Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 52 Part 2


*

52.2

"Hay, ang tagal naman ni Sehun," sabi ni Baekhyun sabay buntong hininga. Kanina pa siya naghihintay, nabilang na yata niya lahat ng doktor at pasyente na dumaan sa harap niya at nakutkot na rin niya yung pintura na malapit nang matanggal sa pader sa likod niya, pero hindi pa rin bumabalik si Sehun.

"Puntahan ko na kaya siya?"

Dito ka lang, Baekhyun, wag kang aalis hanggat hindi pa ako bumabalik.

Sumimangot na lang si Baekhyun. Pag umalis ako, magagalit siya sakin kaya dito na lang ako, at saka baka maligaw ako.

"Tama, dito lang ako. Hindi ako aalis dito."

Naalala ulit ni Baekhyun yung nangyari kanina, nung muntik na siyang mabagsakan ng mga injection at scalpel. Sinigawan siya ni Yixing, at alam niyang kapag ganun si Yixing, galit talaga ito. Minsan lang maging ganun si Yixing-hyung... Baka nga galit talaga siya dahil sa ginawa ko. Wala na akong ginawang tama.

Kinuha ni Baekhyun yung phone niya nang maalala niya si Chanyeol, dahil kapag malungkot siya, si Chanyeol ang nagpapasaya sa kanya. At isa pa, sobrang namimiss na niya si Chanyeol. Okay lang kaya siya? Ano kayang ginagawa niya ngayon?

Binasa niya lahat ng messages ni Chanyeol. Hindi niya napansin na nagvibrate pala yung phone niya kanina.

자기야. (Jagiya)
12:34PM
Mukhang masarap yung kinakain niyo jan, nakakinggit. :(

자기야. (Jagiya)
1:18PM
Nakabalik na ba kayo sa hospital?

자시야. (Jagiya)
1:20PM
Wala ka bang balak na replyan ako!?

자기야. (Jagiya)
1:33PM
Yah!

자기야. (Jagiya)
1:40PM
Pst! Baekhyun!

자기야. (Jagiya)
2:01PM
Ayaw mag-on nitong microwave! Aish, ano ba to?

Napangiti si Baekhyun. "Hindi mo kasi sinaksak kaya ganyan."

Binasa niya ulit yung mga nasa baba.

자기야. (Jagiya)
2:03PM
Hindi pala nakasaksak! Okay na.

자기야. (Jagiya)
2:48PM
Namimiss na kita, Baek.

자기야. (Jagiya)
3:05PM
Tawagan mo ako.

"Namimiss na rin kita," sabi ni Baekhyun sa sarili niya habang nakangiti nang malapad. Pinindot ni Baekhyun ang speed dial number 2 at hinintay niya na sagutin ni Chanyeol ang tawag.

Ring.. Ring.. Ring..

"Chanyeol, sagutin mo na."

Ring.. Ring.. Ring..

[Hello, ito si Chanyeol. Pag narinig mo to, ibig sabihin--]

"Chanyeol!!!"

[--busy ako o ayaw lang talaga kitang makausap. Mag-iwan ka ng message after ng beep.]

"Tsk. Voicemail," sabi ni Baekhyun nang nakapout. Sinubukan niya ulit tawagan si Chanyeol nang ilang beses pa pero pumupunta lang lagi sa voicemail yung tawag niya.

[Hello, ito si Chanyeol. Pag narinig mo to, ibig sabihin busy ako o ayaw lang talaga kitang makausap. Mag-iwan ka ng message after ng beep.]

"Natutulog ka kaya ngayon?" tanong ni Baekhyun habang pinapakinggan yung paulit-ulit na sinasabi ni Chanyeol sa phone niya, dahil kahit papano, naririnig niya yung boses ni Chanyeol sa ganitong paraan.

Inend na niya yung call at nagtype siya sa LINE niya ng 'Tawagan mo ako kapag nabasa mo to, okay? Sige, magpahinga ka na at wag kang magpapagutom. Lagi kang nasa isip ko! Pati na rin sa puso ko! Buing~' tapos naglagay siya ng sticker ng cute na pusa na namumula.

"Aish, nakakahiya naman tong sinabi ko," sabi ni Baekhyun nang namumula, pero sinend rin naman niya yung message niya habang nakapikit yung isa niyang mata.

Tumingin si Baekhyun sa paligid niya at nung wala naman siyang nakitang nakatingin sa kanya, nagselca siya nang nakawink at nakapout. Nagtype siya ng caption na 사랑해! tapos sinend niya ito kay Chanyeol. Tinago na niya agad yung phone niya sa bulsa at umupo na ulit siya nang maayos na parang walang nangyari.

Tumawa yung isang nurse na nakakita kay Baekhyun kaya tinakpan na lang ni Baekhyun yung mukha niya sabay talikod.

"Aish, nakakahiya!"

*

"Bakit hindi ka makasagot, Yixing-hyung?" tanong ni Sehun. "May gusto ka ba kay Baekhyun?"

Ngumiti si Yixing. "Ano bang klaseng tanong yan, Sehun? Gusto ko siya, syempre. Lahat tayo gusto natin si Baekhyun."

"Alam mong hindi ganun yung ibig kong sabihin, hyung," sabi ni Sehun, naglakad siya palapit kay Yixing. "Kung mali man ako at kalokohan lang yung tinatanong ko, magsosorry ako sayo dahil sa pag-iisip ko ng ganito. Pero hyung," umiwas si Sehun ng tingin. "Nakita ko sa mata mo... Sobrang nag-alala ka sa kanya kanina. Iba yung-- yung tingin mo, at yung ngiti mo kay Baekhyun, para bang--"

"Parang ano?"

"Parang katulad ng kay Chanyeol-hyung."

Bumuka yung bibig ni Yixing para magsalita, pero walang lumabas na boses sa bibig niya. Nakatingin lang si Sehun kay Yixing, at alam na ni Sehun na hindi siya magsosorry dahil tama siya.

"So, totoo nga..." sabi ni Sehun, hindi siya galit o naiinis dahil sa nalaman niya, pero nasasaktan siya. Nasasaktan siya para kay Yixing dahil alam niya kung anong pakiramdam nun, naiintindihan niya ang pakiramdan kung paano masaktan.

"Totoo ba, hyung? Tama ba ako? May gusto ka kay Baekhyun?"

Huminga nang malalim si Yixing bago siya sumagot. "Sa tingin mo ba mahalaga pa yung sagot ko sa tanong mo? Kahit anong isagot ko sayo, wala nang halaga yun. Hindi na yun importante."

"Hindi ko alam... I'm sorry," sabi ni Sehun habang nakaclench fist siya. "Hindi ko alam na ganun yung... nararamdaman mo, hyung. Akala ko ako lang yung nasasakatan dito. Ikaw din pala."

Tumawa si Yixing pero hindi siya masaya. "Sa totoo lang ang suwerte mo, kasi malapit ka sa kanya... nasasabi mo lahat ng gusto mong sabihin at nakakasama mo siya araw-araw. Ako nandito. Sobrang layo."

"Kung ganun, bakit hindi ka magconfess? Sabihin mo sa kanyang gusto mo siya. Para mawala na rin yang dinadala mo sa dibdib mo."

"Tss, para saan pa. Sila na ng hyung mo. Okay na ako sa ganito, Sehun. Hindi ko naman hinihiling na mapansin niya ako."

Si Sehun naman yung tumawa. "Hindi ko alam na ganyan ka pala kaduwag, Yixing-hyung. Pag-amin lang hindi mo pa magawa. Natatakot ka bang masaktan?"

Napatingin si Yixing kay Sehun.

"Ako nga araw-araw akong nagcoconfess kay Baekhyun. Araw-araw din akong narereject. Araw-araw kong nakikita si Chanyeol-hyung at Baekhyun na magkasama at parang... parang pinapatay na ako sa sakit pero," sabi ni Sehun nang seryoso, pakiramdam niya bumigat na naman yung puso niya. "Pero nandito pa rin ako, mahal ko pa rin si Baekhyun kahit ang sakit-sakit na, tapos sasabihin mo, masuwerte ako!?"

"Sehun--"

Natigilan bigla si Sehun.

"I-I'm sorry," sabi ni Sehun nung napansin niyang napagtaasan pala niya ng boses si Yixing. "Hindi ko sinasadya, hyung."

"Hindi mo kailangang magsorry kasi tama ka sa sinabi mo," sabi ni Yixing. "Takot akong masaktan. Ayokong masaktan kasi duwag ako pero nung narinig ko yung mga sinabi mo," lumapit siya kay Sehun. "Walang kwenta yung kinakatakutan kong sakit kumpara sa nararanasan mo ngayon, Sehun."

Hinawakan ni Yixing si Sehun sa balikat. "Humahanga ako sayo kasi nakakaya mo lahat."

"Bakit kaya hindi mo subukan, Yixing-hyung. Sasabihin mo sa kanya yung feelings mo, hindi dahil gusto mong may mabago, pero dahil gusto mong maging honest kay Baekhyun dahil ang unfair... Wala man lang siyang kaalam-alam."

"Ano pa bang mapapala ko kung magcoconfess ako bukod sa masasaktan ako?" tanong ni Yixing nang nakangiti. "Meron pa ba?"

Tumango si Sehun. "Meron."

"Ano?"

"Peace of mind."

Natawa si Yixing. "Peace of mind."

"Oo," sagot ni Sehun. "Alam ba.. ni Chanyeol-hyung yung tungkol dito?"

"Oo, matagal na," sagot ni Yixing. "Pero sinabi kong kalimutan na niya yun dahil wala akong balak magconfess kay Baekhyun."

"Pero nagdedate na sila ni Baekhyun, magconfess ka man ngayon o hindi, wala nang mababago," sabi ni Sehun. "Yung... turing lang ni Baekhyun sayo yung posibleng magbago."

"Paano?"

"Kilala ko siya," sabi ni Sehun nang nakangiti. "Maguguilty siya sa ginawa niya sayo. Magsosorry siya nang magsosorry at magthethank you siya nang magthethank you sayo. Pakiramdam niya ang sama niya, siya yung may kasalanan kung bat ka nahihirapan. Gagawin niya lahat ng alam niya para makabawi sayo pero... Hanggang dun lang yung kaya niyang gawin. Kasi yun lang yung kaya niyang ibigay."

"Papano mo.. natitiis yun?" tanong ni Yixing.

"Natitiis ko yun kasi mahal ko siya," sagot ni Sehun tapis ngumiti siya. "Yun yung dahilan."

Umiling si Yixing nang nakangiti habang tinatapik si Sehun sa balikat. "Hindi ko alam kung ano pa bang sasabihin ko sayo, Sehun. Kasi habang lumalaki ka, nagmamatured na rin yung pag-iisip mo. Hanga ako sayo."

"Tss. Maliit na bagay," sabi ni Sehun nang nakangiti sabay cross arms. "Hindi kita pipiliting magconfess kay Baekhyun, nasasayo yung desisyon, Yixing-hyung."

Tumango si Yixing tapos sinenyas na niya yung kamay niya. "Sige na, puntahan mo na si Baekhyun dun. Malamang kanina ka pa niya hinihintay."

"Mm, babalik kami dito bukas," sabi ni Sehun tapos lumabas na siya ng office ni Yixing para balikan si Baekhyun kung saan niya ito iniwan kanina.

*

"Ugh, ano ba to."

Pakiramdam ni Chanyeol nasisilaw siya. Kanina pa siya may mga nakikitang puti at iba't-ibang kulay sa paligid at naduduling na rin siya. Kahit saan siya tumingin, masakit sa mata yung mga liwanag na nakikita niya, kaya tumayo muna siya para isara yung mga kurtina sa buong bahay. Masyadong maliwanag, mas okay kung ganito.

Madilim na yung paligid kaya nawala na yung mga nakikita ni Chanyeol na liwanag. Narininig niyang nagring yung phone niya sa ibabaw ng desk niya, kaya napangiti si Chanyeol nang malapad. Kanina niya pa hinihintay tumawag si Baekhyun, na sobrang inip na inip na talaga siya kakahintay. Akala ko hindi ka na tatawag, hindi mo rin pala ako matitiis eh.

Maglalakad na sana si Chanyeol pabalik sa desk niya nang bigla siyang natigilan. May biglang sumakit sa kanang mata niya, sobrang kirot na halos mabulag na siya. Umakyat pa yung sakit sa ulo niya na para bang mabibiyak na ito sa gitna. A-ang sakit!

Hinawakan ni Chanyeol yung ulo niya habang naglalakad siya papunta sa phone niya, tinitiis niya yung sakit. Kailangan kong sagutin... yung tawag mo...

SIM1 Incoming Call...
백현 (Baekhyun)

Nakarating siya sa gilid ng table niya, nakahawak siya sa upuan para suportahan yung katawan niya dahil pakiramdan niya, puputok na yung ulo niya dahil sa sakit. Nahihilo at nasusuka na talaga siya, pero kahit ganun, tinry pa rin niyang kunin yung nagriring na phone sa lamesa niya.

Pero hindi niya nagawa.

Dahil bumagsak na siya sa sahig bago pa niya mahawakan yung phone niya.

SIM1 Incoming Call...
백현 (Baekhyun)

Nagriring lang nang nagriring yung phone sa ibabaw ng table, habang nakahiga lang si Chanyeol sa sahig ng madilim na living room at wala nang malay.

*

Pag balik ni Sehun sa bench sa may hallway ng hopital, wala na siyang nakitang Baekhyun.

Umalis si Baekhyun.

"Ugh, shit. Sinasabi ko na nga ba!" sigaw ni Sehun nang naiinis. "Baekhyun!!! Nasan ka na ba?!"

Lumingon si Sehun sa buong paligid habang hinahanap si Baekhyun. "BAEKHYUN!"

"Ah, Sir?" tanong ng nurse na biglang lumapit kay Sehun. Siya rin yung nurse na nakatingin kay Sehun sa elevator at nakatingin kay Baekhyun sa bench. "Excuse me, Sir."

"Bakit?" tanong ni Sehun. "May kailangan ka?"

"Hinahanap niyo po ba yung... cute na lalaki na nakaupo dun kanina?" sabi ng nurse sabay turo sa bench kung saan nakaupo si Baekhyun kanina.

Napataas ng kilay si Sehun. "Oo, nakita mo ba siya?"

Tumango yung nurse. "Nakita ko po siya, teka... Nasan na ba siya," tumingin sa paligid ang nurse tapos napangiti siya nang makita niya si Baekhyun na nasa may tabi ng basurahan. "Ayun siya, yun po yung kasama niyo."

"Ah, sige salamat," sabi ni Sehun sabay takbo papunta kay Baekhyun na nasa tabi ng malaking basurahan na para bang may sinisilip siya sa loob. Aish, ano ba yang ginagawa mo!?

"Baekhyun!" sigaw ni Sehun sabay hawak sa braso ni Baekhyun, hinarap niya ito sa kanya. "Diba sinabi ko naman sayo, wag kang aalis dun sa bench hanggat wala pa ako?!"

Hindi sumagot si Baekhyun, hindi rin siya nakatingin kay Sehun. Malikot yung mata niya at hindi siya mapakali. Tumingin lang siya kay Sehun nang sigawan ulit siya nito.

"Ano bang ginagawa mo dito, ha!?"

"S-sehun yung... yung picture," sabi ni Baekhyun nang kinakabahan. "Y-yung picture ni Chanyeol, n-nawawala. Hindi ko na alam kung nasan. Ang alam ko, nasa bulsa ko lang yun pero, pero wala na. Bigla na lang nawala!"

Bumuntong hininga si Sehun sabay hawak sa noo niya. "Baekhyun, halika na. Wala sa basurahan yun, baka naiwan mo lang sa kotse o sa office. Wag ka nang mag-alala, okay?"

"P-pero, nasa bulsa ko yun, hindi yun pwedeng mawala, Sehun!"

"Alam kong mahalaga yun sayo, pero hindi mo yun mahahanap ngayon kung lilibutin mo lahat ng basurahan sa buong hospital," sabi ni Sehun habang hinihila na niya palayo si Baekhyun sa basurahan. Sumunod naman si Baekhyun sa kanya habang nakalingon pa rin ito sa likod niya.

"Sehun, pakiramdam ko talaga, nandun yung picture sa basurahan. Baka naitapon dun ng naglilinis, baka hindi nila napansin tapos naisama nila dun sa--"

"Baekhyun," sabi ni Sehun sabay buntong hininga. "Subukan nating tingnan muna sa kotse, o baka naman nasa hotel o kaya nasa office lang ni Yixing-hyung yun." Naglalakad na sila papunta sa elevator, hawak ni Sehun yung kamay ni Baekhyun.

"P-pero..." malungkot na sabi Baekhyun. "Kinakabahan talaga ako, Sehun. B-baka kung saan na napunta yun. Dapat mahanap ko agad yung picture ni Chanyeol, kasi pakiramdam ko may hindi magandang nangyari..."

"Ano ka ba, wag ka ngang mag-isip ng ganyan. Mabuti pa, bumalik na lang tayo sa hotel para makapag pahinga ka na. Pagod lang siguro yan."

Bumuntong hininga si Baekhyun pero hindi pa rin siya mapakali, kinakabahan siya at hindi niya alam kung bakit, pero kanina pa ang bilis ng tibok ng puso niya.

"S-siguro nga. Pagod lang to..."

"Kaya nga bumalik na tayo, okay?" nakangiting sabi ni Sehun kay Baekhyun. "Sigurado akong nakabalik na yung kotse ko pati na rin yung apat."

Pinisil ni Baekhyun yung kamay ni Sehun nang hindi niya namamalayan dahil sa kaba niya, kagaya ng ginagawa niya sa kamay ni Chanyeol, pero tumingin lang si Sehun sa kanya at ngumiti.

At kahit yung ngiti ni Sehun, hindi magawang maalis yung nararamdamang pag-aalala ni Baekhyun. Okay ka lang ba, Chanyeol? Wala naman akong dapat ipag-alala... Diba?

*

To be continued.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro