Candle Stealer
Karl POV
Time Check: 9:30pm
Gusto ko na rin talagang lumabas ng sementeryo. Baka nga kapalan ko na lang ang mukha ko at tawagin si Abigail. Malamang tapos na siya mag-review.
Makakahiram ako ng flashlight o makakahingi ng kandila. Pwede ring nasa bahay na siguro ni mama kasi hindi naman siya masyadong nagpapagabi.
Ako lang naman itong mainipin. Eh kasi, kailangan ko na ring makapag-review. Kaya nga kanina ko pa hinahanap ang exit. Pero parang paikot-ikot lang ako.
Para akong nasa maze ng mga nitso at apartment ng mga bangkay.
Madalang na rin ang mga tao sa labas. Wala na rin akong masyadong naririnig na mga dumadaang sasakyan. Napakatihimik.
Naririnig ko yung tibok ng puso ko. Yung agos ng dugo ko. Pati na yung isang-libong asong nagtatadyakan dibdib ko.
Sabi ni Abigail, kapag natatakot daw siya, kumakanta siya ng kahit anong kanta ni Taylor Swift. Pero wala naman akong alam na kanta ni Taylor Swift.
Sabi ni mama, mag-isip ka ng bastos kapag natatakot ka para mapalitan yung nararamdaman mo. Pero anong bastos? Pasigaw na sagot sa magulang? Padabog na pagpasok ng klasrum?
Kapag natatakot o kinakabahan ako nagbibilang ako. Binibilang ko kahit anong nasa paligid ko. Simula pa kanina, 46 krus na ang nakikita ko, 25 angels, 10 mama mary at 3 puntod na may papa jesus.
Pinagpapawisan na ako ng malamig. Paano kung hindi ako makalabas dito? Sumigaw na kaya ako?
Hindi na. Magmumukha lang akong tanga kapag ginawa ko yun. Bahala na. Dadampot na lang ako ng kung anong kandila dito.
Sakto itong nakita kong mga kandila.
Yung isa, simpleng kandila lang talaga. Hindi pa masyadong nasisindihan.
Pero itong isang nadampot ko. Medyo special. Violet na may design na flowers. Mabango. Mataba. At higit sa lahat, hindi pa nasisindihan. Sinong mag-iiwan ng kandila dito pero hindi naman sisindihan?
Time Check: 9:45pm
Walking distance lang naman sa amin ang sementeryo. O running distance kasi hinarurot ko ng takbo. Nakakahiya ano. Baka may makakita pa sa akin. Tanungin bakit ako lumabas galing sementeryo.
Sinong dadalaw ng sementeryo ng ganito kagabi? Mga nagriritwal? Kulto? Adik? O yung mga gustong mag-review sa sobrang tahimik na lugar kasama ang mga katawang walang imik at hindi sila papakialaman?
Hmmm. Okay rin pala sa sementeryo kung iisipin mo eh no? Doon lang pala makakakita ng peace of mind.
Buti rin naman at wala naman akong naramdamang kakaiba. Walang nagparamdam. Walang alulong ng aso.
Walang malamig na hangin. Except doon sa parang naligaw ako. Pero pagkakuha ko ng mga kandila, isang liko ko lang, nasa exit na agad ako.
Gusto ko pa sana tandaan ang mga pangalan nang kinuhaan ko pero iba na rin talaga ang pakiramdam ko.
Hahawakan ko pa lang sana ang pinto nang bumukas agad ito.
"Saan ka galing?"
Napalundag ako! "Ano ba naman yan! Mama ko!"
"Korek! Ako ang mama mo, at saan ka galing magaling kong anak?"
Ano ba naman ito si mama. Bakit kailangang nakatapat ang kandila sa mukha kapag magsasalita? Diyos ko. Yung puso ko. Akala ko sinundan ako ng mga may-ari ng kandilang ninakaw ko.
"Nanghiram lang po ako ng notes kay Abigail, Mam." Palusot ko na lang.
"Nanghiram ng notes? Eh bakit pawis na pawis ka? At bakit hinihingal ka at pagod na pagod ka? Bata pa kayo. Pero kung gusto mong tumulad sa akin na maagang nagmahal at nasaktan, ayos lang yun. Support naman ako sa inyo ni Abigail." Seryosong sabi ni mama.
"Ano ba yan Mam. Bakit ganyan mag-isip lahat ng teachers? Judgmental. Magkasama lang kumain kapag lunch, nagliligawan na. Kasabay lang umuwi, in a relationship na. Tsaka Mam, may exam pa ako bukas. Akyat na po ako sa taas." Sabi ko sa kanya sabay mano na nakalimutan kong gawin.
"Ahm, anak.." habol sa akin ni mama.
"Po?"
"Kumain ka na ba?"
"Yes Mam. Ikaw po?"
"Kumain na. Nak, sorry ha."
"Saan po?"
Nakatingin lang ako sa kanya. Nasa gitna na ako ng hagdan. Nakikita ko ang outline ng mukha niya sa liwanag ng kandilang hawak niya.
Kung ano ang hitsura niya nung bata pa ako, halos ganun pa rin. Walang nagbago. Maganda pa rin si mama.
Bata pa siya nang ipinanganak ako. Wala akong nagisnang tatay. Lagi siyang masaya. Matapang. Parang may sasabihin sana siya na hindi niya na tinuloy.
"Hayaan mo, papakabit akong solar panel. Lahat ng pader sa bahay at bubong, papalagyan kong solar panel. Tutal, kurakot naman itong Meralco. Hindi natin sila kailangan."
Sabi niya nang nakapamaywang.
Ngumiti ako. Hindi na ako nagsalita saka kumaway sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro