Louie
Weird. Ang weird na babae. Although hindi naman malabo na artista siya kasi napakaganda niya, ang weird nung nasa kanya naman na ang lahat, nagrereklamo pa. Yung mga rich kids talaga, feeling entitled. Kaunting issue, big deal, mag-iimpake, magso-soul search kuno pero ang totoo, nag-aaksaya lang ng pera. Ang daming time.
"'Pag-pumupunta kami ng parents ko sa mall noon, naku, nagtatakbuhan ang mga tao para makapagpapicture sa akin. Literal na stampede. 'Yung iba madampian lang ang balat ko—'Ahhh- oh my God!' Ganun!"
Pinakinggan ko siya, nababawasan ang lungkot ng mukha niya tuwing inaalala niya yung mga panahong 'sikat' pa siya.
"Tapos nung eleven ako, first time kong reglahin! Sa set pa ng Might Baby Nene! Na-headline 'yun sa maraming tabloid."
Natawa ako. "Importanteng malaman ng sambayanan iyon?" Hindi niya ako sinagot. May kinang sa mga mata niya na parang pangarap lang ang sinasabi niya pero hindi, isa iyong alaala na nangyari sa kanya.
"Lahat ng gustuhin ko 'nun, nakukuha ko. Chocolates, laruan, gadgets.."
"Boyfriend?"
"Maliban dun. Sasakalin ako ng Mama't Papa ko." Finally, naramdaman niya rin ang presence ko. "Tapos nung nagdadalaga ako, tumumal ang projects ko."
"Dahil?"
"Eh siyempre, nagustuhan ako ng mga tao bilang child star. Ang cute-cute ko kaya 'nun."
"Hindi na sila nakukyutan sa'yo ngayon?" Ang taas naman pala ng standards ng mga Pilipino sa Pinas, kasi kung ako ang tatanungin, ang ganda talaga niya. Hindi basta cute ah. Maganda, sobra.
Hindi sinagot ni Miss na Maganda pero weird ang tanong ko.
"Tapos may bago pang kid sensation ang sumulpot. Si Tana Frias. Akala mo naman ang ganda-ganda, mukha namang bisugo. Tapos may putok iyon, sobra! At saka andaming lisa! Kadiri. Feeling ba niya, pagtanda niya, maku-kyutan pa rin ang mga tao sa kanya? Bwisit!" Hindi itinago ni Miss na Maganda pero weird ang himutok niya, nanatili pa rin akong nakikinig.
"Alam mo, kung ayaw na ng mga tao sa akin, eh 'di ayaw ko rin sa kanila! Kaya ko kahit wala sila! Kaya ko kahit ako lang."
She was full of conviction. Sa harap ko ay isang babaeng pagod na pagod na sa lahat ng shits sa buhay. Hindi masyadong malaki ang shits niya pero sino ba naman ako para humusga ng baggage ng kahit sino? Hindi ko naman pupwedeng ipilit na meron pang mas malalaki ang problema kaysa sa problema niya kaya hindi dapat siya nag-iinarte. She tilted her head and looked at me with her naked eyes. I saw a lot of emotions, sadness, angst, insecurity.
"Hindi ka na mag-aartista?" Tanong ko.
"'Di na! I quit!" Malakas ang pagkakasabi non ni Miss Maganda pero weird. It echoed through the streets of Saga, paano kasi ay tahimik na talaga at wala nang ibang taong lumalaboy ng ganitong oras. Ang lamig kaya. Saka sa probinsya ng Japan, wala masyadong activities ang mga tao, kahit nga sa Tokyo, sarado na ang karamihan ng alas-otso. May kaunting bukas na restaurants at Karaoke bar sa paligid pero hindi ibig sabihin pupwede na siyang magsisisigaw.
"I quit!" Mas malakas na iyon kaya pinanlakihan ako ng mata.
"Ssssh! Wala ka sa Maynila!"
Nagkibit-balikat lang si Miss na Maganda pero weird sa suway ko. "Ano na ang gagawin mo sa buhay kung magku-quit ka?"
As if I heard a sound effect of crickets, Miss na Maganda pero weird stared at me blankly. Lumiwanag lang ang mukha niya nang may makita siya sa likuran ko.
"Ay, o! Piktyuran mo 'ko!" Tumakbo si Miss na Maganda pero weird sa isang tipikal na restaurant sa Japan, maraming Katakana characters at mga itim na flaglettes kung saan nakasulat ang menu, may malaki ring salamin na kinalalagyan ng 'sampuru' o plastic food models. I sighed, ang bilis magbago ng mood niya. Inilahad ko ang palad ko sa kanya.
"Phone mo."
"Naka-off. Sa'yo na muna. Pa-bluetooth na lang mamaya."
Wala na naman akong choice. Hinayaan ko siyang mag-pose habang nagpi-picture ako. Merong fierce, sobrang happy, meron din na kunwaring stolen. Her beautiful face lits up. Kada pitik ko sa hawak kong cellphone camera, sumasaya siya. Hanggang sa hindi ko na alam kung gaano katagal. Kung lumang de-rolyong film lang ang pangkuha ko ng litrato, malamang ubos na ang film.
"Maglalakad ako, kuha ka lang ng kuha, ha?" Utos niya.
"Okay."
Naglakad nga papalayo si Miss na Maganda pero weird. Tumatawid kami sa maliit na intersection crossing pero mabagal ang lakad niya, hindi nagmamadali dahil wala namang sasakyang dumaraan. Tapos bumalik siya, papalapit siya sa akin ng papalapit- ng papalapit. Tinitingnan ko ang image niya sa cellphone camera, bumibilis ng kaunti yung tibok ng puso ko. Kaba? Excitement dahil papalapit na siya?
Kinuha ni Miss na Maganda pero weird ang cellphone ko sa kamay ko.
"Maganda?"
Gusto kong sumagot na 'magandang maganda' pero baka isipin niyang pervert ako. Ang weird pa naman niya mag-isip. Hinayaan ko lang tingnan niya ang mga kuha ko sa kanya.
"Doon!" Ibinalik niya ang cellphone ko sa kamay ko pagkatapos ay tumakbo papalapit sa telephone booth at nagpanggap na merong kausap. Sumensyas siya na kunan ko siya at ganon naman ang ginawa ko. Lumabas siya roon para i-check ang shots pero nag-request pa siya ng mas marami pang kuha.
"Three-two—"
"Huwag ka nang magbilang. Basta kuha ka lang ng kuha."
Tumango ako. Pakiramdam ko ay ilang oras ko siyang kinuhanan ng litrato, namamanhid na nga ang kamay ko kakahawak ng cellphone at sa unang beses, marami rin nabawas sa battery ko na bihirang mangyari. I only charge once in two days or three kapag busy talaga ako sa trabaho.
"Marami na 'yan. Pa-bluetooth ha."
Kinuha niya ang cellphone niya pero nag-alangan siya kaya ibinalik lang niya sa bulsa.
"O kaya pa-email na lang."
"Ba't ayaw mong i-on ang phone mo?"
"Baka may mag-message o tumawag sa akin."
"Eh ano naman?"
"Ayoko."
Napabuntong hininga muli ako, "puwedeng mag-bluetooth kahit airplane mode."
"Talaga?"
Tumango ako. Kinuha muli ni Miss na maganda pero weird ang cellphone niya pagkatapos ay binuksan iyon, hindi pa tuluyang lumalabas ang wallpaper ng phone niya ay sunod-sunod na ang notification. Parehas kaming nataranta sa dami ng alerts.
"Airplane mode! Dali!"
Nagmamadali namang ni-set ni Miss na Maganda pero weird ang cellphone niya saka pa lang sila nakahinga ng maluwag.
"Naka-on na ang bluetooth." She later on said.
"Sanay na sanay ka sa pictorial, ano?" Sabi ko habang sinusubukan ipadala lahat ng litrato.
"Naman! Sa tagal ko sa showbiz!"
"So ano nga ang gagawin mo kung tatalikuran mo ang showbiz?"
"Kailangan ba ngayon na ang sagot? 'Di ba puwedeng namnamin ko muna 'tong bakasyon ko? Ngayon ko na nga lang ine-enjoy ang sarili kong ipon eh." Iritado kaagad siya.
"Inaalam ko lang naman." I reasoned. Pinahinga ko ang mata mula sa digital screen at saka tumingala sa mga bituin sa langit. "Baka kasi may iba kang hilig o talent maliban sa pag-arte. Meron ba?"
Imbes na sumagot ay nginitian lang ni Miss na Maganda pero weird ang cellphone niya, "transfer complete!"
Napakamot ako ng batok. Fine kung ayaw sagutin. Nakakainggit siya. Ako, alam ko ang gusto ko pero hindi ko makuha. Sana hindi ko na rin lang alam ang gusto ko para hindi ko isiping wala akong choice kung bakit nagtitiis akong mamuhay mag-isa.
Nang matapos na ang mini-pictorial namin, pinilit ako ni Miss na maganda pero weird na sumama ulit sa hotel niya pabalik.
"Nakakahiya! Baka akala nila mag-ano tayo." Tinulungan ko lang naman siya kanina na buhatin ang mga pinamili niya pero wala akong balak tumambay sa kuwarto ng babae. Pinagtitinginan pa kami ng hotel staff dahil sa paghihilahan namin sa lobby.
"Wala silang pake!"
"Uuwi na ako, ang layo ko pa." Pagdadahilan ko pero hindi niya iyon binili.
"Ihahatid mo lang naman ako sa room ko. Para namang 'di ka gentleman!"
"Gentleman?! Ang layo ng binyahe ko para maihatid ka!"
"May ibibigay ako sa iyo." She was smiling.
"Ano?"
"Autograph! Charot! Basta, tara na!"
Umakyat kami sa room niya. Busy pa rin siya sa pag-check ng photos na kuha ko. "Maganda rin 'tong sa phone booth 'oh! Adjust ko na lang ang brightness. Ito ang unang ipo-post ko kapag nag-reactivate ako ng IG."
Nanatili ako sa pinto ng kuwarto niya, siya naman umupo sa sofa sa tabi ng bintana.
"Anong ibibigay mo sa akin?"
"Pa-on naman ng TV." She said, without looking. Humakbang ako papasok ng kuwarto tapos pinindot ko ang remote at sinarhan ang bintana niya.
"Akin na 'yong ibibigay mo."
Itinuro niya yung bag ng pinamili namin kanina. "May tsaa diyan, nakabote. Kuha ka habang malamig pa."
"Kadiri. Kung sana home-brewed."
"Arte."
"Iyon ang ibibigay mo? Bottled tea?"
"Ayaw mo? Ako na lang. Penge."
Inabot ko sa kanya ang tsaa, "alam mo, mas healthy pa rin ang mga authentic na tsaa kaysa mga ganyan."
Tumapon sa gilid ng labi niya ang iniinom niya, parang bata kasi. "Tissue! Sa banyo! Bilis!"
As if it was a matter of life and death, nagmadali naman ako para kunin ang hinihingi niya. Pinanood ko lang siyang punasan ang labi niya pagkatapos nagmamadaling tumalikod na. Masyado na ring lumalalim ang gabi, hindi naman niya ako kapitbahay.
"Wait! Favor?"
Hindi na ako lumingon, nagmamadali kong inabot ang doorknob at tumakbo papalabas. Baka hindi pa ako makatakas kung sakali.
Naglalakad ako sa corridor nang may makita akong batang Hapon na umiiyak. Nilapitan ko ang bata at kinausap sa Nihongo.
"Mondai wa arimasu ka? "(Is there a problem?)
"Watashinoheya ga doko ni aru ka wasurete imashita." (I forgot where's my parents' room is.)
Nag-iisip pa lang ako ng paraan para tulungan siya nang may isang babaeng Hapon na nagmamadaling nilapitan ang bata.
"Anata wa dokoni ita? Anata no otōsan to watashi wa shinpai shite imashita!'" (Where have you been? Your Dad and I were worried!)
I nodded to greet the mother.
"Kare ga mayotte maigo ni naranai yō ni, tsuneni kare ni chūi shite kudasai." (Please keep a close eye on him always so he doesn't wander off and get lost.)
Tiningnan ako ng masama ang Nanay. Pilit namang kinukuha ng atensyon ko ang bata, kunwaring binabaril ako. I acted like I was shot, pumikit ako at kunwaring natumba. Pagkadilat ko, wala na ang mag-ina.
Ilang sandali akong natulala nang maalala ko ang Mama ko. Hindi rin 'non hinahayaang mawaglit ako. Natataranta kapag nawawala ako kasi iyakin ako dati. Ang laki ko na talaga, kayang kaya ko na ang sarili ko kahit walang Mama sa tabi ko.
Naisip ko na naman si Miss na Maganda. Parang siya yung bata na naliligaw. Napatapik ako ng noo. Paano na lang kung umiyak yun? Parang may sariling isip ang paa ko na naglakad pabalik ng kuwarto niya. Naabutan ko siyang kinakausap ang sarili sa salamin, napalingon siya nang maramdaman niya ang presensya ko.
"Ano?" I asked.
"Akala ko, umuwi ka na." Malungkot niyang sabi.
"Ano 'yung favor na hihingin mo sana kanina?"
"Uh, pwedeng.. pwedeng pa-on ng TV?"
Hindi ako sumunod. Tiningnan ko lang siya. "Takot ka mag-isa, 'no?"
Umirap siya, "ang bigat naman ng 'takot'."
I threw my arms on my chest, looking at her intently. Hinahanap ko ang totoong sagot sa tanong ko. After all, kanina pa ako dapat nakauwi pero hindi ko magawa. Kailangan niyang pananagutan ang amusement ko.
"Puwedeng i-check mo ako araw-araw habang nandito ako sa Saga?"
"Check?" Tumuwid ako ng tayo, siya naman, nag-indian sit sa kama.
Ibinaba niya ang hawak niyang cellphone at sinagot ang mga titig ko.
"Kasi malay mo, kumain ako ng mani. Tapos mabilaukan ako. O kaya mag-slide ako sa banyo. Tapos mabagok ako. O kaya... sobrang malungkot ako. Tapos ma-overdose ako sa sleeping pills. Tapos walang makakaalam agad kasi mag-isa lang ako."
"Ang bata-bata mo pa, nag-i-sleeping pills ka na."
"Mahirap ang may insomnia sa trabaho ko."
Nakaramdam ako ng awa sa kanya. Hindi ko alam. Siguro dahil naiintindihan ko kung gaano kahirap mabuhay ng mag-isa sa hindi mo bansa. Sa Pilipinas kasi kapag malungkot ka, pupwede kang mag-aya ng inuman pero naiintindihan kong hindi naman niya pupwede gawin iyon basta-basta dahil sabi nga niya, 'sikat' na artista siya, dati.
"Pupuntahan kita rito araw-araw? Laking abala 'nun."
Hindi siya sumagot. Siguro alam niyang illogical iyon, at sobra-sobrang favor para sa kagaya niyang mataas ang pride na ayaw umamin na kailangan niya ng ibang tao para magsurvive.
"Puwede kitang tawagan araw-araw. Kaso naka-airplane mode ang phone mo." I hinted.
Nagmamadaling pinindot ni Miss na Maganda pero weird ang cellphone niya. I bet she switched off the airplane mode. Naging sunod-sunod na naman kasi ang pagtunog 'non. Inabot ko ang kamay ko para kunin ang phone niya. Pinindot ko rin ng ilang beses pagkatapos ay ibinalik na sa kanya na hindi na iyon tumutunog.
"Anong ginawa mo?"
"In-on ko 'yung Do Not Disturb, so 'di mo maririnig ang kahit anong notification. Sinave ko
yung number ko – Louie Puyat –sinet as Favorite. Magri-ring lang iyan kapag ako ang tumawag."
She let out a nervous laugh.
"Ang talino mo naman. 'Di ko in-expect. Pero pa'no kung tumawag halimbawa 'yung Mommy o Daddy ko?
"Walang ring. Ako lang. Gusto mo ba, pati sila, isama natin sa Favorites para—"
"HUWAG! Huwag. Ilang beses mo ako tatawagan sa isang araw?"
"Isa. Sa gabi, pagka-out ko." Inabot ko yung cellphone ko sa kanya. "Number mo?"
"So kung malunod ako sa bath tub sa umaga?" Tanong niya habang itinitipa ang numero niya sa cellphone ko.
"Sige. Tatlo. Isa sa umaga, isa sa tanghali, isa sa gabi."
"Eh pa'no kung busy ako kaya 'di ko nasagot ang tawag mo?"
"Kapag 'di mo nasagot ang at least isa sa tatlong tawag ko kada araw, ibig sabihin, baka may nangyari sa'yo. So saka palang ako mag-aalala. Okay na?"
"Okay."
"Alis na ako."
"Sige, pero pa-on muna ng TV."
Hay, ang bait talaga!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro