Prologue
Prologue
Bahagyang nakabukas ang bintanag capiz sa aking silid, nakaupo ako malapit roon, may maliit na lamesa sa harapan ko na may plorera na may pinagsamang pula at puting bulaklak, maliit na mangkok na may hiwang mansanas habang abala ang aking mga kamay sa aking binuburda.
Sumisilip ang sinag ng araw, ang liwanag nito bago makarating sa aking mga daliri'y tila may maliliit na abong kristal na sumasayaw sa hangin. Masayang nagtatakbuhan ang mga bata sa labas, nagliliparan ang mga ibon dama ang kanilang kalayaan kasabay ng mga huni nitong aking musika sa umaga.
Narito ako sa panahon na tanging liwanag, tubig at pagkain ang lamang ang pangunahing kailangan ng mga tao. Ang panahon na ang pagsamba, pagdarasal at pag-aalay ng seremonyas sa kalikasan ang kasagutan sa bawat suliranin at higit sa kalamidad.
Ito ang panahon na may dalagang isinisilang upang habangbuhay pagsilbihin ang kalikasan.
Pito kaming magkakapatid na babae at ako ang bukod tanging pinakakaiba sa lahat. Malaya silang nakalalabas at nakasasalamuha ang mga tao, samantalang ako'y nakakulong at nakakubli sa mata ng lahat.
Kung bibigyan ako ng pagkakataong lumabas, sisiguraduhin ng aking mga tagapagbantay na kahit ang dulo ng aking daliri'y hindi makikita.
Isa akong babaeng ipinanganak para itago sa harap ng mga tao, sa paniniwalang ako'y nakalaan lamang sa nilalang na sinasamba ng lahat.
Ako'y pag-aari niya. Ako'y isinilang para sa kanya.
Tipid sumilay ang ngiti sa aking mga labi nang mas lumapit pa ang mga batang naglalaro sa gilid ng aking templo kung saan naroon ang aking silid. Madalas akong sumilip sa tuwing nakakarinig ng mga batang nagtatakbuhan at nagtatawanan— isang karanasang sana'y hindi ipinagkait sa akin.
Bumuntong-hininga ako nang marinig kong tinawag na sila ng kanilang mga magulang.
"Huwag kayo riyan! Baka magambala ninyo ang mahiwagang dalaga!"
Sa aking labingwalong taong buhay, hanggang ngayon ay hindi ko magawang sang-ayunan ang bagay na pinaniniwalaan ng lahat. Dahil alam ko sa sarili kong wala akong koneksyon sa kanya.
"Senyorita, nakahanda na po ang inyong pagkain," sabi ng aking tagasilbi.
Isinarado ko ang bintana at nagsimula na akong humakbang patungo sa maliit na lamesa na inihanda nila sa akin.
Hindi rin ako maaaring saluhan sa paniniwalang higit niya iyong ikagagalit. Walang may karapatang kaswal akong kausapin o kaya'y ako'y titigan dahil ako'y nararapat lamang sambahin— ang kanilang mga ulo'y nararapat lang sa lupa sa tuwing ako'y nakatayo sa kanilang mga harapan.
Pagsamba— salitang dapat nilang tandaan para sa mahiwagang dalaga.
Pagsambang may matinding koneksyon sa kanya.
Ang paniniwalang iyon ang patuloy na nagdudulot sa akin nang matinding kalungkutan.
Bago ako kumain ay nagdasal ako at nagpasalamat sa kanya. Alam kong ang pagkain ko ay higit na binigyan ng oras ng mga tao, mas masarap at mamahalin higit sa lahat. Ang mga prutas at gulay ko ay laging sariwa at maging ang tubig na lalapat sa akin na nasisigurado kong pilit nilang sasalain para sa akin, ngunit sa tuwing kumain ako mag-isa, halos wala na akong malasahan dahil sa ilang taon kong pagkain mag-isa.
Nang matapos akong kumain ay dinala ko na sa tabi ng pintuan ang aking maliit na lamesa. Nais ko sanang muling magtungo sa bintana, ngunit natigilan ako sa mga boses mula sa labas.
"Nagkakagulo na ang mga tao sa palayan! Dahil sa matinding init ay nagsimula ito ng apoy!"
"Paano na ang pangkabuhayan natin? Masusunog ang palayan! Mauubos ang tubig na inimbak! Malayo pa ang tag-ulan! Mamamatay tayo sa gutom! Mamamatay ang mga tao sa uhaw!"
"Hindi tayo pababayaan ng mahiwagang dalaga siya at ang kakayahan niya ang magliligtas sa ating lahat!"
Agad kong ikinandado ang pintuan. Nanghina ang aking mga tuhod at napasalampak na ako sa sahig. Tulala akong nakatitig sa nakasara kong pinto habang naririnig ang sigawan ng mga tao sa labas.
Sa paanong paraan ako makatutulong? Buong buhay ko ay ikinulong nila ako sa paniniwalang hanggang ngayon ay hindi ko makita sa sarili ko!
Bakit kailangang sa akin sila humanap ng kasagutan?
Hindi nagtagal ay mas lumakas na ang sigawan ng mga tao. Napaatras ako sa aking pagkakaupo at unti-unting niyayakap ang sarili ko. Ilang beses akong umiiling habang nangangatal ang buong katawan ko sa takot.
Hindi ako makahinga, nanlalamig ang buong katawan ko, gusto kong takpan ang tainga ko— tumakbo malayo sa lugar na ito.
Anong responsibilidad itong ibinigay nila sa akin? Bakit sa akin nila hinihingi ang tulong na maging sila'y nahihirapan gawan ng solusyon? Ano ang magagawa ng dalagang ikinulong ng napakaraming taon sa unos na ito?
"Lumalaki ang sunog!"
"Aabot sa bayan ang sunog!"
"Ang pangkabuhayan natin!"
"Mamamatay tayo sa gutom!"
Sunod-sunod na katok sa pinto ng aking silid ang siyang mas lalong nagpalukso ng dibdib ko. Tinakpan ko ang aking mukha ng tela na siyang madalas kong ginagamit bago ito buksan, at tumambad sa akin ang ilang mamamayan na nakaluhod sa aking harapan para humingi ng tulong.
Nangangatal ang buo kong katawan, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Wala akong kakayahan, wala akong kapangyarihan at lalong hindi nararapat sa akin ang titulo para ako'y higit na sambahin.
"Tulungan mo kami, Mahiwagang babae..."
"Nagmamakaawa kami..."
"Tulungan mo ang bayan..."
Hindi ko magawang sumagot sa kanila. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin, buong buhay ko ay pilit nila akong pinaniniwala sa bagay na alam kong wala ako. Wala akong kakayahan at wala akong koneksyon sa kanya.
Isa lamang akong simpleng babae na ikinulong at inakalang natatangi.
Agad nakuha ng aking mga tagabantay ang aking naging reaksyon, sila na mismo ang lumapit sa mga tao at nag-anunsyong hindi nakabubuti kung bibiglain ang mahiwagang babae.
Isinara nila ang pinto.
"M-maaari ninyo ba akong iwan?" tanong ko sa aking nangangatal na boses.
Nagkatitigan sila ng ilang segundo bago kapwa tumango sa isa't isa. Sabay-sabay silang yumuko sa akin upang pagbigyan ang hiling ko. Nang sandaling masiguro kong ako na lamang ang nasa silid, nagmadali akong nagtungo sa bintana. Agad ko iyong binuksan na siyang ginamit kong daan upang makaalis mula sa aking silid.
Tumakbo na ako nang napakabilis. Nagsimulang tumulo ang aking mga luha. Pagod na ako. Pagod na pagod na ako sa ganitong buhay.
Bakit ako? Bakit ako ang inihayag mo? Bakit ako ang pinili mo? Ngayong wala akong nalalaman?
Wala akong tigil sa pagtakbo na hindi iniisip kung saan patungo, ang nais ko lamang ay lumayo at mapag-isa. Ngunit sa aking pagtakbo tila may sariling isipan ang aking mga paa, dahil nang sandaling tumigil ako natagpuan ko na lamang ang aking sarili sa tuktok ng isang burol—sa lugar kung saan nakikita ko ang paghihirap ng mga taong inaasahan ako at sinasamba ako.
Mas lalong tumindi ang kirot sa dibdib ko nang mas mapagmasdan ko ang kasalukuyang sitwasyon ng lahat. Nagtatakbuhan na may dalang timba ang mga kalalakihan upang mapigil ang apoy. Napupuno ng sigawan at iyakan ang bayang inakala ko'y habangbuhay na payapa.
Ngunit mabilis na kumakalat ang apoy at anumang oras ay maaaring maging abo ang lahat ng nakikita ko.
Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi kasabay ng muling paglandas ng mga luha sa aking pisngi.
Huminga akong muli nang malalim, bago gawin ang bagay na hindi ko alam kung makatutulong sa mga oras na ito.
Isang bagay na hinihiling kong sana'y makarating sa kanya.
Unti-unti kong inangat ang aking mga kamay patungo sa kalangitan kasabay na pagbulong sa hangin ng aking awitin.
Makapangyarihan... Oh, Makapangyarihan mula sa itaas...
Hanging mula sa Hilaga
Liwanag na nagmumula sa Silangan
Rumaragasang tubig mula sa Timog
Lupang mayaman mula sa Kanluran
Ang tibok ng puso ko'y sumasayaw sa bawat bitaw ng aking mga salita. Napigtas ang panali sa aking buhok dala ng kalmadong hanging yumayakap— saliw nito'y tila musuka ng banayad na agos ng tubig sa ilog.
Makapangyarihan... Oh, Aking makapangyarihan...
Nawa'y marinig ang awiting ito.
Isang dalagang iyong pinagkalooban ng kalinga
Isang dalagang nagsusumamo para sa isang kahilingan
Nanatiling nakapikit ang aking mga mata habang dinadama ang kalikasan. Ako'y inihahandog ang sarili— ang dalagang itinakdang makipag-isa sa puso at buhay ng kalikasan.
Buksan ang iyong mga mata sa aking awitin
Hayaang humalina ang aking mahinang tinig
Humihingi ng buhos na lilinis sa lahat
Buhay at malinaw na haplos mula sa 'yong pagmamahal
Kasabay nang pagtulo ng aking mga luha ay ang malakas na pagbuhos ng ulan. Niyakap ng tubig ang aking buong katawan at humalina pagpagpatak nito na tila musika.
Nanatiling nakaangat ang aking mga kamay patungo sa kalangitan at nang sandaling magmulat ang aking mga mata ay unti-unti nang namatay ang apoy na inakalang tutupok sa lahat.
Ako si Soraya Leonor Cecillia, ang dalagang pagmamay-ari ng diyos ng panahon.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro