Hazel
"Ready na ako, Louie! Tara na! Saan tayo today?" Excited na ako sa panibagong pamamasyal. Kailangan lang magrelax nito ni Louie para mabawasan ang sungit. Sigawan daw ba ako kanina?
"Babe!" I giggled. Natigilan ako nang makita ko ang porcelain plate na display ni Louie na nagkapira-piraso sa sahig. Nag-aalala kong hinanap si Louie sa buong bahay. Nadatnan ko siya roon sa kuwarto niya, nakaupo sa sahig, wala sa sariling nakasilip sa malaking bintana, nakaharap sa magandang view ng bundok.
"Louie.."
"Gusto mo?"
Umupo ako sa tabi niya, inabutan niya ako ng shot glass.
"Ano yan?"
"Sochu."
Ininom ko. Bottoms-up. Napangiwi ako sa pait na gumuhit sa lalamunan ko. Mahinang natawa si Louie.
"Lakas 'no?"
"Nakita ko sa baba. Basag 'yung platong may painting ng ano ba yun? Templo?"
"Bahay iyon. Mansiyon. Tatlong palapag. Nahanginan siguro at natumba kaya nabasag. O kaya, tinabig ng multo. Halaaa.." Humagikgik si Louie, mukhang may tama na. Ang bilis naman. Naka-ilang shot ako para bumagal ang pag-inom ni Louie at mas lalo pang malasing.
"Louie, question. Bakit humagulgol ka't naglasing nu'ng birthday mo?" Ibinaba ko ang shotglass na dapat ay iinumin ko. Kinukuha sana iyon ni Louie pero hindi ko ibinigay.
"Saan mo nalaman 'yan?"
"Kay Miss Sadako."
Ngumiti siya pero hindi umabot sa mata, "ano pa ba kasi ang sinabi niya sa iyo bukod sa nagandahan ako sa'yo?"
"Masipag ka naman daw. At charming."
"Buladas!"
"Pero parang may tinatago ka raw dito." Itinuro ko ang dibdib niya, sa tapat ng puso. "Lungkot, hapdi, sama ng loob. Parang bulkang nag-iimbak ng lava."
Tinapik ni Louie ang darili ko nang natatawa, "magma. Lava lang siya kapag umabot sa ibabaw ng lupa."
Hindi ko binili ang sagot niya kaya sumeryoso rin siya, inagaw niya sa akin ang shotglass. Lumagok muli nung alak na walang reaksyon ang mukha. Kumuyom ang kamao niya. Mas lumapit ako sa tabi ni Louie at sumandal sa balikat niya. Ramdam ko rin, kung ano man iyon, ramdam ko ang pait sa kanya. Ang pinagkaiba lang siguro namin ni Louie, madalas kog sabihin ang lungkot ko, ang galit, pero siya, lagi niyang itinatago kaya hirap na hirap din siya maging masaya.
"Ano'ng nangyari n'un? Birthday na birthday mo, miserable ka." Pilit kong inusisa.
Sinarhan ni Louie ang bote ng sochu, nag-iwas ng tingin.
"May napanood akong malungkot na pelikula nu'n. Japanese movie."
"Ganun kalala ang impact? May paglalasing na involved? Anong pamagat ng movie?"
"Nakalimutan ko na." Tumayo siya pero nakayuko, hindi makatingin sa akin. "I-ready mo na ang gamit mo."
"Gamit? Anong gamit? Para saan?"
"Ihahatid na kita sa hotel mo sa Saga."
Nagtataka kong tiningnan si Louie na balewalang lumabas ng kuwarto. Sinundan ko siya pababa ng bahay.
"Pauuwiin mo na ako?"
"May trabaho na ako ulit simula bukas."
"Akala ko ba puwedeng dito muna tumuloy? Ayaw mo ba?"
"Hindi ka bagay dito. Ang dami mo pang puwedeng maabot sa Pilipinas, sinasayang mo."
"Hindi na ako babalik sa pag-aartista!" Tumaas ang boses ko.
"Paano na ang mga magulang mo? Breadwinner ka 'di ba?"
Napaisip ako. Hindi ko rin naman gustong pabayaan sina Mama at Papa lalo't ngayon na matatanda na sila at balewala na ang experience nila sa trabaho.
"Magpapadala pa rin ako sa kanila. 'Di ba sabi mo, malaki ang kita rito kahit waiter o mangingisda?"
"Mahihirapan kang makahanap ng trabaho."
"Bakit? Anong tingin mo sa akin? Bobo? Walang alam gawing trabaho?"
Nagpalinga-linga siya, umiiwas ng tingin pero nang wala siyang ibang makita, bumalik ang mga mata niya sa akin. Kagaya nung kanina nung galit siya, parang pumapasok sa pagkatao ko ang mga tingin niya, napaatras ako. Natatakot ako dahil mukhang mas malala pa iyong galit niya ngayong namumula na ang mukha niya at may luha sa gilid ng mga mata. Sasabog siya. Isang pitik na lang.
"Kasi magiging ilegal ka kapag nag-overstay ka dito! Ide-deport ka nila kapag nahuli ka! Katulad ng ginawa nila kina Mama't Papa!"
Napakurap-kurap ako. Iyon na.
Naintindihan ko agad si Louie.
"Hinaan mo ang boses mo." Kalmadong bulong ko.
Bumagsak sa sahig si Louie. Malalakas ang paghikbi niya. Parang sa isang bata na inagawan ng laruan. Lahat ng inipon niyang sama ng loob, narinig ko kahit walang salita ang patak ng luha. Niyakap ko siya ng mahigpit na mahigpit, hinihiling na sana kahit papaano, mabawasan ko ang sakit na nararamdaman niya. Kung posible ba iyon, hindi ko alam.
Namuhay pala siyang walang magulang, matagal na pala siyang mag-isa at ang kapal ng mukha kong magreklamo na bantay sarado ako ng Mama at Papa ko sa Pilipinas kung may mga taong kagaya niya.
Nang kumalma na si Louie, nagpasya kaming magpahangin sa labas ng bahay niya. Malungkot pa rin pero at least nagkukwento na siya.
"Sampung taong gulang ako nu'ng nagpasya kaming mag-Japan. Hirap kasi ng buhay sa'tin eh. Tipikal na kuwentong TNT, nag-overstay kami. Anim na taon. Nu'ng nalaman ng gobyerno, inisyuhan kami ng deportation order. Dise-sais na ako nu'n. Marunong na akong mag-Nihongo. Nangolekta ako ng mga pirma mula sa mga kapitbahay para masuportahan ang petisyon naming mabigyan ng tamang visa. Sumulat pa ako sa justice minister – diretsong Japanese ah, hindi English – para magmakaawa na huwag kaming paalisin. Ang naging pasya ng mga judge, ako, puwedeng tumira sa Japan. Special permanent resident. Iyon ay kung babalik sa Pilipinas ang mga magulang ko."
"Pumayag kayo?"
"Sa totoo lang, ayokong mahiwalay kina Mama't Papa nu'n. Handa naman akong bumalik sa Pilipinas, kahit nahiyang na'ko dito. 'Dito ka na lang, Louie,' sabi nila. 'Para magkaroon ka ng maayos na buhay at kinabukasan.'"
Nakarating kaming dalawa sa Shinto Shrine dahil lang sa paglalakad. Nagpahinga muna kami roon saglit.
"Naging okay naman ang buhay mo dito, 'di ba? Sabi mo, kuntento ka na."
"'Yung suggestion mo na mag-enroll sa college? Binalak ko rin iyon. Pinangarap ko iyon, akala mo ba? Nu'ng iniwan ako ng Mama't Papa ko sa tita ko sa Hiroshima, hinusayan ko lalo ang pag-aaral ko. Sineryoso ko ang senior high school. Ang plano ko, mag-enroll sa Kyushu University pagkatapos. Kumuha ng Planetary and Earth Sciences. Tapos, pagka-graduate, maging isang... geophysicist. Iaahon sina Mama't Papa. Papatayuan ko sila ng bahay sa Pilipinas. Mansiyon. Tatlong palapag. May swimming pool at malawak na garden. Bawal silang magtrabaho. Gusto ko, relax lang sila araw-araw."
"Iyon yung naka-drawing doon sa porcelain plate na nabasag kanina?"
Tumango si Louie, "oo, binasag ko iyon. Kanina lang. Naalala ko na naman kasi."
"Sorry."
"Wala kang kasalanan. Wala rin naman akong amnesia para kalimutan ang mga nangyaring iyon. Walang magbabago sa sitwasyon namin dati na pinagtitiisan ko pa rin hanggang ngayon."
Hinawakan ko ang kamay ni Louie ng mahigpit habang nakikinig sa kanya.
"Di baleng pagtripan at upakan ako ng mga kaklase kong Hapon halos linggo-linggo. Titiisin ko, sige. Tanggap ko namang taga-labas ako."
Nahihirapan akong isipin na inapi at sinaktan ang kasingbait ni Louie. 'Di hamak na mas mabait pa siya sa akin.
"'Di baleng tratuhin ako ng tita ko na parang pesanteng nakikitira sa bahay nila ng asawa niya. Basta malinaw ang plano ko sa buhay. Nu'ng gumradweyt ako ng highschool, bago pa ako maka-enroll sa Kyushu, nalaman ko, naghiwalay na pala sina Mama't Papa sa Pilipinas. Pareho nang may kinakasamang iba. Isipin mo: 'yung natitirang dahilan mo sa pagtitiis at pagsisikap – wala na. Tampo na 'ko sa kanila simula nu'n."
"So tinalikuran mo 'yung pangarap mo dahil dun? Para mangisda? Para mag-waiter?"
"Oo."
"Diyos ko! Ang dami mo pang pupwedeng maabot. Ayusin mo kaya--"
Natigilan ako, tinaasan ako ng kilay ni Louie.
"Sa sarili mo kaya ipayo yan?" Balik niya.
"Eh bakit ikaw, hindi mo ipayo sa sarili mo?"
"Tinalikuran ko na, Hazel. Ikaw, tatalikuran mo pa lang. Handa ka bang ipagpalit kung ano ang meron ka sa Pilipinas sa ganitong buhay?" Sambit niya kaya napaisip ako.
Bumalik kami sa bahay ni Louie, magdu-duty na raw siya kay Sadako dahil kulang sa tao, ako ang naiwan mag-isa.
This time, ako naman ang kumuha ng itinabi niyang sochu at mag-isang ininom iyon. Napatingin ako sa cellphone ko, kinuha ko iyon at inalis ang 'Do Not Disturb' mode. Inulan ako ng notifications. Nabingi ako roon at nagpanic.
"Bwisit!" Inilagay ko na lamang iyon sa silent mode at napagtantong tawagan si Mama.
"Anak.." Gulat ang boses ni Mama na tinawagan ko siya ulit.
"Kumusta diyan?"
"Nandito ako sa kuwarto mo, naglilinis. 'Yung mga pingapunit-punit mong poster sa pader—"
Pinigilan ko ang pagpatak ng luha pero kumawala ang isa nang yumuko ako, "Sorry, Ma. Iniwan kong magulo riyan."
"Nag-usap na kami ng Papa mo. Pasensya na, anak, sa kung ano man ang pagkukulang namin sa'yo. Para rin naman sa kapakananan mo ang mga ginagawa namin. Hindi namin napansing hindi ka na bata. Bente uno ka na nga pala. May sarili nang pag-iisip. Pero makikiusap kami ng Papa mo. Umuwi ka na. Huwag mong sayangin 'yung alok ni Direk Fred."
"Paano kung ayaw ko nang mag-artista, Ma? Pa'no 'pag nalaos na ako nang tuluyan? 'Pag di na ako kumikita? 'Pag wala na akong silbi? Mamahalin niyo pa ba ako?" Subok ko.
"Natural, Hazelita! Anak ka namin. Tayo ng Papa mo ang pinagsama-sama ng Diyos sa mundong ito. Wala tayong choice kundi magmahalan."
Napangiwi ako, "Ang showbiz niyo, Ma!"
"Hindi ka namin mapipilit kung ayaw mo na. Sabihin na lang namin kay Direk Fred, kuwan... namatay ang pinsan ng Papa mo. Makikipaglibing tayo doon sa kanila sa Bayombong next week. Sige, anak. Magbakasyon ka diyan. Sabihan mo na lang kami kapag uuwi ka na, ha? Para masundo ka namin sa airport. Kung gusto mong pasundo."
Nakapagdesisyon na ako matapos ang tawag na iyon. Ngayon na nasabi ko na lahat ang bigat ng loob ko kina Mama at Papa at sa wakas, napakinggan na rin ako. Handa na akong bumalik sa Pilipinas. Siguro iyon lang ang kailangan kong marinig, na meron pa ring magmamahal sa akin kahit na hindi na ako kapaki-pakinabang. Hindi ko naman kailangan ang buong Pilipinas sa likuran ko, kahit ang mga magulang ko lang na suportado ang desisyon ko, sapat na.
Inayos ko na ang mga gamit ko. Nadatnan ako ni Louie sa ganon. Merong guilt sa pagmumukha niya.
"Hazel, iyong sinabi ko kanina. Hindi naman sa pinapaalis kita—"
"Pero parang ganun na nga? Hindi, okay lang. By this time, sanay na dapat ako sa rejections." Umarte akong nagtatampo kunyari.
"Uy, hindi ah. Gusto ko lang na mag-isip kang mabuti. Ayokong magsisi ka. Been there, hindi madali magdesisyon na iwanan ang magulang. Lalo ka na, lahat ng kakilala mo, naroon. Hindi kagaya ko na nandito na talaga ako simula pa dati. Mahirap na adjustment sa akin ang tumira sa Pilipinas."
"Grabe, ang seryoso." Natawa ako, "Biro lang. Gusto ko na rin bumalik para ayusin ang gusot sa amin nina Mama at Papa. Ayaw ko nang palakihin."
Mabagal na tumango si Louie. "Sige, hintayin na kita sa labas."
Medyo natagalan akong mag-empake sa dami ng pinamili ko habang nandito sa Japan. Hindi ko lubos maisip na kagabi lang, nagdesisyon akong ibuhos ang buhay ko rito, na talikuran ang lahat. Pero hindi pa rin pala, importante pa rin ang pamilya kahit nakakainis sila. Hindi biro ang manirahan malayo sa lahat.
Naabutan ko si Louie na matiyagang naghihintay sa truck. "Kahit sa train station mo na lang ako ihatid. Alam ko na.. Ang daan ko pauwi."
"Puwede pa kitang ipasyal sa Saga kahit saglit. Tapos dinner tayo. Saga beef ulit kung gusto mo. Tapos hatid kita sa hotel."
"Huwag na, maabala ka pa."
"Okay lang. Boyfriend mo naman ako." Kinurot pa niya ako sa tagiliran.
"Kinikilig ka na n'yan?"
"Medyo."
Mahina ko siyang sinapak sa braso, "Boyfriend tapos pinagtatabuyan mo ako? Kaloka ka. Tara na nga!"
Inabot na ng hapon ang pagmamaneho ni Louie. Hindi ko alam pero ang gaan gaan ng pakiramdam ko. Sinaid na yata ang lahat ng emotions ko nung nagpunta ako rito. Nabuksan ko na rin ang social media accounts ko nang hindi sumasama ang loob. Naexcite na akong umuwi.
Kinuha ni Louie ang kamay ko habang nagmamaneho siya. Hinalikan ang likod ng palad ko. It makes everything else easy to face. May karamay ako 'e, si Louie. Hindi niya ako hinusgahan at isa pa, kagaya niya rin pala ako. Halos parehas kami ng pinagdaanan kaya naiintindihan niya ako at pinigilan niya akong mapariwara.
Nag-enjoy akong mag-stroll kasama si Louie sa Saga City. Nakakita pa kami ng shrine kung saan kami pupwedeng magsulat ng wish sa piraso ng kahoy kasama iyong wish ng napakaraming tao na nagtungo na rito. In Katakana, isinulat ni Louie ang 'I wish to walk on the dark side of the moon.' sabi niya iyon ang ibig sabihin 'non, pa-deep na naman. Ako naman, sa Tagalog, isinulat ang 'Sana 'di traffic sa EDSA pag-uwi ko.', at sobrang normie ng wish ko.
Nagpunta rin kami sa Cherry Blossom Park, sa wakas ay kilala ko na ang Cherry Blossom sa tulong ni Mama. Wala sa isip ko ito nang pumunta rito pero swerte na rin na dinala ako ni Louie rito.
"Ano, piktyuran kita dito?" Tanong ni Louie na itinuturo ang puno na hitik sa cherry blossom. Umiling ako.
"Tayong dalawa ang gusto ko."
Napangiti si Louie. Bagay sa kanya ang masaya at in fairness, guwapo talaga ang loko pero mukhang hindi niya iyon alam. Naghanap si Louie nang makaka-eyecontact para pakisuyuan ng litrato. Nakakita siya ng teenager na Hapon na nakabisikleta.
Napaalam siya sa Nihongo kung pupwede kaming kuhaan ng litrato. Inassume ko lang pero hindi ko talaga naintindihan, basta kinuha ng teenager ang cellphone niya.
"Sure."
Umupo kami sa ilalim ng Cherry blossom tree at saka nag-pose.
"Arigatou." Sabay naming sabi doon sa kumuha ng litrato.
Malayo ang inabot ng mga paa namin sa pagbaybay ng hilera ng cherry blossom. Sobrang ganda ng kulay puti at pink na bulaklak na hindi na naglaan ng space para sa dahon. Huminto ako sa pinakamalaking puno na nakita ko at saka hinarap si Louie.
"Bakit?"
"Maraming salamat, ha? Kung 'di kita nakilala dito sa Japan, malamang nagkanda-ligaw-ligaw na ako nang tuluyan."
"Ayaw mo kasing i-download ang travel guide. Saka bakit ganyan ang tono mo? Parang nagpapaalam ka na?"
"Akala ko ako lang ang slow. Hindi ba sabi ko nga, aalis na ako? Pinaalis mo nga ako sa bahay mo 'e."
"Malay ko ba kung mag-stay ka pa ng ilang araw?"
"Bukas ng umaga, biyahe na ako pa-Fukuoka. Tapos lipad pa-Maynila. Paghahandaan ko ang audition next week."
"Napag-isipan mo na pala." Tipid siyang ngumiti.
"Pangit ang boses ko. Ayoko namang mag-aral. Pag-arte lang talaga ang kaya ko, so aayusin ko. Ilalaban ko. Sabi nga nila dito, di ba? HWAITING!"
"Sa Korea iyon. Pero ba't nagpapaalam ka na? Kakain pa tayo, di ba? Ihahatid pa kita
sa hotel mo."
"Actually dinownload ko na 'yung travel guide kanina. O iyan, ha? Promise, di na ako maliligaw."
Natahimik si Louie, hindi na itinago ang lungkot.
"Iiyak na 'yan! Iiyak na 'yan!" I teased. Bumelat lang siya sa akin. Hindi ako tumigil sa pang-aasar pero maya-maya, teary eyed na nga si Louie.
"Paano tayo? Long-distance?" Napaasip ako sa kaseryosohan ni Louie sa 'relasyon' namin, "Huwag na 'no?"
"Hassle." Sang-ayon ko.s
"Ano, break na tayo?" Kaswal na tanong niya.
"Parang ganun. Kaloka, isang araw lang akong nagka-jowa!"
"Wala man lang tayong maanghang na break-up lines?"
Nag-isip ako at saka nag-internalize. "It's not you, it's me."
"I love you, but I am not inlove with you." Patol naman ni Louie.
"You deserve someone better."
"How can I love you if I can't love myself?"
Parehas kaming sumabog ng tawa. Napalingon tuloy sa amin ang ibang turista. Nahulog ako sa paninitig kay Louie. Siguro kung ibang pagkakataon lang, baka sineryoso ko ang isang ito. Hindi na kami nagkaroon ng madramang pamamaalam. Five hours to six hours lang naman ang layo namin sa isa't isa kung sakali. Hindi imposibleng magkita kami ulit. Kagaya ng paniniwala lagi ni Louie, naka-depende sa amin ang lahat.
"'Pag nagawi ka sa Pilipinas, inform mo 'ko, ha? Dalhin mo 'ko sa Planetarium para masakyan ko iyang mga planet planet tectonic eme mo. Salamat ulit. Bye."
Nagpatiuna ako sa paglalakad. Merong lungkot, oo, pero lamang iyong masaya ako para sa sarili ko at para na rin kay Louie na nalibang ko kahit ilang araw.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro