26 - Real Feelings
"Magandang gabi po. Ako po si Conrad. Ako po ang boyfriend ni Janet. Anak namin si Rayden."
Janet couldn't utter a word upon looking at Conrad. Kahit medyo madilim sa kinaroroonan nila, napansin niyang seryoso ito at willing na isalba siya sa nakaririmarim niyang sitwasyon.
"So, ikaw 'yong lalaking sinasabi niya na nakabuntis sa kanya noon at may asawa na?" nanggagalaiting tanong ni Mr. Castro, ang ama ni Janet. Umusad pa ito ng kaunti para maabot ng baston nito si Conrad. Dahil nga matanda na at hindi na gano'n kalakas, tanging baston lang nito ang pwedeng magamit para makapanakit man lang.
"Marami pong hindi magandang nangyari noon. Opo, ikakasal na ako dapat noon pero hindi naman natuloy. Nagpakaduwag po ako sa responsibilidad ko bilang ama kay Rayden. Sana po mapatawad ninyo ako." Hindi na maintindihan ni Conrad ang ginagawa niya para kay Janet. Pero sa loob niya, nangingibabaw ang awa niya para kay Janet dahil batid niya na hindi nito kakayaning mawalay kay Rayden. Bahala na kung magalit ito sa kanya.
"Napakawalang-hiya mo!" sabad naman ni Mrs. Castro, Janet's mom. Pasampal na rin siya kay Conrad pero biglang pumagitan si Janet.
"Tama na! Oo siya nga ang tatay ng anak ko na nang-iwan sa amin! So what? Hindi ba kayo naging walanghiya sa pagtrato n'yo sa amin noon ni ate? Huh?" bulyaw naman ni Janet saka niya hinawakan nang mahigpit ang kamay ni Conrad. Kailangan na niyang sakyan ang palabas. Kailangan nilang umarte na sila talaga ang parents ni Rayden para umuwi na ang matatandang itinuring niyang nuisance sa kanyang buhay.
"Maghintay ka lang, Janet. Hahanap din kami ng proof na niloloko mo lang kami!" sigaw ni Mr. Castro bago sumakay sa kotse kasama ang kabiyak nitong nanggigigil sa galit.
Napakuyom ang mga palad ni Janet at napatingin sa bintana. Halos mabuwal na siya sa kanyang kinatatayuan nang makitang nakasilip sa bintana si Rayden. Maaring narinig nito ang lahat!
Dali-dali siyang pumasok sa loob ng bahay at nakasunod lang din sina Aling Cita at Conrad. Agad na pumasok siya sa silid ni Rayden at niyakap niya ito.
"Mama, totoo ba na hindi mo raw ako anak?" Nangilid ang mga luha sa mata ng inosenteng bata at ginantihan naman ng yakap si Janet. Ilang saglit pa ay kay Conrad naman siya napatingin. "Pero sabi ni Tito Conrad, tatay ko raw siya. Ano po ba talaga ang totoo?"
Bumuntong-hininga si Aling Cita at sinenyasan niya si Conrad upang umalis na sila ng silid. Sa ngayon, dapat hayaan muna nila na makapag-usap man lang privately sina Janet at Rayden.
Minabuti ng dalawa na mag-usap din sa labas ng bahay ni Janet.
"Bakit mo ginawa 'yon? Bakit ka nagsinungaling sa harap ng mga magulang ni Janet? Kaya ka ba lumipat sa lugar na 'to ay para makuha mo ang loob niya? Hindi naman ikaw ang tatay ni Rayden. Narining ng bata ang lahat at paniguradong aasa na siya sa kasinungalingan." May himig ng galit sa boses ni Aling Cita.
"Magkakilala na kami noon ni Janet. At nagkaroon ako ng intuition na nagkaroon kami ng anak," pag-amin ni Conrad.
"Pero kahit na. Hindi ka dapat gumawa ng eksena. Hindi mo kilala ang pag-uugali ng mga magulang ni Janet. Hindi mo rin alam kung gaano kahirap kay Janet na basta na lang susulpot ang parents niya at nagbabanta na kukunin sa kanya si Rayden kahit ni minsan, hindi nila nagawang dalawin ang bata mula nang isilang ito. Kinasusuklaman siya ng kanyang mga magulang dahil siya ay itinuturing na blacksheep at walang utang na loob na bata dahil lang sa gusto niya ng kalayaan. Namumuhay siyang mag-isa at tinitiis ang sakit sa labas ng kanilang pamamahay. Dapat itikom mo na lang ang bibig mo dahil pinalala mo lang ang sitwasyon," giit naman ni Aling Cita.
"Pero sincere ako sa feelings ko kay Janet. Kung kinakailangan na magpakatatay ako sa anak niya, gagawin ko po," katwiran naman ni Conrad.
"Buti sana kung wala kang pangit na nakaraan. Eh paano naman kung madamay ka sa galit ng mga magulang ni Janet, huh? Paano kung ikaw naman ang ipahiya nila? Kilala ko rin kung sino ka. Ipinagtapat na noon ni Janet."
Conrad let out a heavy sigh and shook his head. "Totoo naman na dati akong nagtrabaho sa club. Pero hindi po ako masamang tao. Wala akong ninakawan, wala akong pinatay."
"Kaming matatanda, madali lang sa amin na intindihin 'yon. Hindi kami judgmental. Paano naman si Rayden? Sige nga? Paano niya iintindihin na ang tatay niya, marami nang nakasiping bukod sa nanay niya? Paano niya makukuha ang katotohanan na matagal kayong nagkawalay at gano'n pala ang nakaraan mo? Sa tingin mo ba hindi niya iisipin na pinagtaksilan mo ang nanay niya? Alam kong maganda ang hangarin mo, pero pinalala mo lang ang lahat. Hindi mo mapipigilan si Janet na huwag magdamdam sa ginawa mo," sikmat ni Aling Cita at saka bumuntong-hininga.
Nakarinig sila ng pagbukas ng pinto at namataan nila si Janet na matalim ang tingin kay Conrad.
"Samahan mo ako sa labas," aniya.
Tumayo agad si Aling Cita.
"Hindi po ikaw, Aling Cita. Gusto ko po sana munang bantayan n'yo si Rayden sa pagtulog niya. Kailangan naming magtuos ni Conrad."
"O-okay. Sige." Naiiling si Aling Cita na umalis.
Walang pasabing hinatak ni Janet si Conrad at sinampal ito nang napakalakas.
"Ang kapal ng mukha mong bigla na lang sumulpot at magpakabayani nang wala sa lugar!" bulyaw ni Janet. Malaya na rin siyang nakasigaw dahil nakabalik na sila sa paupahang unit ni Aling Cita. Sa lugar na ito, wala namang masyadong makakarinig sa kanila kung magsigawan man sila.
"Umasa na si Rayden na ikaw ang tatay niya! Inakala talaga ng parents ko na ikaw 'yong lalaking nang-iwan sa akin noon! Paano na ang reputasyon mo? Paano kung ikapahamak mo 'yong ginawa mo?" Halos mapahagulgol siya sa harap ng binata.
Ilang ulit na napalunok si Conrad bago umimik.
"Actually, wala akong pakialam kahit matanggal ako sa New Way at kahit mabunyag ang past ko," pag-amin ni Conrad at tinatagan ang pagkakatayo para hindi naman siya mabuwal kung sakaling sampalin na naman siya ni Janet.
"Hindi mo alam ang sinasabi mo, Conrad."
"Alam na alam ko, dahil alam kong mahal na kita noon pa. Hinanap kita nang magising ako. Pero wala ka na. Gusto kitang kilalanin pero naantala ang paghahanap ko sa'yo dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari na naganap sa buhay ko. Pero believe me, sa loob ng sampung taon, ikaw lang ang iniisip ko. Kaya nga laking pasasalamat ko na lang na nagkita tayo sa New Way pero sobrang lungkot ko rin no'n dahil umarte ka na parang hindi mo ako nakilala," paliwanag naman ni Conrad na halos mangilid na ang luha sa mga mata habang nakatitig kay Janet na malapit na ring lumuha.
"Hindi ako naniniwala. Hindi ba't nagdi-date naman kayo ni Sandra?"
"Hindi naging kami. Maniwala ka naman," pagsusumamo ni Conrad.
"Wala akong paniniwalaan. Bukas na bukas din, magre-resign na ako."
Paalis na sana si Janet ngunit napatigil ang hakbang niya nang umimik na naman si Conrad sa likuran.
"Kung gagawin mo 'yan. Magre-resign na rin ako at tuluyan kong aakuin ang responsibilidad ko bilang tatay ni Rayden."
"Tumigil ka na sa ilusyon mo! Hindi ikaw ang tatay niya!" sigaw ni Janet at biglang kumunot ang noo niya dahil napansin niya ang lipstick mark sa labi ng binata.
"Sinabi ko na sa'yo kanina na tanggalin mo 'yan, di ba?"
Napangiti lang si Conrad. "Mas gusto ko 'tong nandito lang. Para at least, may remembrance man lang."
Lalong umusok ang ilong niya sa inis. "Nahihibang ka na!"
Janet slammed the door and walked out. Habang naglalakad siya pabalik sa bahay, hindi niya maiwasang huwag mgumiti dahil sa inamin ni Conrad.
'Talaga bang mahal niya ako? Talaga bang hinanap niya ako? Diyos ko, dapat galit lang ang nararamdaman ko sa kanya pero kinikilig naman ako bigla.'
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro