Kabanata I
Manila 1990
"MAMAYA NA 'yan, Emang. Kumain ka na muna rito," sabi ni Bebe at tinuro ang bakanteng upuan sa tabi niya. Tatlo lang ang kasyang upuan sa kanilang bilog na mesa. Katatapos lang kumain nina Nano, Detdet, at Gege, kaya may pwesto na sila ulit sa mesa.
"Nakita niyo ba muna yung suklay ko?!"
Nagkatinginan si Nano at Gege, kinakagat ang labi para pigilan ang sariling tumawa.
"Mahahanap mo rin 'yan mamaya. Kumain ka muna. Anong oras na, o." Hinanda ni Bebe ang kanin at ulam ni Emang.
"Hehe. Napagalitan nanaman si ate," bulong ni Gege sa dalawang kapatid.
"Tsk!" irap ni Emang sa ere.
"Mahalaga ba talaga 'yang suklay mo? 'Di bale. Kung hindi na natin mahanap, bibilhan na lang kita ng bago kapag may extra sa kita ng tindahan," sabi ni Bebe. Hindi pa rin nawala ang pagsalubong ng kilay ni Emang.
"Great idea! Hindi tumitigil ang buhay dahil lang nawala ang bagay na mahalaga sa'yo!" makahulugang sabi ni Piyot. Humigpit ang hawak ni Bebe sa tinidor. Kung ano-ano kasi pinagsasabi ng asawa.
"Hindi na kailangan. Baka may nagnenok nanaman. May nagnenenok nga ng sitsirya sa sari-sari store, yung suklay ko pa kaya?" pagtataray ni Emang. Linakasan niya ang pagtama ng kutsara't tinidor sa plato. Gano'n katindi ang inis niya.
"Hala? Nagpaparinig? Kung saan-saan—"
"Gege! Emang! Oras ng pagkain, 'wag kayo magtalo!" suway ni Bebe. Kanina niya pa sinusubukang huminahon, pero paulit-ulit na sinusubok ang pasensya niya.
Sa sulok ng sofa, nanonood sa kanilang magtalo, tinakpan ni Nano ang magkabilang tainga niya gamit ang palad. Hinamas-himas ni Detdet ang kaniyang likod. Gusto man niyang pagsabihan ang mga kapatid, hindi niya magawa. Lalala lang kapag nakisali pa siya sa gulo ng pamilya. Tutulong na lang siya sa paghahanap ng suklay kapag huminahon na si Nano.
Salungat iyon kay Gege. Ano naman ang pakialam niya sa suklay ng ate niya? Responsibilidad niya 'yon. Bakit kailangan pang idamay ang pamilya sa paghahanap no'n? Nagpeace sign siya sa Ate Emang niya at ipinagpatuloy ang pagsagot ng takdang-aralin. Ramdam pa rin niya ang matalim na tingin ng ate, pero hindi niya na pinansin. Good vibes lang dapat.
"Tingnan mo Ate Gege mo, masipag gumagawa ng sariling assignment," birong parinig ni Detdet kay Nano na dahan-dahan nang inalis ang kamay sa tenga.
Nginusuan ni Nano si Detdet. "Hindi naman assignment ginagawa niyan."
"Personal assignment ko 'to!" sagot ni Gege. Maganda na sana ang imahe niya. Sinira lang ni Nano.
"Alam mo magandang personal assignment? Hanapin suklay ni Ate Emang," hagikgik ni Nano.
Pabirong umirap si Gege. "Hayaan mo siya. Bakit kasi hindi iniingatan ang gamit. Buti pa ako!" pagmamalaki niya. Mahalaga ang suklay na 'yon kay Emang, kaya nagtataka siya kung bakit iniiwan lang kung saan-saan. Ang mas nakakataka, bakit laging may hawak na suklay ang Ate Emang niya?
●●●●●
"HUMINGI KA ng paumanhin sa Ate Emang mo," sabi ni Bebe kay Gege na nagbibilang ng barya. Dalawa na lang sila sa sala, nasa kwarto na ang iba. Naiwan sila para isarado ang sari-sari store at i-record ang kinita nila buong araw.
Umangat ang kilay ni Gege. "Paumanhin? Para saan? Hindi naman ako ang kumuha ng suklay niya," katwiran niya. Nanahimik lang naman siya, ginagawa ang personal assignment sa notebook niya. Kung magsasalita naman siya, iyon ay dahil nais niyang mang-asar.
"Inaasar mo siya kanina. Ate mo pa rin siya. Kung mang-aasar ka, sa mga batang pinsan mo na lang o kay Nano," hininaan ni Bebe ang pagbanggit kay Nano.
Napanguso siya. Labag man sa kalooban, gagawin niya na lang. Be the bigger person, ika nga nila. Bukas niya na gagawin. Mahimbing na ang tulog si Emang. Kapag ginising, baka maging dragon.
Pumasok na siya sa kwarto pagkatapos bilangin ang kita. "Kung hindi siguro sumigaw si Ate Emang kanina, hindi matatakot bumili ang mga kapit-bahay, e'di mas mataas sana kita," isip niya. "Pero mas mainam na atang nawala yung suklay niya. Baka sakaling tumulong na rin siya sa tindahan," dagdag niya.
Think positive lang dapat. Dalawa lang sila ng Ate Detdet niya na nagbabantay sa tindahan pagkatapos ng klase. Kasama rin naman nila si Nano kaso nanggugulo lang. Inaaya silang makipaglaro kanila Jes, isa sa mga pinsan nila, imbis na gumawa ng assignment o magtinda. Hindi niya naman tipo 'yon, bukod na lang kung mang-t-trip sila ng ibang bata gaya ng ginagawa nila ni Junjun.
Hi, DiarY!
Sad ako today :(((. Waw, english??? Inis nanaman sa'kin si Ate Emang, pinagbintangan na ako raw kumuha ng suklay niya. HellOo??? Bakit ko nanaman kukunin ang suklay niya puro balakubak niya??? Ewwww. May sarili naman akong suklay, simple ngA lang kumpara sa brush niyang puro glitters. Kyut nga perO pramis, hindi talaga akO yung nagnenok. Hindi naman 'yon hany o ̶c̶h̶i̶̶z ̶i̶t ̶c̶h̶e̶e̶̶z̶i̶t chEeze it para kUhanin ko. OkEy lang naMan daW kumUha kami sa tindahan sabi ni papa. Da best talaga siya. 'Wag lang daw kami mahuli ni mama. Hehehehe. Soweeee.
̶E̶k̶s̶i̶̶t̶r̶e̶d ̶E̶x̶i̶t̶e̶d Basta, diary! Nananabik akO na pumasok na sa skul bukas!! Makikita kO na si kraSh <3. Dapat preetY ako. Hihihi—
"Gege! Matulog ka na! Lalabo mata mo niyan!" sigaw ni Piyot nang mapansin ang liwanag ng flashlight sa gilid. Iisa lang naman ang anak niyang nag-iilaw sa gabi para magsulat sa diary—si Gege. Minsan na niyang sinubukang buklatin ito nang mahuli siya ni Bebe at pinagsabihan. Privacy daw.
Pasimpleng humilik si Gege at tinago ang diary at flashlight sa ilalim ng unan. Sa panaginip na lang niya dadalawin ang napupusuan niya—pero iba ang dumalaw sa kanya.
"Sorry, Ate!" yumuko si Gege sa harap ni Emang. Hindi siya dinapuan ng tingin nito at nagsuklay lang sa harap ng salamin. "Ate, sorry nga!"
Kailangan niya talagang humingi ng paumanhin. Bukod sa utos sa kanya ni Bebe, binangungot siya kagabi. Binugahan siya ng apoy ng isang dragon. Hindi lang basta dragon, si Ate Emang niya na dragon! Mas nakakatakot! Mas mabagsik! Mas nakakabaliw dahil may hawak na suklay ang dragon!
"Tsk," irap ni Emang at umalis sa pwesto.
"Sungit," bulong ni Gege sa sarili. Pagkaangat niya ng tingin, tumama ang mata niya sa repleksyon sa salamin. Ngumiti siya. Pinisil ang pisngi. Ngumuso. Nagpeace sign. Nagheart sign. Aakalain mong isang childstar model.
"Baliw!" tawa ni Nano at tinulak si Gege paalis sa harap ng salamin. Imbis na gayahin si Gege, ginaya niya si Emang na nagsusuklay. Imbis na suklay, kamay niya ang ginamit niya. Humagikgik sila ni Gege.
"'Wag niyong asarin ate niyo. Buti nga siya, palaayos sa sarili," sabi ni Bebe. Inaayos niya ang agahan ng mga anak sa hapagkainan. Itlog at kanin, sinamahan ng mainit na tsokolate.
"Maganda na naman ako. Hindi na kailangan," nagflip ng buhok si Gege, nakangisi.
"Mamaya na 'yan, Gege at Nano. Kumain na kayo. Baka malate kayo," paalala ni Bebe. Nag-unahan si Gege at Nano sa upuan. Bumelat si Nano nang siya ang mauna. Inirapan siya ni Gege.
Sabay din silang naligo pagkatapos kumain. Binantayan pa sila ni Bebe dahil baka maaksidente. Bata pa sila. Mas mainam maging maingay. Tinulungan din niya ito sa pagsuot ng kanilang uniporme, pinulbo ang likod, at linagyan ng bimpo. Bago umalis, tinali din ni Bebe ang buhok ni Gege. Half pigtails. Mas kyut daw kasi.
Maliit na backpack ang bag ni Gege. Spongebob ang disenyo. Nainggit pa nga si Nano dahil Barbie ang sa kanya, hindi naman iyon ang hilig niya. Si Patrick Star ang gusto niya. Tuwing ala-singko ng umaga, tawa ni Spongebob at ang malalim na boses ni Patrick ang kanilang kinagigiliwan. Isama na rin ang pagiging masungit ni Squidward at ang pagkagahaman ni Mr. Krabs.
"Bagay talaga sa'yo si Spongebob. Magkamukha kayo," biro ni Nano paghatid sa kanila ni Bebe sa eskwela. "Ta's sabi pa ni papa, parehas kayo ng tawa! Ha Ha Ha!" gaya niya sa tawa ni Spongebob.
"Heh! Inggit ka lang kasi Spongebob peyborit mo pero sa'kin binigay!" belat ni Gege. Kapag ang batang kapatid ang kasama, nawawala ang sinasabi niyang maturity na meron siya.
"Sabi kaya ni papa binili niya yung Barbie sa'kin kasi kamukha ko raw!" sagot ni Nano.
"Kamukha? Sa'n banda? Bangs lang ang pagkapareha niyo!" Tinuro ni Gege ang bangs ni Nano na halos umabot na sa mata. Hindi niya pa napapagupit sa Mama Bebe nila. Busy pa sa sari-sari store at sa paggawa ng basahan para sa tindahan ng Na'y Sol nila, ang kanilang Lola. "Buhaghag at maiksi pa ang buhok mo. Yung buhok ni Barbie, mahaba at straight!" dagdag ni Gege.
"E'di ikaw na maganda ang buhok!" inis na sabi ni Nano.
"Talaga!" naghairflip ulit si Gege. Kagaya kay Nano, maiksi rin ang buhok niya. Hanggang balikat. May bangs siyang hanggang kilay. Hindi pantay ang gupit. Siya kasi mismo ang gumawa dahil gusto niyang maging independent woman. "At hindi lang buhok ang maganda sa'kin, ako rin mismo! Maganda at matalino!" pagmamayabang niya.
Madalas marinig ni Gege na mukha siyang manika. Mistisa at matangos ang ilong. Parang anak ng foreigner. Kinagigiliwan siya ng mga nasa Tambunting dahil doon, pero kwento na lang iyon ng kahapon. Sa hilig niyang subukin ang pasensya ng mga nasa paligid, lalo na ng mga tsismosang kapitbahay, naiinis na sila sa presensya niya. Haters gonna hate.
"Kaya ka crush ni Chokoy, e!" ngisi ni Nano. Kaklase 'yon ni Nano na na-love at first sight kay Gege.
"Ew! Ayoko sa bata! Grade 4 palang siya! Ta's ambantot pa ng pangalan!" Kung may magugustuhan siya, dapat mas matanda sa kanya, mas mature, mas matangkad, mas matipuno, gwapo, at higit sa lahat, maganda ang pangalan. Hindi pasado ang Chokoy Batumbakal. Kapag naging mag-asawa sila, e'di naging Grace Batumbakal?
"Dela Cruz!"
Napalingon si Gege at Nano. Tumayo ng tuwid si Gege at sinuklay ang buhok. Sumabit pa konti dahil nabuhol agad ang dulo, kaya hinatak niya para dumaretso. Mahina niyang sinampal ang magkabilang pisngi para mamula ito. Blush on. Bahagya niya ring ipinakita ang bag niyang Spongebob sa direksyon ni Dela Cruz. Paborito kasi ito ng mga lalaki niyang kaklase kaya inaasahan niyang paborito rin ito ni Dela Cruz.
Tumakbo si Dela Cruz patungo sa kay Gege—sa imahinasyon niya. Hindi naman siya kilala nito. Sino ba naman siya? Wala. Isang simpleng tao lang. Anak ng may-ari ng Bebe's Sari-Sari Store. Anak ng isa sa mga lasingero sa Tambunting. Ikatlo sa magkakapatid kung saan siya ang pinakamatino.
"Tignan mo yung babae do'n. Ang gulo ng buhok. 'Di ata nagsusuklay," sabi ng kasama ni Dela Cruz at nginuso ang direksyon kung saan nakatayo sina Gege. Liningon ni Gege si Nano at tinawanan ito.
"Sino? Yung maputi?" si Dela Cruz.
"Ikaw pala, e," asar ni Nano. Maputi rin naman siya, pero hindi kasing puti ni Gege na kapansin-pansin.
Yinukom ni Gege ang kamao. Siya? Magulo ang buhok? Parang hindi nagsusuklay? Kakasuklay niya lang kanina! Gamit ang kamay. Nakatali rin ang buhok niya. "Gumulo ba yung pagkatali nung sinuklay ko?"
Umihip ang malakas na hangin sa eskwela. Humampas ang ilang hibla ng buhok ni Gege sa mukha niya. Aalalahanin niya ang araw na ito. Mula ngayon, wala na siyang gusto kay Dela Cruz. Hindi rin naman bagay ang apelyido niya sa pangalan niya. Magmumukha siyang asawa ni Juan Dela Cruz. At bilang paghihiganti. . . magsusuklay na siya! Hindi gamit ang kamay!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro