CAPITULO 34 - Loophole
CAPITULO 34 – Loophole
NASAAN SI CHRISTIAN VERGARA?
Nasaan si Kit? Bakit nga pala hindi ko ito nakikita? Bakit hindi ito nagpaparamdam? Bakit parang wala rin akong maalala kung nasaan na ito o ano ba ang kinuha nitong propesyon. Ni hindi ko nga rin alam kung nakatapos din ba ito ng pag-aaral.
Bakit wala akong maalala? Ano bang nangyari pagkatapos ng high school graduation? Pilit kong pinakaisip-isip, pero sumakit lang ang ulo ko na wala akong naalala maski isa. Ang hirap talaga pag galing sa sakit.
Bukod pa nga pala kay kit, sino pa ba ang hindi ko pa nakikita? Parang noong nakaraan ay meron pa. Ah, that person.
Iyong lalaking kaklase namin ni Bhing noong huling taon ng high school. Wala rin ito noong panahong nagkasakit ako. Hindi nga yata kami close kaya bakit iisipin ko pa ito?
I'd rather think of the people who had truly become my friends, and with whom I had really become close. Like Kit. I could remember that, despite that boy's naughty nature, he was sweet and truly became a close friend to me.
Nag-ring ang phone ko. Napangiti ako nang makita ang pangalan ni Bhing. Oh, I forgot that I had someone that I could ask. I answered her call right away.
[ Hi, Kena! ] Nauna pa ito sa aking magsalita kahit hindi pa naman ako naghe-hello. [ Kumusta ka na? Sorry ngayon lang ulit ako, ah? Naging busy kasi sa Manila. ]
"Wag kang mag-sorry, Bhing. Naiintindihan ko naman. Syempre, ang layo nga naman ng Manila rito sa Pangasinan."
[ Hindi rin pala ako magtatagal, kasi may kailangan akong daanan. Gusto lang talaga kitang kumustahin. Na-miss kita, best friend. ]
Muli akong napangiti. Hindi pa rin talaga ito nagbabago kahit hindi na teenager, emosyonal pa rin. "Oo na, Bhing, miss na rin kita. Pero mabuti at napatawag ka kasi may tanong din pala ako. Natatandaan mo pa ba si Kit?"
Walang sagot si Bhing kaya naisip ko na baka nakalimutan na nito ang lalaki.
"Bhing, hindi mo na ba siya natatandaan? Si Kit o Si Christian Vergara na schoolmate natin noong high school tayo? Iyong maangas na guwapo. Nakasama natin siya noon—"
[ Hay, miss na miss na talaga kita, Kena. Kahit nasa Manila na ako at may bago ng mga kakilala, ikaw pa rin ang best friend ko. ]
Nangunot ang noo ko. Hindi ba ako narinig ni Bhing sa tanong ko?
"Bhing, okay nga lang ako. Miss na rin kita. Pero ano nga? Hindi mo ba talaga natatandaan si Kit—"
[ Sige, Kena, alis na ako, ah? May kailangan din kasi akong daanan. I miss you, best friend! ]
Pagkatapos ay nawala na si Bhing sa kabilang linya. Nakatanga naman ako sa palyadong screen. Hindi nga yata talaga ako narinig nito sa mga tanong ko, at mukhang sira na nga talaga ang phone ko na ito.
"INENG, SAAN KA NA NAMAN BA GALING?!"
Sumilip sa bukas kong pinto ang nasa mid sixties na si Manang Evelyn. Kapitbahay namin. Pumupunta ito rito sa bahay dalawang beses isang linggo. Kinuha ito ni Joachim para makakatulong namin. Siguro dahil hindi na namin mapagtuunan ng pansin ang bahay, gawa ng pare-pareho na kami ngayong busy.
Lahat nga kasi kami ay may mga trabaho na. Si Tito Randy naman ay minsan na lang umuuwi, at hindi rin naman kumikilos dito sa mga gawaing bahay.
Tuluyang pumasok ang may edad na babae sa aking kuwarto. Nagsimula itong mamulot ng mga marurumi kong damit sa sahig. Balak ko pa lang sana iyong kunin pero nauna na ito. Kahit ayaw ko na pumapasok ito rito para maglinis, ay parang wala ito palaging naririnig.
Habang nagpupulot ay panay tingin nito sa akin. "Nangangalumata ka. Imbes kasi na natutulog ka at nagpapahinga ay kung anu-ano ang pinagagagawa mo."
"Hindi naman po kung anu-ano," magalang na pangangatwiran ko. "Syempre, kailangan ko pong magpuyat minsan para sa pagawa ng lesson plan."
Para ako nitong hindi narinig. "Hay naku, ang dami na nga rito laging gawain, intindihin ko pa pati pag nasa labas ka."
Bakit kailangang initindihan niya pa kung nasa labas ako? Alangang hindi ako aalis? May trabaho ako sa school.
"Manang, kung ang pinoproblema niyo po ay ang pag-uwi ko ngayon ng gabi na, pasensiya na po. Umulan kasi kanina at wala akong payong kaya ang tagal kong nakaalis sa school. Wala pa pating pedicab sa labas ng gate kaya naglakad pa ako hanggang sa kanto."
Pagod na pagod nga ako sa paglalakad e. Hindi ko na maalala kung paano ako nakauwi sa pagod ko.
Nakasimangot pa rin ang itsura ng may edad na babae habang namumulot ng mga kalat-kalat sa paligid. "Kabilin-bilinan ni Joachim na wag kang hahayaan habang wala siya."
"Nasaan ba siya?" tanong ko. Anong oras na kasi, dapat ay nakauwi na rin ang lalaki.
Umismid ang matanda. "Hay, naku, Kena. Matanda na ako kaya makisama ka naman. Mabuti sana kung ikaw ang masisisi sa huli, e malamang naman na ako."
Nang makaalis na sa kuwarto ko si Manang Evelyn ay napailing na lang ako sa trato nito sa akin. Alam nito na sampid lang ako rito at hindi rin ako ang nagpapasahod dito, kaya siguro ganoon ito.
Nagligpit-ligpit na lang ako sa kuwarto ko. Pinagdadampot ko iyong mga gamit sa sahig katulad ng mga unan, kumot, suklay, at ultimo orasan sa pader, na ewan ko ba kung bakit palagi na lang nagkakandalaglagan.
Patapos na ako nang maulinigan ang boses ni Joachim mula sa sala. "Si Kena?"
Nakauwi na pala siya. Si Manang Evelyn ang sumagod dito. "Nasa kuwarto niya. Kumain na iyon."
"Si Julian?" sumunod na tanong ni Joachim.
"Umalis din pag-alis mo kanina."
"Tsk."
Saglit lang ay nasa may pinto na ng aking kuwarto ang lalaki.
Madilim ang ekspresyon niya habang tila siya tore sa aking pinto dahil sa kanyang mataas na height. T-shirt na puti, slacks na itim, at may hinubad na polo na nakasampay sa kaliwang balikat. Sa paahan naman ay nakamedyas na lang.
"Hi." Ngumiti ako. "Kararating mo lang?"
Ang dilim sa kanyang ekspresyon ay iglap na nabura. Napalitan iyon ng gulat. "Kena, alam mo na umalis ako?"
Tumango ako. Ano bang problema kung alam ko kung umalis siya? Aalis naman siya talaga dahil nagtatrabaho siya, ah?
Sandali, saan nga pala nagtatrabaho si Joachim? At ano nga ba ulit ang trabaho niya?
Napapasok siya agad sa loob ng kuwarto sabay hila sa aking kamay. Sabay kaming naupo sa gilid ng kama. Titig na titig pa rin siya sa akin habang nasa mukha ang gulat. Hindi lang gulat, dahil may iba pang emosyon sa magagandang mga mata na nakatingin sa akin ngayon. Like Joachim was happy. But why was he happy?
Ako naman ang nagulat sa sumunod na nangyari. Bigla niya akong niyakap. "Kena... Did you miss me?"
What? Isang buong araw lang siyang nawala, saka galing ako sa school, at palagi rin naman kaming sa gabi lang nagkikita, kaya ano bang problema niya?
Lalong humigpit pa ang pagkakayakap niya sa akin na halos hindi na ako makahinga. Ang init ng katawan niya ang nagpaalala sa katawan ko na nilalamig nga pala ako kanina. Kaya tuloy ang isang kamay ko ay kusang tumaas upang yumakap din sa kanya.
Iyon ang naratnan ng kapatid niyang si Julian. Pagtingala ko sa pinto ay nakatayo na pala ito roon. Madilim ang mga mata na sa amin ay nakatingin.
Napalayo sa akin si Joachim, at hinarap ang kapatid. "Saan ka galing? Di ba wala kang pasok ngayon?"
Hindi siya sinagot ng lalaki.
Tumayo na siya at nilapitan si Julian. "Wala ka namang pasok, kaya bakit ka umalis? Alam mong kailangan ka rito!"
Hindi pa rin siya pinansin. Sa halip ay tuloy-tuloy si Julian sa akin. Sa gulat ko ay bigla nitong hinawakan ang laylayan ng suot kong damit.
Bigla namang itinulak ni Joachim ang kapatid. "What do you think you're doing?!"
"I'm just checking kung basa siya ng pawis," salat sa emosyon na sagot ni Julian.
Ano ngayon kung basa ako ng pawis? Anong pakialam ni Julian? Ang weird lang na iyon talaga ang una niyang naisip pagkakita sa akin!
Naalala ko tuloy bigla iyong aking delusyon sa school kanina. Delusyon lang iyon at hindi totoo, pero bigla na akong nailang kay Julian ngayon.
Lumabas ang magkapatid sa kuwarto ko. Mag-uusap. Mukhang seryosong pag-uusap.
Nakahinga naman ako nang wala na ang mga ito. Nahiga na ako sa kama dahil pagod na pagod ang katawan ko. Sa sobrang pagod ko nga, pagpikit ko ay kinabukasan na ako nagising.
MAGAAN na ulit ang aking pakiramdam. Sabado ngayon kaya wala akong pasok. Nawawala iyong kalendaryo sa pader at hindi na rin mabasa ang petsa at araw sa malabong screen ng luma kong phone, pero basta alam ko na Sabado ngayon.
Tumayo ako at sumilip sa labas. Tahimik na tahimik. Mga tulog pa siguro ang magkapatid. Si Manang Evelyn naman ay baka mamaya pa darating dahil stay-out nga ito. O baka rin wala ito ngayon dahil Sabado.
Naisipan ko na ipagluto ng almusal sina Joachim at Julian. Malamang na gutom ang mga iyon pagkagising. Wala akong ambag dito sa bahay dahil hindi nila ako pinag-aambag, kaya kahit sa ganitong kaliit na bagay lang ay gusto ko sana sa kanilang makabawi.
Nagtintin ako ng mga rekados na available sa kusina. May kaning lamig, may mga sibuyas, bawang, toyo, mantika. Meron ding itlog pa sa ref at hot dog. Napagpasyahan ko na magsangag na lang.
Nae-enjoy ko ang pagluluto nang may magpasukang bangaw mula sa bukas na bintana sa sala. Ang bango-bango ng iniluluto ko, tapos sisirain lang ng mga maruruming bangaw na ito.
Nakakaasar pa dahil may mga dumapo pa sa aking tainga, doon pa talaga humuhuni na parang binubulungan ako. Pinagbubugaw ko palabas ng pinto. Ayaw ko naman kasi na nandito pa ang mga pesteng ito kapag kumakain na kami mamaya.
Pagkaluto ko ay naghugas ako ng mga kamay, idinamay ko na ang aking mga braso dahil nangangati. Bukod kasi sa nadapuan ng langaw ay nainitan pa habang nagluluto ako. Hinubad ko na rin ang aking suot na apron dahil nanlalagkit na ako sa init.
Naghahanda na ako sa mesa nang lumabas sa kuwarto si Joachim. Naka-pajama na kulay baby blue at puti na t-shirt. Magulo-gulo pa ang buhok. Kagigising lang. Nag-stretch pa ng mga braso at nagpatunog ng mga buto sa kamao.
Nang makita ako ay umawang ang mapupulang mga labi niya. "Kena?"
"Good morning. Nagluto ako ng breakfast natin."
Inilang hakbang lang ng mahahabang biyas niya ang pagitan namin. "Anong oras ka pa nagising?!"
"'Wag kang mag-alala, hindi naman sobrang aga. Kanina-kanina lang din. Ito nga, nagluto ako o." Hinila ko ang bandehado na kinalalagyan ng sinangag. Ang bango-bango niyon dahil maraming bawang.
Napatingin naman siya sa bandehado. Wala man lang siyang reaksyon kahit ang ganda ng aking preparation. May toppings pa ang sinangag na hinugis na puso mula sa mga ginayat na hotdog. Ang bango-bango rin at mukhang masarap.
"Tikman mo?" Kinuhanan ko siya ng kutsara. Baka kasi lutang pa ang diwa niya dahil kagigising lang, kaya dapat siyang makatikim ng masarap para mahimasmasan.
Nakasunod lang naman si Joachim ng tingin sa akin nang sumandok ako ng sinangag. Ako ang nagsubo niyon mismo sa kanya. Natulala pa siya ng ilang minuto bago siya ngumanga.
"Anong lasa?" excited na tanong ko.
Nakatingin lang naman siya sa akin habang ngumunguya. Nanlalaki ang mga mata.
"Gusto mo pa?" Akma ko siyang ipagsasandok ulit nang bigla niyang idinura sa sahig ang isinubo ko kanina sa kanya. Gulat ako na napatingala sa kanya.
Kahit si Joachim ay gulat na gulat.
"H-hindi mo nagustuhan?" Hindi ko maiwasang hindi malangkapan ng pait ang tanong. "Hindi masarap?"
"K-Kena..." Akma niya akong aabutin nang umatras ako.
"You know, Joachim, you can just say no," mariing sambit ko. "Puwede mong sabihing ayaw mo ng luto ko, hindi mo na kailangang tanggapin para lang idura mo sa harapan ko mismo!"
Ang sikip ng aking dibdib at inaamin ko na naiinis ako. Kasi bakit kailangan niya pang idura? Bakit sa harapan ko pa? Puwede namang tiisin niya muna at pumunta na lang sa lababo, o sa banyo. Bakit kailangan sa harapan ko pa talaga?!
Kinuha ko na ang bandehado sa mesa para ilagay sa lababo. Dahil kung ayaw niya, sino pa ang kakain nito? Malamang na ayaw rin ni Julian nito.
"Kena." Hinawakan niya ako sa braso pero tinabig ko siya.
Hinawakan niya ulit ako at pilit pinahaharap. Ibinalik ko ulit tuloy sa mesa ang bandehado ng sinangag, saka siya tiningala. "Ano bang problema mo? Hindi naman kita pipiliting kainin ang niluto ko!"
"Kena, please..."
Ayaw ko na sanang palakihin pa pero sige, since mukhang gusto niyang pag-usapan. Matigas ang ekspresyon na sinalubong ko ang kanyang mga mata. "Joachim, sagutin mo nga ako. Gaano ba kasama ang lasa ng iniluto ko para idura mo?"
Ang OA kasi. Isang subo lang iyon pero idinura agad. Tinikman ko rin naman kanina iyong sinangag, sakto lang naman at hindi maalat. Did he do it on purpose? Was he having a grudge against me?
Napatigil naman si Joachim. Natulala.
"Tell me, sobrang sama ba ng lasa para hindi ka na makapaghintay na idura, ha?"
"Dura?" ulit ni Joachim. "Hindi lang dura, Kena." Bumaba ang tingin niya sa sahig.
Sumunod naman ang aking mga mata, at ganoon na lang ang pag-atras ko dahil hindi nga lang dura iyong nasa sahig—kundi suka!
Nagkalat ang suka sa sahig! Naghahalo ang tubig at kanin, napakarami na nagtalsikan pa ang iba sa paahan ng lamesa! Ngayon ko lang din naamoy kung gaano kabaho ang paligid!
At iyong mga bangaw na itinaboy ko kanina, nandito ulit!
Nakapalibot ang mga ito sa mabahong suka. Ang asim, ang lansa, at amoy pagkaing ilang araw nang nasira. Ang masangsang na amoy ay nakakapangpabaliktad ng sikmura!
Galit akong tumingala muli kay Joachim. "Seryoso ka ba? Napakapangit ba at hindi mo masikmura ang lasa ng iniluto ko para isuka mo?! O baka naman may hangover ka? Naglasing ka ba kagabi? Kasi kung iyong isang subo lang ng sinangag, hindi dapat ganyan karami ang suka mo. Parang buong kinain mo na iyang kahapon maghapon!"
Ang makakapal at itim na itim na kilay ng lalaki ay nagsalubong. "Kena, what are you saying? Anong sinasabi mong sumuka ako? Hindi ako sumuka."
Ako naman ang napatigil. "Anong ibig mong sabihin?!"
"Kena, hindi ko suka ang nasa sahig. Hindi ako ang sumuka... IKAW."
Tigagal na napaatras ako. Sinungaling. Paanong ako?!
Paanong ako e siya iyong—Napahinto ako nang mahagip ng aking paningin ang salamin sa may sala. Nakikita ko roon ang repleksyon ko. Bakit ganoon? Bakit magulo ang buhok ko?!
Natatandaan ko na bago ako lumabas ng kuwarto paggising ko kanina ay nagsuklay ako. Pero bakit magulo ngayon ang buhok ko? At bakit ganito ang suot kong damit? Bakit napakarumi? Ang dumi-dumi! Puno ng suka!
Napatingin ako sa aking katawan dahil baka nililinlang lang ako ng salamin, at ganoon na lang ang pagkawindang ko dahil ang dumi-dumi ko nga talaga! Ang damit ko ay puno ng naghahalong sariwa at natuyong suka!
Nanghilakbot ako sa pandidiri dahil pati ang mga kamay ko ay puro suka rin pala. Kaya pala malagkit. Kaya pala makati!
Hindi lang mga kamay dahil pati ang aking maging aking mga binti. Ang paa ko ay nakayapak at nakalublob sa malagkit na suka na nagkalat sa sahig. Ang baho. Ang baho-baho!
Diring-diri kong inalis sa mga braso ko ang malagkit na suka. Lalo akong nandiri nang malamang pati sa leeg ko ay meron ding suka, meron din sa buhok ko na ngayon ay nagdikit-dikit na. Nanuyo na ang mga kanin-kanin.
"Kena!" sigaw ni Joachim pero hindi ko na magawang intindihin dahil sa pandidiri ko sa aking sarili.
Sigaw siya nang sigaw. Isinigaw niya na rin ang pangalan ni Julian, hanggang sa lumabas na sa kuwarto ang lalaki. Nagulat ito nang makita kami. Umalis ulit at pagbalik ay may dala ng malaking tuwalya.
"I'll clean her!" sigaw ni Julian.
"No!" Doon ako natauhan. Bakit kailangang si Julian pa ang maglinis sa akin? I could handle it by myself! "Maliligo na lang ako." Malapit lang naman ang banyo rito sa kusina, doon na ako dederetso.
Sa paghakbang ko nga lang ay bigla akong nadulas sa naghahalong madulas at malagkit na suka. Paglagapak ko sa sahig ay parang gusto ko ulit masuka. Napatili ako sa pandidiri.
Si Joachim ay bigla akong kinarga. Walang pakialam kahit mabaho at malagyan din siya ng suka. Kinabahan pa ako dahil baka dalhin niya ako sa banyo, pero inihiga niya ako sa kung saan.
I thought he put me on the dining table, pero malambot ang binagsakan ng aking likod. Napasinghap ako nang matitigan ang paligid. Ang alam ko ay nasa kusina kami, dahil doon ako nagluto kanina, doon din ako nadatnan ni Joachim...
"Get her clean clothes," utos ni Joachim.
Hindi tuminag naman si Julian. "I'll help you clean her first."
Para akong manika lang kung pagtulungan nilang hubaran. Bigla akong natulala sa mga mukha nila na bukod sa pag-aalala ay walang pag-aalinlangan, pagkagulat, o pandidiri man lang na makikita, like this was not the first time this happened.
Sa pagkakataong ito, parang lalo nang nawalan ng sense ang lahat. Ang gulo-gulo. Dahil alam ko na nasa kusina kami...
...Pero bakit nandito kaming tatlo ngayon sa kuwarto ko?!
#JFBOTCP
jfstories
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro