Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

PROLOGUE

"Cara! Cara! Bumangon ka anak!"

"Ina?"

Pupungas-pungas siyang bumangon. Bumulaga sa kanya ang nag-aalalang mukha ng ina. Pabalik-balik ang mga utusan sa loob ng kuwarto niya. Mabilis ang mga kilos na pinagsuot siya ng ina ng dagdag pang damit.

"Makinig kang mabuti," anitong panay ang ginawang paglunok. "Kailangan nating magkalayo. Sasama ka kay Ginoong Cadmus, lalayo kayo sa lugar na ito. Simula ngayon, gusto kong ituring mo siyang ama."

"Po? Saan po kami pupunta?" litong tanong niya. Hindi lubusang maintindihan ng walong taong gulang na isip niya ang sinasabi ng ina.

"Delikado para sa'yo ang manatili dito anak, kaya kailangan mong umalis."

"Ayoko po, Ina! Hindi po kita iiwan!"

Bigla siyang nakaramdam ng takot sa pag-iisip na magkakahiwalay sila ng ina. Paano siya matutulog? Hindi siya nakakatulog na hindi katabi ang ina.

"Kailangan mong mabuhay." Tumulo ang mga luha ng Reyna. Mahigpit na niyakap nito ang kaisa-isang anak.

Nagulat silang lahat nang umalingawngaw ang isang pagsabog sa di kalayuan. Humigpit ang pagkakahawak ng kanyang ina kanya saka ito bumaling kay Ginoong Cadmus.

"Tumakas na kayo! Kahit na anong mangyari, huwag kayong babalik!"

Nagpupumiglas siya nang hawakan siya ni Ginoong Cadmus. Parang nagbago ang isip ng ina niya dahil pinigilan nito ang lalaki sa braso. Pero hindi para bawiin siya sa pagkakahawak ng lalaki, kundi para sa isang mahika. Ipinasuot sa kanya ng ina ang isang kuwintas. Pagkatapos siya nitong yakaping muli at halikan sa pisngi ay ikinumpas ng Reyna ang kamay nito sa hangin.

"Ikubli anak ng Dao, kalaban ay iligaw,

Linlangin ang mata, nagtatangkang masama.

Makapangyarihang hangin,

Nawa'y pagbigyan puso ng isang ina."

Kasabay ng pagtatapos ng pag-usal ni Reyna Fria ay ang pagliwanag ng paligid. Nang magmulat si Cara ng mga mata ay nasa gubat na sila ni Ginoong Cadmus, sa likod ng palasyo. Isang malakas na pagsabog uli ang puminit sa kadiliman ng gabi. Sinundan 'yon ng napakalaking apoy. Mabilis ang pagkalat nito.

"Inaaaaaa!" iyak niya sa kawalang magawa. 

Unti-unting nilalamon ng apoy ang buong lupain ng Dao.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro