Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 9

Nagpatuloy ang madugong sagupaan ng USAFFE sa mga manlulupig na Hapon. Sinubukan ng mga Hapon na makapasok at masira ang linya ng mga Sundalo ngunit sila ay nabigo dahil sa paninindigan at kagitingan ng buong hukbo na panatilihin ang pagdepensa sa Bataan anuman ang mangyari. Maraming sundalong Filipino at Amerikano ang nasawi sa unang bakbakan pero marami rin ang nalagas sa pwersa ng mga Hapon, dahil dito napagpasyahan nilang umurong muna sa digmaan at naiwan ang mga sundalo sa kanilang frontlines. Nagkalat ang dugo at mga bangkay sa Probinsya ng Abucay.

***

Hindi makapaniwala sa mga naganap ang mga bagitong mandirigma, nakangiting hinawakan ni Gabriel ang kanyang katawan at braso na nakaligtas sa mga tama ng baril at granada. Kinurot niya ang kanyang sarili upang malaman kung bahay pa ba siya o panaginip lang ang naganap na sagupaan.

"Buhay nga ako, wala akong tama, wala akong daplis," umabot sa tenga ang ngiti ni Gabriel.

Nakita niya ang kaibigang si Benito na hanggang ngayon ay nagtatago pa rin sa kanyang trintsera.

Nilapitan niya ang kaibigan, "Benito, buhay ka pa."

Lumabas si Benito sa kanyang trintsera, "ikaw rin."

Natuwa na ang matatakutin na binata at sila ay nagtawanan, "buhay pa tayo! Wala na ang mga Hapon, napaurong natin sila. Nanalo tayo."

Maging ang ibang mga sundalo ay nagbunyi rin sa kanilang pansamantalang tagumpay. "Talo ang mga Hapon, hindi nila tayo napagpbagsak! Mabuhay ang Pilipinas!"

Habang sila ay nagkakasayahan, tahimik namang nakatayo si Sgt. Bal na parang isang istatwa, hindi maipinta ang kanyang mukha.

"Huwag muna kayong magbunyi," paalala niya, "hindi pa tayo nananalo, at kahit na maubos pa natin ang mga Hapon, walang sinuman ang nagwawagi sa pakikidigma. Asahan niyo ang kanilang pagbabalik, nagsisimula pa lamang ang giyerang ito."

***

Nagtungo ang sarhento sa trintsera kung saan huli niyang namataan si Juan, hanggang ngayon nakaupo pa rin ang binata, tulala at malayo ang tingin sa paligid.Hinablot ng sarhento ang kanyang uniporme na kanyang ikinagulat.

"Ano sa tingin mo ang ginawa mo kanina?" nanlalaki sa inis ang mga mata ni Sgt. Bal.

"Sarge, ano pong-"

"Ang ginawa mong pagsugod mag-isa kanina sa mga Hapon," hindi na pinatapos ng Sarhento sa pagsasalita si Juan. "Tingin mo ba tama iyon?"

"Wala po akong kailangang paliwanag," paninindigan ni Juan, "ginawa ko lang kung ano ang nararapat kong gawin, ipinaghihiganti ko lang ang aking pamilya pati na rin ang aking mga kasamahan na walang awang pinatay ng mga hayop na Hapones!"

"Hindi ka na ba talaga nag-iisip?" patuloy na panenermon sa kanya ng Sarhento, "You crossed the line, Soldier! Isang malaking pagkakamali at kapabayaan ang ginawa mong paglusob ng mag-isa, inilagay mo lang sa panganib ang iyong buhay. Sa tingin mo ba makakaya mong paslangin lahat ang ilang dosenang Hapon at para saan? Magpapapatay ka lang para sa galit at paghihiganti? Kahit ilang libong Hapon pa ang mapatay mo, hindi mo na maibabalik ang buhay ng ina, kapatid at pamangkin mo! Naiintidihan ko ang nararamdaman mo, hangad mo ay hustisya, masakit ang mawalan ng mga mahal sa buhay pero hindi sapat na dahilan iyon upang magpadalos-dalos ka! Kanina, hindi ko maipaliwanag ang nakita ko sa'yo, larawan ka ng isang taong nilamon na ng poot at pagkamuhi! Huwag mong hayaang sirain ka ng iyong galit, kung magiging isang mabagsik na halimaw ka lang rin, ano ang pinagkaiba mo sa mga Hapon? Hindi kita hinasa para maging marahas!"

"Marahas?" Ibinalik ni Juan sa Sarhento ang tanong. "Sa inyo pa talaga nanggaling iyan, sa isang sundalong kagaya niyo. Lahat naman ng sundalo ay gumagamit ng dahas, hindi po ba? Ano ang ipinagkaiba ko sa inyong lahat? Ang ginawa ko kanina, kahit sinong sundalo ginagawa rin iyon, lahat naman tayo rito pumapatay!"

"Oo," matuwid na isinagot sa kanya ng Sarhento, "pumapatay ako, kasama iyan sa
aking tungkulin bilang isang sundalo, iyan ang trabaho ko at ng aking ama at ng mga nauna sa akin, pero sa tingin mo ba gusto ko ang ginagawa ko?  Na nasasayahan ako tuwing may buhay akong kinikitil? Oo nga, ang pagiging sundalo ang naging buhay ko pero kung ako ang papipiliin, mas nanaisin kong mabuhay sa isang mundong hindi na nangangailangan ng Sundalo, sa isang mundo kung saan ang lahat ay nagmamahalan, nagkakaintindihan at nagkakaisa. Alam kong imposible ang aking kagustuhan, hindi lahat ng hinahangad natin ay ating makukuha. Ang giyera ang sumpa ng sangkautahan, parte na ito ng kasaysayan gaya ng pagiging bahagi ng kamatayan sa buhay ng isang tao."

Natahimik si Juan sa mga sinabi ng Sarhento, tinalikuran siya ni Sgt. Bal na nangingilid na ang mga luha sa kanyang mga mata.

"Tama ang mga sinabi mo kanina, madalas ko iyang marinig sa mga tao," pagpapatuloy niya, "tingin nila sa aming mga sundalo, wala kaming alam gawin kundi ang mag-utos at sumunod ng utos, ang pumatay at magpapatay. Hindi nila alam na may puso rin kami, na mga tao rin kami na nasasaktan tuwing may kailangan kaming paslangin. Juan, hindi kami nakikipaglaban dahil sa kinamumuhian namin ang aming mga kalaban, nakikipaglaban kami para sa mga taong nasa likuran namin na patuloy na umaasa sa aming proteksyon. Ito ang gusto kong maunawaan mo. Makipaglaban ka para sa Pilipinas, para sa ating mga Pilipino. Umaasa sila sa atin."

Umalis ang Sarhento bago pa makasagot si Juan at naiwan siyang napapaisip, tumatak sa kanya ang bawat salitang binitawan ng Sarhento.

Tama nga kaya siya? Totoo kayang nilalamon na nga ako ng aking galit sa mga Hapon?

***

Marami ang sugatan at napinsala sa labanan, kaya naman naging abala ang mga Sundalong Mediko sa mga kasamahang natamaan ng bala, nasaksak ng bayoneta at nasabugan ng granada. Ang ilan sa kanila ay naputulan ng braso at binti, ang iba naman ay nalapnos ang balat ng dahil sa mga bomba at flamethrowers, marami-rami rin ang hindi pinalad na makaligtas sa kanila. Maswerte naman ang ilan na galos lang sa braso, balikat at binti ang tinamong sugat.

Ginamot ni Jason ang saksak ni Alfredo sa braso, pagkatapos ay binendahan ito at isinabit ang kanyang braso.

"There, just a few days rest and your wounds will be fully healed", saad ng Amerikano sa kanya.

"Thank you," sagot ni Alfredo sa Amerikano, tinapik niya ang braso nito bilang pasasalamat.

"Kamusta ka naman, kuya?" Kalmadong tanong ni Maximo sa kapatid.

"Ito, ayos naman," sagot niya, "malayo sa bituka, ilang araw lang gagaling na to."

"Buti naman," sagot ni Maximo, "kuya, bakit mo pa ako niligtas? Hindi ba sabi ko kaya ko na ang sarili ko, bakit mo pa iyon ginawa?"

"Dahil kapatid kita," mahinahong isinagot ng kanyang kuya.

Hindi nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Maximo, "kapag nalaman ito ni Itay, tiyak na sisisihin niya ako dahil napahamak ang kanyang paboritong anak, hindi mo na dapat ginawa iyon."

"Tama na, Maximo!"

bahagyang lumakas ang tinig ng kanyang kuya, "alam ko noon pa man, may inggit ka na sa akin, tingin mo ako ang mas mahal ni Inay at Itay, balewala sa akin iyon, kahit ilang beses mo pa ako pagbawalan, paulit-ulit ko pa ring gagawin iyon dahil kapatid kita at mahalaga ka sa akin. Hindi naman sa panunumbat, kung hindi kita sinagip, baka isa ka na sa mga malalamig na bangkay na nakakalat sa damuhan ngayon. Sana naman magpasalamat ka na lang at makita mo ang lahat ng ginagawa ko para sa'yo."

Nilayasan ni Alfredo ang kapatid sa pagkadismaya.

***

Inalalayan naman ni Benito at Gabriel ang sugatang si Eusebio na may tama ng baril sa kanyang braso.

"Bilisan niyo, ang sakit na!" utos ng binata sa magkaibigan. "Kaninong mediko niyo ba ako dadalhin?"

"Basta," tugon sa kanya ni Gabriel, "mabait ang gagamot sa iyo."

Nagulat si Eusebio nang malaman niyang dadalhin pala siya ng dalawa kay Jason Woods.

"He...need...help," sinubukan ni Benito na ayusin ang kanyang pag-iingles.

"Of course, bring him here," hindi nagdalawang-isip ang Amerikano na gamutin si Eusebio kahit na pagod na siya sa panggagamot sa mga sundalong Filipino pati na rin sa kanyang mga kababayan.

Hindi magawang tignan ni Eusebio sa mata ang Amerikano habang siya ay ginagamot nito, naalala niyang sa kanya ang nahulog na wallet na kanyang pinulot at tinago.

***

Maging ang tigasing si Frederico ay hindi rin nakaligtas sa armas ng mga kaaway, inalalayan siya nila Rodolfo, Raul at Cito patungo kay Jason.

"Hindi," sagot ni Frederico nang malamang ang Kano ang manggagamot sa kanya, "hindi ako magpapagamot sa isang Kano kahit anong mangyari, mas gugustuhin ko pang mabulok na lang ang sugat ko."

"Ano ka ba naman, Frederico?" sagot ni Rodolfo. "Abala na ang ibang mediko, sa kanya na lang tayo maaaring humingi ng tulong."

"Oo nga," dagdag ni Raul, "isa pa, tayo-tayo lang rin naman ang magtutulungan dito kaya tara na."

Walang nagawa si Frederico kundi sundin ang payo ng kanyang mga kaibigan, labag man sa kanyang kalooban, nagpagamot siya sa Amerikanong Mediko.

Habang pinapahiran ni Jason ng gamot ang kanyang sugat sa balikat, napahiyaw si Frederico na parang isang batang tinutulian. "Aray ko! Ang sakit! Dahan-dahan naman ang panggagamot mo sa akin Kano ka!"

Hindi niya pinag-aksayahang kausapin sa ingles ang Amerikano at sa tingin niya naman, hindi nito naiintindihan ang kanyang mga sinasabi.

"Just hold still, don't move or you'll make it worse," payo ni Jason sa mareklamong Sundalo.

"Anong sabi niya?" tanong ni Raul.

"Hindi ko alam," sagot ni Cito, "mukha ba akong diksyonaryo?"

Pagkatapos magamot si Frederico, nakasalubong niya sa kanyang dinaraanan sina Juan, Alfredo, Benito, Gabriel at Eusebio. Nagtagpo ang mga mata ni Juan, sumimangot ang mayabang na binata at umiwas na lang sila ng kanyang mga kasamahan sa mga katunggali. Batid ni Frederico na may utang na loob siya sa kasamahang palagi niyang inaaway.

***

Matapos ang unang sabak sa giyera, nagkalat ang mga bangkay ng mga Filipino, Amerikano at mga Hapon, ang iba sa kanila ay duguan at tadtad ng bala at saksak, ang iba naman ay naabo at nagkapira-piraso ang katawan dahil sa mga granada at bayoneta. Napailing si Alfredo sa mga nakitang bangkay habang si Juan naman ay taimtim na nakatingin sa kanila.

"Mapalad pa rin tayo," tugon ni Alfredo.

Pinagtulungan nila ang pagligpit sa mga nasawi, kakampi man o kalaban, nilibing nila ang mga ito at ang iba naman ay kanilang sinigaan at sinunog na lamang.

***

Nilapitan ni Alfredo sina Fredrico at ang kanyang mga kasamahan.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Frederico sa kanya.

"Ikaw ano sa tingin mo ang ginagawa mo?" tanong sa kanya ni Alfredo.

"Hindi ko alam ang pinagsasasabi mo," nagmaang-maangan si Frederico.

"Iniligtas ka ni Juan sa kamatayan, kung hindi dahil sa kanya wala ka na ngayon. Ni hindi mo man lang siya pasasalamatan sa ginawa niya para sa'yo?"

"Wala akong utang na loob sa kanya," paninindigan ni Frederico, "desisyon niya iyon, hindi ko naman siya pinilit na iligtas ako, hindi naman ako humingi ng tulong sa kanya."

"Pero ginawa niya dahil alam niyang ito ang nararapat nating gawin para sa isa't-isa."

"Gaya ng sinabi ko, hindi ko siya pinilit at wala akong dapat ipagpasalamat sa kanya!"

Ngumisi si Alfredo kay Frederico, "Iyan ba talaga ang dahilan o baka naman nilalamon ka na ng hiya at konsiyensiya mo dahil sa lahat ng tao, si Juan pa na palagi mong inaalipusta at hinahamak ang siyang tumulong sa'yo. Binigyan ka na ng isa pang pagkakataon para mabuhay, Frederico, sana naman huwag mong sayangin iyon. Makipag-ayos ka na habang may panahon pa."

Kahit na barumbado si Frederico, tumagos sa kanya ang sinabi ni Alfredo at sa unang pagkakataon, hindi siya nanapak sa taong nakabangayan niya.

"Sa totoo lang may punto naman si Alfredo," napagtanto ni Rodolfo, "kahit ako napabilib sa ginawa ni Juan, sa laki ba naman ng atraso natin sa kanya, pagkatapos natin siyang maliitin at kutyain, nagawa pa rin niya tayong tulungan, lalo na ikaw. Baka mga nagkakamali lang tayo sa paghusga natin doon sa tao, nakita naman namin na magiting at maaasahan siya sa digmaan."

"Oo nga," sagot ni Raul, "ano sa tingin mo? Frederico, makikipag-ayos ka na ba kay Juan?"

"Hindi ko alam," puno ng iritasyon ang tono ng tigasing sundalo, "walang sinuman ang magsasabi sa akin kung ano ang dapat kong gawin. Ako lang!"

Hindi man niya aminin, alam niyang tama ang suhestiyon ni Alfredo at ng kanyang mga kaibigan sa kanya.

***

January 10-14, 1942

Gaya ng kanilang inaasahan, bumalik ang mga Hapon at muling umatikabong ang sigaw ng digmaan sa Lungsod ng Bataan.

Magiting na nakipagdigma ang mga Filipino at Amerikanong Sundalo sa mga Hapon. Nakipagbarilan sina Juan, Sgt. Bal, Alfredo, Maximo at ang iba pa sa mga Hapon habang ang iba naman ay tumao sa Artilerya at machine guns.

Nakipagsabayan sa mga magigiting niyang kasamahan si Benito at paulit-ulit niyang ibinulong sa sarili ang mga payo ni Sgt. Bal sa kanya.  "Isa kang Sundalo, Benito, matapang ka! Matapang ka!"

Kinalabit niya ang kanyang rifle at matagumpay niyang tinamaan ang mga kalaban sa kanilang mga trintsera.

Naging matagumpay rin ang pagtira nila Gabriel, Eusebio, Raul at Cito gamit ang kanilang mga Machine Guns at Artilerya.

Nagpalitan naman ng putok ang buong infantry sa mga manlulupig at may nalalagas sa magkabilang pwersa.

Naging maingat naman si Juan sa kanyang pag-asinta sa mga kalaban gaya ng paalala sa kanya ni Sgt. Bal. Hindi na siya basta-basta sumusugod sa kalaban at nanatili siya sa kanyang pwesto upang maiwasan ang pinsalang dulot ng kanyang mga kalaban. Kasama niya ang magkapatid na Alfredo at Maximo na malaki na rin ang ikinagaling sa pakikipagbarilan, si Frederico at ang kanyang mga kasamahan naman ay nanatili na rin sa kanilang pwesto at naging maingat na sa pakikidigma, nadala na ang kanilang grupo sa sinapit ni Frederico noong unang sagupaan.

Sa kasagsagan ng pakikipaglaban, napansin naman ni Frederico na nanganganib ang buhay ni Juan sapagkat hindi niya napansin ang Hapon na babaril sa kanya sa kanyang kanan.

"Juan, yuko!" sigaw ni Frederico, pagkatapos niratrat niya ang Sundalong Hapon at matagumpay niyang nasuklian ang tulong ni Juan sa kanya dati.Napangiti ang binata kay Juan at napatango naman ito bilang pasasalamat.

Niratrat naman ni Benito ang mga pasugod na kaaway malapit sa kanyang posisyon at nagkaroon na siya ng kumpiyansa sa kanyang kakayahan.

Habang tumatagal, lalong gumagaling ang mga batang sundalo sa pakikipagdigma ngunit mas lumalakas rin ang pwersa ng mga Hapones na paulit-ulit ang ginagawang pambobomba sa bayan ng Mauban at Abucay at nagmistulan itong naglalagablab na impiyerno.

Gayumpaman, hindi sila nagtagumpay na masira ang kanilang linya sa loob ng limang araw na sunod-sunod na pag-atake. Nakatulong ang mga tangke at mga Artilerya sa pagpapanatili ng linya. Naging kapalit naman nito ang buhay ng mga Sundalo sa magkabilang panig. Umiigting ang labanan, dumarami rin ang nalalagas sa kanilang mga hukbo.

***

Pagkatapos ng labanan, nilapitan ni Juan si Frederico na nakaupo sa kanyang foxhole.

"Maraming salamat sa pagligtas mo sa akin," sabi ni Juan.

Yumuko si Frederico na may bahid ng hiya sa kanyang mukha. "Wala iyon, sa totoo lang ako nga ang dapat magpasalamat at humingi ng tawad sa'yo, kahit na napakarami kong nagawang kasalanan sa iyo, niligtas mo pa rin ang buhay ko. Wala ako dito ngayon kung hindi mo ko tinulungan noon, kaya salamat. Malaki ang utang na loob ko sa'yo, aminin ko man o hindi."

"Walang anuman," napangiti si Juan, "huwag mo na ring isipin ang mga nangyari sa atin dati, tapos na iyon. Kinalimutan ko na ang lahat. Natutunan kong hindi dapat tayo magpadala sa galit, ang mahalaga, ayos na tayo ngayon at magkakasama tayo sa labanang ito."

"Oo naman, magkakasangga na tayong lahat," sagot ni Frederico.

Nakipagkamayan si Frederico kay Juan bilang tanda ng kanilang pagkakaayos, na kakalimutan na nila ang lahat ng kanilang alitan noon.

***

Maya-maya, tinipon ni Sgt. Bal ang kanyang mga tauhan para sa isang mahalagang pagpupulong.

"Napag-alaman namin na patungo ang mga Hapon sa Salian River, habang umaatras ang ibang hukbo, ito na ang pagkakataon natin para tayo naman ang lumusob sa kanila nang sa ganoon matulungan rin natin ang iba nating kapwa sundalo. Anong masasabi niyo? Handa na ba kayong lusubin sila?"

"Sir, Yes Sir!"sabay-sabay nilang isinigaw.

"Handang-handa na po kami para sa kanila, Sarge!" Matapang na sinabi ni Benito.

Natuwa ang sarhento sa kanilang determinasyon, "limang araw nila tayong nilusob pero wala silang napala, ngayon ipakita natin kung sino ba ang kinakalaban nila. Ipakita natin ang ating kagitingan bilang mga Pilipino! Na hindi natatakot ang mga Agila sa mga banta ng mga Buwitre!"

***

Lumusob ang hukbo sa Salian River kung saan nakaengkwentro nila ang ilang pulutong ng mga Hapon, sa pagkakataong ito, sila naman ang sumugod.  Pinagbabaril nila ang mga Hapones at marami sa kanila ang napatay at nahulog sa tubig, namula ang ilog sa dugo ng mga mananakop pati na rin sa dugo ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng Pilipinas.

Maging ang platoon ni Sgt. Baldomero Asuncion ay nagtagumpay sa naganap na labanan, pinatunayan ng mga Agila na dapat silang katakutan ng mga Buwitre.

***

June 19-22, 1942

Lumipas ang isang linggo at nagpatuloy ang labanan, napanatili ng linya sa Abucay ang kanilang pwesto ngunit kabaligtaran naman ang nangyayari sa Kanlurang bahagi sa linya ng Bayan ng Mauban na pinamumunuan ni Gen. Wainwright. Lumakas ang pwersa ng mga Hapon at nabigo ang USAFFE na hawakan ang linya, nagtagumpay ang kalaban at wala na silang nagawa kundi ang umatras sa bahaging Timog ng Lungsod.

Sa Abucay naman, naramdaman na rin ng buong hukbo ang muling pagbawi ng mga Hapon, lumakas ang kanilang infantry pati na rin ang mga armas na kanilang ginamit, hindi nagtagal, nawasak na rin nila ang linya sa Silangan at matagumpay na ring napasakanila ang linya.

Tuluyan na ngang napasailalim ng mga kalaban ang binuong Mauban-Abucay line na dinepensahan ng USAFFE sa loob ng tatlong linggo.Naatasan ng nakatataas na umatras ang buong hukbo.

"Maghanda kayong lahat," pag-anunsiyo ni Sgt. Bal, "naatasan tayong umatras sa Timog ng Bataan gaya ng nangyari sa hukbo ng Mauban. Pag-urong natin, gagawa ulit tayo ng bagong linya ng depensa sa Orion-Bagac. Ito na ang huling pagkakataon natin. Kailangan nating hawakan ang linyang iyon kundi...tapos na tayong lahat."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro