Chapter 1
Chapter 1: Pagsilang
Sa isang maliit na bayan sa kaharian ng Doukas na may kaunting naninirahan at namumuhay lamang ng payak. Isa nang malaking kasiyahan ang siyang makaraos sa araw-araw, tatlong beses na pagkain, malinis na tubig at ang pagsasama ng buong pamilya. Isa na rin ang pagkakaroon ng pangkabuhayan tulad ng pagsasaka, paghahabi at pag-iisda na siyang pangunahing pamumuhay, at ang huli na siyang pinakamahalaga sa lahat— ang pagsamba.
Sumapit na ang panahong hinihintay ng lahat, araw kung kailan umalingangaw ang iyak na sumisimbolo ng buhay— buhay ng itinakdang nilalang na biniyayaan ng anking kagandahan na para lang sa mga mata ng diyos ng panahon.
Nang araw na iyon, bumuhos ang malakas na ulan at sinalubong ang pagsilang ng batang hinahangad ng panahon— ang pagsilang ng aking ina.
Mabilis na lumipas ang mga taon. Sa murang edad ni ina ay agad nakikitaan ng mga taongbayan ang angkin nitong ganda— kagandahang nararapat lang sa isang dalagang itinakdang maglingkod sa diyos.
Siya'y may mga matang nangungusap na mistulang kislap ng mga bituin, mga labing katulad ng mapupulang mansanas, kutis na nagmimistulang nyebeng umuulan at maging ang magandang boses na tila isang mahiwagang ibon sa kabundukan na umaawit sa gitna ng gabi.
Siya'y ang dalagang may kagandahang tila may dalang hipnotismo sa bawat mga matang lalapat—Soran Leandra, ang kanyang pangalan. Ang babaeng pinaniniwalaan ng lahat na siyang babaeng isinilang para ialay ang sarili sa panahon.
Ang unang mahiwagang babae na siyang inakala ng lahat— ang siyang nagbigay sa akin ng buhay. Ang aking minamahal na ina.
Kasalukuyan akong nakangiti habang pinagmamasdan ang aking mga magulang. Mahal na mahal ko sila na handa kong gawin ang lahat para lang sa kaligtasan at kasiyahan nila.
Huminga ako nang malalim at pinagpatuloy ko ang aking pagpinta. Nakaharap ako sa kanila habang patuloy sa marahang paggalaw ang aking kamay upang higit na bigyang kulay ang kanilang larawan.
Nais ko sanang isabit iyon dito sa loob ng silid ko nang sa ganoon sa tuwing mag-isa lang ako ay magagawa kong tingnan ang nakangiti kong mga magulang. Dahil maging sila ay limitado rin ang pagdalaw sa akin.
Pagpinta ang isa sa aking libangan, isang kakayahan na higit na nakapagpasaya sa akin dahil sa pananatili ko rito mag-isa sa templo ay nagkakaroon ako ng bagay na maaari kong gawin matapos ang magdasal.
Nakaupo si ina sa isang malambot na upuan habang nakatayo si ama sa kanyang likuran at hawak ang kanyang balikat. Kapwa nakatitig ang kanilang mga nakangiting mga mata sa akin.
Tipid akong ngumiti sa kanilang dalawa sa likuran ng telang nagtatago sa aking kaanyuan.
"Paumanhin, ama't ina mukhang matatagalan ang aking pagpipinta." Bahagya akong yumuko sa kanila.
"Hindi mo kailangang humingi ng tawad, aming Enkantada." Kumirot ang dibdib ko sa paraan ng pagtawag sa akin ng sarili kong ina.
Buong buhay kong hiniling na sana ay minsan niya akong tawagin na aking anak o kahit Soraya, na siyang ibinigay nila sa aking pangalan.
"Kumusta ang iyong mga aralin?" tanong sa akin ni ama.
Hindi man ako nakalalabas ng aking silid ay may mga maestro akong siyang binibigyan ng basbas para makapasok at bigyan ako ng kaalaman tungkol sa labas. Ngunit hindi nakalilimutan ng mga ito ang salitang distansya, kung maaari lamang ay pipiliin ng mga itong maupo sa tabi ng pinto sa takot na hindi magustuhan ng diyos ng panahon ang kaunti nilang paglapit sa akin.
"Marami akong natutunan na interesanteng mga bagay aking ama."
"Mabuti."
Muli akong bumalik sa pagtitig sa aking mga magulang, nasa parte na ako kung saan bibigyan diin ko na ang magandang hugis ng labi ng aking ina. Kahit lumipas na ang kabataan niya ay sumisigaw pa rin ang kanyang kagandahan na siyang hinahangaan ng lahat. Maraming nagsasabi na sa aming magkakapatid ay ako ang higit na nakakuha ng lahat ng katangian ni ina— isang paniniwala na hanggang ngayon ay hindi ko paniwalaan. Hindi niya ako katulad, matapang si ina at kaya niyang panindigan ang kanyang mga kagustuhan, at wala ako niyon.
Hindi ako kasing tapang ni ina.
Isa lamang akong Enkantada na sumasabay sa alon at tanging dekorasyon lamang. Sa pagsapit ng aking ika-labinwalong taong gulang, dapat ay nararamdaman ko na ang matinding pagnanais kong damhin ang panahon at ang koneksyon ko rito, ngunit hanggang ngayon ay hindi ko makita ang halaga ako.
Minsan ay naitatanong ko sa aking sarili, ako ba talaga ang Enkanda na nais ng Diyos ng Panahon o pinilit lamang ako dahil anak ako ni Soran na siyang dapat tatawagin nilang Enkantada?
Ilang oras pa ang lumipas at natapos ako sa aking pagpipinta. Nagpaalam na sa akin sina ina at ama, naiwan akong mag-isa sa aking silid. Tulad ng aking nakasanayan, pinipili ko na lamang tumanaw sa labas ng bintana at tanawin ang kalikasan.
Hanggang ngayon ay isa pa rin ito sa aking matinding katanungan, paano ko magagawang damhin ang koneksyon at kakayahan ko bilang isang Engkantada kung ang nais ng Diyos ng Panahon ay ikubli ako? Paano ko higit na makikilala at matutuklasan ang sarili ko kapag nakakulong ako nang ganito?
Inihawak ko ang aking mga kamay sa hamba ng bintana at ipinikit ko ang aking mga mata kasabay ng pag-ihip ng hangin.
Sa tuwing umiihip ang hangin at nag-iisa ako, humahalo sa malamig na hangin ang isang mainit at magaang haplos sa aking pisngi.
"Aking Soraya..."
Isang malamig at malambing na boses ang humahalina sa aking pandinig at sa tuwing magmumulat ako ng aking mga mata ay sumasalubong sa akin ang mga nagliliparang ibon ng kalikasan.
Pilit ko man isantabi ang paulit-ulit na pangyayaring ito, ngunit hindi magawa ng aking puso at isipan. Dinadalaw ako ng Diyos ng Panahon, sa pamamagitan ng ihip ng hangin, patak ng mga ulan, liwanag ng araw, huni ng mga ibon, bahaghari at maging paggalaw ng mga alapaap.
At sa tuwing nag-iisa ako sa gitna na katahimikan, ilang beses kong pilit iginagala ang paningin ko sa paligid sa paghahangad na makikita ko ang mga matang laging nakatitig sa akin. Palagi siyang nakamasid, palaging bumubulong at higit sa lahat lagi niyang akong hinahaplos sa aking mahabang buhok.
"Pagmamay-ari kita, aking Soraya..."
At sa paggising ko sa hatinggabi ay tanging pagsayaw na lamang ng puting kurtina at liwanag ng buwan ang aking nasisilayan.
Sa panahong ito na ang kalikasan ang siyang pinakamakapangyarihan at ito ang lubos na sinasamba ng lahat. Para maiparating ang aming walang katapusang pasasalamat ay kailangang gumamit ng isang babaeng birhen na siyang sumisimbolo sa malinis na layunin ng mga tao.
Si ina ang pinaniwalaan noong makikipag-isa at aangkinin ng kalikasan dahil sa kagandahan at kabutihang loob nito sa mga tao, ngunit nagbago ang pananaw ng lahat ng tao nang umibig si ina sa aking ama.
Isang kasalanan sa isang Engkantada ang umibig sa pangkaraniwang tao. Ngunit hindi nito napigilan ang pagmamahal ng aking ina sa aking ama.
Isang matapang na babae ang aking ina na siyang habangbuhay kong hahangaan.
Maraming humadlang at binato ng mga paratang ng kasalanan ang aking ina, ngunit higit na matibay at malakas ang pagmamahalan ng aking ama't ina, at pinatunayan nilang ang pagmamahal nila ay higit pa sa kalikasan.
Maraming taong nagsabing isa itong kawalan ng utang loob, kalaspatanganan at tanging kapusukan lamang. Lahat sila ay naniniwalang ang aking ina ay para lamang sa diyos ng panahon pero hindi natinag ang aking mga magulang.
Ilang beses silang pinaghiwalay sa takot ng mga taong mawala ang pagkabirhen ni ina ngunit nakagawa ng paraan si ina at nagawa nilang makalabas sa bayang ito.
Nanirahan sa malayong kaharian hanggang sa magbunga ang kanilang pagmamahalan. Dahil ipinanganak si ina sa bayan ng Savoy sa kaharian ng Doukas, hinahanap-hanap niya pa rin ang magandang kalikasan rito dahilan kung bakit sila nagbalik ni ama.
Sa mga panahong iyon tatlo na sa magaganda kong kapatid ang isinilang. Damang-dama ko ang kasiyahan nina ama at ina nang ikinukuwento nila ang kanilang nakaraan.
Ngunit hindi ko maiwasang alalahanin ang oras nang ikuwento nila ito sa aming magkakapatid, gusto kong tumabi sa aking mga nakatatanda kong kapatid at makipagyakapan sa tuwing natutuwa kami sa paraan ni ama upang higit na mahulog sa kanya si ina noong kanyang Kabataan, ngunit hindi ako maaaring lumapit at magbigay ng higit na emosyon. Lalong mangarap at maghangad na darating ang panahon ay ako'y iibig din sa isang binata.
Wala akong karapatang umibig dahil itinakda kong paluguran ang Diyos ng Panahon hanggang sa kahuli-hulihan ng aking paghinga.
Sinabi ng matatanda na sa sandaling magustuhan ng Diyos ng Panahon ang kanyang mahiwagang dalaga ay malaki ang posibilidad nitong bigyan ito ng walang katapusang buhay—isang bagay na kailanman ay hindi ko pinangarap.
Sinulyapan ko ang aking magandang kasuotan na siyang aking gagamitin sa isang ritwal sa pagsapit ng dilim. Dahil nasa legal na akong edad, maaari ko na akong magsagawa ng ritwal na pagpapasalamat na hindi lamang tanging mga panalangin.
Hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang matinding kaba sa aking dibdib, sinabing maaaring magpakita sa akin ang Diyos ng Panahon.
Paano ko siya pakikiharapan? Ano ang kaanyuan niya? Ano ang mga salitang dapat kong sabihin sa kanya?
Nasisiyahan ba siya na ako ang Engkantada?
Muling bumalik ang sa aking isipan ang nakaraan ng aking ina. Sinabi sa amin ni ina noon na hindi sila tinanggap ng taong bayan at nagdala lamang sila ng matinding kasalanan. Tinangkang sunugin ng mga mamamayan ang tahanan ni ina, ama at ng ilan kong mga kapatid.
Ngunit nagalit ang Diyos ng Panahon at hinagupit ng bagyo ang buong bayan at tanging isang himala na ang tahanan lamang namin ang hindi man lang napinsala.
Dito nagsimulang paniwalaan ng mga tao na pinalalaya na ng Diyos ng Panahon ang aking ina at hinayaan nang maging masaya sa piling ng aking ama. Ngunit hindi rito natapos ang lahat, lalo na nang ipinanganak ang aking mga kapatid.
Lahat ay may angking kagandahan at umaasa ang mga taong muling may isisilang na babae na siyang magpapalugod sa Diyos na Panahon. Pero hindi pumayag ang aking ina at isinumpa sa mga taong lahat ng kanyang magiging anak ay mamumuhay ng pangkaraniwan at walang responsibilidad.
Ngunit pinutol ni ina ang kanyang sariling sumpa at kinain ang mga salitang nais niyang panindigan hanggang kamatayan. Sinabi sa amin ni ina noon na hindi matibay ang paniniwala niya sa Diyos ng Panahon, wala siyang makapang dedikasyon mula sa kanyang sarili at kailanman ay hindi sumagi sa kanyang lubos itong sambahin katulad ng mga tao sa bayan.
Gabi nang maiwan kami ng mga kapatid ko sa aming tahanan, tahimik kaming natutulog lahat nang magising ang isa sa mga nakatatanda kong kapatid at masagi ang isang lampara na siyang naging dahilan ng malaking sunog.
Agad nakalabas ang anim kong mga kapatid na siyang hiwalay ang silid sa akin dahil ako ay sanggol pa lamang.
Tinitigan ko ang labas ng aming tahanan hanggang tangayin ako nito sa aking imahinasyon.
"Mahal si Soraya! Si Soraya ang anak ko! Nasa loob pa!"
Walang tigil sa pagluha ang aking ina habang pinipigilan ng mga tao sa pagpasok sa tahanan.
Walang tigil ang mga kalalakihan at si ama sa pagsaboy ng tubig ngunit hindi lumiliit ang apoy.
"Soraya! Anak!" lalong sumigaw si ina nang may parte ng tahanan ang bumagsak.
Tuluyan na itong napaluhod at halos sumubsob sa lupa habang walang tigil sa paghagulhol. Ngunit saglit lamang ito dahil marahas tumayo si ina, buong akala ng lahat ay magtutungo ito sa apoy ngunit tumakbo ito sa pinakamalapit na ilog.
Napuno ng bulong-bulungan ang mga tao habang nakatalikod sa kanila si ina at nakatanaw sa rumaragasang ilog.
Walang tigil sa pagbuhos ang kanyang mga luha kasabay ng pangangatal ng kanyang mga kamay.
"Oh, Diyos ng Panahon, nawa'y ako'y inyong marinig. Nagmamakaawa sa inyong habag na kapangyarihan," muling napaluhod si ina kasabay nang lalong pagragasa ng ilog.
"Nawa'y ako'y iyong patawarin sa aking kapangahasan aking diyos at nangangakong imumulat ang aking mga anak sa pagsamba sa iyong kapangyarihan..."
Tuluyan nang itinaas ni ina ang kanyang dalawang mga kamay.
"Aking diyos, nawa'y iyong tanggapin ang aking bunsong anak. Inihahandog ko siya sa inyo at ipinapangakong aking huhulmahin na ikaw lamang ang sasambahin. Iligtas nyo sa aking diyos, iligtas nyo ang aking si Soraya."
Saglit lamang natahimik si ina na nakapikit ang mga mata, ngunit nang sandaling muli siyang nagmulat ng mga mata, sinambit niya ang mga katagang tuluyang humawak sa aking tadhana.
"Pagmamay-ari mo na siya aking diyos..."
Matapos ang huling kataga ni ina ay tuluyan nang bumuhos ang napakalakas na ulan.
Muling umalingawngaw ang iyak ng isang sanggol, na siyang sumisimbolo sa ikalawang buhay ng bagong silang na engkantada.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro