Chapter 2
NOTE: Any historical inaccuracy is my fault and shall be remedied at final editing. Kung hindi man po maisaayos ang mga hindi tumpak na impormasyon tungkol sa kasaysayan ay mayroong maiiba sa concept ng istorya. Baka gawin kong parallel dimensions, rather than time travel. We shall see, as I don't want to bastardize history. This will not affect the story as a whole, don't worry.
Meanwhile, read on.
___
NAKATANAW si Concepcion sa daungan, ang pier ng Maynila. Anim na buwan ang nakalipas mula nang huli niya iyong nakita, kung kailan kailangan niyang umalis patungo sa Inglatera para alamin ang mga makabagong paraan ng pagpoproseso ng tubo. Hindi bago sa kanya ang pagbiyahe patungong Europa. Sa katunayan ay sa Espanya siya nag-aral.
Mula sa kanyang kinatatayuan sa barko ay nakikita niya ang usok mula sa daungan na nagmumula sa ibang mga barko at bangka. Abala ang pier, tulad ng araw-araw na lagay niyon. Sa huling mga araw ng mahabang pagbiyahe ay hindi na niya kailangan pa ng panlamig. Ito ang gusto niya sa mahal niyang Pilipinas, ang klima. Sa pinanggalingan niya ay kulang ang dalawang patong na panlamig. At sa lugar na iyon, ang lamig ay tumatagos hanggang sa kanyang puso sa matinding pangungulila, hindi lamang sa kanyang bayang sinilangan, kundi maging sa isang minamahal.
Siya, si Maria Concepcion Cordova Hidalgo, ay heredera ni Don Antonio Felipe Hidalgo. Sila ay miembro ng Principalia sa lipunan. Ang ama ni Maria Concepcion ay dating gobernadorcillo at bago iyon ay isang cabeza de barangay. Kung tutuusin, ang kanilang estado ay mataas sa lipunan at hindi na kailangan pang baguhin.
Ngunit hindi ako makapapayag na maging alipin sa sariling bayan, sa isip-isip niya. Sapagkat anuman ang sabihin ng mga tao ay mananatiling hindi patas ang batas para sa mga tunay na mamamayan ng Pilipinas. Hanggang kailan maghahari ang mga prayle? Hanggang kailan magkakaroon ng gobernador-heneral na itinalaga lang kahit walang alam sa kalakaran ng pamumunuan nito at walang totoong malasakit? Kung totoong mayroong malasakit ang Espanya sa Pilipinas ay bakit walang kinatawan ang bansa sa pamahalaan ng Espanya?
At bakit hanggang ngayon ay mayroong tulad niyang miyembro ng principalia, at mayroon pa ring mga indio?
Hindi matanggap ni Conception ang ganitong klaseng sistema ng lipunan kung saan walang pagkakapantay-pantay ang lahat, lalo na at mayroong sariling sistema ang mga tunay na Pilipino bago pa man dumating ang mga Kastila. Sa tuwing maiisip niya ang lahat ay hindi niya maiwasang makadama ng ngitngit. Api-apihan sa sariling bayan ng mga dayuhang walang ginawa kundi ang nakawin ang likas na yaman at samantalahin ang mga mabubuting mamamayan.
Suwerte siyang tunay, naisip ni Concepcion, na ang kulay ng kanyang balat ay maputi at bakas sa kanyang mukha ang banyagang lahi. Ang kanyang ninuno ay mga Peninsulares at Insulares, mga purong Kastila. Siya ay ikalimang saling-lahi mula sa ninunong Insulares at may dugo nang indio. Sa isang banda, ipinagmamalaki niya na siya ay hindi purong Kastila dahil ikinahihiya niya ang mga ito.
Umihip ang malakas na hangin, naglaro ang mga natitirang layag ng barko na isa-isa nang inirorolyo ng mga tauhan. Hula ni Conception, isang oras na lang ay dadaong na sila sa pier.
Tumuloy na siya sa silid at ihinanda ang mga dala. Bukod sa mga maletang puno ng ilang damit at mga pagkaing hiling ng kanyang ama, ay mayroon pa siyang dala mula sa Europa—isang makinarya para sa hacienda. Siya ang tinalaga ng ama para bilhin ang nasabing makina, kahit pa nga noong una ay ayaw nito dahil isa siyang babae at ang mga babae ay hindi nararapat na maatasan ng ganoon kabigat na responsibilidad, lalo na ang isang tulad niyang dalaga. Pero napilitan ang kanyang ama na ipasa sa kanya ang responsibilidad nang magkasakit ito at payuhan ng doktor na huwag na munang bumiyahe nang matagal.
Alam ni Concepcion na ang totoong dahilan ng kanyang ama kaya ayaw siyang payagang umalis nang nag-iisa ay ang pangamba. Noong nag-aaral siya sa Espanya ay hindi ito nag-aalala sa kanya dahil mayroon itong kamag-anakan na sumusubaybay sa kanya. Pero may dalawang taon na ring pumanaw ang matandang babae, bukod pa sa Inglatera ang kailangan niyang puntahan at hindi Espanya.
Napabuntong-hininga siya habang naaalala ang ama. Isa itong mabuting tao, pero sa madaming pagkakataon ay ipinakitang hindi ito handa sa mga progresibong ideolohiya, malayong-malayo kay Concepcion. Dahil doon, gaano man niya kamahal ang ama, ay madami siyang lihim dito, lihim na kapag natuklasan ng matanda ay tiyak na ikagagalit nito.
Dati ay hindi ganoon ang relasyon nilang mag-ama dahil naging mas malapit silang lalo nang pumanaw ang kanyang ina sa isang aksidente noong siya ay walong taong gulang. Nag-iisang anak si Conception kaya naman ang oras ng kanyang ama ay nakalaan sa kanya at sa negosyo lamang. Mayroong malawak na asukarera ang kanyang ama sa Batangas at iyon ang kanyang nagisnang kabuhayan ng pamilya.
Pilit niyang inalis sa isip ang mga lihim sa ama. Ayaw na ayaw sana niya na mayroong lihim dito, pero ano ang kanyang magagawa kung sadyang may mga bagay na mas maiging huwag nang malaman ng amang konserbatibo. Nangarap na lang siya nang gising, iniisip ang isang mundo kung saan mas magaan ang buhay at hindi mahalaga kung ano ang mayroon ang isang tao.
Mayamaya ay tumunog ang sirena ng barko, indikasyon na padaong na sila sa pier. Hindi siya nagmadali kahit sabik ding makauwi sa kanila. Nang sa tingin niya ay maluwag na ang daan ay hinanap na niya ang kinontratang tauhan ng barko para tulungan siya. Naghihintay na ito sa kanya, may kasamang mga estibidor. Nang makababa siya ng barko ay nakita niya ang pamilyar na mukha ng katiwala ng kanyang ama, si Ginoong* Castro at ang anak nitong si Esteban.
Mayroong pag-alon ang puso ni Concepcion nang makita si Esteban. Labis-labis ang pangungulila niya sa lalaki. Kung maaari lang ay sasalubungin niya ito ng yakap, ngunit hindi iyon uubra. Ano na lamang ang sasabihin ng mga makakakita sa kanila? Lalong ano ang sasabihin ng ama nito?
Siguradong kapag nalaman ni Ginoong Castro ang kanyang damdamin para sa nag-iisa nitong anak ay isusumbong nito sa ama ni Concepcion. Tapat ang matanda sa don noong-noon pa. Alam nitong mababa ang istasyon ng mga ito sa lipunan at hindi nararapat para sa isang tulad niya. Iyon ang malaking dahilan kung bakit may mga bagay siyang kailangang ilihim sa kanyang ama, at maging sa ama iba pang kaanak ni Esteban. Kung alam lang ng mga itong napakahirap noong tanggapin para sa isang tulad niya.
Mayroong munting ngiti sa guwapong mukha ni Esteban nang magtama ang kanilang mga mata. Bakas sa mga mata ng lalaki ang matinding kasiyahan sa kanilang muling pagkikita. Napakabait na binata ni Esteban, kasabayan niyang lumaki sa hacienda. Noon pa mang sila ay bata, natuto na siyang mahalin ito. Noon pa mang siya ay tumuntong sa edad na disisais, kung kailan madaming kadalagahan ay lumalagay na sa tahimik, ay wala siyang ibang gustong mapang-asawa kundi si Esteban.
Pero higit pa sa pag-aasawa ang gusto niyang gawin sa buhay. Alam niyang hindi iyon ang gusto ng kanyang ama. Alam niyang kung ang kanyang ama lamang ang masusunod ay ipapakasal na siya nito sa isang mayamang hacendero para lumawak ang kanilang ari-arian. Pero noon pa man ay isa lang ang pakiusap ni Concepcion sa ama—ang payagan siyang magkaroon ng buhay na hindi tradisyonal. Awa ng Diyos, pumayag naman ito, kahit pa nga madalas na hinaing ang kawalan ng apo. Matanda na raw ito at kailan daw ba niya bibigyan ng apo. Kahit noong nasa Inglatera siya ay nagpadala itong sulat na mayroong kaparehong mensahe.
Paano niya sasabihin sa ama na isa lang ang nais niyang makasama sa habang panahon, ang nais niyang maging kabiyak, ang nais niyang makatulong sa pagpapalago ng asukarera, at iyon ay walang iba kundi si Esteban, ang binatang nagbukas ng kanyang mga mata sa totoong nangyayari sa bayan.
Lingid sa kaalaman ng ama ni Concepcion na mayroong hindi magandang saloobin si Esteban tungkol sa mga Kastila. Lalong hindi nito alam, gayondin ng mismong ama ni Esteban, na kasama ang lalaki sa grupo ng mga taong handang makipaglaban sa gobyernong kolonyal. Sawa na silang maging alipin sa sariling bayan, o ang mabigyan man ng magandang bansag at posisyon sa pamahalaan ay pagbabayarin naman ng napakalaking buwis at hindi bibigyan ng pondo para maisaayos ang komunidad. Ang mga abusadong praile ay nararapat ding may kalagyan, tulad ng mga mapuputi ang balat na ang turing sa mga kayumanggi ay maliit, mababa. Nasaan ang hustisya na ang lupaing kanila at inangkin ng mga Kastila at sila ay hindi na nakapag-aral o nagkaroon ng kaunting puhunan sa buhay.
Dahil kay Esteban, nakilala ni Concepcion ang mga tulad niyang principalia, babae man o lalaki, na handang mag-aklas sa mga Kastila. Mayroong tatag sa bilang. Mayroong tatag sa pagkakaisa ng mga taong mayroong iisang adhikain.
"Magandang umaga, Senyora," ani Ginoong Castro, bahagyang yumukod.
"Magandang umaga, Senyora," si Esteban, tulad ng ama ay bahagyang yumukod, tanda ng paggalang sa amo. "Kumusta ang inyong pagbiyahe?"
"Matagal," aniya. Napakatagal. Ayoko nang umalis kung hindi ka kasama, Esteban.
"Bueno, pagkatapos naming maikarga ang makinarya sa karwahe ay tutulak na tayo patungong hacienda, Senyora. Si Ginang Rosita ay may binili lamang saglit at babalik din. Makakasama mo siya sa kalesa, Senyora," ani Ginoong Castro.
Tumango si Concepcion, pilit pinaglabanan ang kagustuhang hawakan ang kamay ng lalaking iniirog.
___
Don't forget to vote and comment. You may also like my page:
facebook.com/vanessachubby
facebook.com/theromancetribe
Thanks!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro