Ako si Louie Puyat
Ang pinakamatandang bato sa earth ay nasa Northern Quebec at tinatawag itong Nuvvuagittuq Belt, which is about 4.28 billion years ago. Mabuti na lang wala rito sa Japan ang mga batong iyon dahil baka nasira na ng lindol sa dalas ba namang yumanig ang lupa rito.
Speaking of lindol, lumilindol din sa buwan at hindi earthquake ang tawag, ito ay ang moonquake.
"Jishin wa chōdo anata ga rirakkusu shite shūryō shimasu." (Earthquake has just ended. You may relax.)
Dumilat ako nang tapikin ako ni Sadako sa braso. Hindi iyong lumalabas sa TV doon sa horror movie na 'The Ring' ah, pero kung titingnan mo siya, parang ganun na nga. Madalas siyang nakasimangot at parang galit sa mundo. Ilang taon ko na rin siyang amo sa seafood restaurant kung saan ako nagtatrabaho. Ilang lindol na rin ang pinagsaluhan namin.
"Hai." (Yes)
"Sore wa anata no tanjōbidesu. Kyō wa yasumu kamo shiremasen.." (It is your birthday. You may rest today.) Tumalikod na siya pagkasabi n'on. Hindi man lang ako binati ng Happy Birthday, parang galit pa at galing sa ilong na mag-day off ako.
"Louie!" Napalingon ako sa tumawag sa pangalan ko. Hindi ko alam kung mangingiti ako o magtatago kay Noel, ang pinsan ko sa Pilipinas. "Nandito ka pa rin?"
"Obvious ba?" Kinuha ko ang basahan sa bulsa ng apron ko at nagpanggap na abala sa pagpupunas ng lamesa.
"Tsk, ito naman. Ang suplado mo." Hinampas ako ni Noel sa balikat. Napangiwi ako sa lakas 'non. "Ano? Hindi ka pa ba uuwi sa Pilipinas? Sabi ni Tyang Lottie, hindi ka na raw napapagawi ng Hiroshima. Hindi nga raw niya alam kung buhay ka pa."
"Bakit hindi niya ako puntahan para malaman niya?"
Malakas na humalakhak si Noel, "Ano ka, espesyal? 'Yung may itlog na pula? Saka matanda na iyon, bakit ka pupuntahan dito sa liblib?"
"Ikaw, bakit napadpad ka rito?" Lumipat ako sa kabilang lamesa, umupo naman si Noel doon. Hinanap ng mata ko si Sadako, nag-aalalang makita niya ako at sitahin dahil nakikipagkwentuhan ako sa oras ng trabaho.
"Ayoko nga sana. Kaso kabilin-bilinan ni Tyang Diana, kumustahin kita kapag nagbakasyon ako rito sa Japan." Tumigil ng kusa ang kamay ko sa pagpupunas ng lamesa nang marinig ko ang pangalan ni Mama.
"Bakit daw? May problema ba sa Pilipinas?"
"Wala. Kasi ikaw, para kang others. Hindi mo man lang sagutin ang video call naming tuwing may reunion kapag Bagong Taon. Inaano ka ba namin? Parang galit ka ah." Kinuha ni Noel ang cellphone niya. Maya-maya ay itinapat iyon sa akin. Hindi na ako nakailag nang makita ko roon si Mama, nakangiti sa akin.
"Happy Birthday, Louie, Happy Birthday, Louie, Happy Birthday---"
Hindi pa nakakatapos si Mama sa kanta niya para sa akin, tinalikuran ko na sila ni Noel. Bumagsak ang ilang display sa lamesa dahil sa pagmamadali ko sa paglayo. Hinabol ako ni Noel hanggang doon sa display ng mga live seafood.
"Louie, anak?"
Mabilis kong inagaw ang cellphone ni Noel. "Ma, nasa trabaho ako. Pauwiin niyo na si Noel."
"Anak, pinapunta ko talaga diyan si Noel para samahan kang mag-celebrate. Ikaw kasi, ayaw mong dumalaw dito. Okay naman ang estado ng visa mo, hindi ba?"
"Sinong pupuntahan ko diyan?"
"Ano ka ba, Louie. Kami. Gusto ka rin makilala ng Tito Ismael mo at ng kapatid mong si—"
"Sige na, Ma. Tinatawag na ako ng amo ko. Umuwi ka na, Noel. Salamat." Tinapik ko ang pinsan ko sa balikat at saka nagmamadaling lumabas ng seafood restaurant.
Ang pinakamainit na recorded na temperatura ay 57.8 degree celsius na naitala sa Libya noong 1922. Ang pinakamalamig naman ay sa Antartica na naitala ang negative 89.2 degree celsius sa Russia noong 1983. Tinuktok ko ang ulo ko at pumikit ng mariin. Nag-isip ng ilang geological facts ng earth pero hindi gumagana.
Bumabalik lang ang alaala ko sa mukha ni Mama at sa halos hindi ko na maalalang mukha ni Papa. Kalahati ng buhay ko hindi ko sila nakasama, hindi malabo na makalimutan ko sila.
"Ano ba namang drama 'yon?" Pagmulat ko, nasa harapan ko si Noel. "Hindi ka na bata, Louie." Bakas ang inis sa mukha niya.
"Hindi mo alam ang pinagdaanan ko."
"Alam ko, kaya nga nagtataka ako sa inaasal mo kay Tiyang Diana. Ilang taon ka pa ba aamuhin ng Nanay mo? Ganun talaga, ang mag-asawa, naghihiwalay. Walang forever. Bahala ka nga riyan. See you next year." Iniwanan na ako ni Noel.
Walang forever. Siguro nga, totoo. Wala pang twenty years bumigay na sa isa't isa ang mga magulang ko. Nagdesisyon silang maghiwalay na hindi ako isinama sa plano. Siguro dahil malayo sila. Nandon sila sa Pilipinas, samantalang ako, naiwan sa Japan. Inisip nilang siguro okay lang ako dahil namumuhay naman na ako para sa sarili ko.
Nasanay na rin akong mag-isa. Ang mga Hapon dito sa Saga ang itinuring kong pamilya.
Inabot na ako ng gabi sa pagmumuni-muni. Bumalik ako sa restaurant ni Sadako, nakita ako nang katrabaho kong si Maruko. Nagtaas ako ng kamay at humingi ng ang paborito kong beer. Ang isa, naging dalawa, naging tatlong beer na nasa lata at ang mga sumunod, hindi ko na nabilang. Binigyan na rin nila ako ng pulutan na inihaw na isda.
May ilang earth facts ang naglalaro sa isip ko nang matagpuan kong basang-basa na ang pisngi ko. Suminok ako habang pinaglalaruan ang lata sa kanang kamay. Unti-unti ko iyong diniinan kasabay ng pagpatak ng luha. Panay lang ang pagluha ko, ang dahilan? Sobrang kalungkutan. Ilang taon na akong nagce-celebrate mag-isa. Walang bago. Hindi ako makauwi dahil wala rin naman akong uuwian.
Humiga ako sa bangko at saka pumikit. Noong birthday ko nalaman na hiwalay na ang mga magulang ko. Umasa akong babatiin nila ako ng sabay pero hindi nangyari. Magkaibang oras nila ako tinawagan at tandang tanda ko pa kung paano sinabi sa akin ni Mama ang mga salitang, 'Malaki ka na, Louie. Dapat maintindihan mo kung maghihiwalay kami ng Papa mo. Enjoy na lang sa birthday mo riyan.'
Mali, hanggang ngayon, hindi ko pa rin gets kung bakit sila naghiwalay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro