Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CAPITULO 36 - Current

CAPITULO 36 - Current



"ALMNIYUM HUMAEUMUN UMM..."


Naluha ang mga mata ko dahil bakit ganoon ang lumalabas sa aking tunog? Bakit ako hindi makapagsalita nang maayos?!


Ngumiti sa akin si Sister Gelai. "Good, Kena. Masaya ako na kahit paano, may improvement ka na. Sumusubok ka nang magsalita."


Inalalayan niya ako papasok sa kuwarto.Sa likod namin ay biglang humabol sa amin ang nasa mid sixties na stay out helper na si Manang Evelyn. "Ay, sister! Ako na ang bahala kay Kena!"


"Manang, bakit ho siya galing sa labas kanina?" tanong ni Sister Gelai rito.


Napakamot ng batok ang may edad na babae. "Umuwi kasi ako saglit diyan sa amin. Naligo kasi ako."


Nangunot ang noo ni Sister Gelai. "Umalis kayo, Manang? Iniwan niyo na mag-isa si Kena kahit alam niyo hong hindi stable ang kalagayan niya? Paano kung napahamak siya?!"


"Matigas naman kasi ang ulo niyan ni Kena, eh. Madalas talaga iyan na tumatakas. Nilalakad niya pabalik-balik iyong school nila dati noong high school. Ewan ko ba riyan kung ano ang ginagawa roon. Pero ang importante ay nakakauwi naman siya palagi. Minsan ay hinahatid siya ng mga estudyante o kaya ng tanod. Kilala na kasi siya roon dahil lagi siyang pabalik-balik."


Napasentido si Sister Gelai. "Alam na ba ito ng magkapatid?" tukoy niya kina Joachim at Julian.


Doon namutla si Manang Evelyn. "Naku, sister! Wag niyo nang mabanggit, pakiusap! Napagalitan lang ako noong nakaraan, baka alisin na ako sa trabaho! Sister, pangako, hindi  ko na talaga hahayaang makatakas ulit si Kena!"


Pagkuwa'y nagmamadali na itong lumabas ng kuwarto ko. Pinaupo naman na ako ni Sister Gelai sa gilid ng kama. Nakakunot pa rin ang noo niya.


"Kena, pasensiya ka na," aniya habang nililinis ng wipes ang aking mukha. "Hayaan mo, nagsabi talaga ako sa kuya mo na dito muna ako. Tutulong ako sa pagtingin-tingin sa 'yo."


"Hiyumnomm umiyoumnun..." ungol ko. Hindi ko pa rin magawang magsalita nang maayos!


Ngumiti sa akin si Sister Gelai. "Ayos lang, Kena. Ang mahalaga ay sumusubok ka. Nakakatuwa dahil mas maayos na ngayon ang lagay mo kaysa noong unang dalaw ko."


Pumasok si Manang Evelyn muli sa kuwarto. May bitbit na siyang mangkok ng lugaw. Si Sister Gelai ang nagpakain sa akin. Mahaba ang pasensiya niya kahit bawat subo ko ay may nahuhulog sa sahig.


Habang pinapakain ako ay nagkukuwento si Sister Gelai. "Alam mo, Kena. Noong nag-text sa akin ang kuya mo noon at sinabi na nasa ospital ka, kahit hindi ko alam ang lugar niyo rito sa Pangasinan, nagsikap ako na mahanap ka."


Hinimatay raw ako noong na lalayas na dapat ako rito. Iyon na rin ang araw kung saan nagsimula at natapos ang lahat. Hindi na ako nagising kaya dinala ako sa ospital. Ang findings: aneurysm.


"Isang himala ang paggaling mo," nakangiti niyang sabi.


Isang taon daw ako mahigit na hindi na nakaratay lang. Na-coma ako ng isang buwan. Noong sumusuko na sila, doon daw ako nagising. Iyon nga lang ay hindi na ako nakakausap. Tulala na lang ako habang nakahiga.


Nang titigil na si Sister Gelai sa pagkukuwento ay hinablot ko ang kamay niya. Napangiti naman siya na tila naiintindihan ako. "Sige, Kena, habang nandito ako ay ikukuwento ko ulit sa 'yo lahat-lahat mula umpisa. Sana ay makatulong para gumaling ka na."


Matapos ko raw magising sa coma ay nakakagulat na naging stable na ako. Ang sabi ng doktor, kahanga-hanga raw ako dahil lumalaban ako sa sakit. Pinalipas muna ang ilang linggo ay nagpasya si Joachim bilang guardian ko na iuwi na ako. Lumolobo na rin kasi ang bill sa ospital.


Sa bill pala ay tumulong si Sister Gelai. Tumulong din ang tita nina Joachim na nasa abroad. Nagmakaawa raw ang magkapatid sa paghingi ng tulong. Iyon ang hindi ko naiintindihan. Bakit nila ginawa iyon?


Lalo si Joachim. Sa personalidad ng lalaking iyon na masyadong mataas at malamig, hindi ko ito ma-imagine na kaya nitong magmakaawa. At ginawa ba talaga nito iyon para sa akin?


Nang maibalik na ako rito sa bahay, kumuha siya ng part time job para extra income habang nag-aaral. Ikinuha nila ako ni Julian ng mag-aasikaso sa akin, iyon nga ay si Manang Evelyn. Ngayon ay magdadalawang taon na raw akong ganito. Nakakapaglakad na, nakakakilos mag-isa, pero tulala pa rin at hindi nagsasalita.


"Mahal na mahal ka ng mga kapatid mo, Kena," sabi ni Sister Gelai habang pinupunasan niya ng kanyang daliri ang mga luha ko. "Hindi ka nila isinuko."


Mga kapatid? Itinuturing ba talaga ako nina Joachim at Julian na kapatid? Hindi ba sila galit sa akin dahil sa pagpapahirap ko sa kanila? Kung tutuusin ay puwede naman nila akong pabayaan na.


"Alam mo, pagka-graduate ni Joachim ay nagtrabaho na agad siya. Palagi siyang nagti-text sa akin. Noong unang pasok niya ay nakiusap siya na puntahan ulit kita, kasi baka nga raw anong oras na siya makauwi mula sa interview sa Manila. Tahimik lang ang kuya mo, pero sobra ka niyang alalahanin, Kena."


Iyong alis na iyon ni Joachim ay hindi rin nagtagumpay. Hindi raw nito tinanggap ang trabaho sa Manila nang malaman kung gaano kahirap mag-uwian pa-Manila at Pangasinan. Pinili nitong manatali rito at pumasok sa bangko sa bayan.


Nagtatrabaho na si Joachim at graduating naman na si Julian. Ang kaibigan ko naman daw na si Bhing ay sa Manila na nakatira dahil doon na nakatira ang mga magulang. Nag-aaral ito roon habang nagtatrabaho. Umuuwi-uwi lang ng Pangasinan para dalawin ako minsan.


Dalawang taon. Dalawang taon na akong ganito. Kaya pala. Napahikbi ako. Kaya pala hindi sumasagot si Bhing sa mga tanong ko, kasi ito lang talaga iyong nagsasalita tuwing dinadalaw ako nito. Ito lang iyong nakakapagkuwento dahil sa buong pagkakataon ay tulala lang ako. Kaya pala!


Si Christian Vergara o Kit naman daw ay sa FEU sa Manila na rin nag-college, dahil naghiwalay na ang parents at sa mommy ito napunta. Pero bago umalis ay ilang beses ako nitong dinalaw. Natataon nga lang na tulog ako kaya hindi ko nakikita o naririnig. Kaya pala hinanap ko ito sa aking balintataw. Nagtatanong ako noon sa isip kung bakit hindi ko nakikita si Kit.


Hindi na pala ako naka-graduate. Hindi totoo na teacher ako. Pumupunta ako araw-araw sa school, pero hindi bilang teacher na gaya ng pag-aakala ko, kundi bilang isang palaboy na babaeng wala sa tamang huwisyo!


Kaya rin pala ang wirdo ng bawat araw ko na parang pare-pareho lang. Kaya pala ang gulo-gulo ng timeline ng buhay ko. Lahat iyon ay gawa-gawa lang ng isip ko!


Hindi totoo ang mga estudyante ko. Hindi totoo na sumusuweldo na ako. Hindi rin totoo na nakalimot na ako sa sakit ng pagkawala ni Mama, sa pagkamatay ng bulag na si Ekoy, at sa aking pagkadismaya matapos kong maniwala sa himala!


Iyon ang mga tunay na naganap. Umuusad ang mundo habang napag-iiwanan ako! Napahagulhol na ako kaya ako niyakap ni Sister Gelai.


"Kena, tahan na. Pasasaan ba at gagaling ka rin. May awa ang langit."


Sa huling sinabi niya ay para akong sinilaban. Doon ako nagpapasag mula sa pagkakahawak niya. Anong 'awa ng langit' ang sinasabi niya?! May awa pa ba ang langit?! Kung meron, bakit nangyayari lahat ito sa akin?!


Nagpapasag ako mula sa yakap niya, nagpapadyak, nagsisisigaw kahit ang lumalabas sa bibig ko ay mga salitang hindi maintindihan, dahil kundi ungol ay parang basag na iyak.


Mula sa pinto ay humahangos na pumasok si Julian. Mukhang mga kadarating lang. Si Julian ay naka-uniform pa ng private college dito sa amin, polo at slacks, naka-lanyard pa nga at suot pa sa likod ang itim na backpack. Nakasalamin pa rin ang mga mata. "Anong nangyayari?!"


Si Sister Gelai ay nagpa-panic. "Nagwawala si Kena. Sinusumpong na naman."


"Ako na, sister!" Hinawi ni Julian si Sister Gelai at pinuntahan ako. Hinuli niya ang magkabilang pulso ko. "Calm down, Kena, Calm down. This is Julian."


Pinatutulak ko siya at pilit binabawi ang aking pulso, pero mas malakas si Julian. Ang lakas niya kaysa sa akin. Nang titigan ko siya ay napagtanto ko na mas tumangkad siya, lumapad ang balikat, at ngayon ko lang din napansin na buong-buo na ang boses niya. Oo nga pala, dalawang taon na ang nagdaan.


"Kena!" Inilagay niya ang mga kamay ko sa aking likuran. "Calm down, okay?" Pawisan na ang noo niya habang pilit hinuhuli ang malilikot kong mga mata.


Kumalma na ako mayamaya dahil sa pagod. Lulpaypay akong napangudngod sa balikat ni Julian.


Si Sister Gelai naman ay napatingala at napa-sign of the cross bilang pasasalamat. Kahit naman nanlalata sa pagod ay tinaliman ko siya ng tingin. Bitch! Gusto ko siyang lusubin at patayin!


Pumasok si Manang Evelyn sa kuwarto ko habang dala ang planggana na may bimpo. Inilapag nito iyon sa bedside table sabay labas ulit.


Walang kahirap-hirap na kinarga ako ni Julian pahiga sa kama. Inayos niya ang suot na specs sa mata, hinubad ang suot na lanyard, pagkatapos ay ang school polo, at isinabit iyon sa pader.


Pagkuwan ay nilingon ni Julian si Sister Gelai. "Sister, inayos na ni Manang iyong kuwarto na tutuluyan niyo. Magpahinga na muna kayo. Ako na muna ang bahala kay Kena."


Nang dalawa na lang kami ni Julian sa kuwarto ay hinubad niya rin ang suot na wristwatch at inilapag sa bedside table. Baka-t-shirt na lang siya at pants nang maupo sa gilid ng kama. "Kena, kailangan mo nang maglinis."


Nang hubarin niya ang suot kong damit ay aking nakita ang mga grasa roon. Sa kilos ni Julian ay parang sanay na sanay na siya. Matapos akong hubaran ay pinunasan niya ng bimpo ang aking hubad na katawan.


Mapait akong napangiti. Ito pala iyong palaging nangyayari kapag sinasabi niya na basa ako ng pawis, na marumi ako, na kailangan kong maghubad. Ito pala iyon.


Binihisan niya ako ng bagong t-shirt at pajama. "Bukas na kita papaliguan," sabi niya saka ako tiningnan sa mukha.


Hinawi niya ng mahahabang daliri ang aking buhok, pagkuwa'y maliit siyang ngumiti. "Bukas, magtu-toothbrush ka rin, okay?" Hinalikan niya ako sa noo. "Dito ka muna. Ligo muna ako."


Nagmamadali na siyang lumabas at naiwan na akong mag-isa. Mainit ang gilid ng aking mga mata sa luha. Hindi ko na alam kung kanino ako maaawa, kung sa sarili ko pa ba o sa mga taong nahihirapan at nagsasakripisyo para sa akin.


Bakit ba nila ito ginagawa? Bakit hindi na lang nila ako hayaan? Hindi naman nila ako kargo. Patay na ang mama ko. Wala nang dahilan para manatili ako rito. Hindi nila ako kaano-ano.


Tuwid na nakahiga ako sa gitna ng kama, sa gitna ng maliit kong kuwarto, kung saan nakasara ang pinto at bintana, at maliit na bombilya lang ang liwanag. Walang maririnig kundi ang mahinang tunog ng pag-ikot ng elisi ng lumang stand fan. Tahimik. Ang tahimik.


Nakakabinging katahimikan—nang biglang may kumatok.


Gumalaw ang aking mga mata pero hindi ang katawan. Tumingin ako sa pinto. Naghintay pa ng kasunod na katok, pero lumipas pa ang ilang segundo bago iyon nasundan.


Dalawang katok.


Tapos isa na lang.


Sigurado na ako, ang katok ay hindi galing sa pinto. Kung ganoon ay saan?


Saan galing ang naririnig kong patigil-tigil na tipid na pagkatok? Meron akong naalala, ganitong-ganito. Nakakarinig din ako noon ng katok, madalas ay doon sa room na aking inakalang advisor class ko. May cabinet doon na kinalalagyan ng mga folders at kalahati ay mga walis at dustpan. Alam ko na ngayong hindi totoo ang senaryo, pero iyong katok na aking narinig ay alam kong totoo.


Totoo na paminsan-minsan, nakakarinig ako ng pagkatok. Di ba noong dati ay nakarinig din ako, at may narinig pa akong boses na tinatawag ako. Isang pamilyar na boses na sinasabing pagbuksan ko siya. And that he will take me from there...


Pero hindi ko binuksan. Sa halip ay nilingon ko iyong aking naramdamang nilalang sa aking likuran. Ang pagpili ko sa nilalang ay isang pagkakamali pala, dahil ang bangungot ang aking napala.


Ngayon, ano kaya ang mangyayari kung pipiliin ko ang katok sa kahit anupaman?


Naghintay ako. Isang segundo, dalawang segundo, tatlo... Wala na bang kasunod ito?


Lumipas ang mga minuto, nawawalan na ako ng pag-asa, nang muli ay marinig ko ang pagkatok. Napabalikwas ako ng bangon sabay lingon.


Namimilog ang dilat na dilat kong mga mata. Doon sa bintananang nakasara! Doon ko naririnig ang katok!


Iyong bintana na ang katalikuran ay pader na, dahil nagtayo na ng bahay ang kapitbabay. Hindi ko na rin talaga iyon binubuksan dahil anong sense? Pader na ang nasa likod niyon. Ang kaso ngayon, bubuksan ko iyon!


Humakbang ako palapit. Isang hakbang... Dalawa... Tatlo... Malapit na...


Malapit na malapit na... Isa pa...


Isa na lang...


Ito na—


May yumakap sa akin mula sa likuran. "Kena."


Gulat akong napalingon. Unang bumungad sa akin ay mabangong leeg ng isang lalaking matangkad. Naka-polo siya na kulay puti. Pagtingala ko ay nasalo ko ang titig niyang mainit. Si Joachim!


"Why are you still awake?" tanong niya, ang kanyang mabangong hininga ay tumama sa aking noo. "Hinintay mo ba ako?"


Kumurap ako at pinandilatan siya.


Hinaplos niya ang ulo ko. "Ang sabi ni Sister Gelai, mas nagpipilit ka nang magsalita. That's nice to know."


Bumukas ang bibig ko. "Ahmiyonumm amm sunn..."


"Don't pressure yourself. We can wait."


Hindi! Meron akong gustong sabihin! May gusto akong itanong dahil may gusto akong malaman!


"Hineon! N-nasayamunumn gabyelumsan!" pilit na pag-ungol ko.


Ngayong nakita ko na si Sister Gelai, si Julian, at narinig ang tungkol kina Bhing at Kit, at nakita ko na rin siya ulit, ngayon ay natiyak ko nang may kulang! May hindi pa ako nakikita! May hindi pa ako nalalaman!


Nagsalubong ang makakapal na kilay ni Joachim sa nakikitang pagka-aligaga ko. "What's wrong?"


"A-ahmniyun!" Humawak ako sa kuwelyo niya. "Lellll leliyumn! E... e... aaahhh!"


Gusto kong magsalita kasi hinahanap ko iyong kulang!


Sinikap kong magsalita kahit hirap na hirap. "S-saan e, ssi... sineun e... e— El!"


Ang pag-aala sa mga mata ni Joachim ay napalitan ng lamig.


Halos mapunit ko naman na ang kuwelyo niya sa aking pagkakahila. Nakatingala ako sa kanya habang nakanganga at pinipilit magsalita. "S-saun... San ssi... El?!"


Sa wakas ay nasabi ko na. Si Gabriel Juan Salgado o El. Ang tanong na nasaan siya ay sa wakas, naisaboses ko na—para lang sa huli ay madismaya at matulala.


Sinalubong ni Joachim ang luhaan kong mga mata. "On the same day that we took you to the hospital, your former classmate El's parents also took him there. Kena, halos sabay kayong na-coma."


Napabitiw ako sa kanya at kung hindi niya ako naagapan ng yakap ay babagsak na sana.


"Kena, matapos ang isang buwan, ikaw lang ang nagising. And right at this moment, El is still in a coma."


#JFBOTCP

jfstories

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro