Chapter 19
Chapter 19
Naisip ni Baba, kailangan ng ama niyang magpasalamat kay Dulce. Kung hindi dahil sa babae, hindi siya makukumbinseng tumuloy ngayon sa bahay nito. Kabado pa rin siya, ngunit sapat na ang mainit na kamay ng dalaga sa braso niya para makampante siya kahit paano.
"'Yan si Joaquin. Iyong katabi niya, si Ma'am Alba," wika ni Dulce, nakatingin sa labas ng kotse.
Pinagmasdan niya ang dalawang nasa pintuan, sa itaas ng hagdan, naghihintay sa kanila. Ayaw niya ng ganitong pakiramdam, na parang aagos ang luha niya nang ganoon na lang. Kapatid. Kaptid niya ang lalaking iyon.
"Let's go?" si Dulce.
Marahan siyang tumango at bumaba na rin sa sasakyan. Naglakad sila ni Dulce patungo sa hagdan. Ngunit hindi na niya magawang ihakbang ang mga paa. Mukhang naunawaan ni Joaquin. Bumaba ito upang salubungin siya.
Nakangiti ang lalaki. Sa loob ng ilang sandali ay nakatingin lang siya sa mukha nito. Kapatid ba nga niya itong talaga? Hindi sila magkamukha. Kamukha ito ng kanyang ama. Gayunman, ang dugo niya ay sinasabing kapatid niya ito. At hayun na naman ang mga luha niyang nagbantang pumatak.
"Dante?" sambit ng lalaki. "Kuya Dante? You look exactly like Lolo."
Kuya Dante. Banyaga sa pandinig niya ang pangalang iyon ngunit mula sa bibig nito ay parang hindi. Gayunman ay mas sanay siya sa, "Baba," aniya. "Baba na lang." Nag-aalinlangang inilahad niya ang kamay.
Tinanggap iyon ng lalaki hanggang sa bigla itong mapatawa, higitin siya at yakapin. Tinapik nito ang balikat niya sa gawing tila ba sinasabing sa pagitan ng magkapatid ay hindi sapat ang pakikipagkamay lang. Hayun at hindi na niya napigilan ang mga luha niyang kanina pa atat na bumagsak. Agad niya iyong pinahid. "Pasensiya na," aniya.
"Para saan?" ngiting-ngiti ito. Mukhang mabait si Joaquin. Magaan ang loob niya rito.
"Hindi ko rin alam, Joaquin," aniya.
"Walang magiging problema, Kuya. Baka manibago ka sa sistema ng pamilya natin pero masaya naman tayo. Halika."
Pamilya natin. Pamilya namin. Hindi magawang saklawan ng isip niya ang bagay na iyon sa ngayon. Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng pamilya sa dugo, heto at biglang napakarami pala niyang kapatid. At ano ang sabi ni Joaquin kanina? Kamukha siya ng lolo nila?
Tumaas na sila sa hagdan. Si Dulce ay ngumiti sa kanya, itinaas ang kamay na ibig siyang udkuyang magpatiuna. Ipinakilala siya ni Joaquin sa ina nito. Nag-aalinlangan siya sa babae, alam na posibleng hindi maging mainit ang pagtanggap nito sa kanya, ngunit ang namamasa nitong mata at ang mainit nitong ngiti ay sinabi sa kanyang tanggap siya nito.
"Magandang gabi po. Pasensiya na," sambit niya. Ni hindi niya alam kung bakit siya hingi nang hingi ng pasensiya.
"No, hijo. Ako ang dapat humingi ng pasensiya sa 'yo. Oh, you look so much like your Lolo. Hindi ko na rin siya naabutan pero may pictures siya. At kahit black and white, ilang ulit ipinagmamalaki sa akin ng papa mong ganyang tulad sa 'yo ang kulay ng mga mata niya."
Isang paliwanag sa wakas. Noon ay naisip niyang marahil banyaga ang kanyang ama dahil sa mga mata niya. Niyaya na siya ng dalawa papasok ng bahay. Natutulog daw ang kanyang ama dahil may sakit ito, ngunit gigising din daw mayamaya para sa hapunan. Pansamantala ay sinilbihan siya ng maiinom at ipinakita sa kanya ang ilang mga larawan ng kanyang ama, ng mga kapatid niya—napakarami na napakaliliit na ng mukha sa isang group picture na mas mukhang class picture sa dami. Bilang panghuli, ilang sinaunang larawan ang ipinakita sa kanya ni Alba. Tatlong larawan lang iyon, ang kanyang lolo. At tama sina Joaquin. Kamukha niya iyon.
Mayamaya ay sinabi ni Alba na nais siya nitong makausap. Iniwan sila nina Joaquin at Dulce. Kabado siya. Ito na ba ang sandaling huhubarin nito ang nakangiting maskara at palalayasin siya o babantaan?
Ngunit hindi nagbanta ang babae. "Baba, gusto kong humingi ng tawad sa 'yo."
Hindi siya umimik. Wala siyang ideya kung saan patungo ang lahat ng ito. Nagpatuloy ang babae. Ikinuwento nito ang pagkatanggap sa sulat ng kanyang ina noong bata pa siya at kasalukuyan itong buntis noong mga panahong iyon. Itinago nito ang sulat, maging ang larawan nila ng kanyang ina. Nitong huli lang nito inilabas.
Hindi siya nakadama ng galit dito, bagkus ay naunawaan niya ito. Sa huli, wala siyang nasabi kundi, "Maraming salamat po, Ma'am, na sa kabila ng lahat, hindi ninyo iniwan ang tatay ko."
Bigla itong humagulgol. "Tita na lang. Napakabait mo. Sa tagal ng panahon, buong akala ko nakahanap ng paraan ang nanay mo para masulatan si Dante. Wala na kasi siyang nabanggit sa akin. Sa dami ng... sa dami ng... alam mo na, hindi ko na naisip na hindi ka pa rin pala niya nahanap."
Pinisil niya ang kamay nito. "Wala po kayong dapat ipag-alala."
"Dinig ko, wala na raw nanay mo? I'm sorry to hear that."
"Matagal na panahon na po."
"Who took take care of you then?"
Ayaw niyang lalo itong makonsensiya kaya tumugon siya, "Mga kakilala po."
"Thank God you're okay. And what a big man you are. Kung iyong picture mo ang pagbabasehan, hindi maiisip ng kahit na sinong lalaki ka ng ganyan."
Napangiti siya. Totoo iyon. Payat siya sa larawan at dahil malayo ang kuha at marahil dahil din sa hindi iyon maliwanag tulad ng mga larawan mula sa makabagong camera, hindi makikita sa larawang iyon ang totoong kulay ng kanyang mga mata. O marahil matingkad pa ang mga mata niya noong bata siya. Maaari namang magbago iyon.
Noon bumaba ang isang kawaksi, ang sabi ay gising na raw ang kanyang ama. Sukat natigilan siya, natensiyon. Ito na ang sandaling ayaw sana niyang dumating. Hayun na naman sari-saring pakiramdam. Nakita niyang tumaas sa hagdan si Joaquin. Nagbalik si Dulce sa sala, habang si Alba naman ay sinabing ihahanda na ang hapag.
"Maputla ka. Sabi ko sa 'yo, wala kang dapat ipag-alala," ani Dulce, pinisil ang palad niya. "Mabait si Sir."
"Oo, pero..." Tingnan mo ang naging buhay ko, Dulce. Nahihiya ako sa kanya. Napabuntong-hininga siya. Kailanman ay hindi pa siya nakakadama ng ganoong uri ng insekuridad, ng kawalang-kompiyansa. Malakas ang loob niya, hinulma siya sa pagiging ganoon. Ngunit sa mga sandaling iyon, para bang tumakas ang lahat ng iyon mula sa sistema niya.
Hanggang sa makita niya si Dante Cardinal na patakbong bumababa sa hagdan. Nasa likod nito si Joaquin na tila hinahabol ito. Napatayo siya. Huminto ang matanda sa gitna ng hagdan at tumitig sa kanya.
"Diyos ko, ang anak ko... sa wakas..." sambit nito sa nanginginig na tinig.
"GOOD morning, son!"
Agad napabangon si Baba nang marinig ang tinig ng ama sa pintuan. Kanina pa siya gising kahit ala-una na siyang nakabalik sa bahay nito mula sa paghahatid kay Dulce nang nagdaang gabi. Walang laman ang isip niya mula magising kundi ang katotohanang sa kabila ng ganda at laki ng silid na iyon, wala siyang ibang nais tulugan kundi ang kama ni Dulce. Sa katunayan, kahit anong kama basta't ang dalaga ang katabi niya.
"Good morning po," nakangiting wika niya sa matanda, bahagyang naiilang dito. Kagabi ay ilang oras sila nitong nag-usap matapos ang hapunan. Napaluha ito nang malaman kung ano ang nangyari sa kanyang ina. Sinabi rin nito sa kanyang may tiyahin na kasama ang kanyang ina. Ngunit hindi na niya iyon naaalala at marahil, kasama ito sa walang markang libingan sa bundok.
Lahat ng tungkol sa kanya ay ipinagtapat niya rito. Naisip niya, yaman din lamang na naroon na siya sa puntong iyon, mas magandang malaman nito ang totoo tungkol sa kanya. At tinanggap siya nito nang buong-buo. Humingi ito ng pasensiya, ang pangako ay babawi sa kanya.
Nang tanungin siya ng mga ito kung saan siya tumutuloy, si Dulce ang nagsabing sa isang hotel siya naka-check in. Nauunawaan niya ang dalaga, lalo na at nakilala na niya ang ina nito. Ano nga naman ang iisipin ng matanda kapag nalamang sa bahay ni Dulce siya tumutuloy gayong nag-iisa roon ang dalaga.
Napilitan siyang tumuloy sa bahay ng kanyang ama, kahit sinabi niyang sa hotel na lang siya tutuloy. Ayaw din nitong pumayag sa ganoong sistema.
"Maaga po yata kayong nagising?" aniya, lumapit dito upang magmano. Kakatwa ngunit wala na siyang madamang galit dito. Sa katunayan, napakagaan ng loob niya rito. Nais din niyang mas makilala ito, makasama.
"I'm feeling great, hijo. Sana hindi kita naistorbo?"
"Hindi po."
"Great. Let's have breakfast. Come on." Para siyang bata na hinawakan nito sa braso. Sa isang banda, nais niyang matawa sa aktuwasyon nito, sa kabilang banda naman ay parang may mainit na palad na humaplos sa puso niya. Mahal siya nito, nadarama niya iyon.
Nang makarating sa komedor ay asikasong-asikaso siya nito. Wala pa roon sina Joaquin at Alba ngunti nakahain na. May sariling nurse ang kanyang ama at nakahilera na rin ang mga gamot na kailangan nitong inumin.
"Baka kailangan pa ninyong magpahinga, 'Pa? Masyado pa yatang maaga," aniya, kahit bahagya pa ring ilang tawagin itong ganoon.
"Nonsense. I feel great! O, heto na pala si Joaquin."
"Good morning," nakangiting bati ng lalaki sa kanya. Nakadamit-pang-opisina na ito. Naisip niyang kailanman ay hindi siya magiging tulad nito. "'Pa, kumusta? Mukhang maganda ang gising ninyo."
"Of course! O, heto na si Alba. Sit, sit."
Nang makapuwesto na silang lahat sa hapag ay ipinagmalaki ng matanda ang mahusay na pagluluto ni Aling Carolina, ang ina ni Dulce. Maganda si Aling Carolina bagaman may edad na. Kahawig ito ni Dulce.
"Nagmana ba sa 'yo sa pagluluto si Sese, Carolina?" anang kanyang ama.
"Ay, siyang totoo, Sir!" pagmamalaki ng matanda. "Bihira iyong magluto pero kapag humawak ng sandok ay tiyak na gaganahan kayo sa pagkain."
Lihim siyang napangiti. Totoo iyon. Tinapik ng kanyang ama ang balikat ni Joaquin. "You heard that, son? Puwedeng-puwede nang mag-asawa si Sese, Joaquin. Bilis-bilisan mo na."
Sukat nanigas ang kanyang likod.
Sumegunda si Alba. "I told your son exactly that. Siguro naman ay hindi mamasamain ni Carolina?"
Namumula si Aling Carolina bagaman positibo ang naging tugon nito. "Sa akin naman po ay talagang walang masama, Ma'am. Sa totoo, eh, botong-boto ako kay Sir Joaquin."
Binalingan siya ng kanyang ama. "Dito halos lumaki si Sese, Baba. We like her. Mabait siya, hindi ba?"
Tumango siya, pinilit na ngumiti. Nang iwan sila sa komedor ni Aling Carolina ay muling humirit ang kanyang ama. "Mula pagkabata, tipo na ni Sese si Joaquin."
"Papa," saway ni Joaquin sa matanda.
Ngiting-ngiti ang kanyang ama. "Totoo naman, hindi ba? Ikaw lang yata ang hindi nakakapansin. Pero sa akin, walang kaso iyon."
"Hindi ka na bumabata, hijo. I'm telling you, Dulce is one of a kind. Hindi na pinakakawalan ang ganoong babae, lalo na at alam nating may tipo rin sa 'yo. Have you asked her out?" si Alba.
"Mama, please," patuloy na saway ni Joaquin.
Iginiit iyon ni Alba. "Well, have you? Hijo, mas gusto ko siya kaysa doon sa huling ka-date na sa totoo lang ay mukhang... well, pardon me, pero mukha siyang pulvoron. Have you asked Dulce out like I told you?"
"Yes. Yes, all right?" Napailing ang kapatid niya. "Bakit ako ang napunta sa hot seat? Nakakahiya sa kapatid kong madatnan niya akong kulang ipagtabuyan ng mga magulang ko paalis dito sa bahay para mag-asawa."
Ngunit tila nabuhay na nang husto ang kuryosidad ng kanyang ama kay Joaquin. "Ano naman ang sinabi nang niyaya mo? Pumayag na ba? Kailan kayo lalabas?"
Tila talunan sa isang laro si Joaquin. Suko na ito sa mga magulang. Bahagya nitong nahagod ang buhok saka tumugon. "I just asked her out the other night. We'll have dinner soon."
Tuwang-tuwa ang kanyang ama. "That's my boy!" Binalinga siya nito. "How about you, Baba? May napupusuan ka na ba?"
Umiling siya, pilit pa rin ang ngiti. "Wala pa po."
"'Wag kang tutulad sa ama mo," ani Alba.
Akala niya ay mao-offend ang kanyang ama ngunit kumindat ito sa kanya saka bumulong. "Nagseselos lang 'yan."
Ngumiti siya rito bagaman tila namanhid na ang buong sistema niya. Noong isang gabi lang niyaya ni Joaquin na mag-date si Dulce. At pumayag ang babae. Naaalala niyang nagkausap nga ang dalawa nang gabing iyon. At pagkatapos ay iginuhit siya ng dalaga hanggang sa mauwi sila sa mainit na tagpo.
Paano nito nagawang pumayag sa paanyaya ni Joaquin? Kailan magde-date ang mga ito, kapag wala na siya sa eksena? O magpapapaalam sa kanya si Dulce na aalis para makipag-date sa kapatid niya?
Nais niyang malaman. Nais niyang oramismo ay puntahan si Dulce. Kaya nang matapos ang agahan ay nagpaalam siya sa mga ito at sinabing mayroon lang aasikasuhin. Nagtungo siya sa bahay ng dalaga. Naroon pa ang sasakyan nito. Nag-doorbell siya at nang lumabas si Dulce ay nakangiti ito, nakapambahay pa.
"Good morning! I was hoping you'd come and have breakfast here." Hinagkan siya nito sa pisngi. Tunaw lahat ng galit niya. Namali lang ng unawa si Joaquin, malamang. Hindi makikipag-date dito si Dulce. At wala siyang balak sirain ang araw ng dalaga sa pagkompronta rito.
"Na-miss na kita. Ayoko na doon. Dito na lang ako."
"Is everything all right?"
Tumango siya. "Pero mas gusto ko rito, kasama ka."
Inangkin niya ang mga labi nito. Natitiyak niya, nagkamali lang si Joaquin. Hindi tutugon sa halik niya si Dulce tulad nito kung hindi.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro