Wala sa Film pero kung ako lang sana....
Hazel
5 years later...
"Hoy! Ang kapal-kapal talaga ng mukha mo!" Ni-record ko ang boses ko at ipinadala kay Louie ang voice message. Walanghiya. Parang timang talaga ang isang iyon para paghintayin ako ng thirty-minutes.
Tumalikod na ako sa Floating Torii Gate at naglakad papalayo. Natigilan na lamang ako nang may humarang sa daraanan ko.
He was wearing a decent white polo and a trench coat. Nakabalot rin ng makapal na scarf ang leeg niya panlaban sa lamig. Ang mga mata niya? Nagtatago sa makapal na eyeglasses. Ngumiti siya pero umiwas ako ng tingin. Anong akala niya? Madadala ako sa pangiti-ngiti? Yuck!
"Ilang taon mo akong pinaghintay, tapos thirty-minutes lang, umuusok na iyang ilong mo?" Malambing na kinabig ni Louie ang beywang ko patungo sa kanya. Bumilis ang tibok ng puso ko sa pagkakalapit namin na iyon, limang taon na pero wala pa rin talagang nagbabago. "Welcome back, Babe."
Pinukpok ko siya sa ulo ng bitbit kong mga hopia na pasalubong ni Mama para sa kanya. Hinilot niya ang ulo niya, "Aray naman, Hazel. Kanina pa ako doon sa likod ng puno, pinagmamasdan ka."
"Magpapalusot ka pa!" Angil ko na nagpatiuna na sa paglalakad.
"Hindi ah. Tatlong beses mong inilabas ang compact mirror mo sa bag mo. Apat na beses kang nagpalit ng hairstyle, mula sa lugay, ginawa mong ponytail, tapos half pony hanggang sa ngayon, nag-braid ka. Dalawang beses kang naglagay ng liptint—"
Hinampas ko si Louie sa dibdib, "Eh kanina ka pa pala! Bakit hindi ka lumapit? Papatayin mo ba ako sa lamig?"
"Sorry. Pakiramdam ko kasi kanina, namamalikmata lang ako na nandito ka talaga ulit."
"Etchos mo! Kung ano-ano ang pinagsasasabi mo riyan. Siguro nakulot na iyang utak mo sa pagtatrabaho."
"Mas nakulot 'to kakaisip sa iyo."
"Gago!"
Malakas na humalakhak si Louie at hinila ang kamay ko patungo sa sasakyan. BMW na ang service ng loko. Hydrogeologist siya sa isang kumpanya sa Amerika at ngayon nga'y meron siyang pag-aaral na gagawin sa Saga kaya siya bumalik.
Kadramahan lang pala ang pamamaalam sa akin 'non ni Louie sa Pilipinas. Pagbalik niya sa Japan, hindi niya ako tinigilan sa Facetime tuwing wala akong trabaho. Ako naman, maharot din, tuwang-tuwa naman sa pakikipag-usap ko sa kanya. Pinakinggan ko siya sa lahat ng hardships niya sa exams, thesis at kung ano-ano pa at kinalma naman niya ako tuwing may mga projects akong hindi nakukuha o 'di kaya nagtatalo kami ni Mama kung bibili ba ako ng milktea o hindi. Homeschooled na rin ako, natuto pero hindi napahiya sa school.
'May secret boyfriend ka ba?' Naalala ko pa ang sikat na late night TV host na itinanong sa akin ng diretsahan. Naging bulong-bulungan na binasted ko si Jacob na natsismis naman sa iba't ibang babae later on.
Ngumiti ako sa tanong na iyon ng talkshow host at sinabing, 'Let's just say, in between maybe.' Hindi na ako nag-elaborate pa at hindi na rin ako pinilit na magkuwento pa. I only have one person in mind that time, si Louie. Tanga na kung tanga, but I felt committed to him that time. Malay ko ba kung meron siyang kinakalantari sa Japan habang asang-asa ako sa Pilipinas?
I slept nervously after that interview, updated pa naman si Louie sa mga TV appearances ko. Ano namang iisipin 'non? Baka tawagin pa akong ilusyonada dahil malinaw naman na walang kami.
Pero pagkagising ko, nasa bahay na namin si Louie, inaasikaso nina Mama at Papa ng isang magarbong almusal sa hapag. Sa tabi ng plato niya, ang tanim ni Mama na sunflower, tatlong piraso. Tumayo siya nang makita ako. Nanginging ang kamay na inabot sa akin ang mga sunflower, tinatanong ako kung pwede bang maging kami officially. Naloka ako pero mas naloka si Mama sa kilig.
Umoo ako. Para siyang nabunutan ng tinik. Hindi niya pala alam kung sino ang tinutukoy kong 'secret boyfriend' at nag-take lang siya ng risk na tanungin ako kaya siya napauwi ng Pilipina bigla. Para raw kung maging kami ng secret boyfriend ko, matatahimik siya dahil nakapagtapat siya. Para talagang tanga. Hindi pa nakahalata na siya lang ang gusto ko. Ang saya pa nga ni Mama dahil ibinubuhos ko ang oras ko sa kaka-Facetime sa kanya, hindi na ako lumalabas ng bahay.
We made it work. Third year college na siya noong officially naging kami. Salitan kami sa pagpunta sa isa't isa. Alam na rin ng mga tao na in a relationship ako sa kanya at wala namang violent reaction. Kinukuha pa rin ako sa mga projects dahil palagay ko naman, masarap na akong katrabaho kasi mabait na ako.
"Anim na buwan na lang." Bago pumasok ng sasakyan, may kinuhang papel si Louie sa bulsa. Iniabot niya sa akin iyon para basahin. Minadali ko ang pagbabasa, napaawang ang labi ko.
"Nagpa-assign na ako sa Pilipinas pagkatapos ng anim na buwan ko dito. O, baka lumaki ang butas ng ilong mo, ah? Tumatanda na sina Mama at Papa, gusto ko rin silang makasama bago sila mawala. Isa pa, may krisis daw ng tubig sa Pilipinas ngayon. Pag-aaralan ng team ko ang iba bang ground water source para may iba pang option ang mga water companies. Bakit hindi mo sa akin sinabi na meron kayong problema sa tubig? Siguro hindi ka naliligo kaya wala kang paki, ano?"
Hindi ko pinansin ang pang-aasar niya. Niyakap ko na lang siya ng mahigpit. Hindi ko naman hiningi sa kanya ang bumalik sa Pilipinas, kung paano niya inirespeto ang trabaho ko, gusto ko, ganoon rin ang ibigay ko sa kanyang respeto.
"Mahal kita, Hazel. Ikaw lang ang tiyak ko sa lahat ng siguro."
"I love you too, Louie. Ikaw ang gitna na bumabalanse sa pag-iisip ko."
Inabot na yata kami ng gabi sa pagyayakapan bago kami bumalik sa sasakyan. Nagmaneho si Louie pabalik sa luma niyang bahay. Tumigil kami at pinagmasdan iyon, nandon pa ang luma niyang truck. Memories rushed in my mind, humigpit ang hawak ni Louie sa kamay ko. The house was better than his dream mansion. Dahil ang pinakamagandang bahay? Iyong nagre-record ng maraming magagandang memorya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro