Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Capitulo 13 - Let's Go

CAPITULO 13


"KANINA KA PA RITO?!"


Humalukipkip siya habang nakaupo sa gilid ng kama ko. Ang kanyang mga binti ay kinukuyakoy niya. "Oo. Nauna akong magising sa 'yo. Nauna na rin ako maligo kay Julian. Paglabas ko ng banyo, nandoon ka na sa mama mo."


Nauna siyang magising sa akin?!


Tumayo siya at ibinutones ang ilang piraso ng butones na nakabukas pa sa suot niyang school polo. "Nagising ako nang 2:45 a.m. Parang may naglalakad sa labas. Baka si Papa na hindi rin makatulog kakabantay sa mama mo. Nakaidlip na lang ako around 4, pero saglit lang. Bumangon na rin ako."


"Joachim!" tawag mula sa labas. Boses ni Tito Randy na hinahanap siya. "Joachim, nasaan ka?!"


Namutla ako. Kung pupunta ito sa kuwarto ni Joachim, malalaman nito na wala roon ang anak. Lumapit naman si Joachim at pinisil ang aking pisngi. Parang sinasabi na kumalma ako. Binuksan niya iyon nang maliit at sumilip muna. Tumingin pa siya sa akin bago lumabas. 


Paglabas niya ay saka lang ako nakahinga. Napahawak ako sa aking dibdib nang mag-isa na lang ako. Gayunpaman, hindi pa rin ako mapalagay. Ang mga sunod-sunod na nangyayari ay bumabagabag sa akin.


Lumabas na ako ng kuwarto. Naka-uniform na ako pero hindi ko pa rin mapagdesisyunan kung papasok ba ako ngayong araw. Naririnig ko na naman ang pag-ungol ni Mama na masakit sa dibdib. 

Bukas ang pinto nang dumaan ako. Sa loob ay naroon ang kapitbahay namin na hilot, si Aling Melina na nasa edad 60. Nilalagyan nito ng langis at mga dahon-dahon ang tagiliran ni Mama na habang tumatagal, lalong umiitim. Para bang hiniram na balat ng isang baboy ramo sa gubat.


Si Aling Melina ay hindi na halos magawang tingnan nang deretso ang tagiliran ni Mama. "Diyos ko, Karen, sigurado ka ba talaga na hindi ka nabangga o kaya ay nahulog kung saan? Kakaiba ang pasa mo na ito. Hindi naman puwede na basta magkaganito ka sa loob lang ng isang araw lang at magdamag."


Wala itong sagot na natanggap kay Mama. Impit lang ito na umuungol sa sakit habang ang mga mata ay tigmak ng luha. Ang mukha nito ay napakaputla. Ni hindi na magawang iangat kahit isang daliri dahil sa panghihina.


Isinara ko na ang pinto. Kung sana meron lang akong magagawa. Pero wala. Hindi ko naman madadala sa ospital si Mama. Wala nga akong baon ngayon dahil saan ako hihingi? May sakit ang hinihingian ko.


Saan ba kasi nagsimula ang pagkakaganito ni Mama? Iyon bang nabangga niya noong isang umaga? Bakit sa dinami-dami, bakit ba si Mama pa?! Bakit ito pa? Bakit dito pa sa bahay namin?!


Naikuyom ko ang kamao dahil sa pagkaisip sa sinabi ni El sa akin. Kung totoo nga talaga na ako ang dahilan kaya siya nakakakita na rin at nakakaramdam, ibig sabihin niyon ay hindi ang school, hindi itong bahay, at mas lalong hindi ang mga taong nasa paligid ko ang problema—kundi ako mismo! 


Bakit ba ako ang meron nito? Hindi ko naman ito gusto. Umiiwas nga ako. Hangga't kaya ko, nagbubulag-bulagan ako. Ano ba ang dapat gawin ko para wala nang madamay na ibang tao? Wala akong alam sa bagay na ito kaya paano ko pahihintuin at pipigilan? Kung sana meron akong mapagtatanungan. Kung sana lang ay merong may alam!


"Kena, bakit nandito ka pa?" Sumulpot si Tito Randy sa harapan ko. "Nagsipasok na ang mga kapatid mo. Pumasok ka na rin dahil baka mahuli ka sa klase mo."


Bantulot ako na nagsalita. "Puwede po ba na wag akong pumasok? Nag-aalala po ako kay Mama. Gusto ko na bantayan siya." Kung dadalhin man si Mama sa ospital, gusto ko ring sumama.

Umiling ito. "'Wag mo nang alalahanin ang mama mo. Hindi rin naman 'yan matutuwa kapag nalaman na um-absent ka dahil sa kanya. Saka dadalhin ko siya sa ospital pagdating ng pera nina Joachim mamayang tanghali. Ang isipin mo na lang ay ang pag-aaral mo. Magti-text naman ako sa inyo kung ano ang mga mangyayari."


Hindi na ako nakapagpumilit dahil tinalikuran na ako ni Tito Randy para bumalik sa kuwarto. Napalamukos na lang ako nang mahigpit sa aking palda. 


Pagbukas ni Tito Randy ng pinto ng kuwarto ay naulinigan ko na naman ang mga ungol ni Mama. Narinig ko rin ang boses ni Aling Melina. "Randy, naku, lalong namamaga ang pasa ni Karen. Ayoko nang hilutin, kasi kahit magaan ay nasasaktan pa rin siya."


May mga narinig pa ako sa pinag-usapan ng mga ito sa kuwarto. Ang pagmumungkahi ni Aling Melina na sumubok sa albularyo, pero sinaway ito ni Tito Randy. Mahirap na raw dahil namemera lang ang karamihan sa mga ganoon. Ang kailangan daw ay madala na sa ospital si Mama sa lalong madaling panahon.


Paglabas ng bahay ay napatigil ako nang makitang nasa labas pa ng gate si Joachim. Nakatayo siya roon at hindi pa umaalis. Nakapamulsa siya sa suot na school pants. Nang makita ako ay binuksan niya ang gate para sa akin.


"May baon ka ba?" tanong niya paglabas ko sa gate.


Hindi pa ako nakakasagot ng maglabas siya ng buong fifty pesos mula sa wallet niya. Pinatalikod niya ako at inilagay niya sa bulsa ng suot kong backpack ang pera.


Ang pamimilog ng aking mga mata ay hindi dahil sa pagbibigay sa akin ni Joachim ng fifty pesos, kundi dahil sa natatanaw ko sa mga sandaling ito. Nakatalikod ako kay Joachim at nakaharap sa pinto ng bahay namin. Sa pinto. Sa pinto ay nakatayo roon si Mama!


Si Mama na nakangiti habang nakatingin sa amin ni Joachim!


Doon kung saan ang kanyang likod ay ang madilim na sala. Si Mama ang itsura maging ang suot na damit. Nakapaa lang. Hindi mukhang nanghihina. Hindi mukhang may nararamdaman. At nakangiti. Ngiti na hindi umaabot sa blangkong mga mata. Ang ekspresyon na ang bigat-bigat sa dibdib tingnan.


Ang pagngiti ng babaeng nakikita ko ay naghatid ng kakaibang lamig sa bawat himaymay ng aking katawan. Naninigas ako at hindi magawang makakilos. Nang tumalikod na ang babae at pumasok na sa bahay ay siya namang pagharap sa akin ni Joachim.


"Kena, pumasok ka na. Mag-pedicab ka." Patalikod na siya para umalis at iwan ako nang bigla ko siyang pigilan sa pulso.


Nagtataka na napalingon naman siya sa akin. "Kena?"


Lumunok ako at nag-ipon ng lakas ng loob bago magsalita, "Dagdagan mo ang baon ko."


Umawang ang mapupula niyang mga labi. Nabigla siya pero saglit lang ay bigla siyang napangiti. "Kulang ba? May pagagamitan ka?"


"M-may project kami." Hindi totoo na may project, pero may pakiramdam ako na kakailanganin ko ngayong araw ang sobrang pera. 


"Magkano?" Inilabas ni Joachim mula sa back pocket ng kanyang slacks ang wallet. Nang buksan niya iyon ay nakita ko na dalawang one hundred na buo na lang ang nandoon saka ilang tagbebente.


"K-kahit one hundred lang," sagot ko. Ubos na ang allowance niya. Baon na lang niya iyon kaya iyong isang one hundred na lang ang aking hiningi.


Ibinigay naman sa akin ni Joachim ang isang one hundred. Dinagdagan niya pa ng dalawang bente. One hundred forty lahat-lahat. "Okay na ba 'yan? Mamaya pa kasi ang dating ng allowance ko. Babawasan pa ni Papa."


"O-okay na ito. Salamat." Ibinulsa ko agad sa palda ang pera na bigay niya, saka dali-dali akong tumalikod at nanakbo na papunta sa paraan na pedicab. Hindi ko na nilingon pa si Joachim dahil hiyang-hiya ako sa kanya.


Sa maiksing biyahe papunta sa school ay inilabas ko ang aking phone habang nasa pedicab. Hindi ko alam ang pumasok sa aking isip kung bakit naisipan kong i-text iyong number ng babaeng estudyante rin na na-wrongsend sa akin kagabi. Tinanong ko kung kumusta na ba ito.


Hindi ako nage-expect na re-reply-an pa nito, kaya nang mag-beep ang aking phone ay agad na binasa ko ang reply.


+63919-789XXX

OK n.


Napatuwid ako sa pagkakaupo sa loob ng pedicab. Okay na ito? Kagabi lang ay sabi nito na matindi na ang pangingitim at pamamaga ng paa nito, ah? Hindi na nga raw ito makalakad. Hindi ako makali kaya inusisa ko ito.


+63919-789XXX

Hndi ako pmsok. Ddlhin dpt ako sa doktor pero dmting un kaklase kong lalaki. Tinulungan ako na umalis. Ngpsama ako sa healer mlpit smin. Ok n ko.  


Me:

Napaano b ang paa mo? Bkt nagkapasa? Bkt nangitim?


+63919-789XXX

E1. Bsta nung inabot ako ng dilim sa school nmin, pguwi ko, ngkgnon n. Sbi ng nurse sa center, naipitan dw ng ugat. Ininuman ko ng gmot, wla nmn nngyri. Pnhilot ako pero d ko kinaya un skit. 


Me:

Tapos bglang ok n ngaun?


+63919-789XXX

Oo. 


Pagbaba ko sa pedicab ay ka-text ko pa rin ito. Nagre-reply naman ito sa mga tanong ko nang aking sabihin dito ang kalagayan ni Mama. Sinabi ko rito na dadalhin na si Mama sa ospital mamaya. Ang sumunod na reply nito ang nagpatigil sa paghinga ko.


+63919-789XXX

Pgdla nio s mama m s osptal, don n sya mmamatay.


Muntik ko nang mabitiwan ang aking phone. Nanginginig ang mga daliri ko nang magtipa ng reply dito . Hindi pa ako tapos nang mag-beep ulit ang phone ko.


+63919-789XXX

Ngkgnyan kptbhay nmin. Malusog nmn tpos bglng nnkit ang ulo. Dnala s osptal. Sbi ng doktor, brain hemorrhage at aneurysm. Ilang araw na na-coma tpos, wla n.


Anong kinalaman ng sakit na aneurysm kay Mama? Iba ang kaso ni Mama. Hindi naman ulo. Saka ang sakit na aneurysm sa pagkakaalam ko ay talagang traidor. Madalas ay bigla na lang lumalabas.


+63919-789XXX

Ung kptbhay nmin bgo mmatay, umuwi ng madaling araw. Nkta rw ng anak n pmasok s pinto tpos bgla nwala. Un pala, nsa g8 p lng. Ngsabi ito n pgpsok ay prang me nabangga rw. Nong gbi ay sumakit n nga ang ulo. Gnon dn b ang mama mo? :)


Naibaba ko na ang phone. Hindi ko na makuhang mag-reply pa rito.


Nakatayo na lang ako habang tulala. Nilalampasan, nadadaanan at nababangga ng mga papasok na estudyante. Iyong iba ay naiinis na dahil nakaharang daw ako sa daan. Balewala sila sa akin dahil okupado ang isip ko.


Paano kung habang nasa klase ako ay may mangyaring masama kay Mama? Paano kung hindi pala talaga doktor ang kailangan niya? Nailabas ko mula sa bulsa ang bigay na pera sa akin ni Joachim. Pati ang nasa bulsa ng bag ko ay inilabas ko rin. One hundred ninety lahat-lahat.


Hindi masamang sumubok kung desperado na. Kaya lang kung dadalhin ko sa albularyo si Mama, saang albularyo naman? Wala ako ritong kakilala na mapagkakatiwalaan. Paano kung sa peke kami mapadpad? Sa namemera at nanloloko lang?


Sumalit sa isip ko ang kaibigan ni Mama na taga Limay, Bataan. Si Fel na nagsara daw ng aking third eye noong bata pa ako. Marami itong alam. Nanggagamot din ito. Iyon ay nakakatiyak ako na hindi manloloko. Ang problema lang ay ang layo nito.


Tiningnan ko ang hawak na pera. Kakasya kaya ito na pamasahe papunta sa Limay, Bataan? Tiyak na kapag pumunta ako roon ay hindi kakasya ang isang araw lang. Syempre, bukod sa malayo ay hahagilapin ko pa ang lugar. Pag nakita ko si Fel ay magpapaliwanag pa ako at mag-oorasyon pa ito. Baka abutin ako roon hanggang kinabukasan.


Bahala na. Alang-alang kay Mama, pupunta ako roon kahit nag-iisa at hindi sigurado kung kakasya ang perang dala. Kahit mapagod ako, gutumin, magkaligaw-ligaw ay ayos lang. Kung kinakailangang halughugin ko ang buong Limay para mahanap si Fel, gagawin ko. Gagawin ko lahat para sa mama ko.


Humakbang na ako paalis. Hindi ako papasok. Babyahe na agad ako papuntang Bataan. Paliko ako nang mapahinto dahil sa nakitang matangkad na lalaking estudyante na parating. May kakaiba talaga sa kanya na kahit may ibang estudyante sa paligid, hindi puwedeng hindi siya mapapansin. 


Ang maamo niyang mukha ay maaliwalas kahit pa seryoso, at dahil sa sikat ng araw, ang nakapinid niyang mga labi ay tila mas naging mapupula sa paningin. Si Gabriel Juan Salgado o El.


Napahugot ako ng paghinga nang mapatingin sa akin ang misteryoso at kalmado niyang mga mata. Nakakapanghinang mga titig niya na sinikap kong saluhin para lang maihakbang ko ang aking mga paa patungo sa kanya.


Kalmado man ay tumaas ang isa sa kanyang makakapal at itim na itim na kilay nang huminto ako sa mismong harapan niya. Ang palaging walang emosyon na magandang uri ng mga mata ay nabahiran sandali ng pagtataka.


Buong tapang na tiningala ko siya. "Ang dahilan mo kaya umiiwas ka sa akin ay dahil hindi mo gusto na nakakakita at nakakaramdam ka, di ba? Pero kahit wala ako, nakakakita at nakakaramdam ka na. Hindi na mawala. Pero paano kung sabihin ko sa 'yo na may paraan para diyan? Na may kilala ako na puwedeng tumulong sa 'yo sa problema mo!"


"What?"


Bigla kong kinuha ang kamay niya na ikinaawang ng kanyang bibig. "El,  'wag ka nang pumasok. Sumama ka sa akin. May pupuntahan tayong dalawa!"


Nanlalaki ang mga mata ni El sa gulat, at bago pa siya makatutol, nahila ko na siya paalis. Palayo sa eskwelahan namin... 


#JFBOTCP13


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro