Chapter 12
NANG MAKARINIG ng malakas na kalabog ay agad na naging alerto si Concepcion. Sumasal ang kanyang dibdib sa labis na kaba. Agad niyang itinaas ang dalang lampara para makita kung saan nagmula ang tunog. Kung iyon ay isang kasapi ay bakit wala siyang nakitang lampara? Kung iyon ay isang traidor na espiya, kailangang tapusin bago pa makapagsumbong sa kalaban.
May narinig siyang kaluskos sa kanyang kanan. Mabilis ang paghakbang niya patungo roon, nakalabas ang itak. Sa ganoong sitwasyon ay mas maiging gamitin ang itak dahil ang kanyang riple ay hindi mainam gamitin sa dilim. Riple lang ang tanging alam niyang gamitin. Asinado siya roon.
Maingat siyang nagpatuloy sa paglapit at bahagyang nabigla nang makita ang isang kambing. Hindi iyon sa kanya, malamang na kasama ng mga kambing ni Ginoong Castro. Pinabayaan na lang niya iyon dahil hindi rin niya mahuhuli sa ganoong dilim, bukod sa wala siyang dalang tali.
Nagpatuloy siya sa paglalakad. Ang kanyang kabayo ay hanggang sa makatawid-sapa lang dahil iniingatan niya ang paglikha ng ingay patungo sa mga kasapi. Malapit na mula roon ang kamalig.
Mayroong agam-agam sa dibdib ni Concepcion. Noong nakaraang pulong ay naghahanap sila ng paraan para dumami ang kanilang hanay pero mahirap iyong gawin. Ang pinuno din nila ay mayroong ugnayan sa ibang mas malalaking hanay na mula sa ibang lugar. Ang agam-agam ni Concepcion ay nagmumula sa kakulangan ng kanilang pangkat ng kakayahang lumaban sa Kastila dahil wala silang armas.
Pero siguro sa ngayon, ang mas kailangang pagtuunan ng pansin ay si Esteban. Dumaan ang lalaki sa bahay at sinabing huwag na siyang tumuloy sa pulong at magpahinga na lang. Sa mga darating na araw ay kailangan din daw niyang magpahinga sa bahay hanggang hindi siya bumubuti. Natuwa na sana siya sa lalaki pero sinabi nito, "Siguro kailangan nating magpakasal, Concepcion. Kung wala kang patnugot ay anong mangyayari sa iyo kapag nalaman ng iba na mayroon kang problema sa pag-iisip? Marahil dalhin ka na lang sa kung saang asilo. Paano ang samahan? Paano ang lupain? Masyadong madaming manggagawa ang mawawalan ng trabaho kapag nakuha ito ni Damian kapag ginamit niya ang kahinaan mong iyan. Maanong sabihin niya sa praile ang sitwasyon mo at alam mo na kung ano ang mangyayari."
Talagang uminit ang ulo ni Concepcion kay Esteban. Noon lang siya nakadama ng matinding inis sa lihim na kasintahan. Ano ang karapatan nitong husgahan siya base lang sa isang pagkakataong nakita nitong natulala siya at may kausap? Hindi ba ito nagsasalita mag-isa kapag mayroong ideyang pumasok sa isipan? Higit sa lahat, bakit sa pananalita nito ay para bang wala man lang itong totoong malasakit sa kanya at naiisip lang ang kalagayan ng iba? Naiintindihan niya naman ang dedikasyon nito sa samahan pero parang hindi naman tama na unahin nito ang grupo sa panahong iniisip ng lalaki na nawawala na siya sa katinuan. Imbes na siya ang unahin, ang naisip agad nito ay ang samahan.
Natanawan na niya ang lumang kamalig. Mula sa kinaroroonan niya ay hindi makikita ang liwanag sa loob niyon dahil tiniyak ng samahan na matatakpan ang lahat ng butas ng kamalig, walang malulusutang liwanag na kahit na ano. Sabihin pang walang naliligaw sa gawing iyon, iba pa rin ang nag-iingat. Hindi lamang ang mga Kastila ang kanilang kalaban, kundi maging ang mga traidor na Pilipino.
Muli siyang nakarinig ng kaluskos. Muli ay inilabas niya ang itak mula sa lalagyan niyon. Hindi siya nagsalita, bagkus ay ginamit ang mga matang sanay na sa dilim. Wala siyang matanawan pero talo siya dahil sa hawak na lampara. Dahil sa liwanag ng lamparang dala niya ay mas nakikita siya ng ibang mga mata—kung mayroon man. Pinatay niya ang sindi ng lampara, ipinatong iyon sa lupa, ilang sandaling sinanay pang lalo ang mga mata sa dilim, saka pinagala ang paningin.
Agad siyang humakbang patungo sa nakikitang anino ilang dipa mula sa kanyang kinaroroonan. Gumalaw iyon. Agad siyang tumakbo at akmang tatagain iyon nang pumihit ang pigura. Impit siyang napatili nang makitang nakatihaya sa harap niya ang lalaking nakikita lang sa panaginip. Hindi siya puwedeng magkamali, ito ang lalaki sa kanyang panaginip. Hindi pa rin niya makita ang mukha nito, pero parang dahil lang iyon sa dilim ng paligid.
"Ano'ng ginagawa mo rito?"
"Holy fuck, it's you?!"
"Bakit palagi kang nakahubad?" tanong niya kahit pa nga may roba ang lalaki. Dahil bukas iyon sa harapan! "Bakit palagi kang nagpapakita sa akin sa oras na abala ako sa ibang bagay?" tanong niya, nanghihina. Hindi niya alam kung ano ang gagawin dahil naroon na naman ang halusinasyon. Kaya ba niyang magpanggap na hindi nakikita ang lalaki sa harap ni Esteban at ng ibang mga kasapi?
Gusto niyang tumuloy sa pulong dahil mahalaga sa kanyang malaman ang lahat ng pag-uusapan doon at baka rin may maitulong siya para sa plano. Pero paano pa niya gagawin ngayon? Napahawak siya sa ulo, saka tumalikod. Binalikan niya ang lampara at naglakad na pabalik sa bahay. Hindi niya kayang isugal na mas magduda sa kanya si Esteban.
"Hey," tawag sa kanya ng lalaking halusinasyon.
Naisip ni Concepcion na kailangan na niyang matutong alisin ang lalaki sa kanyang isipan. Kailangan niyang balewalain ang presensiya nito sa lahat ng pagkakataon. Tama si Esteban, malalagay siya sa alanganin. Puwedeng gamitin ni Damian ang sitwasyon para makuha ang lupain. Nahihirapan na nga siyang bawiin ang hacienda sa pagkakasangla ay Damian at dadagdagan pa niya ang problema.
"Umalis ka, nakikiusap ako," bulong niya habang patuloy na naglalakad. "Diyos ko, kung isang kabaliwan ang lahat ng ito, sana'y gumaling ako."
"What's going on?" patuloy ng lalaki. Nararamdaman niyang nakasunod ito sa kanya.
Hindi siya nagsalita at nagpatuloy sa paglalakad. Hindi na niya narinig na nagsalita ang lalaki kahit naririnig niya ito sa kanyang likuran. Paano niyang hindi maririnig ang lalaki kung parang hinihithit nito ang hangin kung makahinga, halatang nilalamig? Napilitan siyang lingunin nito at nabigla—nakikita na niya ang mukha nito. Kahit madilim at hindi masyadong maliwanag ang hitsura ng lalaki ay nakikita na niya ito. At napakaguwapo nito!
"You don't look like you have some extra clothing with you, but I do need some. This robe is made of silk and you know I have nothing underneath... hey, I can see your face."
Nakatulala pa rin si Concepcion sa lalaki. Hindi siya makapaniwala. Nalulunod siya sa presensiya nito. Nang matauhan sa pagtitig ay nagpatuloy siya sa paglalakad. Ang daming laman ng isipan niya. Ang lalaking nakasunod sa kanya ay ang nag-iisang lalaking nakasama niya sa isang pribadong aktibidad na para lamang sa mag-asawa. At heto na ngayon ang lalaki, nakikita na niya. Sila ba ay mayroong relasyon?
Para siyang baliw para isipin iyon. Pero hindi ba at kailangan nitong panagutan ang ginawa sa kanya? Isa siyang dalagang mayroong magandang pangalan at sinira nito iyon. O ano ba ang tama niyang isipin? Paano masisira ng isang imahinasyon ang kanyang reputasyon?
Muli niyang nilingon ang lalaki nang hindi makatiis dahil sa tunog ng paghinga nitong hatid ng matinding lamig. Ganoong magpa-Pasko ay halos parang tag-sibol sa Europa ang klima sa hacienda. Inalis niya ang isang balabal at ibinigay sa lalaki. Sa totoo lang ay hindi niya tiyak kung kukunin nito o malalaglag sa lupa at kinabukasan niya makikita doon, pero sa ngayon ay maiisip niyang may isang taong kumuha.
"Thanks," anito, agad iyong kinuha at ibinalabal sa sarili. "Are you sure you don't need it?"
Hindi siya umimik. Kahit siguro gustuhin niya ay hindi rin magagawa. Nalulunod siya sa lahat ng ito. Nalulunod siya sa presensiya ng lalaki. Nalulunod siya sa mga pangyayari sa buhay na hindi niya alam kung paano aasikasuhin. Mayamaya ay narating na siya sa sapa. Makatawid doon ay makakasakay na siya sa kabayo.
Nagsalita ang lalaki. "Wait, this place seems familiar."
Nilingon niya ito. Patingin-tingin ang lalaki sa paligid. "This creek... Is this some kind of prank?"
"Ano ba ang sinasabi mo? Sino ka at bakit ka Ingles nang Ingles?" Hindi malinaw kay Concepcion kung ano ang lahi ng kausap. Kung pagbabasehan ang pananalita nito ay hindi rin niya masasabing mula sa Inglatera ang lalaki dahil hindi ganoon ang pagbigkas ng mga Ingles. May nakilala na siyang ganoon magsalita at iyon ay mula sa Amerika, gayunman ay hindi pa rin katunog mismo ng pananalita ng estrangehero. Kung gayon ay isang Amerikano nga ba ang lalaki? Isang Amerikanong may lahing Pilipino base sa hitsura nito. Isang perpektong pagsasanib ng dalawang dugo.
"Tuyo na itong sapa na ito noong binili ko ang lupa, pero binuhay ko ulit. There's some concrete structure there but it's gone now."
"Puwede bang umalis ka na?" ani Concepcion sa lalaki. "Hindi kita kailangan para sirain ang lahat ng diskarte ko sa buhay."
"You're the one invading my sanity, miss. Why don't you let me go?"
"Malaya kang makakaalis."
"Fine."
Nagtungo na siya sa kabayo at sumakay doon. Nilingon niya ang lalaki. Nakapamaywang ito sa kanya, parang hindi na giniginaw kahit siguradong lamig na lamig pa rin ito. Mayabang ang lalaki, puwes iiwan na niya ito roon. Pinasibad niya ang kabayo, tinakbuhan ang halusinasyon.
Nang makarating sa kuwadra ay agad niyang binigyan ng tubig at damo si Kidlat, saka naglakad pabalik sa bahay. Naligo siya, saka nagtungo sa silid-aklatan. Dati ay puno iyon ng mga libro pero dahil kailangan niyang magbenta kung minsan ay napilitan siyang bawasan ang koleksiyon ng ama. Hinanap niya ang isang librong dala niya mula Inglatera, iyon ay tungkol sa mga halamang-gamot. Naghahanap siya ng gamot para sa halusinasyon pero wala siyang makita. Ang nabasa niya ay mayroong mga halamang-gamot na sanhi ng halusinasyon.
Napasinghap siya nang makarinig ng pagkalabog mula sa ibaba ng bahay. Dali-dali siyang bumaba at nakita ang lalaking hubad kanina, suot pa rin ang kanyang balabal, hapong-hapong umagsak mula sa binuksang bintana.
"Help me," anito. "They're trying to kill me!"
---
Follow, like, leave a comment. Like my Facebook page as well: vanessachubby
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro