Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata II


Manila 1990

“‘GE! ANONG drama nanaman ‘yan?” salubong ni Junjun kay Gege pagkasapit ng breaktime. Sinundot nito ang noo niya, “Kanina pa nakasalubong kilay mo. Magkaka-wrinkles ka niyan! Bruha na nga, may wrinkles pa!” 

Sinamaan siya ng tingin ni Gege at sinabunutan ito. Mariin. “Mas bruha ka!” Hindi pa rin mawala sa isip niya ang nangyari kanina. Umuusok ang ilong niya sa tuwing naalala niya na nagka-crush siya sa isang katulad ni Dela Cruz. 

“Ano? Dahil ba sa crush mo? Ayan kase. Masyadong mataas ang pangarap. Hindi ka magugustuhan no’n.”

Napasimangot lang si Gege.

Si Junjun ang isa sa mga pinsan niya, bunsong anak ni Ante ‘Ly. Magkaedad at pinasok sa iisang eskwela kaya naging magkaklase. Tuwang-tuwa pa si Grace nang malaman ‘yon. Si Junjun kasi ang partner-in-crime niya sa pangt-trip sa mga tao. May pagkamaloko rin gaya niya. Kapag kinwento niya ang naganap, malamang, pagtatawanan siya nito at aasarin buong magdamag. Aabot pa hanggang sa pagtanda. Ngayon pa nga lang, linoloko na siya. Paano pa kapag nalaman ang naganap?

“Gayahin mo kasi si Ate Emang mo. Nagsusuklay at nag-aayos kaya maraming nagkakagusto,” ngisi ni Junjun.

Lumukot ang mukha ni Gege. “E, yung mga jeje naman sa Tambunting ‘yon! Kung gano’n magkakacrush sa’kin kapag nag-ayos ako, ‘wag na lang!” Isa pa, baka asarin lang siya ng mga bata roon. Baka sabihin na idol niya ang ate niya. Never!

Ngumiti si Junjun, “‘O at least, mapapansin ka naman ni Dela Cruz.” 

“Wala na akong pakielam do’n. Hanapan mo na lang ako ng bagong crush. Gusto ko yung gitarista!” 

“Ate! Puro ka crush! Ang bata mo pa kaya!” singit ni Nano. Tumungo ito sa silid-aralan ng mga haiskul. Trip niyang kulitin ang ate at pinsan niya. “Magbantay ka na lang daw muna ng sari-sari store ni mama. Hihi.”

“At ikaw, puro ka laro! Ikaw nga ang ‘di nagbabantay diyan! At isa pa, ako nga laging tumutulong kay mama sa’ting magkakapatid! Ako pinakamasipag! Ako rin pinakamatalino dahil tinutulungan ko siya sa finance ng tindahan!” pagmamayabang ni Gege. Binigyan pa siya ng extrang baon ni Bebe dahil doon. Fudgee barr. Hilig niya kasi ang tsokolate. Lingid sa kanyang kaalaman, binigyan din si Nano ng chuckie dahil bunso siya. Bata pa at kailangan magpalaki.

“At kayo, puro kayo tsismisan! Ke-bata-bata pa!” Napaitlag sila at lumingon sa likod. Sinalubong sila ng titser nila. Nakapamewang at nakaangat ang kilay. Halos umusok na ang tenga. Stress na sa mga makukulit na bata. “Bumalik na kayo! Magkaklase na!”

Nagsitakbuhan si Gege at Junjun sa loob. Kumakalabog nang mabilis ang dibdib. Hinihingal, sumilip sila sa gilid ng bintana. Andoon pa rin si Nano, pinagsasabihan ni Ma’am Dimaguiba. Nagkatinginan si Gege at Junjun, sabay hagikgik.

•••••

HINDI TUMAGAL ang ngiting tagumpay ni Gege. Pagkarating sa bahay nila sa Tambunting, sa sala sa ikalawang palapag, ibinulgar ni Nano ang nangyari. Kung may natutunan man siya kay Gege, iyon ang paghihiganti kapag may nangtrip sa’yo.

“Hanap ka nalang ng ibang crush, ‘Ge. Marami rin naman akong gwapo na kaklase. Gitarista,” malumanay na sabi ni Sel, sinusuklay ang manika niyang kulay kahel ang buhok.

“Seryoso?!” humalagpak sa tawa si Junjun, pumapalakpak at hinahawakan pa ang tiyan. Tinapik niya sa balikat si Gege, “Don’t worry! May lunas ako!”

“Saan? Sa kabaliwan mo?!” pikon na sagot ni Gege. Masarap mag-ubos ng pasensya ng ibang tao, pero kapag pasenya na niya, ibang usapan na iyon.

“Hindi! Halika rito!” sinenyasan siya ni Junjun na ilapit ang tenga sa kanya. 

Nanlaki ang mata ni Gege. “Loko ka!” natatawang sabi niya at hinampas ang braso ng pinsan. “Lagot ka do’n!”

“Ako lang? Ikaw din! Kasabwat na kita kasi alam mo na! Unless… Isusumbong mo?” mahinang sambit nito.

Bahagya itong lumapit kay Junjun. “Patingin muna.”

“Uy~ Gusto gamitin!” sinundot-sundot niya ang gilid ni Gege.

“May suklay naman ako!” umiwas ng tingin si Gege. Tama bang gamitin niya ang suklay ni Ate Emang niya? Bukod sa magiging dragon ito kapag nahuli siya, baka may balakubak at kuto ang brush ng ate niya! Paano kung nasama rin ang langis ng buhok? Nakakakilabot. “At paano mo naman nakuha ‘yon? Ba’t ka nangigialam ng gamit ng babae! Bastos ka!” duro ni Gege kay Junjun.

“Pangalan nga niya mismo bastos. Junjun,” halakhak ni RJ, bunsong kapatid ni Junjun. “Ano ba kasing kinuha mo at nasabihan kang bastos? Hm?” naningkit ang mata ni RJ.

“Secret na namin ‘yon! Halika na ‘Ge!” tumayo si Junjun mula sa sofa at hinatak si Gege sa ibaba, palabas ng bahay. Hiwalay ang kanilang tirahan sa bahay ng pamilyang Estella. Nasa likod ito ng kanila Gege. Sa labas pa ang pintuan ng tirahan nila, hindi gaya nung kanila Gege na nasa tabi ng entrance ng bahay, katapat ng pa-L na hagdan. 

Sumalubong ang mapanghing amoy ng aso pagkabukas ng pinto. Maliit lang ang tirahan nila Junjun, parang isang kwarto lang. Nasa tabi ng entrance ang banyo at labahan. Sa loob, doon nakalatag ang higaan nila, katapat ng maliit na kusina. Sa ilalim ng counter nito, may kulungan ang alaga nilang aspin na si Potchi. Winagayway niyo ang buntot at paulit-ulit na tumahol. Malakas at matinis. Gustong salubungin ang isa sa mga amo.

Pumasok si Junjun. Nanatili si Gege na nakasilip sa labas. 

“Bruha! Pumasok ka!” tawag ni Junjun, may dinudukot sa bag niyang pang-eskwela. Kanina niya pa dapat ito ipapakita kay Gege. Nawala sa isip niya dahil natambakan ng pagkain sa bag niya. Linamon ang utak niya ng gutom. Isabay pa ang kagustuhang umuwi dahil nakaantok ang mga lessons nila.

“Ayoko!” Sa bahay ng kaniyang mga tiya at tiyo, ang tirahan nila Tiya Lita na nanay ni Junjun ang hindi niya madalas binibisita. Hindi siya sanay sa presensya ng aso, lalo na ng amoy nito. Nakakulong naman ang aso. Pero paano kung biglang nakatakas at kagatin siya? Nakakakilabot isipin, lalo na ang sandamakmak na injections na makukuha niya. Mas mainam nang maging maingat.

“Duwag!” asar ni Junjun. Pinakaramdaman niya ang bawat gamit na nahahawakan niya sa bag. Halo-halo na ang mga andito. Magulo. Kapag may kailangan, basta dukot na lang. Kapag hindi madukot, manghihiram sa kaklase. Mabuti na lang at madaling malaman kung alin ang kailangan niya. Kahit hindi niya nakikita, alam niya agad na iyon ang kailangan.

“Tada!” linabas ni Junjun ang isang kulay rosas na hairbrush sa bag niya.

Halos mahulog ang panga ni Gege. Totoo nga na nasa kanya ang nawawalang suklay ng Ate Emang niya! Noong una, akala niya ay nagbibiro lang ang pinsan. Paano naman niya makukuha iyon kung laging nasa lalagyan at drawer ng ate niya? Maliban na lang kung naiwan na nakakalat sa labas.

“Ibalik mo na ‘yan kay ate!” Mas mainam kung matapos na ang walang-hanggang paninisi sa kanya ni Ate Emang niya. Binibigyan pa siya ng cold treatment. Wala naman siyang pakielam kung hindi siya pansinin ng ate niya. Ang ayaw niya, ang pakiramdam na may ginawa siya mali kahit wala.

Nanlaki ang mata ni Junjun “Katakot! Ikaw na!” Linapitan siya ni Junjun at linahad ang suklay.

“A-anong ako?! Ikaw ang nakakita, ikaw ang magbigay!”

“E, ikaw ang kapatid! Ikaw magbigay! O ‘di kaya pasimple mong ilagay sa kung saan sa bahay niyo!” 

“Bahala na siya! Nawala na niya, e. E’di sa’yo na!”

Binatukan ni Junjun si Gege. “Loka! Anong gagawin ko sa hairbrush na pink?! Mas kailangan mo nga kasi sinabihan kang bruha ng crush mo!”

“Hindi niya ako tinawag na bruha! At hindi ko na siya crush!”

Nagulantang silang dalawa sa malakas na hampas sa kahoy na pinto ng bahay nila Junjun. 

“Pst! Kayong dalawa! Manahimik na kayo! Ang gugulo niyo! Hindi na kayo nahiya sa mga kapit-bahay!” pabulong na sigaw ng isang pamilyar na boses.

Liningon ni Gege at Junjun ang bagong dating—si Tiyo Ryang. Tatay ni Junjun. Kauuwi lang sa trabaho. At dahil dumating na ang papa ni Junjun, hindi na niya pwedeng tawagin ng kung ano-ano ang pinsan. Baka mapagsabihan siya. Tawagin nanaman siyang masamang impluwensya kahit bruha rin naman talaga ang anak nila. Kung tutuusin, siya pa ang naimpluwensyahan.

“Ayan na si papa. Kunin mo na kasi para matapos na!” Hinablot ni Junjun ang palapulsuhan ni Gege at linapag ang hairbrush sa palad niya.

“H-hoy—!”

“Ano? Tapos na kayo?” singit ni Tiyo Ryang sa pagitan nila. “Inaantok na ako. Kung gusto niyo pa maglaro, sa labas niyo na ituloy,” binalingan niya ng tingin si Junjun, “pero tapos ka na ba maghugas ng pinggan? Ha?” 

Umiwas ng tingin si Junjun. Kinamot ang batok. “Haha. Hehe.”

Linipat ni Tiyo Ryang ang atensyon kay Gege. “Ikaw? Hindi ba’t magbabantay ka pa ng tindahan niyo?”

“O-opo. Paalis na nga po. Hehe.” Hindi na nakapagreklamo si Gege. Sinenyasan na rin siya ni Junjun na umalis na. Kahit gusto pang niyang mangatwiran, lumabas na siya. Hindi lang simpleng hairbrush ang binigay sa kanya ni Junjun, kung hindi responsibilidad at pagiging unang suspek kapag nahuli siya bigla.

Kaya dapat siyang maging maingat. Kung ipagdiinan ulit ng Ate Emang niya na siya ang may sala, ipagtatanggol niya ang sarili niya. Sasabihin niya ang totoo. Mapapahamak si Junjun, pero hindi naman siya tanga para akuin ang sala na hindi naman niya ginawa. 

•••••

SUMILIP SI Gege sa nakatabing kurtina sa pintuan patungo sa kanilang tirahan. Walang tao. Ipinaalam ni Bebe pagkasundo sa kanila na didiretso siya sa palengke, kaya pinatambay muna sila sa itaas. Si Piyot, wala sa tambayan ng mga manginginom sa kanto. Baka sinamahan si Bebe sa palengke.

Dahan-dahang pumasok si Gege sa loob, nakatingkayad para hindi makagawa ng ingay. Kumakabog ng mabilis ang dibdib niya. Nasa loob ng Spongebob niyang backpack ang hairbrush ni Emang. May kaunting sira pa nga. Nabawasan ang brush nito. Nagkaroon ng butas na masakit tingnan sa mata. 

“Si Junjun kasi! Hindi inaayos pagkalagay!” reklamo ni Gege sa isip.

Maingat niyang binuksan ang drawer ni Emang sa tapat ng kanilang salamin. Dugdug. Dugdug. Wala siyang kasalanan. Wala siyang ginawang masama. Wala siyang kinuha mula sa kapatid niya ng hindi nagpapaalam. Alam niya iyon, pero nakakakaba pa rin. 

Kapag nahuli siya. . . ano ngayon? Hindi naman niya kasalanan. Kung tutuusin, magpasalamat pa dapat ang Ate Emang niya sa kanya dahil binalik niya ang suklay. Mabuti rin na si Junjun ang nakahanap. Kaso, mas mainam na na hindi malaman ng Ate Emang. Mabubuhay ulit ang dragon kung siya ang makitang may hawak nito.

At kung sabihin niya ang totoo. . . paniniwalaan kaya siya? Dapat. Dahil pamilya sila. May tiwala sa isa’t isa. Kaya laking dismaya ni Gege nang hindi iyon ang mangyari. Bakit parang siya pa ang may sala?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro