HIS HEART
Sa kaharian ng matchmakers ay hindi na magkamayaw ang mga kupido. Sa araw kasing iyon ay ipuputong ang korona sa hihiranging susunod na magaling na kupido. Hindi lamang korona ang makakamit bagkus ay gagantimpalaan din ng isang ginintuang kahilingan. Kung saan idinaraos lamang iyon, isang beses sa isang taon.
Nang makita siya ni Pandarus ay nagmamadali itong tumakbo papunta sa kan'ya. "Kanina pa kita hinahanap, Eros."
"May problema ba?" naguguluhan niyang tanong.
Pabiro naman siya nitong tinapik sa kan'yang pakpak. "Usap-usapan sa palasyo na ikaw ang hihirangin."
Naiwas na lang ni Eros ang kan'yang tingin. Matatawag ba siyang hangal kung kahit kailan ay hindi niya inasam na hirangin bilang magaling na kupido?
Magpa-hanggang ngayon ay hindi niya pa rin matukoy kung ano nga ba talaga ang gusto niya. Masaya siyang nagagawa ang misyon, ngunit ni hindi sumagi sa isipan niya na hangarin ang korona.
Nakuha ang atensyon nilang lahat nang pumagaspas ang isang malaking pakpak. Nagdala iyon nang malakas na hangin na nakagpapikit sa mata ni Eros. Nang muli niyang imulat ang mga mata ay nakaupo na sa ginintuang trono ang kanilang Diyosa. Lahat sila ay natahimik at yumukod sa harapan nito.
Gamit ang horn ay inanunsyo ng Diyosa ang tinanghal na magaling na kupido. Narinig ni Eros ang pagsinghap ng katabi at ramdam ang mga matang nakatingin sa kan'ya. Hindi dahil ang pangalan niya ang natawag, kung hindi dahil nasa kan'yang tabi ang hinirang na magaling na kupido.
Hindi pa rin natitinag sa kan'yang tabi si Pandarus. Habang siya ay tila nabunutan ng tinik sa dibdib. Mali mang maramdaman ngunit ipinagpapasalamat niya na hindi siya ang hinirang.
***
Sa mga sumunod na buwan ay naging mahirap ang misyon ni Eros. Kaya pagod siyang nakabalik ng palasyo. Ngunit tila nagising ang kan'yang diwa nang makitang nagkakagulo ang mga grupo ng kupido. Nang mahagip ng kan'yang tingin si Pander ay hinawakan niya ito sa braso at pinahinto.
"Anong nagaganap?" nakikiusyoso niyang tanong.
"Nahanap na nila si Amor."
Nangunot ang kan'yang noo. Si Amor ang naunang tinaguring magaling na kupido, kasunod si Pandarus. Magtatanong pa lamang sana siya sa bagay na iyon ngunit nagmamadali nang naglakad paalis si Pander.
Wala na siyang nagawa pa kung hindi ang sumunod na lamang sa iba pang mga kupido na papunta sa bulwagan. Nang makitang naroon ang kanilang Diyosa ay sabay-sabay silang yumukod.
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa," panimula ng Diyosa. "Sa susunod na hihiranging magaling na kupido ay hindi na maaaring makakamit ng ginintuang kahilingan. Ito ang aking batas na kailanman ay hindi na magagawang baliin ng kung sino man."
Sa kauna-unahang pagkakataon, noon lang naramdaman ni Eros ang kabahan nang marinig ang anunsiyo ng Diyosa.
***
Disyembre at malamig ang huling buwan ng taong iyon. Napangiti si Eros nang malaglag ang isang dahon sa kan'yang palad. Nang tingnan niya iyon ay isang pangalan na lamang ang nakaukit doon. Maaga niyang natapos ang ibang misyon dahil pinaghahandaan niya ang araw na iyon. Lalo na't ang huling misyon niya sa taon na iyon ay isang babaeng sakit sa kanilang ulo – babaeng hindi marunong magmahal.
Pagpihit niya patalikod ay si Amor ang nabungaran niya na ikinalaki ng kan'yang mata. Hindi dahil matagal na itong pinaghahanap. Kung hindi dahil ang postura nito ay isa nang mortal.
"Amor," hindi makapaniwalang nasambit niya. "Matagal ka nang ipinapahanap ng Diyosa," imporma niya rito.
"Alam ko," sagot nito. "Kaya nandito ako para magbalik loob sa kan'ya para sa kalayaan ng taong mahal ko."
"Anong ibig mong sabihin?" nagtataka niyang tanong.
"Babalik muli ako bilang kupido. Para aking masagip ang taong mahal ko."
Iyon lamang ang sinabi nito at tuluyan nang tumayo. Ngunit ilang hakbang din ay tumigil at humarap sa kan'ya. "Huwag kang gumaya sa akin, Eros. Kapag natagpuan mo siyang muli ay gawin mo ang lahat, manatili ka lang sa tabi niya."
***
Dala pa rin ni Eros sa kan'yang isipan ang sinambit ni Amor habang sinusundan ang arrow signal sa love detector. Nang ituro no'n ang babaeng nakaupo sa bench, ilang layo lang sa kan'ya ay tumigil na si Eros sa paglipad at umapak sa sahig. Kaharap ng upuan nito ang lalaking itinuturo rin ng love detector.
Akmang papanain na niya ang dalawang taong magkapareha nang lumingon sa gawi niya ang babae. Babalewalain niya na sana ito nang maramdamang tila nakatitig ito sa kan'yang mga mata. How could that happen if he's a cupid that the ordinary person should not see?
Napahawak si Eros sa kan'yang dibdib nang sa kauna-unahang pagkakataon ay tumibok ang kan'yang puso.
"Eros."
Natigilan siya nang tawagin nito ang kan'yang pangalan. Noon niya lang din napansin na nasa harapan na niya ang babae.
"Nakikita mo ako?" hindi makapaniwalang tanong niya.
Tumango-tango ito. "Alalahanin mo ako, mahal ko. Alalahanin mo kami," anito saka tinawag ang batang babae na nasa limang taong gulang.
Unti-unting napalayo si Eros. Tanging ang babae lamang ang nakakita sa kan'ya at hindi ang anak nito. Balak na sana niyang talikuran ang dalawa nang kusang tumulo ang kan'yang luha at nagbalik ang isang magandang alaalang nalimot niya.
"Magkakaanak na tayo, Eros," ani Angel habang sapo nito ang hindi pa kaumbukang tiyan. "Mortal ka na kaya hindi mo naman na kami iiwan, hindi ba? Tama naman ako, hindi ba, Eros?"
Hindi mahanap ni Eros ang sariling boses para sagutin ang kan'yang mahal. Bagkus lumuhod siya sa harapan nito at inilapat ang kan'yang tainga sa tiyan nito.
"Hindi pa siya sisipa, Eros. Tatlong linggo pa lamang akong buntis," nangingiti nitong pahayag.
Nang dahil sa sinabi nito ay tumayo siyang muli at hinalikan ang noo nito. "Aalis na ako, mahal ko. Pangako, babalik din ako."
Ramdam niya sa mahigpit nitong hawak sa kan'yang braso ang takot na nararamdaman nito. Ngunit mabilis na niyang tinanggal ang kamay nito at walang lingon-likod na umalis.
Sa puno ng mga misyon ay nagpunta si Eros, doon ay natagpuan niya ang Diyosa. Mababakas ang pagkamuhi sa mga mata nito. "Hindi ko akalaing dadating ka sa punto na mas pipiliin mong maging mortal para lamang makapiling ang babaeng iyon, Eros."
Mabilis siyang lumuhod sa harapan ng Diyosa. "Gagawin ko ang lahat para lang hayaan mo nang malaya kaming magsama."
Ngumiti ang Diyosa. "Kung ganoon, kalilimutan mo ang iyong mag-ina sa loob ng limang taon, Eros."
Bago pa makahuma si Eros ay kumumpas na ang kamay ng Diyosa.
***
Matapos ang tagpo nang pagkikita nila ni Angel ay muling bumalik si Eros sa palasyo. Doon ay nakita niya si Amor at Parandus na nasa magkabilang gilid ng Diyosa.
Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at lumuhod sa harapan ng Diyosa. "Nagawa ko na po ang inyong pinag-uutos. Nagawa kong kalimutang ang aking mag-ina sa loob ng limang taon. Hindi po ba panahon na para hayaan niyo naman akong maging malaya, kasama sila?"
"Lapastangan!" umalingawngaw ang boses ng Diyosa.
"Alam kong isang kahangalan ang aking sinasabi, Mahal na Diyosa. Ngunit handa akong maghirap sa mga susunod na taon, kung ang kapalit no'n ay ang kalayaan ko kasama ng mga taong aking minamahal."
"Ikaw na sana ang hihirangin ko bilang isang magaling na kupido. Paano mo nagawang ipagpalit kami, Eros?" may bahid na galit pa rin ang boses ng Diyosa.
"Hindi ko kayo kailanman ipagpapalit, Mahal na Diyosa. Hindi man din ako hirangin ay mananatili sa aking puso na isa akong kupido na palaging sumasamba sa inyo."
Nang humagupit ang malakas na hangin ay naipikit ni Eros ang kan'yang mga mata. Naimulat niya lamang iyon nang may yumakap sa kan'ya. Saka niya nakitang nandoon na siya sa dati nilang tirahan ni Angel. Ang tahanang binuo nila, ilang taon na ang nakararaan.
"Eros. Nagbalik ka."
Matamis siyang napangiti at niyakap pabalik si Angel.
Hindi man siya ang hinirang na magaling na kupido. Ngunit sa ibinigay na isa pang pagkakataon sa kan'ya ng Diyosa na mamuhay bilang isang mortal. Ipinapangako niyang gagawin ang lahat magampanan lamang ang pagiging magaling at mapagmahal na asawa't ama.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro