Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

BEHIND HER SMILE




   NANGINGINIG ang aking mga kamay, at nanlalambot ang aking mga tuhod. Halos hindi ko na maihakbang ang mga paa ko. Nanlalabo na rin ang mga mata ko dahil sa nagbabadyang mga luha.

  Diretso lamang ang tingin ko sa kanyang maamong mukha habang may matamis na ngiti sa kanyang mga labi. Hindi ko na napigilan ang mga luha ko sa pag-agos habang naglalakad ako sa kinaroroonan niya.

   “M-mama... Mamaaa~” At tuluyan na nga akong napahagulgol nang makita siya sa malapitan.




                                          *     *     *




    “MA, paglaki ko, gusto kong maging engineer! Tapos... Tapos igagawa kita ng malaki at magandang bahay!” masigla kong turan sa aking ina habang may malawak na ngiti.

   “Aba! Gusto ko 'yan anak! Kaya dapat mag-aaral kang mabuti para maging magaling kang engineer!” sagot naman niya at sinuklian rin ako ng isang malaking ngiti na siyang nagpalabas ng maliliit na biloy sa magkabilang gilid ng kanyang mga labi.

   “O, siya. Kumain ka nang mabuti anak. Pasensya ka na, ha. Hindi kita nabilhan ng masarap na ulam,” maluha-luhang sambit niya.

   “Hala, si Mama! Ang sarap kaya nitong tuyo! Lasang letsong manok. Paborito ko nga ito, eh. Hmm!” Pagkatapos ay kinagat ko ang tuyo na parang sarap na sarap talaga at napapapikit pa.

   Nakita ko siyang nagpahid ng luha at sinubukang ngumiti. Ngunit hindi maikakaila ang lungkot na mababanaag mula sa kanyang malalamlam na mga mata.

   Patuloy lang ako sa pagsubo nang marinig ko ang bahagyang pagkulo ng kanyang sikmura.

   “Ma, oh! Salo tayo,” ani ko sabay ngiti at iniusog ang pinggan palapit sa kanya, ngunit tinanguan niya lamang ako.

   “Tapos na si Mama anak. Nauna na 'ko kanina habang naglalaro ka sa labas.” Saka siya tumayo at pumunta sa kanyang higaan. Alam kong nagsisinungaling siya ngunit pinili ko na lamang na manahimik.




   NANG mag-high school na ako ay nag-apply ako bilang iskolar ng bayan na siya ko namang naipasa. Nagsumikap ako at naging masigasig sa paaralan. Ito na lamang ang tanging maigaganti ko sa lahat ng paghihirap at sakripisyo ni Mama sa pagtataguyod sa akin. Hindi ko pa rin nakakalimutan ang tinuran ko kay Mama na magiging engineer ako balang araw.

    Sa awa naman ng Diyos ay nakapagtapos ako sa mataas na paaralan at naging salutatorian. Kaya naman ini-rekomenda ako ng aking mga guro sa isang sikat na Unibersidad. May scholarship din doon kaya naman sinunggaban ko na ang pagkakataon.

   “Proud na proud ako sa 'yo anak! Masayang masaya ako at malapit mo nang matupad ang mga pangarap mo,” maluha-luhang sambit ni Mama.

   “Sinabi ko naman sa 'yo, Ma. Magsisikap ako para mapagawan kita ng maganda at malaking bahay. Tapos hindi mo na kailangang tumanggap ng mga labahin sa kung kani-kanino. Hindi mo na kailangang magtinda sa palengke. Gusto ko maranasan mo naman ang isang maginhawang buhay na hindi natin naranasan noon.” Pagkatapos ay sumilay na naman ang matatamis niyang ngiti at ang maliliit na mga biloy sa magkabilang gilid ng kanyang mga labi.

   “O, siya. Mag-iingat ka roon. Heto ang cellphone number ni Tinay. Makitawag ka na lang anak. Sabihan mo 'ko kapag may kailangan ka.” Naluluha na naman siya.

  Lumapit ako sa kanya at pinahid ang mga luhang dumaloy sa bahagyang kulubot na niyang pisngi. Niyakap ko siya ng mahigpit saka humiwalay at nginitian siya.

   “Mag-iingat talaga ako, Ma. Kaya ikaw rin. Wala ka nang makakasama dito kaya h'wag mong pababayaan ang sarili mo,” ani ko at niyakap siya ulit.

   “Naku! Ikaw talagang bata ka! Ginawa mo pa akong bata, eh. Ikaw ang mag-iingat. H'wag mong kakalimutan ang mga bilin ko ha! At palagi kang magdadasal. Mahal na mahal kita anak.”

   “Opo, Ma. Mahal na mahal din po kita.” Pagkatapos ay ngumiti siya sa akin at hinalikan ako sa pisngi.

    Babaunin ko sa aking pag-alis ang mga ngiting iyon na nakaukit sa mga labi ni Mama.

    MATULIN na lumipas ang nga araw. Ilang buwan na rin akong nakikipagsapalaran dito sa syudad. Nag-apply ako bilang crew sa isang fast food chain para hindi na 'ko manghingi kay Mama ng panggastos. Nakabili rin ako ng cellphone na de keypad para hindi na ako manghiram sa mga kaklase o ka-boardmate ko kapag tatawagan ko si Mama.

   Kakatapos lang ng shift ko at pauwi na 'ko sa boarding house nang buksan ko ang cellphone ko. Ini-o-off ko kasi ito 'pag nasa trabaho para tipid sa battery. Ngunit gano'n na lamang ang pagtataka ko nang makita ang sunod-sunod na pagsulpot ng mga text messages.

   Hindi ko pa man nabubuksan ang mga ito nang biglang may tumawag. Si Aling Tinay. Dali-dali ko itong sinagot.

   “O, Al—” Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang bigla itong magsalita.

   “J-jepoy... A-ang... Ang m-mama mo...” Hindi ko na hinintay pa ang mga susunod niyang sasabihin at agad ko nang pinatay ang tawag.

    Hindi na ako nagbihis pa at dumiretso na ako sa terminal ng bus. Mabuti na lamang ay nakaabot pa 'ko sa last trip.
  

   Hindi ako mapakali habang nakaupo sa loob ng bus. Nakakainip. Gusto ko nang makita si Mama. Kung anu-ano na ang pumapasok sa isip ko. Napapikit na lamang ako sabay usal ng panalangin na sana'y walang masamang nangyari sa kanya.

   Pagkarating ko sa purok namin ay tila doon naman ako nawalan ng lakas. Ang nararamdaman ko kaninang pagkainip ay napalitan ng labis-labis na pagkatakot. Habang papalapit ako nang papalapit sa aming bahay ay doble-dobleng kaba ang nararamdaman ko. Pakiramdam ko ay lalabas na ang puso ko sa sobrang lakas ng pagtibok nito.

   Hanggang sa marating ko na nga ang aming bahay. Tila natulala ako. Ang daming tao. May nagba-baraha, may nagma-mahjong.

   Nasa pintuan na ako nang salubungin ako ni Aling Tinay. Napahagulgol na lamang siya sabay yakap sa akin. Tumingin lang ako ng diretso sa harapan. Nawawalan man nang lakas ay pinilit kong ihakbang ang mga paa ko.

   Bumitaw si Aling Tinay sa akin at hinayaan akong lumapit sa kinaroroonan ni Mama. Nakikita ko ang matamis niyang mga ngiti. Tila walang problema at walang dinaramdam. Nang makalapit na ako sa kanya'y doon na lamang bumuhos ang mga luha ko.

   “M-mama... Mamaaa~” Sabay yakap sa larawang nasa itaas ng kabaong niya. Wala sa isip na napaluhod ako habang yakap-yakap ang nakangiting litrato ni Mama. Hindi ko matanggap.

    ‘Hindi! Imposible! Malakas si Mama. Bakit? Paano 'to nangyari?’ Nais kong isigaw ngunit tila nawalan ako ng boses at lakas.


   Naramdaman kong may yumakap sa akin.
   “Tahan na. Tahan na anak,” pang-aalo sa 'kin ni Aling Tinay.

    “Bakit? Paanong nandiyan si Mama? Paano?!” puno ng hinanakit ngunit mahinang tanong ko. Inakay niya ako patayo at pinaupo sa upuang nasa harapan.
  

“Patawad kung itinago namin sa 'yo ang kalagayan ng Mama mo. Huli na rin nang malaman niya ang sakit niya.”

   Nagitla ako. Sakit?

   “H-ha? A-an...o pong s-sakit?”

   “May nakitang tumor sa matres ng Mama mo. Dumami na ito at lumaki.” Tila hindi ako makapaniwala sa sinasabi niya.

    “P-pero malakas naman si Mama. Paanong may gano'n siyang sakit?”

   “Matagal niya na pala iyong iniinda. Hindi niya lang sinasabi dahil ayaw niyang mag-alala ka.”

   “Ngunit no'ng huling tawag niya'y masigla pa siya.” Naalala ko no'ng tinawagan ko si Mama para kumustahin. Ang sabi niya pa nga'y maayos ang kalagayan niya.

   “No'ng araw na 'yon, final examination niyo. Ayaw niyang mawala ka sa focus. Kaya pinili niyang huwag nang sabihin sa iyo.”  Napaiyak na naman ako. Hanggang sa kahuli-hulihan ng buhay niya, iniisip niya pa rin ako.

   “Hindi ko man lang natupad ang pangarap ko para sa kanya. Ni hindi ko man lang nasuklian ang paghihirap niya.” Naramdaman kong napahigpit ang yakap sa akin ni Aling Tinay.

   “Hindi totoo 'yan. Sa pagsisikap mo pa lang, nasuklian mo na ang paghihirap niya. Magiging masaya siya kung matutupad mo ang pangarap mo kahit wala na siya sa tabi mo.” Pagkatapos ay tumayo na siya at dinaluhan ang mga bagong dating na makikiramay.

    Tinignan ko ang hawak kong litrato. Sumisikip ang dibdib ko nang makita ko kung paano siya ngumiti. Kung paanong ipinagsasawalang-bahala niya ang gutom, mapakain lang ako. Kung paanong nasusugatan ang kanyang mga kamay sa paglalabada, matustusan lang ang pag-aaral ko. Kung paanong kinaya niyang itaguyod ako nang mag-isa pagkatapos kaming iwanan ni Papa.
  

   Hindi ko malaman kung paano niya naitago ang lahat ng iyon, lalo na ang kanyang karamdaman. Hindi ko man lamang napansin na sa likod ng kanyang matatamis na mga ngiti, ay may iniinda siyang karamdaman na mas pinili niyang itago para sa sarili kong kapakanan. Sa likod pala ng mga ngiting iyon, ay isang karamdamang hahadlang sa pangarap ko para sa kanya.

    Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga ngiting iyon. Iyon ang magsisilbing inspirasyon ko upang magpatuloy sa buhay. Para sa kanya, tutuparin ko pa rin ang pangarap ko kahit pa wala na siya sa tabi ko.

    Hinaplos ko ang larawang hawak ko.
    “Salamat, Mama.” Saka muling bumalong ang mga luha sa maga ko nang mga mata.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro