CAPITULO 23 - Imminent
CAPITULO 23
BABAGSAK ANG BATA KAY KIT!
Bigla akong nanakbo at tumalon. Bago pa bumagsak ang bata kay Kit, nauna na ako na lumapat sa ibabaw niya. Subsob ako sa kanyang dibdib. Nang mag-angat ako ng paningin ay nanlalaki ang mga mata ni Kit sa akin. "K-Kena, okay ka lang ba?"
Ako ang nauna na dumikit sa kanya. Ligtas siya. At ang bata naman ay may humiklas mula sa likod ko. Kahit hindi ako lumingon ay alam ko na si El iyon.
Hinaplos ni Kit ang pisngi ko. "Kena, may masakit ba sa 'yo? Hindi mo dapat ginawa ito, kasi okay lang naman ako. Buhay pa ako, but I am touched that you are worried about me to the point that you jumped just to hug me."
May humawak sa suot kong backpack mula sa likod at basta hinila iyon. Nahila rin tuloy ako. Binitbit ako palayo kay Kit na parang tela. Nang lingunin ko ay si El na madilim ang ekspresyon.
Gustong-gusto kong singhalansi El, kaya lang ay naalala ko ang bata. Hiniklas nga pala ito ni El sa kwelyo kanina at basta inihagis sa kung saan. Nasaan na ito? Hinanap ito agad ng paningin ko. Nasa gilid ng terrace ngayon ang bata at susukot-sukot na tila ba takot.
Bakit ito takot? At paanong nagagawa ni El na tratuhin ito nang ganoon nang walang pag-aalala na baka mapaano siya? Basta nga lang niyang tinadyakan kanina!
Gusto kong lingunin ulit si El para tanungin, kaya lang ang hirap lumingon dahil ang taas ng pagkakahawak niya sa aking bag. Sinubukan ko na hubarin na lang ang suot na bag, pero hindi ko magawa sa aking sitwasyon. Ang higpit ng bag sa aking kili-kili dahil nga nakatingkayad na halos ako.
Parang nagmistulang hanger ang bag ko at ako naman ay ang damit na nakasabit. Pilit ko na inaabot si El para itulak pero ayaw niya talagang bitiwan ang aking bag. Ano ba? Nakakabuwiset na, ah!
Si Kit naman ay tumayo na mula sa sahig. Nanlilisik ang mga mata niya kay El. "Fuck you, Salgado! Nasa loob pala talaga ang kulo mo! Bitiwan mo ang baby ko!"
Wala namang reaksyon si El. Hawak pa rin ako at mukhang wala talaga akong balak bitiwan. Noong lapitan ako ni Kit ay inilagay ako ni El sa kaliwa niya. Nang sundan ako ni Kit ay inilipat naman ako ni El sa kanan niya. Para akong manika rito na basta-basta na lang iwinawasiwas ni El at hinahabol naman ng abot ni Kit!
Pulang-pula na sa asar ang mukha ni Kit. Akma niyang susuntukin si El nang iharang naman ako ng lalaki. Muntik ng ako iyong masuntok!
Namilog naman ang mga mata ni Kit. "Sorry, Kena!"
Iwinasiwas ulit ako ni El papunta sa gilid niya na parang walang nangyari. Pikon na pikon na ako. Alam ko na hindi ito matatapos hanggang hindi nawawala ang isa sa kanila. Tiningnan ko si Kit. "Kit, umalis ka na muna."
"Ha?" Bagsak ang balikat niya at para siyang sinentensiyahan na bawal siyang kumain sa loob ng isang buwan. "Kena, galit ka ba? Hindi naman ikaw ang susuntukin ko, maniwala ka!"
"Umalis ka na, Kit. Please." Utang na loob, ako ang napapagod sa kanilang dalawa.
Ayaw pa na umalis ni Kit pero nang makita na seryoso ako, napilitan na siyang umalis. Pero nag-iwan ng mga salita. "Kena, mag-usap tayo pag di ka na galit!"
"Wala na si Kit, baka puwede mo na akong bitiwan?" inis na lingon ko kay El. Saka niya lang naman binitiwan ang pagkakahawak sa bag ko. Muntik pa akong masubsob dahil wala man lang siyang pasabi na bibitiwan niya na ako.
Inis na nilingon ko si El. Lalo lang akong humingal sa inis dahil ang inosente ng mukha niya. Tumingin pa siya sa ibang direksyon na akala mo ay wala talagang ginawang ka-abnormalan kanina! Dahil lang naman sa kanya ay muntik na akong masuntok ni Kita sa mukha!
Dumating na ang kaklase namin na may susi. Ang aming room secretary. "Carmel, buksan mo na ang pinto," humihingal pa sa inis na utos ko rito.
Si Carmel na secretary ng room namin ay nagtataka naman habang nakatingin sa akin. "Ha? Susi?"
"Oo, ang susi. Buksan mo na ang pinto. Pumasok na tayo."
Napakamot si Carmel ng pisngi. "Pero wala naman sa akin ang susi."
"Anong wala?"
"Kena, hindi ako ang may hawak ng susi." At tumingin ang babae kay El. "Si Pres. Nasa kanya ang susi ng classroom natin."
Tigagal ako kay El na nakataas ang kilay sa akin. Nasa kanya ang susi? Pero bakit kanina pa ay hindi niya man lang binubuksan ang pinto?!
Chill na lumakad na siya patungo sa pinto. Kinuha sa bulsa ang purse kung saan nakakonekta rin ang susi ng room. Nabuksan niya na iyon ay tigagal pa rin ako.
Pagpasok sa loob ay hindi ako tumabi kay El sa likod. Ayaw ko siyang makatabi. Doon ako sa unahan na naupo. Doon sa tabi ni Bhing. Ni hindi ko nililingon si El, hanggang sa magdatingan na ang mga ibang kaklase namin.
Pagdating ni Bhing at ng katabi nito, ay nakiusap na lang ako na kung puwede ay dito muna ako. Mabuti na lang at may absent sa bandang gitna, doon lumipat ang tunay na katabi ni Bhing.
Inuusisa ako ni Bhing sa buong klase pero hindi ko ito masagot. Basta sinabi ko lang na na-comatose na nga si Mama. Maraming sinasabi si Bhing na hindi ko na magawang intindihin. Panay taas ng isa kong balikat. Parang may kumikiliti sa aking leeg paakyat.
Ano ba iyon? Parang may gumagapang na langgam? Nakalimutan ko ang inis kay El, ang pag-aalala kay Mama, ang gutom at uhaw. Basta, ang gusto ko lang gawin ay kuskusin ang aking leeg sa bandang kaliwa.
Bakit pati parang ang lamig yata bigla? Malayo naman ang electric fan dito sa puwesto ko. Wala rin namang kahangin-hangin pero tumataas sa ginaw ang balikat ko.
'UY, BAKA MAMAMATAY NA ANG MAMA MO.'
Nandilat ang mga mata ko at galit na nilingon si Bhing. "Ano kamo?!"
Tumingin ito sa akin. "Ha? Wala naman akong sinasabi, Kena..."
"Meron, narinig ko!" gigil na sambit ko.
Umiling si Bhing. "Wala nga, Kena. Nagsusulat ako rito o." Itinuro nito ang notebook sa armchair nito.
Nagsusulat nga ito. Tumingin naman ako sa harapan. Hindi rin nagle-lecture ang teacher namin dahil may pinapakopya ito sa blackboard. Sa paligid naman ay tahimik ang aming mga kaklase sa pagsusulat sa notebook.
Hindi ba talaga si Bhing ang nagsalita? Sino?
Sinundot ko ng hinliliit ang aking kaliwang tainga dahil parang may insektong pumasok. Parang malaking lamok o bangaw. Wala naman akong nakuha. Napatingin ako sa may pinto palabas ng room. Parang may nahagip ang mga mata ko na dumaan doon.
Ibinalik ko ang atensyon sa aking isinusulat na notebook. Nakakailang linya pa lang ako nang parang may dumaan na naman sa pinto. Paulit-ulit. Parang mga limang beses. Imahinasyon ko lang siguro, dahil kung meron talagang dumaan, saan naman pupunta ito? Ang room namin ang dulong room dito.
Sa huling paglingon ko, ang tagal kong napatitig sa terrace. Kung hindi pa nagsalita si El ay hindi pa ako mapapaalis ng tingin doon. "Done, Ma'am."
Nagulat ang teacher namin sa biglang pagsasalita ni El. "Oh, really?" Alanganin ang ngiti ni Mrs. Bermudez. "Good job, Gabriel."
Hindi palakibo si El. Iwas ang mga estudyante at teacher sa kanya, pero hindi maipagkakaila na talagang magaling siya sa klase. Tamad nga lang siya sa recitation, pero mabilis magsulat, maganda magsulat, mabilis makakabisado, matataas ang scores sa quizzes man o exam.
Lumingon ako kay El. Himala na hindi siya nakayukyok ngayon sa armchair. Hindi siya natutulog. Prente siyang nakaupo sa upuan niya habang nakapamulsa at deretsong nakatingin sa akin.
Anong problema niya?
"Kena, okay ka lang?" kalabit sa akin ni Bhing.
"Okay lang..."
"Namumutla ka kasi, panay kurap ang mga mata mo, 'tapos pinapawisan ka. May nararamdaman ka ba?"
Namumutla ako? Panay kurap ang mga mata? Pinagpapawisan? Hindi ko alam.
At paano ako papawisan? Para ngang nilalamig ang aking pakiramdam. Pero nang hawakan ko ang aking leeg ay nagulat ako dahil pawisan nga ako!
"Kena, siguro inaalala mo ang mama mo, ano? Nakakapag-alala naman talaga ang lagay niya. Pero hayaan mo, isasama ko siya gabi-gabi sa prayers ko."
'KASI BAKA MAMATAY SIYA. PAANO KA NA, DI BA? HAHA!'
Napahumindig ako. "Hoy, anong sabi mo?!" Hinawakan ko si Bhing sa balikat. "At bakit ka tumatawa, ha?!"
Gulat at nagtataka naman si Bhing sa akin. "Anong ano? Ang sabi ko ay isasama ko sa prayers ko palagi ang mama mo. At hindi ako tumatawa, Kena!" Napatitig ito sa mukha ko. "Kena, okay ka lang ba talaga?"
Pati ang malalapit naming katabi sa row ay napatingin din sa akin dahil sa biglang lakas ng boses ko. Nagtataka ang mga ito dahil hindi naman ako kilala na palasalita.
Tumunog na ang bell. Recess na. Unang break. Kumakalam na ang tiyan ko, uhaw na uhaw rin ang pakiramdam ko. Hindi pa nga pala kasi ako kumain mula kahapon, kagabi, at kahit kaninang umaga. Ang tagal na noong huling malamnan ang aking tiyan.
Niyaya ako ni Bhing sa canteen. Ililibre daw ako nito ng kahit anong pagkain dahil namumutla ako. Nanunuyot na rin daw ang labi ko, kaya sana kahit uminom man lang daw ako ng tubig. Pero kahit anong pilit nito sa akin ay hindi ako sumama.
Ayaw kong umalis. Ayaw kong lumabas. Mabigat ang pakiramdam ko. Malungkot na umalis na lang si Bhing mag-isa. Naglabasan na rin ang ibang mga kaklase namin para bumili sa canteen. Nasa upuan lang ako. Panay ang wilig ng ulo. Makati ang aking tainga. Iyon bang pakiramdam talaga na parang may insekto kahit wala naman.
Sa labas ng room ay wala ng katao-tao. Wala kasi talagang tumatambay roon dahil malilim gawa ng katabing malaking puno. Mas makulimlim pa roon ngayon dahil parang uulan. Madilim ang langit. Hindi ko alam kung bakit doon ako nakatitig. Doon sa terrace ng room namin.
Iyong anino ng malaking puno ay kitang-kita ko sa malaking poste ng terrace. Pahaba iyon. Lalo ang pataas na sanga, parang bumubuo ng itsurang rebulto. Rebulto ng tao na may mahabang buhok. Buhok ba o parang saklob? Iyon bang isinusuot ng mga madre sa kumbento. Hindi ko maalis doon ang paningin ko.
Nag-bell na ay titig na titig pa rin ako sa anino. Kumakati ang aking tainga pero hindi ko na alintana. Basta nakatitig ako sa anino. Gumagalaw na ang sanga ng puno dahil sa hangin, pero ang anino ay nananatili lang sa puwesto nito.
Bago dumating ang sumunod naming teacher ay biglang tumayo si El. Dahil sa padaskol na kilos ay kumalabog ang kanyang upuan. Napatingin tuloy ako sa kanya. Akala ko ay lalabas siya, pero sa aking pagtataka ay dito siya sa upuan ko papunta. Napanganga ako nang basta niya damputin ang bag ko. Hindi ko na siya nahabol dahil nakabalik na siya sa likuran.
Pagbalik ni Bhing ay nagtaka ito nang makita na nasa dating upuan ko na ang aking bag. "Kena, babalik ka na ba sa likod?"
Nang tingnan ko si El ay nakahalukipkip siya habang tila hinihintay ako. Humakbang na ako palapit dahil pumasok na ang teacher namin. Pinapakuha kami ng notebook para sa subject.
Pagkaupo ko sa tabi niya ay wala siyang imik na nagkalkal sa aking bag. Siya ang naglabas ng notebook ko at ballpen. Inilagay niya iyon sa aking armchair. Ang mga mata niya ay nag-uutos na magsulat ako at wag tumunganga.
Lutang naman na nagsimula na akong magsulat. Habang kumokopya sa blackboard ay tulala ako. Mali-mali na nga yata ang nakokopya ko.
Noong sumunod na subject ay dumaan si Kit sa bintana namin. Pasilip-silip ito kung nasaan ako, pero hinarangan ako ni El. Umabante siya at nangalumbaba sa armchair.
Nang tingnan ko si El ay nakatingin din siya sa akin. "Sa akin ka lang tumingin."
Ikiniling ko pa rin ang aking ulo, umabanta naman ulit si El, tinatakpan niya talaga ang view ng bintana. Napalabi ako. "Hindi naman si Kit ang tinitingnan ko."
Tinaasan niya lang ako ng kilay. Hindi ba siya naniniwala?
Hindi naman talaga si Kit ang tinitingnan ko, parang may tao pa kasi sa may terrace. Hindi ko mabistahan nang mabuti, gusto kong makita. Dapat kong makita. Parang kailangang-kailangan. Sana makita ko, sana, sana—
"Stop it."
"Ha?" Bumalik ang paningin ko sa mukha ni El. Seryoso siya, maging ang mga mata niya. Parang sa isang iglap ay bumalik ako sa aking huwisyo. Bakit nga pala gusto kong makita kung ano man ang nasa labas? Bakit ganoon na lang kasidhi kanina ang pagnanais ko na makita kung ano man iyon?
"Stop doing that," halos anas na na sabi ni El.
Marahang napakurap ako sa kanya.
May pumasok ng bagong teacher sa room namin. Nakaalis na rin si Kit sa labas. Si El na ang kumuha na ang nagligpit ng gamit ko sa mesa. Siya rin ang kumuha ng bagong notebook para sa sunod na subject.
Nagkaroon ng graded recitation. Noong ako na ang tawagin ay muntik pa ako na hindi makasagot, kung hindi ako tinuruan ni El ng sagot. Mahina siyang nagsalita para turuan ako ng sasabihin.
Noong nag-long quiz din sa sumunod pang subject, pinakopya niya rin ako dahil wala talaga akong naintindihan sa lesson. Bukod sa hindi niya tinakpan ang papel niya, inabot niya pa talaga iyon sa akin pagkatapos niya.
"T-thank you..." mahinang pasasalamat ko. Ayaw ko naman talaga sanang kumopya, pero sa pagiging lutang ko, namalayan ko na lang ang sarili na kinokopya na nga ang sagot niya.
Wala man lang 'you're welcome' mula sa kanya matapos kong magpasalamat. Kahit sana ininsulto niya na lang ako, pero wala ring ganoon. Tumayo siya pagkatapos para i-collect ang papers ng mga kaklase namin.
Minsan lang siya kumilos si El sa room namin, pero kinikilala siya ng lahat bilang classroom leader. Siya ang ibinotong president noong room election. Siya rin ang walang dudang pinakamatalino rito sa amin.
Noong lumabas ang result ng quiz, dalawa kami ni El na highest. Ang mga kaklase namin ay may mga laman ang tingin. Kung ibang pagkakataon ay mahihiya ako, ang kaso lang, ngayon ay parang wala talaga akong maramdaman na kahit ano.
Bandang uwian nang mangati na naman ang kaliwang tainga ko. Ang kati-kati. Kinakamot ko iyon. Naglabas ako ng compact mirror para tingnan, pero ang mga mata ko sa kaliwa ang aking unang napansin. Bakit iyon namumula?
Para akong may sore eyes sa kaliwa kong mata. Hindi naman masakit. Walang masakit, maliban sa makati nga ang kaliwa kong tainga.
"Kena."
Tumingin ako sa kanya. Parang ang labo na ng tingin ko sa kaliwa. Kalahati na lang ng mukha ni El ang aking nakikita.
"Are you free on the weekend?"
"B-bakit?" tuliro na tanong ko.
Matagal siyang tumitig muna sa akin at napaigtad ako nang maramdaman ang paghawak niya sa kamay ko. Mahigpit na parang ayaw akong bitiwan.
"El..."
"Kena, let's go back to Bataan."
#JFBOTCP
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro