Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Louie


They said, we're born alone, we live alone, we die alone.

Sanay na akong gumising mag-isa sa umaga.

Kinusot ko ang mga mata ko habang aantok-antok na nagpapainit ng tubig. Pinilit kong imulat ang sarili sa pakikinig ng music habang bumubulong ng lyrics sa kanta ni April Boy na naging kasa-kasama ko na araw-araw.

Simple lang ang bahay na tinitirhan ko sa Japan. OFW eh. Ako rin lang mag-isa. Walang bisita, ilang taon na.

Inihalo ko ang fresh sensha tea leaves sa tubig at saka in-enjoy ang sarili sa pag-amoy ng ginagawang tsaa. Maganda sa pakiramdam ang preskong amoy 'non. Nakakawala ng pagod.

In-enjoy ko ang katahimikan nang sinisimsim ko ang tsaa mula sa tasa ko. Tipikal ang araw na ganito sa Japan lalo na sa mga kagaya kong mag-isang naninirahan. Peaceful at simple, pero para sa akin, sobrang ganda, tahanan kung tatawagin. Tiningnan ko ang wristwatch ko at saka minadaling ininom ang tsaa.

Hindi ka bakasyunista, Louie. Don't take your time.

Mula sa suot kong asul na fishing jumpsuit ay nagpalit ako ng t-shirt, jeans at jacket at saka sumampa sa sasakyan kong mini truck. Hindi kailanman ako napagod sa pagmamaneho sa Tara, ang maliit na fishing village dito sa Japan. Hindi ka magrereklamo sa pagod dahil sa ganda ng paligid mo. Bubusugin ka sa tanawin ng dagat pati na ang maliliit na bahay at mayayabong na puno na ang mga dahon ay nagiging 'sing pula ng apoy o di kaya nagiging 'sing dilaw ng sikat ng araw bago ito tuluyang malagas bilang pagsalubong sa taglamig.

Pakiramdam ko maigsi ang mga araw dahil sa apat na panahon na nangyayari dito sa Japan sa loob ng isang taon. It helps. Para sa isang Pilipinong naninirahan bilang dayuhan sa isang bansa, hindi biro ang magbilang ng araw. Hindi biro na malayo sa pamilya sa merong pamilya. Mabuti na lang, wala na akong inuuwian sa Pilipinas kaya bawas na rin sa iisipin.

"Ohayou gozaimasu!" Binagalan ko ang pagmamaneho ng truck para batiin ang isang lokal na mangingisda dito sa Tara, yumuko ako at ganun din siya bilang tanda ng respeto sa isa't isa. "How's the catch?" Tanong ko sa Nihongo.

"Not so good. Fish aren't as plenty as before."

Napailing ako at nakisimpatya, "climate change sucks." Tumango ako at saka nagpatuloy sa pagmamaneho sa ikalawa kong trabaho ngayong araw. Sa isang seafood restaurant iyon. Dali-dali kong isinuot ang uniporme ko at ang apron ng restaurant saka binitbit ang mop para hindi ma-highblood ang amo kong si Sadako.

"We have visitors from Kyoto, arriving later, Louie. Clean the tables thoroughly." Stoic na utos ni Sadako in Nihongo.

"Hai!" (Yes)

"And fix your collar." Itinuro niya ang uniporme ko.

"Hai!" I energetically responded. Natigilan ako nang mapatingin ako sa isang dako ng mga lamesa habang nag-aayos ng kuwelyo. Alam ko agad na hindi siya taga-rito base sa porma niya. Overdressed kung tutuusin para sa maliit na bayan ng Tara. Mamahalin kasi ang suot niyang boots, yung winter jacket niya ay may fur pa kahit patapos na ang winter at papunta na sa spring season.

"Irasshaimase!" I greeted.

Tiningnan ako ng babae. Natigilan ako sandali at nailang. Her eyes were expressive, her nose was straight and lips were thin. Ang ganda. Nakasanayan ko na ang singkit na mata ng mga Hapon kaya hindi ko maiwasang mapahanga sa bilugang mata ng customer na walang kangiti-ngiti sa akin.

Tumayo siya at nilagpasan ako. Nagtungo siya roon sa display ng fresh seafood counter kaya sinundan ko agad. Iba't ibang klaseng isda ang naroon, shellfish, mollusk, crustaceans- ang kadalasang huli dito sa Tara. Panay lang ang turo ni Miss na maganda sa gusto niya, panay naman ang masiglang pagtango ko.

"Hai!" Iniisip ko kung may kasama ba siya, napakarami niya kasing ipapaluto. Hindi pa nakuntento, kinuha niya ang makapal na menu book at nagturo pa roon ng noodles, appetizers at side dishes. Nakatitig lang ako sa kanya na parang nananaginip hanggang sa malakas niyang isara ang menu book at saka tinaasan ako ng kilay. Naglakad siya pabalik sa lamesa at saka tahimik na sumilip sa bintana na hindi man lang nagpapasalamat.

"Takaw." Bulong ko sa sarili.

Kahit puro pagsusuplada lang ang ginawa ni Miss na maganda, matiyaga ko pa rin siyang pinagsilbihan. Nang dumating na ang lahat order niya ay kinabitan ko siya ng bib para hindi marumihan ang damit niya sa pagkain ng seafoods. Ako na rin ang nag-set up ng charcoal grill sa harapan niya at inilagay ang ilang pirasong oyster doon para umpisahan ang pag-ihaw. Napatingin ako kay Miss na maganda na nahuli kong nakatingin din sa akin. Hindi ko maibaba ang tingin ko sa paninitig niya. Nakaramdam ako ng kakaiba. Masyadong intense, at masyadong maganda.

Boom! Sumabog ang isa sa mga oyster dahil nabigla sa init ng grill.

"Ay puta kang malandi!"

Pinigilan kong itago ang pagngiti dahil sa pagkapahiya ni Miss na maganda na nagmamadaling nagsuot ng shades pagkatapos magsalita. Unang beses niyang nagsalita, nagmura pa.

Tumikhim ako, "nangyayari talaga iyon."

Umirap si Miss na maganda na parang walang nangyari. Naging masaya ako ng makumpirmang Pinoy din siya, nakakamiss mag-Tagalog. "Mauubos niyo ba ang lahat ng inorder niyo, Ma'am?"

"Huwag mo nang problemahin iyon. Babayaran ko naman lahat."

Natameme ako. Mas malamig pa sa winter ang pagsusungit ni Miss na maganda. Sayang, maganda pa naman si Kabayan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: #makiwander