Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 16

CHAPTER 16

Matapos kong sambitin ang katagang iyon ay napatahimik s'ya na tila ba naputol ang dila. Namumula na rin ang kan'yang pisngi, bago ko pa makita ng maigi ay kaagad s'yang umiiwas.

“D-Dapat lang na seryosohin mo ako,” tugon n'ya, napakamot pa sa pisngi. “Marami pa namang lalaki ang nanliligaw sa 'kin kaya dapat ibigay mo 'yong best mo.” Tumingin s'ya pagkatapos sa 'kin.

Ako na naman ang natigilan. Oo nga naman, balita rin na maraming lalaking gusto s'yang maging nobya pero ang pinagtataka ko kung sino ang maswerteng lalaki ang bumihag sa maarte n'yang puso?

Noon ba, ewan ko lang ngayon kung sila pa rin ng lalaking iyon.

Nakakaselos talaga pero wala akong magawa. Kami na ba para magselos ako? Kailangan may label muna bago ako maging selfish.

Ayon nga napagplanuhan kong ngayon kaagad simulan ang panliligaw sa kan'ya. Kaso... Paano?

Bumalik kami sa site matapos pag-usapan ang tungkol sa ibang bagay. Bumalik s'ya sa naiwan n'yang gawain na pinapagawa ng kan'yang Ama habang ako naman ay dumiretso kay Darwin.



NAKAKRUS ang braso ni Darwin sa harapan at taas kilay akong tinignan.

“Ano na, Wayzer? Kailangan na nating magbalik at baka mapagalitan tayo ni Madam.” Atat naman s'yang tumingin sa loob ng site, nasa labas kasi kami.

Bumuntong-hininga muna ako bago binuka ang bibig na kanina pa ayaw magsalita.

“Paano manligaw?” seryoso kong tanong.

Gulat naman s'yang napatingin sa 'kin at mukhang 'di makapaniwala. “Talagang tinatanong mo pa sa 'kin 'yan, Wayzer?”

Inis kong kinamot an aking batok. “Basta sabihin mo kung paano!” singhal ko. “H'wag kang tatawa!”

Pinipigilan naman n'yang mapabungisngis sa 'king harapan at bumuga ng hininga. “Kay lalaking mong tao 'di mo alam kung paano?”

“Seryoso, Darwin. Akala ko ba nagmamadali ka? Diretsuhin mo na ako.”

Tinaas n'ya ang kan'yang kamay sa ere na tila ba sumusuko. “Oo na!” singhal n'yang sambit. Binaba n'ya ang kan'yang kamay at inakbayan ako. “Basi sa napagdaanan ko sa mga nakaraang relasyon, kailangan mong paibigin ang babaeng nililigawan mo.”

Alam ko naman iyon. Tsk.

“Tsk, bilisan mo at nahihiya ako.” Pakiramdam ko namumula na ang taenga ko sa kahihiyan.

Ngayon lang talaga ako nagtatanong sa mga bagay na ganito. Alam nilang ayaw ko sa ganitong bagay kaya naman gano'n na lang ang pagkairita ko nang asarin nila ako. Palibhasa nambabae minsan, may itsura rin naman kasi sila.

Mapangasar ang kan'yang mukha pero buti na lang ay hindi na n'ya tinuloy kung ano man ang balak n'ya sa 'kin.

Tumikhim s'ya. “Syempre, para mapaibig ang isang babae, dapat gumawa ka ng bagay na makapagpapasaya sa kan'ya. Gaya na lang ng pagharana, bigay ng bulaklak kung kinakailangan.”

Kumunot ang noo ko. “Ang badoy naman kung bibigyan ko s'ya ng bulaklak. Baka naman may ideya ka 'pang iba.”

Sinamaan n'ya ako ng tingin. “Ikaw manliligaw tapos ako ang magpaplano? Tsk,” singhal pa n'ya. “Sige, ipasyal mo na lang s'ya sa mga lugar na hindi pa n'ya napupuntahan. Dapat 'yong magandang lugar, ah!”

Madali lang pala. Ipapasyal ko lang s'ya tapos ayon! Kaso, paano naman s'ya magkakagusto sa 'kin? Loko rin 'to, eh.

“Imbes na sa akin ang atensiyon n'ya, sa lugar na mapupunta? Paano s'ya magkakagusto sa 'kin?” inis kong tanong pa sa kan'ya.

Napatampal s'ya sa noo at inis akong inamba na parang susuntukin. “Kahit kailan talaga napaka-ano mo! Syempre magiging masaya s'ya kasama ka habang naglilibot sa papasyalan mo at kapag masaya s'ya sa 'yo, edi may pag-asang magkagusto s'ya!” inis na inis pa n'yang paliwanag.

Napatango naman ako ng marami at inisip ang dapat naplanuhin. Medyo may pagkamahinhin ako pero 'di naman bakla. Mahinhin ba sa bagay-bagay, mapa trabaho man minsan.


~•~•~•~

“Saan ba tayo pupunta? Ang putik ng daan,” rinig kong reklamo ni Kestrel banda sa likuran ko habang naglalakad kami papunta sa gusto kong lugar na makita n'ya.

Lumingon ako sa kan'ya at hinintay na lumapit sa 'kin. “Malapit na, konting tiis na lang at makakarating na tayo.”

Inikutan n'ya ako ng mata na ikinataas ng gilid ng labi ko.

“Pinagti-tripan mo ba ako, Way? Look at my outfit!” Pinakita n'ya ang maputik n'yang bestida na hanggang ilalim ng tuhod, ito 'yong binigay ko sa kan'ya na bago.

“Akong bahala, lalabhan ko na lang pagdating natin do'n,” sabi ko naman at hinila s'ya at naglakad ulit.

Rinig ko pa ang ilang reklamo n'ya. “Date ba 'to? Gosh, siguraduhin mo lang na mag-e-enjoy ako rito.”

Lihim naman akong napangisi habang hawak-hawak ang kan'yang kamay. Sigurado naman akong nagugustuhan n'ya ang lugar, ang 'di ko lang sigurado ay kung magugustuhan na n'ya ako.

Napangiwi ako nang maisip ang ngayong araw na sinundo s'ya para pumasyal. Napagplanuhan ko na kung saang lugar kami pupunta kaya naman maglalakad na lang kami papunta ro'n.

Kinakabahan ako ng konti dahil nawala ang kan'yang nagkikislapang mata nang makitang naglalakad kami sa putikan na daanan. Wala na kaming ibang daanan pa kundi rito lang. Ang malas talaga di'ba?

Palpak talaga ako palagi. Akala ko pa naman handa na lahat pero mukhang hindi pa talaga. Bahala na.

Napahinto ako at gano'n din s'ya nang tumambad sa 'min ang nakaharang na naglalakihang dahon. Humarap ako sa kan'ya at taka naman n'ya akong tinignan.

“Anong gagawin natin dito? Akala ko pa naman sa bayan tayo pupunta.” Palinga-linga pa s'ya sa paligid na animo'y hinahanap ang sinasabi kong magandang tanawin.

Mariin na kinagat ko ang aking labi saka pinisil ang kan'yang kamay dahilan para tumingin s'ya sa 'kin.

“Ipikit mo muna ang iyong mga mata. Sigurado akong magugustuhan mo ang ipapakita ko sa 'yo.”

Kahit naguguluhan s'ya ay napatango na lamang at sinunod ang inutos ko. Inalayan ko naman s'yang humakbang at sinasangga ang ilang dahon sa daanan gamit ang aking likuran at braso. Baka kumati ang kan'yang maputing balat, eh.

'Di nagtagal nakarating na kami sa sinasabi kong lugar. Napangiti akong inilibot ang paningin. Berdeng-berde ang mga halaman at may iilan 'pang bulaklak na 'di ko kilala, 'yong basta lang ba s'ya tumubo sa tabi-tabi.

Nasa kagubatan kami pero hindi naman marami ang mga puno rito. Nalanghap ko tuloy ang natural na amoy galing sa lawa.

“Pwede na ba akong dumilat?” inip n'yang tanong habang nakapikit pa rin. Nakalimutan ko pala.

“Pwede na,” tugon ko at tumungo sa kan'yang likuran at hinawakan ang kan'yang dalawang balikat para makita naming dalawa ang tanawin.

“Oh my...” Nanlaking mata s'yang lumingon sa 'kin at mukhang nagustuhan n'ya ang lugar na ito.

“Alam kong tipo mo 'yong lugar na matataas ang kabahayan at nagagandahang pasyalan na sigurado naman akong may gano'n sa Manila.” Huminga ako ng malalim saka hinawakan na ang kan'yang dalawang kamay habang nakatingin sa kan'yang mata.

“Wayzer...”

“Ito lang ang tanging lugar na alam kong tayong dalawa lang ang nakakaalam. Walang taong nagtangkang pumunta rito dahil sa takot pero sinubukan ko pa rin na pasukin kahit walang kasiguraduhan.”

Nanlaki naman ang kan'yang mata at akmang magsasalita na kaagad ko s'yang pinigilan.

Ngumiti ako. “Gusto ko kasi 'yong ipasyal ka sa lugar na kagaya nito. Malapad na damo at malinis na lawa. Presko naman di'ba?” Napakagat ako sa labi. “Nagustuhan mo ba? Tayong dalawa pa lamang ang naka diskubre nito.”

Hindi ko alam kung bakit tahimik na umiiyak s'ya kaya naman nataranta ako. Akmang magsasalita na ako na kaagad n'ya akong niyakap ng mahigpit na animo'y wala ng bukas.

At do'n ko napagtanto na napasaya ko s'ya. Hindi s'ya umiiyak dahil 'di n'ya nagustuhan ang lugar o sa klaseng lugar na pinakita ko. Umiiyak s'ya sa saya dahil sa mga salita ko na alam kong tumatak sa kan'yang puso.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro