Chapter 2
Chapter 2
Ikatlong itinakdang babae
Time flies but never the memories.
Ilang bampira na ba ang nagsabi nito sa akin? Sina Danna, Lolo, Reyna Talisha at maging ang dating mga itinakdang babae. Daang taon man ang lumipas, hindi magagawang makalimot ng isang bampira.
Walang sakit na maghihilom, walang hapding maglalaho at walang pangungulilang matatapos.
Pinahid ko ang takas na luha mula sa aking mata. Paano ako makapaghihintay ng labing apat na taon? Paano ko pa mahihintay ang pagsilang ng dalawa pang natitirang itinakdang babae? Paano ko matitiis ang napakahabang taong wala ang aking prinsipe?
Natatakot akong kung mag-abot man kami, kaunting panahon na lamang ang aking maaaring ipamalagi. Nararamdaman ko na ang pagpaparamdam ng asul na apoy at nakapangako na ako sa kanya.
Ano pa ang maaari kong gawin para buhayin si Zen? Tanging kami lamang itinakdang babae ang may kakayahang gumawa niyon.
Ibinaba ko na ang aking salamin sa mata dahil wala ng araw. Gabi na sa mundo ng mga tao. Nakatanaw ako sa madilim na overpass habang pinapanuod ang liwanag mula sa mga nagdaraang sasakyan.
Hindi ko maiwasang maalala ang transportasyon sa mundo ng mga bampira, tanging magagandang karwahe, mataas na kalidad na mga kabayo at naglalakihang ibon ang aming sinasakyan. Pitong taon na akong wala sa mundong aking tinakbuhan, kumusta na kaya silang lahat?
Mukhang tama nga si Lola, mabibigo lamang ako sa gagawin kong ito. Bakit hindi ko naisip ang laki ng agwat ng edad ko sa mga itinakdang babae? Bakit hindi man lang iyon pumasok sa isip ko?
Habang malayo ang isip ko, ramdam ko ang presensiya ng dalawang taong nasisiguro kong nagbabalak ng hindi maganda sa akin. Kanilang isang malaking pagkakamali.
Papalapit silang dalawa sa akin na kapwa may dalang mga patalim. Hindi na ako nagulat nang itutok nila iyon sa aking tagiliran.
"Huwag kang sisigaw, ibigay mo ang pera mo." Mas inilapit niya pa ang kanyang patalim sa akin.
Kanina ko pang pilit pinapahid ang mga luha pero ito at may panibagong pumapatak na naman. Nangako akong hindi ako susuko para buhayin si Zen pero kung oras naman ang kalaban ko? Paano ko pa iyon lalabanan?
Zen, I miss you so much...
"Huwag kang umiyak diyan! Ibigay mo na sa amin ang pera mo!"
"Umiiyak ka na sa takot. Huwag ka nang magmatigas,Miss!" Nanatili akong hindi lumilingon sa dalawang lalaki at nakatulala pa rin ako sa kalsada.
"Miss! Ibigay mo na. Masasaktan ka na!"
Bumuntong hininga ako at sinimulan ko nang buksan ang bag ko.
"Lumayo kayo sa kanya!" Malakas na boses ang nakapagpalingon sa aming tatlo. Sa isang iglap ay tumilapon ang katawan ng dalawang lalaki mula sa akin dahil sa walang habas na paghila ng mararahas na braso sa kanilang leeg at pabalya silang bumagsak sa semento.
Sa gulat at takot nga mga nila ay nagmadali na silang tumakbo papalayo. Napatitig ako sa taong tumulong sa akin pero sa halip na ako ang matulala ay siya ang napatulala sa akin na may nakaawang na mga labi.
Humampas ang banayad na hangin dahilan kung bakit nilipad ang mahaba kong buhok na sinabayan ng marahang pagniningas ng aking mga mata.
"Lumuluhang bampira..." Rinig kong bulong ng babaeng nasa harapan ko. Mabilis siyang nag-angat ng baril at itinutok niya iyon sa akin.
"Ano ang ginagawa mo sa lugar na ito?! Saan ka dumaan?!" Matigas na tanong niya.
Who is she? Paano niya nalaman na isa akong bampira? Tanging mga bampira at ibang uri ng nilalang ang maaaring makaramdam na isa akong bampira.
"Sa salamin..." Sagot ko na unti-unting nagpababa ng baril niya. Bumalik ako sa pagtanaw sa kalsada.
"Isang itinakdang babae. Ano ang ginagawa mo sa mundong ito? Hindi ba at dapat ay nasa mundo ka ng mga bampira?" Lumapit na siya sa akin.
"Who are you? You're not a vampire..." Sagot ko.
"I am a Middelei."
Kumunot ang noo. "Middelei?"
"Kami ang samahan na namamahala ng lagusan sa pagitan ng dalawang mundo. Kung ang palasyo ng asul na apoy ang ginagamit n'yong lagusang patungo dito, may isa pang lagusan na siyang maaaring daanan, iyon ay sa Middel ng mga bampira o tao. Middelei ang tawag sa mga nilalang na bumubuo sa Middel. Karamihan ay mga bampira na ayaw nang mamuhay sa sarili nilang mundo at mga taong may kaunting patak ng dugong bampira na siyang katulad ko. Kami rin ang pumapatay sa mga bampirang naliligaw at nang-aabuso sa mundong ito."
Kung hindi sa palasyo ng asul na apoy dumadaan ang mga Gazellian, posibleng sa Middel din ang ginagamit nila. Ngunit pati rin mga tao?
"Saang Emperyo nakalagi ang iyong salamin?" Tanong niya sa akin.
"Sa Parsua Sartorias." Nagliwanag ang mukha niya sa sinabi ko.
"Kung ganoon ay nakikilala mo si Dastan?"
Kumunot ang noo ko sa kanya. "Siya ang hari at kapatid siya ng lalaking itinakda sa akin. Paano mo nakilala si Kamahalan?"
Tumaas ang kilay niya at ibinulsa niya ang kanyang baril. "I was his lover."
Nanlaki ang mga mata ko. Hindi lang sina Elizabeth at Rosemary ang nabihag ni Kamahalan, maging ang babaeng nasa harapan ko.
"Tatlo kayong babae na..."
Natawa siya sa reaksyon ko. "Hindi kami mabilang sa kamay. Your King is not a saint... Tumitikim siya ng iba't ibang nilalang."
Halos hindi ko na masalubong iyong mata ng babae. Buong akala ko ay si Dastan na ang pinakamatino sa magkakapatid na Gazellian.
"H-Hindi ako makapaniwala..."
"Maraming lihim ang inyong hari. Masaya akong ibinabahagi niya iyon sa akin, sa kabila ng katotohanang kahit anong pilit o hiling ko, hindi siya para sa akin. But I am already happy for him. He found his mate." Mas lalo akong nagulat sa sinabi niya.
"A-Are you sure?"
Natatandaan ko pa ang pagpupumilit ng kasal kay Dastan noon.
"Yes. Hindi lang ako ang lumuha nang sumabog ang balitang iyon." Hindi na ako nagsalita at hinayaan ko siyang sabihin sa akin ang lahat.
"Isa lang din ang ibig sabihin ng balita, hindi na niya ako dadalawin o tatawagin ang pangalan ko. Hindi ko na siya muling makakasama. Dumating na ang kinatatakutan ng lahat ng babaeng hanggang ngayon ay minamahal pa rin ang Hari ng Sartorias..."
Hindi ko maiwasang magalit kay Dastan. Bakit niya hinayaang umibig sa kanya ang napakaraming babae gayong itinakda siya sa iisang babae?
"Sigurado akong makikilala mo rin ang lalaking itinakda sa'yo..." Ito na ang sinabi ko na tipid na nagpangiti sa kanya.
"Maaari ko bang malaman ang pangalan mo, itinakdang babae?"
"Claret Cordelia Amor..." Ngumiti ako sa kanya.
Inilahad niya ang kanyang kamay sa akin. "Alanis. Ano ang ginagawa mo rito?"
"Nagpapahinga sa lahat ng sakit..."
Siya ang tipo ng tao na marunong magbasa ng sitwasyon, tumalikod siya sa akin habang nag-iinat at agad niyang binago ang usapan.
"May pupuntahan ka ba? Pwede kang sumabay sa akin, hindi ka maaaring tumakbo nang mabilis dito sa bayan at lalong hindi ka pwedeng manatili rito. Agaw atensyon ka."
Tumango ako. Sumunod na ako sa kanya hanggang tumigil kami sa harap ng isang motor.
"Sumasakay ka naman dito, hindi ba?"
Umangkas na ako at nang tumatagal na ang takbo ng kanyang motor ay nagiging pamilyar sa akin ang daan.
"Saan tayo pupunta?"
"Sa lumang museleo. Pinapatawag ako ng dalawang matanda." Mariin akong napapikit. Nagmadali na akong umalis doon nang malaman na bata pa ang itinakdang babae.
"May problema ba?"
"W-Wala..."
Nang makarating kami sa lumang museleo ay muli na naman akong niyakap ng kakaibang pakiramdam. Kusang nabuksan ang pintuan, nagtatakang napatitig sa akin ang dalawang matanda sa pagbabalik ko.
Nagtungo kami sa isang silid na hindi kalakihan, kaunting aklat lamang ang nandoon at isang maliit na lamesa. Nauna nang naupo ang dalawang matanda kaya sumunod na rin kami ni Alanis.
"Bakit ka nagbalik itinakdang babae?"
"Nakita ko siya kanina at hindi magandang magpalipas siya ng gabi sa daan. Hindi lahat ng Middelei ay itatanong kung anong klaseng bampira siya at kung papaano siya nakatawid sa mundong ito. Maaari siyang mapatay kung magpapakalat kalat siya." Sagot ni Alanis.
"Tulog na ba si Kyla?" Tanong niya sa dalawang matanda. Nang tumango sila ay napahinga ako nang maluwag.
"Bakit n'yo nga pala ako ipinatawag?" Tanong ni Alanis. Napasulyap sa akin ang dalawang matanda.
"Siguro ay talagang sinadya ng tadhana na magkita kayong dalawa. Kailangan mo rin malaman ang sasabihin kong ito." Napalunok ako sa sinabi ng matandang babae.
"Alam mo naman siguro na nagulo ang balanse ng mga itinakdang babae hindi ba? Sa halip na apat lamang kayo, sa henerasyon n'yo ay lima ang lumabas na itinakdang babae." Panimula ng matandang babae.
"Nagkaroon ng problema nang unang isinilang ang dapat ikalimang babae. Dalawang taon siyang nauna sa'yo." Si Astrid ang tinutukoy niya.
"Nalalaman mo ba kung ano ang simbolo ng nakatakdang prinsipe sa kanya?" Kumunot ang noo ko.
Zen has the spade, Tobias has the clubs, Seth has the hearts, and I am sure Blair has the diamond. Pero ano nga ba ang kay Rosh?
"Hindi ko po alam..."
"Palaisipan, hindi ba? May gustong iparating ang asul na apoy kung bakit biglang nasira ang tradisyunal na pagkakasunud-sunod. Malaki rin ang posibilidad na nalalaman na rin ito ng ikalimang itinakdang prinsipe at inililihim niya lamang ito sa inyo."
Natigilan ako sa sinabi ng matanda. Hindi malayong mangyari iyon dahil si Rosh ang bampirang hindi madaling mabasa mula sa kanyang mga ikinikilos.
Pero ano ang gustong iparating ng asul na apoy? At kung totoong may nalalaman na si Rosh, papaano siya napasunod ng asul na apoy na ilihim iyon?
"Isa lang ibig sabihin nito. Gusto nang patawirin ng asul na apoy ang ikalimang itinakdang babae bago ka pa makarating pero hindi iyon nagtagumpay dahil may humarang sa kanya. Dito na mas lalong nagulo ang balanse ng limang itinakdang babae."
Nanatili akong nakikinig.
"Papaanong nagulo? Hindi ba at nasa tamang edad lang ang agwat ni Claret at Kyla ngayon? She's four, and after fourteen years, she'll be eighteen. That will be ninety-eight years in the vampire world. Maaari na lang siyang maghintay ng ilang buwan bago siya makatawid, hindi ba? Anong mali?" Tanong ni Alanis. Ito rin ang nasa isip ko, ang tanging problema na lamang namin ay kung papaano siya patatawirin sa kanyang sariling salamin. Gusto kong kausapin si Serena tungkol sa bagay na ito.
Umiling ang dalawang matanda sa sinabi ni Alanis na nagpatambol ng dibdib ko.
"Hindi si Kyla, kundi ang ikatlong itinakdang babae. Matapos ang dalawang linggo ay isisilang na siya sa mundong ito."
Kapwa na kami natulala sa sinabi ng matanda. Masyadong maaga ang paglabas niya.
"Ano ang masamang maidudulot nito? Hindi ba at mas maganda kung hindi na ganito kahaba ang panahong agwat nila?" Kinakabahang tanong ko na umaasang wala iyong masamang epekto sa aming lahat.
Muling umiling ang dalawang matanda. Gusto ko nang hawakan ang dibdib ko sa sobrang lakas ng kabog nito.
"Hindi magbubukas ang salamin kung hindi pa tamang panahon sa mundo ng mga bampira kahit nasa tamang gulang na siya. Isa lang ang ibig sabihin nito, habang hinihintay niyang mabuksan ang salamin magsisimula na siyang magka-edad sa mundong ito." Natahimik na kami ni Alanis.
"May masama bang mangyayari kung higit sa labing walong taon ang tatawid sa salamin na itinakdang babae? The fifth deity is in her early twenties right now," Pangangatwiran ko.
"Hanggang dalawampu't dalawang taong gulang lamang ang babaeng maaaring tumawid sa salamin, dahil kapag sinubukan niyang tumawid sa salamin sa kanyang taong katawan na higit sa edad na ito ay mamatay siya sa pagitan ng dalawang mundo. Hindi kakayanin ng katawan niya. Mas malakas ang presensiya ng pagiging itinakdang babae n'yo sa pagitan ng edad labing walo hanggang dalawampu't dalawa."
Hindi ko alam ang bagay na ito. Paaano na si Astrid? Kailangan na niyang makatawid sa salamin niya bago matapos ang dalawang taon.
"Masyadong maagang ipinanganak ang ikatlong itinakdang babae na siyang maaaring maging dahilan para hindi siya makatawid sa mundo ng mga bampira. Sirang-sira na ang balanse n'yong lima at natatakot akong posibleng lumabas na rin ang ikaapat na babae." Nakagat ko na ang pang-ibabang labi ko.
Hindi ko na alam ang nararamdaman ko. Masyadong komplikado at sensitibo ang kapangyarihan, kondisyon at patakaran ng mahiwagang salamin.
"W-Wala ba tayong magagawa rito?" Kinakabahang tanong ko.
"Maging ang mga nakapalibot sa kanya ay hindi siya kayang tanggapin sa panahong ito. Walang inaasahang itinakdang babae sa taong ito..." Tila may pumiga sa puso ko.
Bakit ganoon lagi ang nangyayari? Bakit nila kailangang sumunod sa masakit na patakaran?
"Saan ko matatagpuan ang ikatlong itinakdang babae?" Tanong ko.
"Sa isang lumang templo na pinamumunuan ng mga mongha. Naglalagi ito sa isang kabundukan na matagal nang inakala ng mga taong patay na. Isang linggo mo itong lalakbayin sa pamamagitan ng bangka at mahabang paglalakad. Ito ang Bundok Morte."
Napasinghap si Alanis nang marinig ang pangalan ng bundok. Bigla kong naalala ang sinabi sa akin ni Lola. Iyon ang bundok na napupuno nga ng iba't ibang klase ng puno pero ang buong kapaligiran ay sumisigaw ng lumbay at kalungkutan kaya nasabing patay ang bundok. Kahit ibon o ibang klaseng hayop ay walang naninirahan doon.
Patay na kabundukan para sa ikatlong itinakdang babae. Tama ba na ganoon ang sumalubong sa kanya?
Huminga ako nang malalim bago ako nagsimulang tumayo.
"Maraming salamat po sa ikalawang pagtanggap. Kailangan ko na pong umalis..." Marahan akong yumuko sa dalawang matanda bago ako tumalikod at nagsimulang magtungo sa pintuan.
"Maaari ko bang malaman kung saan patungo ang unang itinakdang babae?" Tumigil ako sa paglalakad pero hindi ako lumingon sa kanila. Napansin kong nakasilip ang ikalawang itinakdang babae sa hindi kalayuan at nang nagtama ang aming mga mata ay mabilis siyang nagtago.
Muli akong huminga nang malalim bago ako tipid na ngumiti. Siguro ay ito na ang huling beses na magtutungo ako sa museleong ito.
"Kung hindi siya kayang salubungin ng panahong ito, ako ang unang sasalubong sa kanya..."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro