pamasahe patungo riyan.
Umaasa po akong nasa mabuti kayong kalagayan ni Nanang Herminia.
Nagmamahal,
Ingga
May kudlit siyang nadama sa dibdib. Ang petsa ng sulat ay mahigit tatlumpung taon na ang nakakaraan, samakatuwid ay naisulat iyon noong dalawang taon pa lang ang sanggol na Dante. Hindi humingi ng tulong si Dominga sa ama ng bata, kundi nakiusap sa tindero sa labas ng beer house para kunin ang kakarampot nitong suweldo. Ah, marahil hindi kakarampot ang halagang iyon noong mga panahong iyon, ngunit maliit kung tutuusin, kumpara sa kayang ibigay sana rito ni Dante Cardinal.
"May ideya po ba kayo kung sino ang ama ng anak ni Dominga?" aniya sa matanda.
"Ay, wala. Hindi naman iyon nagbebenta ng aliw, eh. Nagulat nga rin akong malaman na nagkaanak na pala. Baka doon nag-asawa sa Santa Fe. Naipadala ko naman ang pera sa kanya at sumulat din ako. Pero hindi na tumugon, eh. Ni hindi ko alam kung natanggap ang pera. Iyan na ang huli kong balita doon sa mag-ina. Wala na akong ibang maitutulong sa 'yo, anak."
Inabutan niya ng pera ang matanda, "Higit pa po sa sapat, Mang Gorio. Salamat po ng marami." Hiniram niya ang sulat at pina-photocopy kinabukasan, saka ibinalik dito. Nakahanda na siyang umalis. Ang sumunod niyang flight ay Legazpi-Manila na sinundan niya ng Manila-Candelabra.
Ang Candelabra ay isang bayan sa Norte, aabutin ng labing-apat na oras kung tutuntunin gamit ang kotse. Hindi pa iyon pamoso sa turista at hindi rin araw-araw ang biyahe ng eroplano. Gayunman ay kilala ang bayan sa magaganda niyong beach at mga birheng kabundukan—na noon ay parating nasa balita dahil diumano ay pinamumugaran ng isang rebeldeng grupo. But that was during the eighties and nineties. Wala na siyang nababalitaang ganoon ngayon. At sa pagbubukas ng airport ng bayan, malapit na ring maging tourist spot ang bayan.
Ngunit tatlumpung taon na ang nakakaraan, kaya niyang mailarawan ang sukal ng lugar, ang lugar kung saan nagtungo ang mag-inang Dominga at Dante.
Pagkalabas niya sa airport ay agad siyang nagrenta ng van. May terminal doon ng van na ang biyahe ay patungo sa sari-saring bayan at munisipalidad, maliban sa pakay niya—ang Santa Fe. Agad siyang nagtanong sa dispatcher kung bakit walang biyahe patungo roon.
Nagkamot ang mama ng ulo. "Ma'am, nasa dulo ang Santa Fe. Dadaan pa sa San Isidro. Wala po talagang biyahe. Hanggang San Marcelino lang po kami."
Sa dami ng santong binanggit nito, halos wala siyang naunawaan. "May mapa bang puwedeng bilhin?" aniya. It was her fault. Hindi niya pinag-aralan ang lugar na pupuntahan niya. Nawala sa isip niya na maaaring magkaganito ang sitwasyon. Nang umiling ang dispatcher ay nagpasya siya. "Walang problema. Magrerenta na lang ako ng van papunta sa Santa Fe."
Sinigawan nito ang mga driver na naglalaro ng tong-its, tinanong kung mayroong nais magparenta ng van sa kanya. Nabigla siya nang magturuan ang mga ito, animo mga kriminal na lahat ay tumatanggi.
"Gaano ba kalayo ang Santa Fe?" tanong niya.
"Tatlong oras po ang biyahe pa-San Marcelino, Ma'am. Tatlong oras din pa-San Isidro. Mula po roon, dalawang oras naman pa-Santa Fe."
Nais niyang mapanganga. Ganoon kalayo? "Walong oras?!"
"Opo. Hindi pa po kasi sementado ang daan pa-San Isidro, Madame, hanggang Sante Fe. Ayaw maghatid ng mga ito kasi baka masiraan pa sa daan. Masyadong malayo."
Nagsalita ng ibang lengguwahe ang mga ito, bahagyang nagtawanan. Napikon siya. Ang dispatcher lang ang tila may concern sa kanya at sinabi, "Ma'am, kung hindi naman po masyadong imporante ang pakay ninyo, 'wag na lang kayong pumunta doon."
"Liblib na liblib ba 'yon?"
"Pagpasok po ninyo sa Santa Fe, ayos naman. Maliit na bayan. Pero..." Nagkamot ito ng ulo, pinagmasdan siya. "Wala pong hotel doon, Ma'am. Wala po kayong matutuluyan."
"May motel doon!" singit ng isang driver. "Puro surot nga lang ang higaan."
She had enough of these men. Nagpasya siyang sumakay na rin ng biyaheng San Marcelino. Marahil doon ay may biyahe nang pa-San Isidro o Santa Fe, kundi man ay mas madali marahil makahanap doon ng maghahatid sa kanya. Halos isang oras ang inabot para mapuno ang van, kahit nirentahan na niya ang buong unahan upang doon ilagak ang bagahe niya. Lumakad na rin sila. Nakatulog siya sa biyahe at nang magising ay gutom na. Nasa istasyon na sila ng San Marcelino. At malayong-malayo iyon sa hitsura ng terminal ng van na pinagmulan niya.
Ang mismong sahig ng terminal ay hindi sementado at maputik. Iilan lang ang sasakyan na naroon. Parang nasa ghost town siya. May ilang karinderya sa gilid ng terminal ngunit wala siyang nakitang mga kaldero sa unahan, mukha ring pagkarumi-rumi doon. At gutom na gutom na siya.
Nagpasya siyang pumasok sa isang kainan. May nakita siyang tatlong kaldero at nang angatin niya isa-isa ay natuklasan niyang isa na lang ang may laman—isang pirasong adobong ulo ng tambakol na durog na. May mga langaw sa paligid kaya nagpasya siyang mag-soft drink at biskuwit na lang. Pumuwesto siya sa isang mesa, saka pinaikot ang tingin sa karinderya.
Bigla siyang napasinghap nang makita ang isang lalaki sa dulong puwesto na nakatingin sa kanya. Nakakaalarma ang hitsura ng lalaki, hindi dahil nakakatakot ang guwapo nitong mukha, kundi dahil nakakapangilabot ang uri ng pagkakatingin nito sa kanya—tila nanunuri, nag-aanalisa. At hindi man lang nito binawi ang tingin kahit na nakatingin na siya rito.
Isang bahagi ng isip niya ang nagsabi sa kanyang umalis na roon ngunit isang bahagi naman ang nagsabi na napa-paranoid lang siya. Bakit siya mapapahamak sa lalaking iyon samantalang wala naman siyang ginagawang masama? Oo at LV ang bagahe niya ngunit ni kilala ba ng lalaki ang tatak na iyon? Oo at Versace ang leather satchel niya, pero sa isang matang hindi mapanuri, ordinaryong bag lang iyon. Nanaig ang katwiran niya at nang dumating ang isang binatilyo na hula niya ay tao ng tindahan, um-order na siya ng maiinom at biskuwit.
God, what have I gotten myself into? Hindi siya mapakali, dikta ng isip niya na bumalik na siya sa Maynila ngunit naisip niyang labis lang siyang napa-paranoid. Kailangan niyang tandaan na sa kabila ng katotohanang isa na siyang pamoso at may sinabing tao ngayon, nananatiling nagmula siya sa hirap. Ang kanyang ama ay mula sa Leyte. Nananalaytay sa kanyang katawan ang dugo ng matapang. Waray-waray ini!
Humugot siya ng malalim na hininga, pinanaig sa sistema ang katwiran. Naroon na siya. Baka bukas lang ay mahanap na niya ang kapatid ni Joaquin. The man would thank her and that was enough motivation.
Dumating ang soft drink niya at tinanong niya ang binatilyo, "Tatlong oras daw ang biyahe pa-San Isidro? May diretso bang Santa Fe na biyahe?"
Mukhang nabigla ito. "Santa Fe po ang destinasyon ninyo, Ma'am?"
"Oo sana. Kung may kilala kang nagpaparenta ng sasakyan, handa akong magbayad."
Kinamot nito ang ulo. "Madame, bihira po ang bumibiyaheng van papunta doon. Mga motor po ang puwedeng sakyan, habal-habal. Pero ganitong oras po, wala nang biyahe. Kadalasang hanggang alas-dos lang po ang biyahe pa-San Isidro. Wala na pong pila sa terminal, 'di ba?"
Sinipat niya ang relo. Alas-tres y medya pa lang. "Magrerenta ako ng habal-habal, kung ganoon. Kailangan kong makarating sa Santa Fe. Siguro eight-thirty nandoon na ako. May kilala ka bang puwede kong rentahan ng habal-habal?"
"Wala po, Ma'am. Taga-San Isidro ang mga 'yon at sa huling biyahe, lahat sila nasa San Isidro na at hindi na babalik. Suwerte na pong makadalawang balik sila rito. Apat na tao kada isang habal-habal. Dalawang daan ang pasahe hanggang San Marcelino."
"But that's ridiculous! Saan ako matutulog dito?"
"May lodge po sa bayan, Ma'am. Puwede po kayong magpahatid sa tricycle."
"Puwede akong bumiyahe ng tricycle hanggang Sante Fe."
Biglang tumawa ang binatilyo. "Hindi po aabot sa Santa Fe ang tricycle, Madame. Baka tumimbuwang sa kalsada."
Hindi niya mapapayagan ang ganito. "Wala ka bang puwedeng maitulong sa akin? Baka may habal-habal diyan o motor na puwedeng maghatid sa akin sa Santa Fe. Kung eight hundred ang isang biyahe pa-San Marcelino, gagawin kong kuwatro mil hanggang Santa Fe makarating lang ako doon."
Sukat tumingin ang binatilyo sa dulong mesa, kung saan tahimik pa ring nakapuwesto ang lalaking matiim kung makatingin. Sa puntong iyon ay naninigarilyo ito, hindi na nakatingin sa kanya. Ngunit tila may mata ang pisngi nito sapagkat nagsalita ito, "'Wag ako ang tingnan mo, Caloy."
"Kuya 'Ba, pauwi ka rin namang Santa Fe, hindi ba? Baka puwedeng isabay mo na si Ma'am," anang binatilyong tinawag na Caloy.
Hindi nag-abalang tumingin ang lalaki sa kanila. "Marami akong kargada, hindi siya kakasya."
Mukhang determinado si Caloy. "Dalawa lang naman ang bag niya, maliit pa ang isa. Saka hindi naman mataba si Madame."
Tumingin ang lalaki sa orasan sa pader. "Daraanan ko pa si Macario, maraming kargada 'yon."
Giniit pa rin ni Caloy. "Kakasya pa rin, Kuya 'Ba."
Tumayo ang lalaki, naglakad palapit sa kanila, saka nag-abot ng singkuwenta pesos sa binatilyo. "Mauna na ako."
Parang tapos na ang paksa. Ni hindi nito sinagot ang huling sinabi ni Caloy. Naglakad na ang lalaki palabas ng tindahan at hindi niya iyon mapapayagan. Kung patungo na ito sa Santa Fe, maaari na siyang makisabay dito. Ayaw niyang magpalipas ng isang gabi sa bayan na iyon at bukas ay mauubos na naman ang buong araw niya sa pagbiyahe. May meeting siya ilang araw mula noon at ayaw niyang maantala nang husto. Tumayo siya at sinundan ito sa labas.
"Mister, handa akong magbayad," aniya rito.
Tumingin ito sa kanya, bahagya siyang napaatras nang kusa. Kanina sa kainan ay hindi sapat ang liwanag para makita nang husto ang mga mata nito. Ngayon ay malinaw ang repleksiyon ng araw sa mukhang iyon. The man had eyes that disarmed her. They were oddly amber in color, out of place in the darkness of his features—dark wavy shoulder length hair, dark thick eyebrows and eyelashes, dark complexion. Matangos ang ilong nito, maninipis ang mga labi, pang-modelo ang mga panga. Ngunit sa lahat ng iyon, nananatiling nangingibabaw ang mga mata nitong tila sa isang hayop, sa isang pusa.
No, not a cat. Cats were tame and cute animals, this man looked feral. Nothing about him was cute. He looked fierce. Like a lion. Lion eyes. At nakatingin ang mga matang iyon sa kanya na tila nagbababala.
"Magkano ba? Limang libo, puwede na?" sambit niya. Sa sandaling tumiim ang tingin nito sa kanya ay naunawaan niyang lumabas na mali ang mga salita. Isang matapat na alok iyon, ngunit lumabas sa tonong tila nanghahamon. The lion looked mad. Ang tanging nagawa niya ay ang mapalunok nang magkakasunod.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro