Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1: Ang Pagkilala

***

Bauan Public Market
Lunes, Agosto 2, 2021

"GANDA, ano'ng hanap?" tanong ng magtitindang walang humpay ang pagpapaypay sa isang dalagang may hila-hilang maliit na bagahe at backpack na may kalakihan at parehong kulay itim.

"Ganda, bili na rine!"

"Miss Byutipul, ano'ng hanap?" bati naman sa kabilang stall.

Ngumiti lamang ang dalaga at nagpatuloy sa paglalakad sa gitna ng tindahan ng mga stationery at laruan. Saan mang direksiyon siya tumingin ay pulos stationery, hindi lamang sa kanilang stall pero pati na sa may itaas ay puno rin ng paninda.

Matipid na ngumingiti si Katherine habang dumadaan sa mga tindahan. Parang bata siyang namamangha sa kapaligiran. Kakaibang-kakaiba iyon sa kaniyang kinalakihan at nakasanayan. May kasikipan ang daan dahil bukod sa mga paninda ay tuloy-tuloy lamang ang mga mamimili sa pagdaan.

Tiningnan ni Katherine ang kaniyang munting papel na may guhit kung paano makararating sa sakayan ng dyip na bigay sa kaniya ng isang staff ng bus terminal kaninang madaling-araw.

Akala ni Katherine ay magiging madali ang lahat kagaya sa Australia. Akala niya ay hindi nalalayo ang bilis at linis ng transportasyon dahil hindi kompleto ang mga nasa internet, ngunit mali siya. Malaki ang pagkakaiba ng mga bansa. At base sa kaniyang pagsubok sa kaniyang connecting flight, mukhang nagkakapareho pa ang Singapore at Australia pagdating sa transportasyon.

Akala lang pala niya.

Bukod sa pagod na siya sa kaniyang bitbit na mga gamit, pinagpapawisan na rin siya kahit na mataas ang pagkatatali ng kaniyang mahabang buhok na kulay tsokolate at may mauve na highlights. Itim na T-shirt, itim na maong shorts, at Converse na puti naman ang kaniyang suot. Ngunit maalinsangan talaga ang panahon kompara sa Australia.

At sa kamalas-malasang pagkakataon, nahulog pa ang kaniyang phone sa sahig at ngayon ay hindi na niya mabuksan upang makatawag. Hindi rin niya saulado ang mga numero na maaari niyang tawagan at ang kaniyang mga tinanungan ay iba ang gamit na phone sa kaniya kaya hindi kasukat ang sim card na gamit.

Noong nag-search siya sa internet tungkol sa Pilipinas, marami siyang masasakyang pampublikong transportasyon kahit saan siya magpunta kaya naging kampante siya. Ngunit nagkamali siya. Sa sobrang dami at haba ng mga pila, nalilito na siya.

At isa pa, mukhang hindi siya gaano kadaling maintindihan sa pagsasalita dahil sa kaniyang Australian accent. Napansin niyang iba ang diin at diksyon ng kaniyang mga natatanungan.

Perhaps she could have measured the difficulty of flying to an unfamiliar country by herself. Maybe she judged it too early. Perhaps she was overconfident.

Lumampas si Katherine sa ilan pang tindahan hanggang sa marating ang mumunting mga grocery stall, at paglabas sa palengke ay nakakita siya ng mga magkakatabing dyip. Mula sa kaniyang kinatatayuan ay pansin niya ang mga nagtitinda ng palamig at kung ano-anong kakanin.

Mayroong mga lalaking pulos nakasuot ng asul na T-shirt at maong na pantalon. Ilan sa kanila ay naninigarilyo at may dalawang nakataas ang damit na parang sadyang ipinakikita ang nagbibilugang mga tiyan.

Nakahinga siya nang maluwag at lumapit sa isang lalaking nagpupunas ng Good Morning towel habang umiinom ng tubig mula sa manipis na plastic bag.

"Excuse me," pagtawag niya sa barker ng dyip.

Napalingon ang matanda sa kaniya at sinuri siya mula ulo hanggang paa. Maging ang bagahe niyang dala ay nasuri ng lalaki.

"Yes, Ma'am?" magalang na usal ng matanda.

"I'd like to go to this address. Could you please help me?" aniya sabay ang pagpapakita ng papel sa matanda. Tahimik ang matanda habang binabasa ang nakasulat. Halos maging guhit ang mga mata nito na parang batang sumasangoy habang pilit na binabasa ang nakasulat.

"Mangoville?" basa ng matanda.

"Yes, I'd like to go there."

"Ah . . . not here. Ahm . . . wrong. Go there," hirap na paliwanag ng matanda at itinuro ang kabilang kalsada.

"At the other side?"

"Yes, yes, other side."

"Will I spot it immediately?" Lutang na lutang ang banyagang pananalita ng dalaga na nagpakunot ng noo ng matanda.

"Suskopô, Rudeh! Ako pa ang nadale!" bulong ng matanda sa sarili at saka tumikhim. "Will . . . spot . . . immediately?" paglilinaw ng matanda sa tanong.

"Yes, will I find it immediately?"

"Yes, yes. Go straight, then left. Many jeep there go to Mabini," sagot nito, hinihiling na maiintindihan ng banyaga ang pagsasalita. Napakalalim pa naman ng accent ni Katherine.

"So go straight, and at the end, turn left?" paglilinaw ni Katherine.

"Ah . . . yes, Ma'am. Straight then left."

Tumango si Katherine at saka ngumiti. "All right. Thanks, mate," ani Katherine at naglakad na muli.

Ibinalik niya ang papel sa isang bulsa at kinuha ang panyo sa kabilang bulsa para punasan ang pawisang noo. Kung nakasusunog ng balat ang init sa Australia, basang-basa naman siya ng pawis sa Pilipinas.

Pagod na pagod na siya mula pa lang sa kaniyang flight. Mukhang dapat nanatili muna siya sa Maynila para makapagpahinga pero dumeretso agad sa Batangas.

At mula sa terminal ng bus sa Batangas ay magtutungo siya sa Bauan-ang lugar na nasa liham ng kaniyang totoong ina at lugar na matitigilan niya pansamantala.

Unang beses ni Katherine na magpunta sa ibang bansa na hindi kasama ang mga magulang na umampon sa kaniya noong sanggol pa lamang siya. At sa paparating na ika-dalawampu niyang kaarawan, napili niyang sa Pilipinas pumunta upang hanapin ang kaniyang ina. Gusto niya itong makilala matapos ang halos dalawang dekada mula nang isilang siya sa mundo.

Growing up, she felt incomplete and different. She was a Morena, and her adoptive parents were both Australians. Marami na ring nagtanong sa kaniya kung totoo ba niyang mga magulang ang kasama niya araw-araw.

Noong magkaisip lamang siya nagtanong kina Graham at Tayla tungkol sa katotohanan na hindi naman tinanggihan ng mag-asawa. Noong labing-walong taong gulang si Katherine, ibinigay nila ang desisyon sa kanya kung gusto niyang makilala ang totoong ina, na siyang sinang-ayunan niya.

Habang naglalakad, pansin ni Katherine ang ilang pagmamasid sa kaniyang direksiyon. Nang dumaan siya sa harap ng tindahan ng mga bigas, ilang magtitinda ang muling pilit na kinukuha ang kaniyang atensiyon. Maging ang mga kargador ay pilit nagpapapansin sa kaniya. May sumisipol pa ngunit hindi na niya pinatulan pa dahil ang isipan ng dalaga ay makarating na sa kaniyang titigilang bahay habang naroroon.

It was a brand-new experience for her.

Nang marating niya ang kabilang dulo ng palengke ay napansin niya ang dali-daling pagsakay ng mga tao sa dyip.

"Tatlo pa! Tatlo pa!" sigaw ng lalaki na hindi naman naintindihan ni Katherine. Nahihiya siyang lumapit sa lalaking nagtatawag at nakataas ang kamay sa ere.

"Excuse me."

Napatingin sa kaniya ang lalaki at agad na ibinaba ang kamay. Mariin pa nitong inipit ang kilikili.

"Y-yes, Ma'am?"

"Could you please help me?"

"Help, Ma'am? Tell me what you need. I help you," kampanteng usal ng lalaki, may diin sa kaniyang pag-i-Ingles.

"Well, I would like to go to this address, but I think I'm lost." Iniabot ni Katherine ang munting papel at tinanggap naman ng lalaki.

"Susmaryosep. Nosebleed ako nito," bulong ng lalaki sabay kamot ng ulo at saka tiningnan ang papel na lukot-lukot na. "Mangoville? Yes, this jeep," panimula nito sabay turo sa dyip. "This one pass there."

"Really?"

"Yes, Ma'am!" anito sabay balik ng papel.

Parang nabunutan ng tinik si Katherine nang marinig ang balitang iyon. Parang nakikita na niya ang dulo ng karera upang makapagpahinga na siya.

"That's a relief. How would I know if I'm already there?"

"Ah . . . ano . . . you say 'para' when you see the big sign of Mangoville," aniya. Itinaas pa ng lalaki ang kamay nito upang ipakita kung gaano kalaki ang sign ng lugar.

"Pa-ra?" kunot-noong sambit ni Katherine. Ngunit sa halip na mabigkas niya nang maayos, iba ang kinalabasang tono ng salita.

"No, Ma'am. No. Not pey-ra," panggagaya ng barker. "Pára! You say it hard!" aniya sabay kuyom ng kamao. "PARA!"

"Pá-ra," pag-uulit ni Katherine.

"Yes, Ma'am! Pey-ra is money. Pára is stop," paliwanag ng matanda. "So say it hard. Para!"

"Oh, I see."

"Yes, Ma'am. When you see big sign, you say 'para' loud so the driver can hear you. Jeep will stop, okay?" hirap nitong paliwanag.

"I see. Thank you," tatango-tangong sagot ni Katherine. "You're welcome, Ma'am! So, you . . . you get in?" Sinilip ni Katherine ang dyip at puno na iyon. Nakatingin din sa kanila ang ilang mga pasahero, mukhang natatawa sa kanilang pag-uusap.

"It looks full already."

"No, Ma'am. One more can sit. You can go in." Napakagat ng labi si Katherine, iniisip kung makikipagsapalaran siya sa biyahe o maghihintay sa kasunod.

"How long would the next ride be?"

"Ano . . . when this one full"—sabay turo sa dyip—"it go. Not full, no go."

"But . . ." Napalunok si Katherine at napaisip nang malalim.

Nag-aalinlangan pa rin siya kung tutuloy sa biyahe nang maalala ang sinabi ng Mommy Tayla niya, "Kath, remember, you are visiting their country. It will be very different from what you are used to, and it won't be them who would adjust to you. You need to learn to adapt to their culture."

Gustong mapahilamos ni Katherine sa mukha gamit ang mga palad ngunit ayaw niyang ipakita ang pagkabahala at pagkabalisa. Alam niyang tama ang kaniyang ina ngunit hindi niya inaasahan kung gaano kalaki ang ipinagkaiba ng kinalakihan niya sa Australia kompara sa nararanasan na niya sa mga oras na iyon.

At the end of the day, she would need to adjust and adapt to everything around her.

"Are you sure it's going to pass Mangoville? I don't want to go back in circles."

"Yes, Ma'am. We go there!" pilit na sagot ng barker.

"Are you a hundred percent certain?" nag-aalala niyang tanong, pilit nakikipagsukatan ng tingin.

"Yes, Ma'am. Sure na sure!"

"How much would it be from here?"

"How much?" pag-uulit ng barker at tumango ang dalaga.

"Only two hundred . . . pesos!"

"Two hundred? Oh, okay . . ."

Akmang kukuhanin ni Katherine ang kaniyang pitaka ngunit nabigla siya nang may tumapik sa kausap niya. Pagtingala ni Katherine, isang lalaking nakaputing T-shirt at slacks. May bitbit din itong backpack at maayos na maayos ang pagkakasuklay ng buhok sa isang direksiyon. Makapal ang kilay nito na bagay sa matipuno nitong katawan at maaliwalas na mukha. His face was cleanly shaved, and he looked older than her . . . but not too old. Marahil ay ilang taon lamang ang pagitan ng edad nilang dalawa.

"Boss, huwag gay'an! Kaya napangit ang tingin ng iba sa atin, e! Hilig n'yong manloko ng kapuwa," usal ng binata. "Utoy, huwag kang makimali-mali. Hindi naman ikaw ang kausap, e!" singhal ng lalaki.

"Boss, huwag gay'an! Aba naman. Babae pa are na lolokohin, e!" aniya. "Palibhasa ay hindi kayo naiintindihan nare." Masama ang naging tingin ng matanda at saka umalis sa kanilang harapan. "Aba! Aba! Si manong ay sasangoy pa. Ano ga namang padale 'yan, manong?" Napailing siya habang pinagmamasdan ang pagtatawag na muli ng matanda sa ibang naghihintay sa tabi ng kalsada.

"Excuse me." Napatingin ang binata kay Katherine at natigilan. Hindi pa rin nawawala ang kunot sa noo ng binata.

"Is there something wrong?"

"Miss, don't pay two hundred Pesos. Only ten Pesos is enough," paliwanag niya.

"Really?"

"Yes! You said you're going to Mangoville, right?" Tumango-tango si Katherine. "I live there, so I know. I always ride a jeep to go home," paliwanag ng binata.

"Is that true?" puno ng pag-aalinlangang tanong ni Katherine. She felt like she could trust no one.

No one.

"Yes, Ma'am. Teka . . ." Kinuha ng binata ang kaniyang itim na pitaka at hinugot ang isang ID. "This is my ID. See, my name is Crisostomo, and my address is listed there. It says Mangoville."

Biglang nangunot ang noo ni Katherine at binasa nang maayos ang nasa ID. ng binata. "Is this really your address?"

"Yes, why?"

Kinuha ni Katherine ang papel niya at ipinakita ang address na kaniyang pupuntahan niya. Nag-aalinlangan na kinuha iyon ni Crisostomo at binuklat.

Hindi nakatakas kay Katherine ang panlalaki ng mata ni Crisostomo nang makita ang nakasulat.

Naguguluhang napatanong ang binata, "Who are you?" Hindi pa rin tumitigil ang pagsuri ni Crisostomo sa bawat malalim na pag-i-Ingles ni Katherine lalo na dahil sa napagtanto nilang dalawa.

Napalunok si Katherine at inayos ang kaniyang tindig. "I'm Katherine Jesse Smith," pagpapakilala ni Katherine sa matangkad na binata.

"Okay . . . Katherine, why are you going to my house?" Nanlaki ang mata ni Katherine sa tanong na iyon ng binata hanggang sa humampas ang preskong hangin sa pagitan nilang dalawa.

***

P R I N C E S S T H I R T E E N 0 0

JO ELLE

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro