Chapter 1
Chapter 1
Ikalawang itinakdang babae
FLASHBACK
Patuloy akong lumuluha kasabay ng pagbuhos ng mga nyebe sa aking katawan. Wala akong ibang kayang gawin kundi damhin iyon habang ipinapaalala sa akin na wala na si Zen.
"Z-Zen..."
Hindi ko kayang manatili sa lugar kung saan ipinapaalala nila sa akin na wala na sa tabi ko ang lalaking mahal ko. Ang panuorin ang pagkaputol at pagkasunog ng kahuli-huling bagay na sumisimbolo ng pananatili niyang buhay sa mundong ito ay ang huli kong gagawin.
Kusa nang gumalaw ang mga paa ko at tumakbo na ako nang mabilis, pero sa pangalawang pagkakataon ay muli akong natumba. Humagulgol na ako sa pag-iyak at inihampas ang kamao sa lupa nang paulit-ulit.
I am so weak and damn worthless.
Sinasabing ako na ang maaaring pinakamalakas na babaylan sa mundong ito, pero bakit hinayaan kong mawala sa aking harapan ang lalaking pinakamamahal ko?
Hindi ko pinapansin ang pagkirot ng kamao ko at maging ang pagdurugo nito.
"Wala ka man lang nagawa! Wala! Wala, Claret..." Kung pwede lang malipat sa mga kamay ko iyong lahat ng sakit sa dibdib ko, kung maaari lang sumama na sa mga luha ko iyong kalungkutan...
"Tama na..." Natigil ang nagdurugo kong kamay para muling tumama sa lupa nang may humawak niyon.
Pinilit kong manlaban pero higit siyang malakas. "Stop hurting yourself..."
"W-Who are you? Bitawan mo 'ko!" Marahan niya akong binitawan at tipid siyang yumuko sa akin.
"Blairrient Phoenix Thundilior. Ika-apat na bampira mula sa propesiya. Nais kong humingi ng tawad sa huli kong pagdating..." Pilit ko siyang pinagmasdan sa kabila ng mga luha ko.
Nangatal ang mga labi ko. Ang mga hampas ko na dapat patungo sa lupa ay tumatama na ngayon sa kanyang dibdib.
"B-Bakit ngayon ka lang dumating? S-Sana natulungan mo rin kami ni Zen..." Alam kong mali na ang lumalabas na mga salita mula sa akin, pero nais ko nang maghanap ng sisisihin. Parang sasabog na ang dibdib ko.
Hinayaan niya akong gawin iyon sa kanya. "Humihingi ako ng tawad, Mahal na Diyosa mula sa salamin..."
Dahil nakikita niyang wala na akong kakayahang humakbang o maglakad pa, binuhat niya na ako habang wala akong tigil sa pag-iyak sa dibdib niya habang isinisisi sa kanya ang lahat.
Katulad ng presensiya ng iba pang itinakdang prinsipe, banayad ang pakiramdam ko sa kanya.
"Ihahatid kita sa 'yong salamin. Hindi ko maipapangakong isa ako sa mga sasalubong sa'yo sa muli mong pagbabalik pero ipinapangako kong hindi ako mawawala sa susunod mong laban..."
Madali niya akong nadala sa harap ng salamin. Hindi ko na nais makipag-usap pa at tuluyan nang tumawid doon nang humarap ako sa prinsipe.
"Maraming salamat, Mahal na Prinsipe..."
Umiling siya sa akin. "Hindi mo na ako kailangang tawaging prinsipe. Isa lamang akong anak sa labas. Isang katanungan kung bakit ako ang napili ng asul na apoy, isang hindi maharlika..."
Bigla akong natigilan. Iyon ba ang dahilan kung bakit natagalan siya sa pagpapakilala? At nagawa ko pa siyang sisihin? Hindi ko man lang naisip na ang mundong ito'y hindi lang sa amin ni Zen umiikot.
"Nais kong humingi ng tawad sa huling pagpapakilala, dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap ang ibinigay sa akin ng asul na apoy..."
Sa halip na ang mga paa ko'y humakbang patungo sa salamin, unti-unti akong lumapit patungo sa prinsipe.
"May dahilan ang asul na apoy... Hindi ka man ituring na isang prinsipe sa mata ng napakaraming bampira, ipinapangako kong kaming limang babae na magmumula sa salamin ang unang yuyuko sa 'yo para igalang ka bilang isang higit pa sa prinsipe... Maraming salamat sa paghatid."
Saglit siyang natigilan sa mga salitang binitawan ko, ngunit lumambot din ang ekspresyon niya at tipid siyang ngumiti.
"Sa sandaling lumabas na ang sarili mong diyosa mula sa salamin, nasisiguro kong ikaw mismo ang yayakap sa propesiyang ibinigay sa 'yo. Hindi ka man purong maharlika, ikaw pa rin ang pinili ng asul na apoy dahil higit pa sa dugong nanalaytay sa 'yo ang kakayahang mayroon ito..." Marahan kong hinawakan ang dibdib niya.
Hindi na siya sumagot. Humarap na akong muli papalapit sa salamin.
"Hanggang sa muli, Blair..."
Nang tuluyan na akong makatawid sa salamin, si Lola ang siyang sumalubong sa akin. Maagap niya akong sinalo nang mawalan ako ng panimbang.
"Claret, apo..." Mahigpit akong yumakap kay Lola.
"Lola si Zen po... naglaho siya. N-Naglaho siya sa mismong harapan ko. Nakayakap lang siya sa akin, sinabi niyang mahal niya ako... Bakit kailangan niyang mawala? Bakit kailangan naming maisumpa? Ang sakit, Lola... Ang sakit sakit po..."
Dahil sa matinding pagkaawa sa akin ni Lola, gumamit siya ng uri ng pabango para tuluyan na akong makatulog at saglit na makalimutan ang sakit.
***
Mahirap man paniwalaan pero halos isang taon akong umiiyak sa tuwing sumasapit ang gabi. Sobrang sakit at kailanman ay hindi magagamot ang pagkawalay sa lalaking itinakda sa 'yo.
Kasalukuyan akong nakatitig sa buwan habang pilit iyong inaabot ng aking kamay. Akala ko kahinaan ng mga bampira ang buwan pero mukhang iba ang epekto ng buwan sa mundo ng mga tao.
Nasa likuran kami ni Lola ng aming lumang bahay kung saan may mas magandang paliguan. Makikita rito ang kabuuan ng kalangitan at lubos na malalanghap ang sariwang simoy ng hangin. Ngayo'y hindi lang purong gatas pati na rin purong gata ng niyog ang yumakap sa aking kabuoan. Nakababad ang katawan ko roon habang marahang sinusuklay ni Lola ang aking mahabang buhok.
"Lola, hanggang ngayon ay nagtataka pa rin ako, para saan pa ang paliligo ko sa gatas? Hindi na ako birhen."
Kung hindi ako nagkakamali ay ginagawa niya lamang iyon dati sa akin bilang paghahanda sa pagkikita namin ni Zen o sa pagpapanatili sa aking malinis. Parte iyon ng ritwal ng mga bampira kung saan ibinababad ang birheng nakatakda sa isang prinsipe sa purong gatas bago iharap sa kanya.
"Gusto ko lamang alagaan ka, apo..."
Tipid akong ngumiti. Isinalok ko ang aking kanang kamay sa gatas at dahan -dahan ko iyong inangat at itinapat sa liwanag ng buwan. Hinintay ko itong unti- unting umagos pababa mula sa aking mga palad.
Gusto ko rin maligo sa gatas kasama si Zen...
Muling may tumakas na luha sa mga mata ko. "Lola hahanapin ko na ang mga itinakdang babae at ako na mismo ang magdadala sa kanila sa mundo ng mga bampira. Sila na lang ang tangi kong pag-asa."
Ang hindi pagsagot ni Lola ay katumbas na ng hindi niya pagsang-ayon. "Lola, iyon lang ang maaari kong gawin..."
"Claret, mabibigo ka lamang..."
Pinili kong hindi na makipagtalo sa kanya. Ngunit ng gabing iyon, nabuo ang pasya ko. Hinintay ko lamang siyang makatulog. Iniwanan ko siya ng isang sulat at halik sa kanyang noo bago ko tuluyang nilisan ang kabundukan.
Hahanapin ko ang natitirang itinakdang babae at isasama ko na sila sa mundo ng mga bampira.
Kauna-unahan na sa aking listahan si Astrid, ang itinakdang babae para kay Rosh. Dahil sa kaunting pasilip na ibinigay sa amin ni Danna tungkol sa kanya ay madali ko siyang nahanap. Isa siyang abalang tao at ilang beses ko pang hinabol ang kanyang sekretarya para magkaroon lamang ng kaunting oras sa kanya.
Magkadaop ang aking mga kamay habang nakapatong sa lamesa, nanghahaba na ang leeg ko sa bawat babaeng papasok sa sikat na coffee shop na ibinigay na lugar ng kanyang sekretarya.
Huminga ako nang malalim nang makita ko na siyang pumasok. Agad kong inangat ang kamay ko para makuha ang atensyon niya.
Tulad ng nakita ko noong nasa mundo pa ako ng mga bampira, nagsusumigaw ang kanyang kagandahan. Hindi na ako magtataka kung mas magulo ang mundo ng ikalawang prinsipe ng Deltora sa sandaling tumawid na siya sa salamin.
"So let's go? Can I see the site?" Agad niyang tanong sa akin.
"I-I'm sorry... can we talk here? Hindi kasi sa site ang—" Kumunot na ang noo niya.
"Miss, I am a busy person. I was hesitant when I saw your name. Interview na naman ba 'to? Ilang beses ko na ba sinabi na ayaw ko na ng interview."
"W-Wait... hindi iyon..." Hinawakan ko na ang kamay niya para pigilan siya nang tumayo na siya.
"Wala ka bang mga panaginip o mga nakikita sa salamin?" Biglang nanlaki ang mga mata niya at marahas niyang hinila ang kanyang kamay.
"H-Huwag na huwag ka nang lalapit sa akin!" Nangatal ang boses niya. Nagmadali siyang talikuran ako, ilang beses pa siyang nakabangga ng tao bago tuluyang nakalabas at nakalayo sa akin.
Sinubukan ko siyang muling kausapin pero hindi na ako nabigyan ng pagkakataon. Halos panghinaan na ako ng loob, wala akong alam kung papaano ko makikita ang natitirang tatlong itinakdang babae. Ngunit hindi ko gustong bumalik sa bundok na walang nangyayari.
Babalik na sana ako sa tinutuluyan ko nang may makasalubong akong mag-asawa. Hindi ko sila pinansin nang mga unang limang hakbang ko pero nang mas tumindi ang nararamdaman ko ay marahas akong napalingon sa kanila.
Nagmadali akong humabol at humihingal na humarang sa kanila. "Pasensiya na po sa abala, pero pwede ko po bang malaman kung saan nanggaling ang panang hawak n'yo?"
Nagtataka silang napatitig sa akin bago sumagot ang babae. Ibinigay niya sa akin kung saan at kung paano makakarating doon na siyang pinagpasalamat ko.
Sumakay na ako sa tricycle patungo roon at habang papalapit ako, mas tumitindi ang presensiya ng itinakdang babae. Nasisiguro kong ang mga kamay niya ay humawak doon sa panang pagmamay-ari na ng mag-asawa.
Unang tapak pa lang ng mga paa ko sa harap ng lumang museleo at pagtama ng mga mata ko roon, tila mas yumakap na sa akin ang kanyang presensiya.
She's here...
Sa sobrang luma ng museleo parang anumang oras ay babagsak iyon, pero tila ang malalaking ugat na gumagapang sa palibot nito ang siyang naging matibay nitong pundasyon.
Bigla na lamang tumaas ang aking mga balahibo nang kusang nabuksan ang pintuan. Sinalubong ako ng dalawang matanda. Kapwa sila natigilan nang makita ako, ngunit nang sila'y natauhan, sabay silang yumuko sa akin bilang pagbati.
"Ano ang ginagawa ng unang itinakdang babae sa lugar na ito?" Tanong sa akin ng matandang lalaki.
"Nakikilala n'yo po ako?"
"Dahil isa rin itinakdang babae ang aking apo..." Halos maiyak ako sa tuwa sa narinig ko.
"Maaari ko po ba siyang makita at makausap?" Tumango sila sa akin.
Sumunod ako sa dalawang matanda habang gumagala ang mga mata ko sa bawat nadaraanan namin. Hindi ko maiwasang humanga sa mga lumang gamit na nagkalat sa museleo. Totoong mga kayamanan.
Umakyat kami sa isang lumang hagdan na sa bawat paghakbang ay may bumabagsak na mga alikabok mula roon at parang anumang oras ay masisira dahil sa kalumaan. Tumigil kami sa isang malaking pintuan at sinimulan na iyong buksan ng matandang lalaki. Bumungad sa akin ang isang maliit na kagubatan na napupuno ng iba't ibang uri ng halaman, nagliliparang mga ibon at maliliit na hayop.
"Maliit lamang ito. Alam nating lahat na kailangang maging pamilyar ng mga itinakdang babae sa kalikasan..." Tumango ako sa sinabi ng matandang babae. Iyon din ang ipinamulat sa akin ni Lola.
Nang nagpaalam sa akin ang dalawang matanda, sinimulan ko nang hanapin ang itinakdang babae.
Naagaw ang atensyon ko sa limang malalaking kahoy na kapwa may guhit na malaking puting bilog at maliit na pulang bilog sa gitna.
Kasabay ng sunud-sunod na pagtama ng mga pana mula sa iisang direksyon sa bawat pulang bilog ay ang mas pagbilis ng pintig ng puso ko.
Ngumiti ako. Mula ang mga panang iyon sa kanya...
Nagmadali na akong maglakad at halos hawiin ko ang nagtatayugang damo para lamang makita ang itinakdang babae. At nang sandaling makarating ako ay tanging pagtititigan lang ang ginawa namin sa isa't isa.
She's a very beautiful young girl with a bow and arrow on her hands. Siya ba ang isa sa itinakdang babae? Pero p-paano...
Bigla kong naalala ang ipinaliwanag sa akin ni Lily nang mga panahong wala pa akong alam sa mundo ng mga bampira. At ako na mismo ang sumagot sa sarili kong katanungan, ipinapanganak ang bawat itinakdang babae sa paglipas ng isandaang taon sa mundo ng mga bampira.
Panahon naman ngayon ang siyang kalaban ko...
Dahan-dahan akong lumapit sa kanya at lumuhod ako para mas magtama ang aming mga mata. Napakaganda niyang bata.
"Who are you?" Inosenteng tanong niya sa akin.
"I can be your sister."
"Really?" Natutuwang sabi niya.
"How old are you?" Tanong ko sa kanya.
"I am four years old. How about you?"
"I am eighteen. What is your name?" Pinunasan ko ang pawis niya sa kanyang noo.
"Kezalli Lanoire Torres but you can call me Kyla..."
"Sweet name, sweet as you." Lumapad ang ngiti niya sa sinabi ko. Inangat ko ang mga kamay ko at hinawakan ko ang kanyang mga balikat.
"Hurry up and grow up. And please help me..." Bulong ko sa inosenteng bata na wala pang nalalaman sa responsibilidad na naghihintay sa kanya.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko, kinabig ko na siya at mahigpit na niyakap.
"Hihintayin kita, Kyla. Mangako ka sa akin na hindi ka lang lalaking maganda, masiyahin at matapang..." Kumalas ako ng yakap sa kanya.
"Ipangako mo sa akin na patatatagin mo ito..." Itinuro ko ang tapat ng dibdib niya. "Dito ako naging mahina. Dito ako pilit na pinupuntirya. Ang hirap nitong ipagtanggol, ang hirap nitong protektahan... Palakasin mo ito dahil sa sandaling makatawid ka na sa salamin, ito ang kauna-unang makakaranas ng paghihirap..." Hinawakan ko ang mga kamay niyang punung-puno ng galos dahil sa paghawak niya ng pana sa murang edad. Dinala ko iyon sa aking mga labi.
Nagtataka ang mga mata niya sa akin. "Hanggang sa muli nating pagkikita, Kyla..."
Tumayo na ako at tinalikuran ko na siya.
"Who are you, Ate?" Nagtatakang tanong niya sa akin. Muli akong lumingon sa kanya at binigyan ko siya ng aking mga ngiti.
"Sa susunod na labing apat na taon, magpapakilala ako sa'yo..."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro