Chapter 13
Chapter 13
"Hindi ako... hindi ako... may kasalanan..."
Napabalikwas ng gising si Dulce nang marinig ang pag-ungol ni Baba. Nakatulog na siya sa pagbabantay dito. Nananakit ang leeg niya sa alanganing puwesto niya sa isang silya. Agad niyang nilapitan ang lalaki. Patuloy ito sa pagsambit noon—na hindi ito ang may kasalanan. Napukaw ang kuryosidad niya at kung walang sakit si Baba, marahil binigyan niya iyon ng oras para isipin.
But his fever had not broken yet. Inipit niya sa ilalim ng braso nito ang thermometer at natuklasang lalong tumaas ang lagnat nito.
"Baba, dadalhin na kita sa ospital, ha?" sambit niya rito, hinahaplos ang noo nito.
"Hindi ako..." patuloy nito.
Maging siya ay nabigla sa kurot sa puso niya. Wala na sa sarili si Baba, marahil ay nagdedeliryo na ito. Sa gitna ng iyon, ganoon ang mga bagay na tumatakbo sa isip nito.
Tinawagan niyang muli si Macario, sinabing dadalhin na niya sa ospital si Baba. Sinabi nito kung saan niya makikita ang susi ng sasakyan sa kamalig. Sinabi rin nitong maghihintay ito sa junction ng Candelabra at sasamahan siya nito sa ospital.
Nang makuha ang susi ay nagtungo na siya sa kamalig. Mayroong car cover ang sasakyan na nang alisin niya ay natuklasan niyang isa palang Nissan Patrol. Baba owned an SUV. Inside that almost dilapidated barn was a frikking SUV!
"Ah, shit!" sambit niya, nagmamadali nang pinindot ang alarm ng sasakyan. Hindi pa siya nakakapagmaneho ng ganoong sasakyan bagaman sanay siyang magdala ng malalaking sasakyan. Ang una niyang sasakyan ay isang pickup truck, kargahan ng mga muwebles at materyales na ginagawa niya.
Binuksan na niya ang makina at pinaandar iyon patungo sa bahay. Agad din siyang pumasok sa bahay, dinamitang pilit ang lalaki na parang kalahati na lang ng kamalayan ang normal. Mabilis siyang nag-empake ng ilang damit nito at ikinarga ang mga iyon sa sasakyan.
"'Ba, tulungan mo akong dalhin ka sa sasakyan, ha?" aniya nang ipatong sa balikat niya ang isang braso nitong ubod nang init. "Tatayo tayo, ha? One, two, three! Isa pa, isa pa. One, two, three!"
Nakailang subok siya bago niya ito maayos na naalalayan kahit ilang ulit itong muntikan nang tumimbuwang patungo sa sasakyan. Nang sa wakas ay mailagak niya ito sa backseat ay parang masarap nang matulog sa pagod niya. Ikinandado niya ang bahay at sumakay na rin sa sasakyan.
"Hang on, big man," sambit niya nang paandarin na ang four by four.
Sa buong biyahe niya pa-Candelabra ay huminto lang siya upang asikasuhin si Baba. Bumaba na nang kaunti ang lagnat nito ngunit umuungol-ungol pa rin. Iyon na ang pinakamabilis na patakbong nagawa niya buong buhay niya. Inabot siya ng anim na oras sa karaniwan ay walong oras na biyahe. Mapapabilis pa sana siya kung natatandaan lang niya ang shortcut na noon ay dinaanan ni Baba.
Agad niyang nakita si Macario sa junction at pagkasakay nito sa sasakyan ay inasikaso nito si Baba. Patuloy siya sa pagmamaneho. "Diretso lang ito, Marie?"
"Oo, Ateng. Sa dulo nitong kalsdang ito, kakaliwa ka. Tapos dire-diretso ulit."
"Kumusta siya? Kanina, bumaba-baba na ang lagnat."
"Tumaas na naman. Kailangan niya siguro ng antibiotic at anti-tetanus. Baka maimpeksiyon pa ang sugat niya."
"Candida... Siya ang... siya... ang dahilan," sambit ni Baba.
Labis siyang nabigla. Kung pagtatagniin niya ang mga sinasambit ni Baba mula kanina ay mauuwi siya sa isang konklusyon—na mayroong nangyaring hindi maganda at mayroong nag-akalang ang gumawa noon ay si Baba, gayong si Candida pala.
Natural, hindi buo ang detalye kaya hindi niya masabi kung totoo ngang ganoon ang nangyari. Kahit na nangangati na siyang itanong kay Macario ay hindi siya nagtangka. Wala ring sinabing anoman ang binabae.
Now she hated that Candida bitch all the more. Ano ang ginawa nito? May unfinished business ba si Baba sa Santa Fe kaya ito nagbalik? May kinalaman ba sa kung ano ang ginawa ng mayora? It was very possible. Kung kakayanin ng isang babaeng ipalapastangan ang isa pa, marahil kaya nitong gawin ang lahat. Wala itong konsensiya. At halatang labis na naapektuhan si Baba sa kung anoman ang ginawa ng babaeng iyon.
Did it involve death of a person? Malalagim ang mga imaheng naglaro sa isip niya dahil na rin sa karanasan niya kay Candida. That woman was the devil himself.
"Saan ba may ospital?" bulalas niya nang umungol muli si Baba, sa pagkakataong iyon ay ungol ng taong mayroong iniindang sakit ang kumawala sa bibig nito. Nate-tense na siya.
"Hindi pauuwiin itong si Kuya nang ganito kataas ang lagnat nito. Kailangan nating humanap ng malayong ospital. Kailangan nating makasiguro, Ateng. Maraming... maraming matutuwa kapag nawala si Kuya."
Muli, parang batingaw sa isip niya ang mga impormasyong nalaman niya. Hindi ito ang tamang oras para mag-usisa kaya patuloy siya sa paspas na patakbo. Apat na oras pa sila sa daan bago sinabi ni Macario na malapit na sila sa isang ospital. Itinuro nito sa kanya ang daan patungo roon. Sa wakas, nakita na rin niya ang karatula ng isang emergency room.
Agad na inasikaso sa ospital si Baba. Kilala ni Macario ang residenteng doktor. Siya ang sumagot sa mga katanungan niyon, maliban sa kung paano natamo ni Baba ang sugat nito. Si Macario ang nagsabing nadaplisan ng bumagsak na patalim ng magbubuko ang braso ni Baba. Si Macario rin ang sumagot sa form.
"Antonio Bajardo" ang isinulat nitong pangalan sa form at alam niyang totoong pangalan iyon ni Baba dahil naglista ito ng Philhealth number. Saulado ng binabae ang lahat ng impormasyong hinihingi. Kaya pala Baba ang pangalan niya, galing sa apelyido niya, sa isip-isip niya.
Kahit anong giit niya ay si Macario ang siyang nagbayad ng deposito.
"Ateng, ano ba? Gusto mo bang gilitan ako ng leeg ni Kuya kapag nalaman niyang ikaw ang pinagbayad ko?! Maloloka ako sa 'yo. Anong akala mo sa kanya, poor?"
Bigla tuloy siyang napangiti. At gumaan na rin ang pakiramdam niya nang sabihin ng doktor na makakalabas daw ng ospital si Baba kapag patuloy nang bumaba ang lagnat nito. Hindi na nila kailangang kumuha ng silid. Hindi na rin kinailangang kabitan ng suwero ang lalaki.
Kapwa sila pagod na pagod na ng binabae kaya hindi na rin sila nakapag-usap at nakatulog na sa kanya-kanyang upuan. Walang tao sa emergency room kaya marahil pinagbigyan sila, bukod sa mukhang talagang malapit si Macario sa resident doctor. Naalimpungatan siya nang may madamang marahang pagdampi sa kanyang pisngi. Gising na si Baba, nakaupo sa hospital bed, habang siya ay nakapatong ang pisngi sa kama nito habang nakaupo sa silya.
"Magandang hapon, Miss," bati ng lalaki, nakangiti kahit halatang hindi pa rin mabuti ang pakiramdam.
Agad niyang sinalat ang leeg nito. "Wala ka nang lagnat."
"Puwede na raw akong umuwi." Inabot nito ang kamay niya, hinagkan.
"Baka mabinat ka," kantiyaw niya rito.
"Alalang-alala ka raw sa akin, sabi ni Macario. Pasensiya ka na. Ikaw yata ang dapat kong kuning bodyguard."
"You can't afford me," irap niya bagaman nakangiti.
Nagkatunog ang ngiti nito. "Sa palagay ko nga."
"Nasaan si Marie?"
"Inaayos ang bayarin."
Noon niya nakita ang binabae na papalapit. Dala nito ang mga papel ng ospital at isang plastic bag. Binalingan siya nito. "Sinabi ko na sa 'yo, Ateng, hindi kaya ng lagnat itong si Kuya. Ikaw na ang bahala sa kanya. Babalik pa akong Candelabra. Complete bed rest daw ang kailangan niyan." Ipinaliwanag nito sa kanya ang oras ng inom ng gamot ni Baba. Gamot pala ang laman ng dala nitong plastic bag. "Mamamasahe na lang ako. Kaya mo na siguro siya, Ateng."
"Teka, paanong mamamasahe?" aniya. "Pauwi rin kaming Santa Fe—"
"Sa Maynila tayo tutuloy," si Baba. "Mas makakapante ako kung sa Maynila na tayo tutuloy ngayon. Isa pa, mas malapit na tayo doon."
Napatingin siya kay Marie. Nagkibit ito ng balikat, "Kayo ang nagkakasunduan diyan, ah? Ako nama'y dakilang tagasunod lang."
"Fine," aniya.
Nang makalabas sila sa ospital ay kumain muna sila. Nagpaalam na rin si Macario. Nagtungo na sila ni Baba sa paradahan ng sasakyan. Nang ilabas niya ang susi ay agad nitong inabot iyon.
"No, Baba," agad niyang tutol, matigas ang naging pag-iling. "Ako ang magmamaneho. Please."
"Wala 'to. Sinabi ko naman sa 'yo kahapon, walang problema sa akin. Hindi ko alam kung bakit dinala mo pa ako sa ospital. Ikaw ang kailangan nang magpahinga. Buong magdamag at hanggang kanina, tulog ako. Ikaw ang halos wala pang tulog."
"Kung hindi ka nila sinaksakan ng gamot, malamang gulapay ka pa rin ngayon at nagdedeliryo. Kailangan mong magpahinga. Please. Akin na ang susi. Kaya ko pang mag-drive. Sanay ako sa mahabang biyahe."
Inignora siya nito at pinagbuksan siya ng pinto. Napabuntong-hininga siya at napilitang sumakay na rin. Ito na ang nagpatakbo ng sasakyan at pinakikiramdaman niya kung kaya nito o ano. Mukha namang okay ito, bukod sa hindi nito binibilisan ang pagpapatakbo.
"Limang oras na lang ang biyahe. Matulog ka na," anito.
Ano ba ang gagawin niya sa lalaking ito? Natural, hindi siya makatulog sa pag-aalala. Ngunit narating nila ang Maynila nang walang aberya, minsan lang huminto upang magpakarga ng gas, kumain, magbanyo. Sa bahay niya sa Tandang Sora sila tumuloy. Nasa loob iyon ng isang subdivision. Maliit lang ang mismong bahay niya, ngunit malaki ang lupa. Mayroon siyang sariling workshop, malaki rin ang garahe.
"Welcome to my humble abode," aniya. "Feel at home, please. Maghahanda lang ako ng pagkain."
Iniwan na niya ito at tumuloy sa kusina. Marami pa siyang stock ng microwavables at nagpasya siyang iyon na lang ang ihain. Nang maihanda na ang hapag ay binalikan niya si baba sa sala. Napangiti siya nang makitang isiniksik nito ang malaking bulto sa pinakamahaba niyang sofa—na maiksi pa ring lumalabas kapag ito ang nakahiga. Natutulog na ito, tila komportableng-komportable kahit hindi makaunat dahil bitin dito ang haba ng sofa.
She had to admit, the house felt different with him there. The house felt warmer, more like a home really. Dahil mukhang nahihimbing na ang binata sa puwesto nito ay ikinuha na lang niya ito ng unan at kumot, saka naglatag sa roll-up matress sa sahig para sa kanyang sarili. Nais niyang makatiyak na hindi muling lalagnatin ang lalaki. Kailangan din nitong makainom ng gamot sa tamang oras.
Nahiga na rin siya matapos makapagligpit at maligo. Kung kailan nakahiga na siya ay saka niya naunawaan na bukod sa kanyang ama, tanging si Baba pa lang ang lalaking nakatulog sa bahay niya. At nang maalimpungatan siyang katabi na niya ang lalaki at nakadantay sa kanya ay napangiti na lang siya. This felt right.
She felt whole.
"MAGANDANG umaga, Dulce."
Tumahip ang dibdib ni Dulce nang marinig ang tinig ni Baba. Agad siyang nag-angat ng mukha at nabuo ang araw niya. Nakangiti ang lalaki, ang guwapo-guwapo kahit bagong gising.
"Good morning! Breakfast is ready!" Para siyang modelo ng pagkain sa paglahad niya roon ng kanyang kamay. Nais niyang makita nito ang effort ng kanilang almusal. She was a good host, she wanted him to know. Kumpleto ang almusal mula sinangag, hanggang pritong danggit, tapa, itlog. Mayroon din siyang ginawang sawsawang kamatis. May dalawang porselanang tea pot ang inilabas niya mula sa baul, isa para sa kape at isa para sa hot chocolate. Maging ang mga kubyertos at pinggan na ginamit niya ay iyong galing sa kanyang chian cabinet, reserbado para sa espesyal na okasyon.
"Ang sarap naman ng ganito," wika ng lalaki, halatang napansin ang effort niya.
Ngiting-ngiti siya, "Coffee or hot chocolate?"
"Hindi ka ba kasali sa pagpipilian?"
For dessert ako, nais sana niyang sabihin ngunit sa halip ay napahagikgik siya. She was simply happy. Happy in a way she had never been before. Pinaupo na niya ito at agad itong tumalima. Nagsimula na silang kumain at kung good host siya, good guest naman ito sa mga papuri nito sa kanyang iniluto.
"Anong agenda natin for today?" tanong niya rito.
"Ikaw? Bisita lang ako dito."
Natawa siya. Pero wala siyang agenda sa araw na iyon. Ni ayaw niyang magtungo sa opisina. Iyon ang unang pagkakataong lumiban siya sa opisina nang higit sa tatlong araw pero bitin na bitin siya sa kanyang "bakasyon" na hindi eksaktong bakasyon. Marahil mas maganda kung manatili na lang muna sila sa bahay, lalo na at alam niyang kailangan pa talaga nitong magpahinga.
"Kailangan mong magpahinga so dito na lang muna tayo. Anyway, meron din naman akong gagawin sa workshop ko. You can do anything you want here."
Biglang naging pilyo ang ngiti nito kahit hindi ito magsalita ay parang nahulaan niya kung ano ang itinatakbo ng isip nito kaya umingos siya na ikinatawa nito.
Matapos kumain ay hindi ito pumayag na hindi magligpit at pinabayaan niya ito. Ito lang yata ang lalaking mukhang macho pa rin kahit na naghuhugas ng pinggan. Nang matapos ito ay agad niya itong hinawakan sa kamay, hinigit patungo sa magiging silid nito. Gosh, I'm behaving like a child and I honestly don't care even if he sees how excited I am that he's here.
Muli, para siyang modelo na nagde-demo kung ano-ano ang features ng silid kahit kung tutuusin ay ordinaryo lang naman iyon. Hindi nawala ang pagkakangiti ng lalaki bagaman nang tumapat siya sa kama upang ilahad iyon dito at sumambulat ang halakhak nito. Marahil dahil sinabi niya, "Okay lang ba sa 'yo na walang personal ref dito? Kasi nandoon sa kabila pero mas maliit naman ang kuwartong 'yon, parang hindi bagay sa 'yo. Pero puwede namang ipasok. Sige, ililipat ko dito."
"Alam mong hindi ako maselan, Dulce," tumatawa pa ring sambit nito, nilapitan siya at inakbayan. "Hindi ko alam na ganyan ka pala kaasikaso. Para tuloy gusto kong pangarapin kang iuwi na kasama ko at huwag nang ibalik."
Natunaw yata ang puso niya. Ngunit bago siya makatugon ay nahigit na siya nito patungo sa kama, kasabay ng pagbagsak ng katawan nito roon. Kinubabawan siya nito, kahit ang isang braso ay hindi masyadong iginagalaw. Dinampian nito ng halik ang labi niya. Maging ang mga tuhod niya ay natutunaw na rin sa puntong iyon.
"Baba..." Hinaplos niya ang pisngi nito. Kahit maghapon niyang titigan ang mukha nito, maghapong haplusin ang pisngi nito, buong araw tumitig sa mga mata nito, hindi siya magsasawa.
"Maghapon tayong nandito lang sa bahay? Walang problema sa akin. Marami akong naiisip na puwedeng gawin na ikasisiya nating dalawa."
Napaingos siya, lalo na at nakarating na sa mga mata nito ang matinding panunudyo. "Salbahe ka."
"Mas salbahe ka na ikukulong mo ako dito nang ikaw lang ang kasama kung hindi mo naman ako sasamahan sa pag-iisa. Ano sa palagay mo?" Dumampi ang mga labi nito sa kanyang labi, saka nagtungo sa kanyang leeg.
Oh, God!
Magkakasunod ang naging paglunok niya. Gadali na lang ang determinasyon niyang umiwas at tulad noon ay ginamit niya iyon upang makalayo rito. Umisod siya patagilid, saka bumangon. Pawis na pawis siya bigla. "Baba, utang-na-loob!"
Pinuno ng tawa nito ang silid. Nais pa niyang manatili roon ngunit hindi niya kontrolado ang sitwasyon. Inilabas niya ang dila dito, saka nagmamadaling tumalikod. Hanggang sa makalayo siya ay dinig niya ang tawa nito. Nagtungo na siya sa workshop niya. Nakabukod iyon sa bahay bagaman mayroong pasilyong nagdudugtong sa dalawang bahagi.
Nang makarating doon ay tumunog ang cellphone niya. Si Leticia iyon kaya't agad niyang sinagot ng masiglang, "Hello, hello!"
Ilang sandali ang lumipad bago nagsalita ang babae. "Is everything all right?"
Napatawa siya. "Masaya ako at binati kitang masaya, at paghihinalaan mong may problema? Lighten up, why don't you?"
"Sa pagkakaalala ko, minsan may isang babaeng pinigaan ng sense of humor sa katawan. Ang maganda niyang kaibigan at sekretarya ay inoobserbahan kung kailan siya magbabago. Parang matagal na panahon pa, sa isip-isip ng sekretyarya niyang maganda. Now you answer the phone that way and you expect me not to be shocked. Alam mo bang sa tuwing tatawagan kita ay nakahanda ang tablet ko? At sa tuwing sasagutin ko ang tawag mo, nagkukumahog akong abutin ang notepad ko para ilista ang lahat ng sasabihin mo? You are like a machine, Dulce, so don't act surprised to find me shocked at your behavior."
Taw ang itinugon niya. "I'm back! I'm in Manila. I arrived last night."
"Last night? Walang gabing flight pabalik, meron ba?"
"Hindi ako nag-eroplano."
"You took the bus?!" Bakas sa tinig nito ang labis na pagkabigla. Ilang oras ang biyahe mula Candelabra patungong Maynila at alam nitong kung wala siyang antigong kahoy na bibilhin, hindi siya magtitiyaga sa mahabang biyahe dahil mas marami siyang magagawa sa oras niya.
"Nope. So why did you call?"
"What is going on?" Seryosong-seryoso ang tinig nito. "Is Joaquin there?"
"Nope."
Bumuga ito, tila suko na. "Fine. Gusto ko lang ibalita sa 'yo na hindi ko pa rin naiguguhit si Dominga Esperanza. Mr. Cardinal went to the province. Next week pa raw babalik. 'Yan ay kung hindi mo pa alam. Baka naman nag-uusap na kayo ni Joaquin nang hindi ko alam at hindi mo sinasabi sa akin?"
"Don't be crazy." Lihim siyang napabuntong-hininga. Bakit sa ilang oras na nagdaan ay nalimot niyang mayroon pa rin siyang nagkabinbing misyon sa Santa Fe? Bakit nalimutan niya ang misyon niya para kay Joaquin? At bakit sa tagal ng panahon, ngayon lang nangyaring hindi sumagi sa alaala niya ang lalaki? Natural na ang hinala ni Tisha ay si Joaquin ang sanhi ng kasiyahan niya dahil alam nito ang damdamin niya para sa lalaki.
Should she tell her about Baba?
Of course not. Baba was... He was... He was just her special and very secret friend. Walang masama kung ipapakilala niya ang lalaki kay Tisha ngunit parang nahuhulaan na niyang mag-uusisa ang babae. At kapag sinabi niya rito ang lahat, tiyak na niyang mahihindik ito. Hindi araw-araw ay maaaring tanggapin ng isang kaibigan ang isang bagong "kaibigan" ng best friend nito na kuwestiyonable ang nakaraan, maging ang kasalukuyang trabaho.
Again, Baba was just her special and very secret friend who made her happy.
"Joaquin said he's gonna call you."
"Great. Would that be all?"
"Yes."
Nagpaalam na siya rito. Naipatong niya ang cellphone sa isang mesa, saka tumingin sa mga tambak na kahoy at gamit pang-furniture making sa silid. Ilang sandaling hinanap niya sa mga iyon ang gaan ng loob. She loved those things and those always made her feel better. Parating pmapalubag-loob ang mga iyon, paalala na tulad ng mga muwebles ay kaya niyang buuin ang buhay niya, ang mga pangarap niya. She had always believed that life was what one made it.
Bigla, hindi na tila ganoon ang lahat. Bakit nais niyang puntahan si Baba at sabihin ditong sabihin sa kanya na magiging maayos ang lahat?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro