Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CAPITULO 27 - Brave

CAPITULO 27


'NAGTATAMPO KA BA?'


Alam ko kung kaninong boses ito. Boses ng kaibigan kong si Bhing.


'SORRY, NGAYON NA LANG ULIT, HA? MARAMI KASING TRABAHO KAYA HINDI AKO NAKAPUNTA NOONG ISANG LINGGO. PERO NANDITO NA ULIT AKO, KAYA HUMANDA KA DAHIL KUKULITIN NA NAMAN KITA.' 


Ramdam ko ang lungkot sa boses niya kahit pa pilit niya iyong pinasisigla.


'SWELDO KO NA PALA NEXT WEEK. IBIBILI KITA NG LIBRO. BABASAHIN KO PARA SA 'YO. ANO, GUSTO MO BA IYON, HA?'


Patuloy siya sa pagkukuwento ng kung anu-ano. Kakaunti lang sa mga iyon ang malinaw na naririnig ko. May pagkakataon kasi na ang boses niya ay parang nag-e-echo.


'SAKA NGA PALA, ALAM MO BANG PINAPANSIN NA AKO NI JULIAN NGAYON? MASUNGIT PA RIN SIYA PERO AT LEAST AY PINAPANSIN NA AKO. HAY, KINIKILIG AKO, KENA!'


Naramdaman ko ang marahang paghaplos niya sa aking ulo.

 

'IKAW, KAILAN KA MAGKUKUWENTO SA AKIN NG NAKAKAKILIG NA MOMENTS? PERO KAHIT 'WAG NA. KINIKILIG NAMAN NA AKO SA MGA NAKIKITA KO. DALA-DALAWA LANG NAMAN KASI ANG MASUGID NA NAG-AASIKASO SA 'YO RITO.'


Ha? Dalawa? Sinong dalawa?


'PERO GUSTO KO RIN PALA NA MARINIG KANG MAGKUWENTO. KAYA, KENA, PLEASE NAMAN... BUMALIK KA NA...'


Bumalik? Bakit, nasaan ba ako? Saan ako nagpunta? Gusto kong magsalita, sabihin na naririto lang ako, pero walang lumalabas na salita sa bibig ko. 


'BUMALIK KA NA, KENA. MAGKUWENTUHAN NA TAYO, SIGE NA. MISS NA KITA. MISS NA MISS NA KITA...'


'KENA, BUMALIK KA NA. BUMALIK NA KAYO...'


Kayo? Sino ang kasama ko?


'KENA, BUMALIK KA NA... BUMALIK NA KAYO NI...'



HAH! Humihingal na napadilat ako. Patihayang nakahiga ako sa foam, ang higaan na pag-aari ni Ekoy noon. Nag-iisa ako sa kuwarto nito. Pero bakit ako nandito? Kailan ako pumunta rito?


Ano bang oras na? Madilim pa sa labas ng bintana paglingon ko. Hinanap ko sa aking tabi ang phone ko. Sa itaas ng maliit na screen ay makikita ang oras na 3:25 a.m.


Mukhang mga ilang oras din ang tulog ko. Nakapagpahinga na ako kahit paano, kaya bakit kaya pagud na pagod pa rin ang pakiramdam ko? Para akong tumakbo ng pagkalayo-layo!


Nakahiga ako at nakatitig sa kisame nang bumukas ang pinto. Si Julian ang dumating. Basta siya humiga sa sahig ng kuwarto, kalahating dipa ang pagitan sa akin, at ang kanyang unan ay ang bag niya.


Tumagilid ako paharap sa kanya. "Nasaan sila?"


Hindi niya ako sinagot. Basta lang siyang pumikit na tila walang narinig.


Napasimangot ako at tumayo na. Nasagi ko pa ang paa niya sa pagpunta ko sa pinto. Paglingon ko sa kanya ay nakatingin siya sa akin. "Sorry, ang haba kasi ng binti mo."


Salubong ang mga kilay na tumalikod lang siya ng pagkakahiga. Okay lang, sanay naman na ako na ganyan siya.


Lumabas na ako. Sa sala ay naabutan ko si Bhing na nakayukyok sa upuan. Mukhang doon nakatulog sa kakaasikaso sa labas.


Sumilip ako sa bintana na nakabukas. Wala na palang mga nakikilamay sa labas. Ang naroon na lang ay sina Joachim na naninigarilyo na naman sa may gate. Si Kit ay nakahiga sa apat na upuang pinagdikit-dikit, nakapatong ang isang bisig niya sa noo, habang may nakasalpak na earphones ng walkman sa magkabilang tainga niya.


Lumabas ako matapos hiramin ang baong tsinelas ni Bhing. Naghanap pa sa paligid ang aking mga mata. Hindi ko makita ang gusto kong makita.


Nasaan si El?


Bakit pagising ko ay nasa kuwarto na ako? Ang aking huling natatandaan ay magkausap kami. Hindi ko nga lang matandaan ang mga pinag-usapan namin. Ano ba talaga ang nangyari kagabi?  


Napalinga ako sa kinaroroonan ng kabaong. Syempre ay naroon pa rin iyon. Malamlam na nga lang ang dalawang ilaw sa tabi, dahil siguro sa bukod sa maliit na bombilya, ay malapit na yatang mapundi.


Kumukurap-kurap na ang ilaw. Pati ang fluorescent light sa kisame ng tent ay mapanglaw na rin ang dalang liwanag. Lalo tuloy lumungkot ang paligid. Mukhang ang nakaya lang kunin ni Sister Gelai ay mumurahing funeral package.


Ang tahimik talaga, ang lungkot-lungkot sa burol ni Ekoy. Habang humahakbang ako ay patingin-tingin pa rin ako sa kabaong. Inaantok pa ba ako o sadyang natataw ko na marumi talaga ang salamin niyon?


Parang marumi talaga. Parang may maitim na alikabok na naipon sa gitna. May humawak ba roon kanina na marurumi ang mga kamay?


Nilapitan ko na ang kabaong. May dumi nga. Mukhang kamay nga. Siguro ay may nakipaglamay na basta humawak dito kahit marurumi ang mga kamay. Itinaas ko ang laylayan ng suot na t-shirt. Pinunas ko iyon sa ibabaw ng kabaong. Kaya lang ay nakailang kuskos na ako, hindi pa rin matanggal ang dumi.


Ayaw talagang maalis kahit ang diin-diin na ng pagpupunas ko. Naiinis na ako dahil ayaw talagang mabura. Halos umuga na nga ang kabaong sa panggigil ko sa dumi. Nagkatumbahan na ang krus at maliit na picture frame ni Ekoy sa ibabaw, pero patuloy pa rin ako sa pagkuskos.


Bwiset! Ano ba ang duming ito? Bakit kumapit na yata nang matindi sa salamin? Paano ko ito buburahin? Dapat ko pa ba itong basain?!


'DILAAN MO.'


Napakurap ako. Parang may kumiliti sa aking tainga na kung ano.


'DILAAN MO NA.'


'SIGE NA. DILAAN MO NA ANG SALAMIN NG KABAONG. SIGE KA, HINDI MAAALIS ANG DUMI.'


"Bakit ko gagawin iyon?" Kumiling ang aking ulo habang ang mga mata ko ay titig na titig sa hugis kamay na dumi sa ibabaw ng salamin. Gusto ko iyong maalis. Gustong-gusto ko. Dapat maalis iyon. Dapat!


'DILAAN MO NA NGA. O KAYA PABAYAAN MO NA, HAYAAN MO NA LANG NA MARUMI ANG KABAONG NIYA. TUTAL AY WALA KA NAMANG KUWENTANG KAIBIGAN, DI BA?'


"Ako, walang kwenta?" Yumukod ako sa salamin ng kabaong. Hindi ako palakaibigan, pero may mga tao na nagtiyaga sa akin. Ang una ay si Bhing... Ang pangalawa ay si Ekoy.


'PERO PATAY NA SI EKOY. PINATAY NG ISANG MANGKUKULAM NA NAG-AARAL PA LANG. PARA KASI RITO, WALA NAMANG SILBI ANG KAIBIGAN MO SA MUNDO. KUMBAGA, HINDI NAMAN DAW KAWALAN.'


Kumuyom ang mga palad ko. "Tumahimik ka."


Pero patuloy ito. 'AT ALAM MO BANG ALAM IYON NI SISTER GELAI? PERO ANO ANG GINAGAWA NG LINTEK NA MADRE NA IYAN? IMBES NA SUMUGOD SIYA ROON SA MANGKUKULAM, IPINASA-DIYOS NIYA NA LANG. IPINAGDASAL NA LANG!'


Kumiling muli ang ulo ko. Ang gilid ng aking mga mata ay nagsisimula nang lumabo. Sa anag-ag ko ay may bulto akong natatanaw sa bandang likod ng kabaong. Doon sa parteng madilim ng bakuran. Isang bulto na mataas, nakaitim na damit na mahaba ang laylayan, may saklob na itim din sa uluhan.


Parang nanlaki ang aking ulo nang marahang nagtaas ng kamay ang nakaitim na bulto. Sinisenyasan ako na lapitan ito. Nagsimulang lumakad patalikod ang bulto.


Naglalakad patalikod. Papalayo. Palabo nang palabo. Hanggang sa unti-unting nawawala na sa paningin ko.


Kumiling sa kabila ang aking ulo. Bumitiw ako sa kabaong at tumagilid ang mga paa. Palakad na ako patungo sa parteng iyon ng madilim na bakuran, kaya lamang ay biglang umungol si Kit sa kinahihigaang pinagdikit-dikit na apat na upuan.


Napakurap ako bigla. Nilingon ko ang lalaki. Natutulog pa rin siya. Nag-aalala na ako dahil binabangungot siya. Nilapitan ko agad siya para gisingin, nang bigla siyang humawak doon sa ano niya. Sukat ay napabilis ang lakad ko palayo sa kanya.


"Ahhh, shit." Narinig ko pa ang pahabol na ungol ni Kit.


Ang mga hakbang ko ay papunta sa nakabukas na gate sa harapan. Si Joachim ay itinapon ang nangangalahati pa lang na sigarilyo nang makitang papalapit ako.


"Bakit gising ka pa?"


"Kagigising ko lang," sagot ko sa kanya. "Ikaw, magpahinga ka na. Tabihan mo na si Julian sa kuwarto. Ako naman dito."


"Tsk." Napahagod siya ng mahahabang daliri sa kanyang buhok.


"Magpahinga ka na, Joachim. Dapat may mga lakas tayo dahil maaga pa bukas ang libing. Nakatulog na ako kaya ako naman ang magbabantay. Saka, okay naman dito, mayamaya ay gigising na rin sina Kit at Bhing."


"Okay. Iidlip lang ako." Papasok na siya sa loob ng gate nang pigilan ko ang kanyang pulso. Nagtataka na napatitig siya sa mukha ko.


"Sorry." Sinalubong ko ang nagtatanong na mga mata niya. "Alam ko na may mga tanong ka, sasagutin ko iyan lahat isa-isa. Patapusin muna ang libing bukas."


Tumango si Joachim at hinila na ang kamay niya. Bumitiw na rin ako pero iba pala ang mangyayari. Hindi niya hinila ang kamay niya para bawiin sa akin kundi, para pagdaupin ang mga palad namin.


"Kena, pagkatapos nito, hindi ka na babalik dito sa lugar na ito. Ngayon lang kita mapagtatakpan kay Papa. Ngayon lang."


Ang pagkakaawang ng aking mga labi ay nauwi sa maliit na ngiti. "S-sige. Salamat."


Binitiwan niya na ako at pumasok na siya sa loob. Mukhang antok na antok na rin talaga siya. Pagkarating namin kahapon ng umaga rito ay deretso kasi kami sa pagtulong sa mga gawain. Hindi pa siya nagpapahinga.


Nang makaalis si Joachim ay pumasok na rin ako sa bakuran. Naupo ako sa isa sa mga bakanteng upuan sa likod ng kinahihigaan ni Kit. Nakaupo lang ako, tulala sa kabaong nasa harapan, nang may maupo sa tabi ko.


Hindi ko na kailangang lumingon, alam ko na kung sino siya. "Saan ka galing?" tanong ko na hindi siya nililingon.


"I went for a walk to shake off my sleepiness." mababa ang tono na sagot niya.


"Hindi ka pa natutulog. Buong araw din kahapon na hindi ka kumain. Nakita lang kita na paulit-ulit sa pag-inom ng tubig."


"He's my friend too," bastang sabi niya. Ang boses ay nag-iba na. Mahina pa rin, ngunit nagkaroon ng marahang garalgal.


"Oo naman."


"I want to cry."


"E di umiyak ka."


"I don't know how, though."


Nilingon ko si El. Nasa kabaong sa harapan ang paningin niya. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita ko na malungkot ang mga mata niya.


Hinawakan ko siya sa balikat, at nalaman ko na bahagya iyong nanginginig. "Alam mo? Masyado kang stiff. Kung hindi ka salat sa emosyon, seryoso ka naman, o kaya ay madilim ang ekspresyon. Ganoon ka mula nang magising ka sa coma. Nagbago ka na."


Ngayon ko lang nasasabi ang mga ito, hindi ko rin alam kung saan nga ba nanggagaling ang lakas ng aking loob. Basta sinasabi ko kung ano ang laman ng aking isip.


"Dahil nakikita na kita noon pa. Masayahin ka, palangiti, at masigla. Pero ibang-iba ka na nang bumalik. Kahit ang mga teachers na dati'y paborito ka, ilag na ngayon sa iyo. May kung ano sa aura mo na nakakailang, wirdo, nakakatakot."


"Sa tingin mo?" kalmadong tanong niya.


"Ganoon din ang tingin ko. Parang hindi na ikaw iyong Gabriel Juan Salgado na golden boy ng Sto. Cristo. Bakit? Ano ang dahilan? O baka hindi na pala talaga ikaw iyan?"


Doon siya marahang tumingin sa akin. Ang malulungkot na mga mata ay wala na. "What if you're right?"


Tumiim ang mga titig ko sa kanya, sa perpekto, maamo, at napakakalmado niyang mukha. Napalunok muna ako. "K-kung ganoon, sino ka?"


"I don't know." Ngumiti siya. "I don't know who I am."


Nagkibit ako ng balikat. "Sabagay, El, kahit sino ka pa, ikaw ang nakilala ko. Ikaw iyong nakasama ko. Ikaw iyong El na iyon at hindi iyong El noon."


Mahina siyang tumawa. Iyong tawa na magaan. Napatanga naman ako sa kanya. Ibang-iba ang aura niya sa ganitong paraan.


Ngumiti na rin ako dahil nakakahawa ang aliwalas ng kanyang mukha. "Siguro dahil sa aksidente mo kaya ka nagkaganyan. Normal naman na magbago ang mga tao depende sa kanilang pinagdadaanan. Kahit pisikal man iyan o emosyonal."


"Just like you?" Lumamlam ang mga mata niya na nakatunghay sa akin. "You have a lot of issues in your life right now, and that affects your mind and emotions."


Napanguso ako. "Siguro."


"Then we should stick together, Kena."


"Ha?"


"We both have issues, and people like us should be together. Magtulungan tayo. Bantayan natin ang isa't isa."


"Weh? Pagkatapos sa school, ang cold mo na naman?" Inirapan ko siya, pero ramdam ko ang pagkalat ng init sa aking magkabilang pisngi.


"I'll try to be more nice to you."


"Be nice yourself too, El. Isantabi mo muna ang mga dahilan mo kung bakit ka nagpipigil." Isa iyon sa mga bagay na nagbago sa akin nitong nakaraang. Pakiramdam ko ay bigla akong nagkaroon ng kakaibang tapang. 


Iyong tapang na biglang tumubo sa aking dibdib ay papalago nang papalago. Ngayon ay mas wala na akong pakialam sa opinyon ng ibang tao. Sa tingin ko ay kaya ko nang gawin kahit ano.  


Hinawakan ko ang kamay ni El na nakapatong sa gilid ng bangko. "El, kung ano ang nararamdaman mo, sundin mo. Kung ano ang gusto mong gawin, gawin mo. Walang nagbabawal sa 'yo. 'Wag mong pigilan ang sarili mo."


"Can I really do that?" Tumaas ang isang kilay niya habang ang mga titig sa akin ay mas nagiging iba na. "Can I really do whatever I want?"


"Oo. Kahit ano pa iyan."


"But there are rules in this world that humans should—"


"Hindi lahat ng rules dapat sinusunod."


"Then... Then I'm going to do something I've been wanting to do all this time."


"Ano—" Hindi ko na natapos ang sasabihin. Nanlaki na lang ang aking mga mata nang umusod si El ay yumuko upang magpantay ang aming mga mukha. 


Ang mainit at mabangong hininga niya ay tumama sa aking mukha. "Kena, close your eyes. Hahalikan kita."


At bago pa tuluyang maglapat ang aming mga labi... ay kusa na ngang pumikit ang aking mga mata.


jfstories

#JFBOTCP

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro