Panimula
TW: Domestic Violence
Panimula
I think women should be commended solely for being born; simply because this world is still entrenched in a patriarchal perspective.
I can remember how it all started, how I despise being an Eve in this world dominated by Adams. Where equality is not a right but a privilege based on someone's gender.
"Lavender, tiisin mo na lang muna ang gutom, ha? Pasensya ka na at wala pa ako'ng pambili no'ng tsokolate na gusto mo. . ."
Paulit-ulit na minasahe ni Mama ang aking ulo. Hinimas-himas n'ya ito na tila ba mapapawi ang gutom ko dahil sa kan'yang haplos. Nakakandong ako sa kan'ya at nakatingala sa kan'yang mukha.
Maganda si Mama. Sobra. Kumikintab ang itim n'yang buhok. Maganda ang hubog ng katawan at tila manika ang wangis ng kan'yang mata, ilong at labi. Ang sabi ng mga kapitbahay namin ay kamukha ko raw siya pero alam ko naman na higit na maganda siya kumpara sa akin.
Tumango ako, dahil 'yon lang naman ang kayang gawin ng isang musmos. Ang sumangayon at sumunod.
"D-dadating ba siya?" nangangatal kong saad. Hawak-hawak ang kan'yang daster. Agad namang pinagdaop ni Mama ang kan'yang mga kamay.
"Hindi ko alam, Lavender. Pero alam mo naman kung saan ka magtatago kapag dumating siya 'di ba?" bahagyang nanginig ang labi ni Mama.
Muli ay tumango ako. Sa ilalim ng kama. Sa kabinet. Sa kapitbahay. Sa talahiban. Sa malayo at sa hindi n'ya ako mahahagilap. Inilista ko na sa aking musmos na isipan kung saan ako pupwedeng tumakbo sakaling pumunta siya rito.
Walang nagawa si Mama kundi haplusin muli ang aking mukha. Sumilay ang isang matamlay na ngiti sa kan'yang labi.
Hindi ako gusto ni Papa. Hindi n'ya kasi ako tunay na anak. At kahit si Mama ay hindi sinasabi kung kaninong anak ako. Basta ang alam ko ay anak ako ni Mama at mahal na mahal n'ya ako.
Nakarinig ako ng sunod-sunod na katok. Marahas ito at para bang gustong sirain ang aming pinto. Gumuhit sa lalamunan ko ang kaba dahilan para bumilis ang pintig ng puso ko. Binilang ko ang natitirang segundo para kumaripas ako ng takbo.
Aligaga si Mama habang naghahanap ako ng matataguan. Nakita ko na nakabukas ang kabinet kaya naman agad akong sumilid doon. Hawak-hawak ko ang dibdib ko sa kaba, alintana ang malakas na tunog ng paglapat ng mga hakbang sa aming sala.
Nagkaroon ng sandaling katahimikan. Subalit sa isang kisapmata ay sunod-sunod na ingay at kalabog ang lumusot sa aking pandinig. Tinakpan ko ang aking mga tenga.
Isipin mo lahat ng tsokolate na bibilhin ni Mama, Lavender. Matatapos naman ito kapag bumilang ka ng apat. Isa. Nalaglag ang mga plato. Dalawa. Umusog ang lamesa. Tatlo. Nakarinig ako ng isang ungol na para bang hirap na hirap na siya. Apat. Tuluyan na akong lumuha. Wala akong naramdaman na ginhawa sa katamihikan. Ni hindi ko nga gusto na wala na akong naririnig miski ang boses ni Mama. Kanina ay hiyaw siya nang hiyaw.
Niyakap ko ang tuhod ko. Kumalma ka, Lavender. Hindi pwede malaman ni Mama na naapektuhan ka. Malulungkot siya. Iisipin n'yang hindi siya naging mabuting ina.
"Mama!"
Nangangatal si Mama habang nasa kusina at nagsasaing na para bang walang nangyari. Habang lumalapit ako sa kan'ya ay dinadampot ko ang mga plato at baso. Mabuti na lamang at yari ito sa plastik, hindi puno ng bubog ang aming paligid. Magulo ang bahay at tila ba pinasok kami ng isang magnanakaw dahil nagkalat ang aming mga gamit kaya naman hinanda ko na rin ang walis at dustpan.
Tuluyan na akong lumapit kay Mama nang kahit kaunti ay nabawasan ko na ang kalat. May nakita pa nga akong dugo pero agad ko itong pinunasan ng basahan. Hindi naman ito ang unang beses na may nadatnan akong kulay pula na likido.
Punit-punit ang damit ni Mama kaya naman kumuha ako ng isang panibagong daster upang makapagpalit siya. Namilog ang aking mga mata nang makitang kulay ube ang kalahati ng mukha n'ya pero nagawa n'ya akong ngitian kahit nahihirapan s'yang i-angat ang sulok ng kan'yang labi.
"L-lavy, gutom ka na ba? M-may ulam na tayo. . ."
"Ma—"
"Lavy, 'wag muna ngayon, ha? B-bukas na lang tayo magusap tungkol dito. Ang mahalaga ay makakain ka na a-at malapit na gumabi. Mahirap na matulog na kumakalam ang tiyan. . ."
Labag man sa aking kalooban ay tumango ako. Agad akong hinagkan ni Mama sa aking noo bago ako tuluyang pinabalik sa kwarto. Inayos ko na lamang ang aming kama at muling nilinis ang natirang dumi na ginawa ni Papa. Tinawag naman n'ya ako nang matapos siya magluto. Tinortang sardinas at bagong ani na kanin ang hapunan namin pero tuwang-tuwa na ako.
"Ma! Ang dami kong nakain!" galak kong saad habang niyayapos siya. Tinawanan n'ya lamang ako at ginulo ang mahaba kong buhok.
Lumalaki na ako kaya naman nagaalala si Mama na hindi ako kumakain nang maayos. Hindi araw-araw na malakas ang kita ni Papa sa sabungan kaya naman kung minsan ay hindi rin kami kumakain kapag walang panalo. Subalit gumagawa si Mama nang paraan para kahit papaano ay may makain ako.
Isa siyang biyaya. Tinuturing kong biyaya sa buhay si Mama.
"Ano ba 'yan? Naliligo ka ba, Lavender?" tukso ni Bernadette, isa sa mga kalaro ko rito sa barrio. Umismid pa siya nang lumapit ako.
"Oo naman! Paamoy ko pa sa 'yo kili—"
"Yuck! Kadiri!" ani Bernadette at lumayo pa sa akin. "Dalawang pares lang ba ang damit mo? Halos gan'yan na ang damit mo kada araw!"
"Limang pares kaya! Saka malamang nilalabhan kasi kaya inuulit 'yong damit ko! Bakit sa 'yo ba hindi nilalabhan?"
Hindi ko na lamang isinatinig ang pagmumura ko sa kan'ya at baka isumbong pa ako sa nanay n'ya. Hindi 'yon pwede. Hindi na makakautang si Mama sa tindahan nila kapag minura ko 'tong si Bernadette. Pero bakit hindi kasi ginagamit ang utak? Malamang gagamitin ulit dahil nilabhan! Alangan namang itapon?
Buong hapon ako nakipaglaro sa kanila. Pinayagan ako ni Mama dahil ayaw n'yang kinukulong ako sa bahay. Mas maigi na raw na marunong ako sa mga tao kumpara sa maging tago sa kanila.
"Kay gandang bata ni Lavender, ano?"
"Hindi 'yan anak ni Ernesto. Sa mukha no'n ay duda ako'ng sa kan'ya ang batang 'yan."
"Aba, edi malandi pala ang ina nito?"
"Malamang! Hindi ko naman siya masisisi. Aba, kung gano'n ako kaganda bakit nga naman ako magpapalaspag sa mukhang patpat na si Ernesto?"
Kumunot ang noo ko sa mga bulungan ng mga nakatambay sa tindahan nila Bernadette. Agad naman silang tumahimik nang mapansin ang titig ko sa kanila. Hindi ko tinanggal ang tingin ko sa kanila para lalo silang mailang.
Hindi ho nakakaganda ang pangtsitsismis sa iba. Gusto ko sanang sabihin ngunit wala pa ako'ng napapatunayan. Mahirap sumagot sa mga tulad nila ayon kay Mama. Hindi raw kasi bukas ang kanilang mga isipan.
Pero kung alam mo naman ang tama, bakit mo pa rin susundin ang mali?
Hindi ko rin talaga maintindihan.
Umuwi ako'ng pawis at halos hinihingal dahil sa pagmamadali upang makauwi na agad sa aming bahay. Dumadaan pa ako sa talahiban kung saan minsan ay mga nakatagong kambing, mga insekto at maswerte ako kung hindi ako nakasalubong ng isang ahas. Madungis ako nang makarating sa bakuran namin at natigilan nang makita ang isang pamilyar na tao.
Natuod ako sa aking pwesto. Si Papa ay nakatingin sa akin. Agad ako nanginig dahil wala si Mama. Wala akong kakampi. Hindi ko alam kung saan ako magtatago. Hindi ko alam kung ilang beses ako magbibilang. Wala akong alam kapag wala si Mama.
Mula sa aking mukha papunta sa aking paa ako tiningnan ni Papa. Ngumisi siya na lalong nagbigay sa akin ng kilabot. Agad akong yumuko.
"Ernesto!"
Nagkukumahog si Mama na takpan ako. Agad n'ya akong nilayo kay Papa at kitang-kita ko ang panginginig ng kamay n'ya havang tinatago ako sa kan'yang likuran.
"Gumaganda ang anak mo, Lucilla." ani Papa at pinihit ang pinto upang pumasok na ng bahay.
Agad naman akong napangiti kay Mama. Binigyan siya ng isang maliit na ngiti.
"Maganda raw ako, Mama! Sabi ni Papa! Pinuri n'ya ako!" galak kong saad. Subalit hindi ko alam bakit gano'n ang reaksyon ni Mama. Mukha siyang pinanawan ng kulay sa mukha. Nanglalaki ang kan'yang mga mata sa takot.
"L-lavy, 'di ba sabi ko sa 'yo ay bibili tayo ng mga tsokolate?"
Sumilay ang isang ngiti sa labi ni Mama habang unti-unti siyang umupo sa aking harapan. Hinaplos n'ya ang aking mukha.
"Gusto mo b-ba na hindi ka na magbibilang? Hindi ka na magtatago?"
"Opo. . ." sagot ko.
Ngumiti lang si Mama at niyakap ako nang mahigpit. Ramdam na ramdam ko ang init ng kan'yang mga bisig.
"Bibilhin na natin 'yong mga tsokolate mo, ha?"
"Pero wala pa tayong pera, Mama. . ."
"Kailan ba pumayag si Mama na hindi ka mapagbigyan, Lavy?" humigpit ang kan'yang yakap. Unti-unti kong sinuklian ang kan'yang yakap sa akin.
Hindi bale gutom. May Mama ako. Hindi bale na limang pares lang ang damit ko. May Mama ako. Hindi bale na mahirap. May Mama ako.
Nagulat ako nang bihisan ako ni Mama. Isang maayos na daster. Pinaliguan n'ya rin ako at hindi ko alam bakit sobrang bagal ng pagdapo ng sabon sa aking balat. Kinukoskos n'ya ito at minasahe pa ang aking ulo nang lagyan ako ng shampoo.
"Ang bango ko na! Akala ni Bernadette, hindi ako naliligo! E kahit naman di ako maligo, mas maganda ako sa kan'ya!" giit ko habang sinusuklay ni Mama.
Umiling si Mama.
"Mali 'yon, Lavy."
"Ang ano po?"
"Ang manghila pababa para umangat ka. Lalo na at kapwa babae mo 'yon. Hindi mo naman kinaganda ang paginsulto sa kapwa mong babae, Lavy."
"Pasensya na po."
Agad na tumulis ang aking nguso. Iisipin ko na lang ang mukha ng isang artista sa tuwing nakikita ko si Bernadette o kaya'y pipikit na lang ako sa tuwing nakikita ko siya. Para hindi ko siya mainsulto. Gano'n ako kabait!
Matapos n'ya akong ayusan, niyaya ako ni Mama sa palengke. Pumunta kami sa maliit na supermarket na malimit naming pasukan. Tuwang-tuwa ako dahil ang laki ng ref nila sa loob. Ang dami rin na pagkain pero hanggang mga tsokolate lang ang kaya ni Mama ngayon.
Hindi bale, bibilhin ko ito kapag lumaki ako! Ireregalo ko kay Mama! Dito na kami titira. Pangako 'yon!
Bumili kami ng limang klase ng mga tsokolate, nay tsoknat at isang mamahaling bar ng tsokolate. Tuwang-tuwa ako habang pauwi ngunit unti-unti na akong inakyatan ng kaba nang mapansin na hindi kami sa direksyon ng bahay namin.
"Ma, naliligaw po 'yata 'yong sinakyan natin. . ."
Hindi ako pinansin ni Mama. Matulin lamang ang direksyon ng pedicab.
"Ma, h-hindi ito 'yong bahay natin. . ." saad ko sa mahinang tono. Hindi ako pinakinggan ni Mama.
Bumaba kami sa isang malaking bahay kung saan may mga madre akong nakita. May iilang bata na nasa isang palaruan. Isang ampunan ito kung hindi ako nagkakamali. Ang sabi ni Bernadette, dito raw nilalagay ang mga makukulit na bata.
Hindi ako makulit. Mabait ako. Kaya bakit kami nandito?
"M-ma," hinila ko ang kan'yang daster. "Uwi na tayo."
"Lavender, pumasok ka na." mahinahon n'yang saad. Marahas akong umiling habang nakakapit sa kan'ya.
"Ayoko po. Umuwi na tayo, Mama."
"Lavender, pakiusap. Sumunod ka na lang."
"Mama, ayoko na ng mga tsokolate. Ibalik mo na ito. Umuwi na tayo."
Nagsimulang pumatak ang mga luha ko. Agad namang pinalis ito ni Mama. May mga lumabas na mga madre habang nakatanaw sa amin lalo akong umiling at paulit-ulit na pinagsiksikan ang sarili kay Mama.
"Sumama ka na sa kanila, Lavy."
"Ma! Ayoko! Sa 'yo lang ako sasama!"
"Lavy! Sumama ka na lang sa kanila! Parang awa mo na!"
"Hindi pwede, Ma! Wala kang kasama roon! Wala akong pakialam kung pati ako ay sasaktan ni Papa pero hindi ako papayag na mahiwalay sa 'yo, Mama!"
Napapikit si Mama nang mariin at hinawakan ako sa magkabilang bisig ko. Tiningnan n'ya ako nang diretso sa aking mga mata.
"Hindi na kita mahal, Lavender. Hindi na kita gustong makasama. Pabigat ka lang sa buhay ko! Sana ay iwan mo na ako dahil giginhawa ang buhay ko nang wala ka!"
Umiling-iling ako habang mangiyak-ngiyak. Hindi 'yon totoo. Hindi siya nagsasabi nang totoo.
Dahil kung totoo 'yon, bakit siya umiiyak? Bakit parang pinipiraso ang puso n'ya habang binabanggit ang mga 'yon?
"Ma! Ayoko na ng mga tsokolate! Hinding-hindi na ako hihingi ng mga gano'n! Ma, ayoko rito! Gusto kitang kasama!" hinagpis ko habang pilit siyang hinihila ngunit pinagtulakan n'ya ako hanggang sa sumubsob ako sa buhangin. Nangangatal ako habang inaabot siya ngunit agad siyang sumakay ng pedicab.
Hinabol ko siya ngunit pinigilan ako ng mga madre kanina. Nagwawala ako subalit walang nangyari. Walang nakarinig. Walang nagsalita.
Hindi na bumalik si Mama.
Ilang buwan na ako sa ampunan pero hindi ko magawang maging kalmado tulad ng mga kasama ko.
"Masasanay ka rin," ani Tanya habang nagwawalis ng mga dahon mula sa mga puno na nagsisilbing lilim sa palaruan namin.
Subalit hindi naman gano'n.
Mahirap masanay sa pangungulila. Hindi ito nawawala at lalo lamang lumalala. Lalo ka lamang nangungulila.
"Lavender?" lumapit si Sister Jamila.
"Ano po 'yon? Nandiyan na po ba si Mama?" nanginginig kong tanong. Umaasa ako kahit alam ko naman na ang sagot nila. Alam ko naman na malabong bumalik si Mama. Baka nga totoo ang sinabi n'ya, pabigat lang talaga ako.
Tumango si Sister kaya naman para akong nawalan ng ulirat at biglang tumakbo papunta sa gate. May nakita akong isang mamahaling kotse at mga naka-itim na tauhan. Nakatanaw sa akin ang isang pamilyar na babae. Ang makintab n'yang itim na buhok. Ang kan'yang wangis. Si Mama. Hindi ako nagkakamali. Si Mama nga talaga!
"Mama!" sigaw ko habang tumakbo papalapit sa kan'ya. Agad n'ya akong niyakap at hinaplos ang aking buhok. Hindi ko mapigilan ang pag-iyak ko. Tumaas-baba ang aking dibdib sa paglabas ng emosyon.
Hindi na ako hihingi ng tsokolate muli!
Patuloy ang pag-iyak ko sa kan'ya habang humihigpit ang yakap n'ya sa akin. Ang bango-bango ni Mama! Sobrang linis din ng kan'yang damit ngayon! Natutuwa ako na no'ng wala ako ay inalagaan n'ya ang sarili n'ya.
Mahal nga ako ni Mama, binalikan ako ni Mama.
"Sol! S-sorry! Hindi na 'yon ulit gagawin ni Mommy, Solstice! H-hindi ka na galit sa akin 'di ba? Bibilhin kita ng maraming barbie! Miss ka na ni Daddy, Sol!"
Natigilan ako. Para akong nilunod sa malamig na tubig at hindi na hinayaan pang makaahon. Hinarap ko siya at saka ko lang napansin na iba ang mata n'ya sa mata ni Mama. Ngunit kamukha n'ya pa rin ang aking ina. Namumutla ako habang paulit-ulit siyang humihingi ng paumanhin kay Solstice.
Sino si Solstice?
❛ ━━━━━━・❪♀❫ ・━━━━━━ ❜
#SSBoc
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro