Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Hazel


"Lansa!" inamoy ko ang kamay ko at agad na naghanap ng sanitizer para takpan ang matapang na amoy ng lahat ng kinain ko. Hindi ko na inalis ang suot kong shades dahil baka nakilala pa ako ng waiter kanina at ichismis na si Hazel Ilagan, nagsabi ng bad words dahil sumabog ang oyster sa harap niya.

"Miss?"

Hindi ako agad lumingon. Patay kang bata ka, nakilala ka agad!

"Kuya, nakabakasyon ako. Bawal muna picture-picture." Bago pa man may masabi si Kuya Waiter ay sinuway ko agad siya. Nagtataka niya akong tiningnan.

"Picture? Bakit naman ako magpapa-picture?" Iniangat ng lalaki ang hawak niya at nakita kong cellphone ko iyon, "nahulog yata sa restaurant."

Hinablot ko agad ang cellphone ko sa kamay niya at saka mabilis na tumalikod. Mahirap na at baka makilala pa ako kapag matagal kaming magkausap.

"Sige, Miss, ingat!" Nilingon ko ang waiter na nagsimula nang maglakad papabalik sa seafood restaurant.

Huminga ako ng malalim nang mapagtantong wala naman balak mangulit ang waiter, "huy, saglit!"

Huminto ang lalaki at hinarap ako. Iwinagayway ko ang hawak kong tourism brouchure. Itinuro ko ang Floating Torii Gate na gusto ko sanang puntahan ngayon pero naligaw ako at inabutan na ng gutom sa restaurant na pinagtatrabahuhan niya.

"Pa'no makarating dito?"

Nagpamulsa ang lalaki, ngayon ko lang napakatitigan ang features niya. Matangkad siya, tisoy, merong dimples at maganda ang mga mata. Mukha siyang mabait at mapagkakatiwalaan naman.

"Kotse?" Sagot niya. Sosyal, kotse ang option. Hindi ba siya nagkocommute dito? Burgis naman pala.

Umiling ako, "Bus. Train. Lakad kung malapit."

"I-download mo 'yung Saga Travel support app. Nandun lahat."

"Naka-off ang phone ko." Ilang araw na simula umalis ako sa Manila.

"Bakit hindi mo na lang i-on? May wifi kami sa loob kung gusto mo—"

"Ituro mo na lang kasi!" Giit ko. Nagtatanong ako ng maayos, pa-hard to get naman siyang sumagot!

"'Di ko alam kung paano kapag commute. Sige, Miss, pasok na ako." Tinalikuran na ako ng lalaki. Nanggigil ako sa inis pero wala akong choice.

"May kotse ka? Dalhin mo ako 'dun!"

"Naka-duty ako." Sagot niya pa na tipid akong nilingon.

"Babayaran kita!"

"May trabaho ako." Huminga ng malalim ang lalaki, halatang nagtitimpi pero tumalikod na lang siya at naglakad papalayo sa akin. Suplado naman ng isang ito! Hindi man lang magkandakumahog na pagsilbihan ako! Aba, kahit hindi na ako sikat, atat na atat pa rin ang sambayanang Pilipino na makita ako.

"Kuya naliligaw ako!" Nagpapadyak ako! Natigilan ang lalaki at saka ako binalikan. Hindi ko mabasa ang mga mata niya. Parang gustong mainis pero siguro naaawa sa akin dahil Pinoy siya at responsibilidad niya ako. Hinawakan niya ang braso ko at hinila ako papabalik sa loob ng restaurant. Ibinalik ko ang poise ko at itinago ang pagkapahiya sa pangangailangan sa isang stranger. Ang mapa kasi na iyon! Ang tagal kong tinitigan pero hindi ko pa rin maintindihan.

"Magkano 'to?" Tanong ko nang ibinaba ni Kuya Waiter ang isang mug ng local beer sa harapan ko. Nagduda pa ako roon pero bumigay din ako at kinuha iyon at nilaklak na parang wala ng bukas. Umupo si Kuya Waiter sa harapan ko.

"Ako na ang magbabayad."

"Ako! May pera ako!"

"Bahala ka. 350 yen."

Binalikan ko ang alak at muling ininom iyon. Mas lalo iyong naging swabe sa lalamunan at alam kong hindi sasapat ang isang mug. Grabe, ang sarap uminom ng walang nagsasalita sa likod mo o kamerang nakatutok sa iyo. Ganito pala ang feeling na maging ordinaryong mamamayan.

"Paano ka napadpad dito sa Saga? 'Di ganun karami ang turista rito. Lalo na ang mga Pinoy."

"Iyon 'yung point. 'Yung walang nakakakilala sa akin. 'Yung wala akong kakilala."

Tiningnan niya ako ng walang kangiti-ngiti na parang sinasabi niyang parang ewan ang desisyon ko. "Maliligaw ka talaga kapag ganyan."

"Wala namang taong forever na naliligaw." Matamis akong ngumiti kay Kuya waiter at saka nagparinig, "lalo na kung may mga taong mababait na tumutulong. Lalo na 'yung kababayan mo pa. 'Di ko sinasabing ganun ang gawin mo, ha? Pero parang ganun na nga."

Tiningnan ni Kuya Waiter ang paligid, "kung mahihintay mo ang out ko, pupwede kitang ihatid pabalik sa hotel mo. Saan ba?"

"Saga. As in Saga City."

Napaawang ng labi si Kuya Waiter dahil sa sinabi ko, kumunot ang noo ko. "Bakit? Malayo ba iyon dito?"

"Apat na bayan ang pagitan." Napakamot siya ng ulo.

Sumilip ang isang Haponesa na mukhang may-ari ng seafood restaurant, tutok ang mata kay Kuya Waiter. Nagsalita ito ng Nihongo kaya hindi ko na-gets. Nagmamadaling tumayo si Kuya Waiter pagkatapos.

"Hai!"

Nilingon niya ako at saka mabilis na nagsalita. "Nandiyan na ang guests namin galing Kyoto. Pagka-out ko, ha? Alas-siyete."

"Alas-siyete?!" Aba, parang nag-duty din ako! Sayang ang araw ko.

"Alas-siyete." Ulit niya. Napabuntong-hininga ako. Sabi ko nga, wala akong choice.

Feeling ko forever akong naghintay. Inagiw na ata ako roon sa seafood restaurant at kung hindi lang nakakatuwang pagmasdan ang mga Hapon at ang kanilang paraan sa pagkain, baka kanina pa ako umuwi. Magagalang sila at tahimik kung mag-usap. Paano kaya nila nae-enjoy ang pagkain kung nagbubulungan sila?

Nakita ko si Kuya Waiter na nakabihis na ng puting t-shirt at wala nang apron. Isinenyas niya ang labas kaya nagmamadali ko rin siyang sinundan.

"Magkano ang sahod mo dito?" Kyuryoso kong tanong habang naglalakad kami papalabas ng restaurant.

"Hindi dapat tinatanong iyan."

"Nagtatanong lang 'e! Hindi ko naman ipagkakalat. Hindi naman ako taga-rito."

Huminto kami sa tapat ng mini-truck na luma pero maayos naman ang itsura. Sumampa ako sa likuran ng truck nang pumasok na si Kuya Waiter sa driver's seat.

"Dito ka sa loob." Sumilip siya sa bintana. Umiling ako.

"Mas bet ko dito." Malamig pero parang iyon ata ang kailangan ko para mamanhid ako sa lahat ng mga iniisip ko na bitbit ko dito sa Japan.

"Baka ginawin ka sa hangin. At saka baka mahulog ka."

"'Di ako tanga." Umirap ako sa hangin.

"Wala naman akong sinabi."

Nagsimula nang umandar ang truck, kinatok ko ang bubong nito nang may maalala.

"Daan tayong convenience store, ha? Bibili ako ng snacks at drinks."

Malakas na napabuntong-hininga si Kuya Waiter. Gusto pa yatang magreklamo. Naghintay kaya ako, tapos magrereklamo siya riyan.

Hindi nagbibiro si Kuya Waiter nang sabihin niyang apat na bayan ang layo ng restaurant sa hotel ko. Paano ba naman, napakahaba ng byahe pero alam kong malayo pa rin kami. Hindi ako tumiklop sa lamig, sinamantala ko na nasa labas ako ng sasakyan para makita ang magagandang tanawin kahit gabi.

Alam ko na kung bakit pabalik-balik ang mga tao sa Japan, walang katulad ang linis ng hangin pati na ang paligid. Pakiramdam ko naaattract ng lugar ang positive vibes. Parang pinapaliguan ka ng energy para marecharge. Uwian ko kaya ng hangin ang nanay ko?

Panay ang silip ni Kuya Waiter sa akin mula roon sa driver's seat. Mabuti na lang at hindi nagpaka-fanboy ang isang ito. Maya-maya pa ay huminto na ang sasakyan sa isang strip ng mga tindahan. Palagay ko ay iyon na lang din ang bukas dahil karamihan sa mga nadaanan namin ay either papasara na o sarado na talaga.

"Ay! Ang cute ng bag, 'o!" Nakakuha ako ng atensyon sa paglapit doon sa maliit na pitsel.

"Hinaan mo ang boses mo." Bulong sa akin ni Kuya Waiter. Napasimangot ako.

"Bakit? Customer naman ako dito!"

"Kahit na! 'Di ganun ang kultura dito."

Sinundan ko si Kuya Waiter patungo roon sa convenience store. Pinamili ko na ang lahat ng kakailanganin ko. Tiniyak kong hindi ako mamatay sa gutom kahit ano ang mangyari. Bumili ako ng napakaraming chips at drinks na hindi pamilyar, excited akong subukan ang lahat ng iyon.

"Bakit mainit ang aircon sa kuwarto ko sa hotel?" Nakakasakal kapag nakabukas. Mas mabuti pa iyong bintana kapag binuksan, malamig ang hangin.

"Hindi kasi aircon 'yon. Kapag ganito ang panahon sa Japan, centralized heaters ang ginagamit ng hotel."

"Ay, ganun ba iyon? Kaya pala pawis na pawis ako ilang araw na."

Mabigat ang paperbag namin ni Kuya Waiter nang lumabas kami sa convenience store pero mas mabigat ang buhat niya. Papabalik na kami sa mini truck nang makakita ako ng vending machine, huminto ako roon.

"Paano 'to?" Ipinasa ko ang paperbag ko kay Kuya Waiter at kumuha ng barya sa bulsa ko.

"Ang dami mo nang biniling inumin."

Ha! As if mapipigilan ako. "Pera ko naman ang gagamitin ko. Dali, gusto kong i-try." Walang nagawa si Kuya Waiter kundi tulungan ako. Pinindot ko lahat, tinikman ko na ang iba bago pa kami makaalis.

Nagpatuloy ang aming byahe pabalik sa hotel ko. Gusto ko nang ipahinga ang likod ko. Napatingin ako kay Kuya Waiter. Sigurado akong mas pagod siya, babalik pa siya sa pinanggalingan namin kanina. Nagkibit-balikat ako. Nag-volunteer naman siya at saka sabi ko magbabayad ako pero ayaw niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: #makiwander