Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Simula

Manila 1990

MASAYA'T MAKULAY ang skwater area ng Tambunting. Buhay na buhay ang makitid na daan sa mga ingay at tawanan ng mga bata at matanda na bumubuo ng malalim na koneksyon sa isa't isa. Laro dito, laro doon. Tsismis dito, tsismis doon. Inom dito, inom doon.

"Piyot! Umuwi ka na nga sa bahay! Wala ka ngang trabaho, umiinom ka pa imbis na magbantay ng tindahan natin!" umalingawngaw ang boses ni Bebe sa daan. Hindi ito binigyan pansin ng mga kapit-bahay dahil humalo ito sa ingay ng mga tao doon. Isa pa, sanay na silang makita na sinisigawan ng asawa ang mga lalaking naglalasing kahit tirik na tirik ang araw. Sila ang mga binansagang walang magawa sa buhay bukod sa mga tsismosang nagsilakihan ulit ang tenga ng marinig ang sigaw ni Bebe. May nasagap nanaman ang mga marites.

"Mamaya! Ando'n naman sina Gege, 'di ba?" reklamo ni Piyot bago lumagok ulit ng alak.

"Oo nga. Pagbigyan mo na 'tong mister mo, Bebe. Minsan lang naman. Pampawala rin 'yan ng stress niya pagkatapos ng nangyari," singit ni Buby, isa sa kumpare ni Piyot.

"Ako nga stress na stress din, hindi naman uminom!" sagot ni Bebe. Bakit ba kapag ang mga lalaki, stressed, alak agad ang puntirya? Hindi na kataka-taka na lumalaki ang tiyan nila pagtanda. Nagmumukhang buntis. Alak lang naman ang laman.

"Syempre, iba-iba tayo ng paraan sa pagharap ng mga problema. Ikaw nga, imbis na uminom, binubuhos mo sa asawa mo kasisigaw. Wak wak wak." Nagsitawanan sina Piyot sa pangungutya ni Buby kay Bebe.

Pagewang-gewang na tumayo si Piyot at umakbay sa misis. "Alam niyo, kahit ganyan 'yang si Bebe, lab na lab ko 'yan. Thank youuu. . . for loving meeee. . ." kanta niya, ngiting-ngiti pa habang nakatingin sa misis.

Inis siyang tiningnan ni Bebe at marahang itinulak. "Ang dami mong alam! Bumalik ka na lang sa bahay kapag tapos ka na magpakalasing! Kailangan ko rin ng magbabantay sa mga anak natin! Si Nano, nawawala nga ulit! Kung san-san nagsususuksok!" reklamo niya. Maraming pasikot-sikot ang makitid na kalsada ng Tambunting. Mabilis kang mawawala kung hindi mo kabisado ang daan.

"That's life, my wife! Bata pa lang siya kaya hayaan mo mag-enjoy!" Tumagay si Piyot sa mga kumpare niya.

"Wala na siya sa wisyo. Kung ano-ano ang pinagsasabi," isip ni Bebe. Bumuntong-hininga na lamang siya at inalalayan ang mister na umupo ulit. Makakapagbantay pa ba 'yan kung ganyan ang lagay? Baka lumayo lang ang mga customer nila kapag may nadatnang lasingero sa tapat ng bilihan. Amoy na amoy pa ang alak. Masakit sa ilong. Hindi rin magandang i-expose sa mga anak nila.

"Gege, asan na si Nano? Bumalik na ba?" tanong ni Bebe sa ikatlo niyang anak na masipag magbantay ng tindahan.

"Wala pa po, 'ma. Kulit talaga niya 'no? Pinagawa nga rin yung assignment niya kay Ate Detdet," sumbong ni Gege. Gusto niyang ipakita sa mama niya na kahit dalawang taon lang agwat nilang magkapatid, mas mature talaga siya. Labing-isang taon palang siya pero responsable na sa pag-aaral at pagbabantay ng tindahan. Hinihiling ni Bebe na sana maging katulad ni Nano ang Ate Gege niya.

Dumako ang mata ni Bebe sa ikalawang anak, si Detdet, na naka-upo sa sahig habang gumagawa ng assignment sa sofa. High school na si Detdet pero pang-elementary ang ginagawa. Paniguradong kay Nano iyon.

"Si Ate Emang niyo, nasaan? 'Wag niyong sabihin na gumala ulit?" Nauubos na ang pasensya ni Bebe sa kaniyang pamilya na hindi mapirmi sa bahay. Si Nano, tuwing umaga at hapon wala. Hindi niya naman mabantayan dahil abala siya sa tindahan. Ipinagkakatiwala niya na lang sa mga kumare niyang madalas nakatambay din sa labas at nagtitinda. Kay Emang, hindi niya magawa dahil sa labas ng Tambunting gumagala kasama ang tropa.

"Nasa kwarto pa rin po, nagmumukmok," nakangusong sabi ni Gege.

Tumaas ang kilay ni Bebe. "Nagmumukmok? Saan naman? Away ng kaibigan?"

"Ewan ko po. Dahil siguro sa—"

Marahan siyang pinalo ni Detdet sa braso. "Gege, ang tsismosa mo talaga," suway ni Detdet.

"Dahil saan, Gege?" tanong ulit ni Bebe.

"Sa boypren niya? 'Di ko alam. Baka joke joke joke lang. Buti nga ako crush-crush lang. 'Di ako nah-heartbroken. Hehe!" humagikgik si Gege at nagpeace sign.

"Gege? Anong crush? Ang bata mo pa," suway ni Detdet. Inosente lang siyang nginitian ni Gege. Kaka-high school niya lang. Hindi na siya bata.

Napaitlag sila nang biglang bumukas ang pinto ng bedroom nila. Iniluwa nito si Emang na nakasalubong ang kilay at nanliliksik ang mata. "Sumbongera ka talaga kahit kailan, Gege!" Hawak pa nito ang suklay niyang brush na kulay pink at kumikinang pa dahil sa glitters.

"Mag-ingat ka sa boypren-boypren na 'yan, Emang. Dalaga ka na. Kailangan maging maayos ka at disente," pangaral ni Bebe. Nakatuon pa rin ang mata ni Emang kay Gege na binelatan lang siya.

"Tumigil na nga kayo. Nakakahiya sa mga kapit-bahay," ani Detdet sa dalawang kapatid.

Inangatan siya ng kilay ni Gege. "Kanino? Sa mga tsismosang frog sa tabi-tabi? Hayaan mo sila. Enjoy the show!"

Muli siyang tinampal nang mahina ni Detdet, pinipigilan ang ngiti. "Kaya ka laging binubuntungan ng galit ni Manang Lydia! Lagi mo siyang inaasar!"

"Hindi ko na kasalanan kung matamaan siya, okay?" sagot ni Gege.

"Tsk! Bahala kayo diyan!" nagdabog paalis si Emang.

"At sa'n ka naman pupunta?"

Liningon ni Emang si Bebe. "Diyan lang kung saan wala 'yang sumbongera." Mariin niyang tiningnan si Gege na pasimple lang tiningnan ang iniwan nitong suklay sa ibabaw ng maliit na mesa.

"Kung makita mo si Nano, sabihan mo siya na bumalik na. Kanina ko pa siya hinahanap," bilin ni Bebe. Gusto niya rin sanang pigilan si Emang sa paglabas, ngunit alam niyang wala na siyang magagawa. Ipipilit pa rin nito ang gusto. Kung hindi pinayagan, baka siya na ang maging dahilan kung bakit ito nagmumukmok.

Tumango si Emang bago tuluyang lumabas. Bumalik ang tingin ni Bebe kay Gege. Responsable siyang bata. Mature kumpara sa mga ka-edad niya. Ang problema lang sa kanya, mahilig siyang subukin ang pasensya ng mga tao sa paligid niya.

"'Ge. H'wag mo na ngang inaasar yung Ate Emang mo. Alam mo namang mainitin ang ulo."

"Kaya nga nakakatuwa asarin!" tawa niya.

Napailing nalang si Bebe. Ano pa ba magagawa niya? Kung kaya niya lang ayusin ang ganyang pag-uugali ng mga anak niya—ang pagiging mainitin ang ulo at palaasar—ginawa na niya. Sinubukan naman niyang pagsabihan pero walang nagbabago. Bata pa naman sila. Nasa elementarya at high school. Kahit hindi niya baguhin, sila mismo ang magbabago sa sarili nila kapag nagmature na sila. Siya rin naman na matanda na, may mga katangian pa ring hindi kaaya-aya.

"Susmaryosep kang bata ka!" sigaw ng isang matanda mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. "Nano, bumalik ka rito!"

"Si Tiyo Mando ba 'yon?" tanong ni Detdet, nakaangat ang tingin sa bukas na pintuan kung saan nahahagip ng kanyang mata ang hagdan. Si Tiyo Mando ang panganay na kapatid ni Bebe. Naninirahan ito ikalawang palapag at tumayong tagapag-alaga ni 'Nay Sol, ang kanilang ina.

"Ayan nanaman si Nano. Nanggugulo," pasaring ni Gege at umiling-iling.

"Patawad!" tawang-tawa si Nano habang kumaripas ng takbo patungo sa unang palapag. Agad siyang pumasok sa kanilang bahay at sinarado ang pinto, hingal na hingal.

"Ikaw Nano. Kinukulit mo nanaman Tiyo Mando mo," si Bebe. Hindi pa nangangalahati ang araw, ang dami nang stress na binibigay sa kanya ng pamilya.

"Hehe." Nagpeace sign si Nano.

Lumapit sa kanya si Bebe at hinipo ang likod. "Basang-basa ka ng pawis! Magkakasakit ka niyan! Magpalit ka ng damit doon!" turo niya sa bedroom.

"Yes, mama!" Sumaludo si Nano at tumungo sa kwarto.

Alam na ni Bebe ang ganap sa bawat pamilya. Siguro naman ngayon, pwede na siyang umupo nang mapayapa sa duyan at magsagot ng crosswords sa diyaryo. Baka pwede na rin siyang magtinda sa kanyang sari-sari store kahit halos wala namang bumibili. Marami siyang karibal. Sa tapat niya, may tindahan. Kapag lumiko ka, may tindahan ulit. Magkakalapit kaya nag-aagawan. Kahit ganoon, kumakayod pa rin siya sa pamilya. Ayos na 'yon kaysa wala silang napagkakakitaan.

Inayos ni Bebe ang signage na nakasabit sa bakal na harang ng kanyang tindahan.

Bebe's Sari-Sari Store

Karaniwan man ang pangalan, malalim ang kahalagahan nito sa pamilya ni Bebe. Kumawala ang maliit na ngiti sa labi niya. Ilang taon na rin mula nang buksan niya ang sari-sari store. Bulinggit palang ang mga anak niya noon. Wala pang kamuwang-muwang sa mundo. Hindi pa nila alam ang mga pagsubok na kanilang haharapin, maliit man o malaki.

"Asan yung suklay ko?!" hiyaw ni Emang nang madatnang wala ang suklay niya sa lalagyan nito. Kababalik niya lang mula sa gala dahil palubog na ang arawm Pagkauwi niya, nawala ang pinahahalagahan niyang suklay. Hinalungkat na niya ang bawat sulok ng kwarto nila pero hindi niya mahanap, pati na rin ang maliit nilang sala at hapagkainan.

"Burara kasi si ate," bulong ni Gege kay Detdet, pero sapat pa rin ito para marinig ni Emang. Napangisi siya.

"Anong sabi mo?!" duro sa kanya ni Emang. Binelatan siya ni Gege. Mahina siyang sinita ni Detdet na pinipigilan ang ngiti, hindi dahil napagsabihan si Emang, kung hindi sa kakulitan ni Gege.

"Pang-ilang pagsubok na ba 'to sa araw na 'to?" napabuntong-hininga si Bebe.

Apat na anak, dumagdag pa ang asawa. Talagang marami siyang pagsubok na haharapin araw-araw. Isama mo pa ang mga bumibili sa kanyang sari-sari store. Pare-parehas ng estado sa buhay, pero kung maka-asta ay aakalain mong special. Mayroon ding mga gumugulo, gaya ng mga lasenggero, siga, o mga batang naglalaro, kaya mas pinipili ng ibang bumili sa katabing tindahan. Ibig sabihin, walang kita.

Samu't saring pagsusulit sa buhay. Iba-iba ang karanasan. May barayti ang pagharap sa bawat problema, gaya ng mga binebenta sa sari-sari store, mula sa softdrinks, kendi, at sitsirya, hanggang sa itlog at canned goods. Saksi ang Bebe's Sari-Sari Store sa pinagdaanan ng mag-asawang Bebe at Piyot, at ang bunga ng kanilang pagmamahalan na sina Emang, Detdet, Gege, at Nano. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro