Kabanata 8
January 9, 1942
"Nakauwi na ako?" tanong ni Juan sa kanyang sarili, nakatuon ang kanyang paningin sa kanilang mansyon sa Intramuros, kay ganda ng sikat ng araw sa isang mapagpalang umaga, nagmasid siya sa kanyang paligid, nanumbalik sa dati ang Maynila bago pa ito wasakin ng giyera at muli siyang nakaramdam ng kapanatagan at katahimikan na maaari niya lamang matamo sa lugar na tinatawag niyang tahanan.
Tapos na nga ba ang digmaan? Baka naman isang masamang panaginip lang ang lahat ng iyon at ngayon ako'y gising na?
Sa mga ganitong pagkakataon nga tunay na magugulumihanan ang pag-iisip ng isang tao, malilito siyang kung ano ang realidad sa guni-guni.
"Juan," pagtawag ng isang pamilyar na tinig.
Lumingon siya at bumati ang kanyang nakangiting ina.
Umabot sa tenga ang ngiti ni Juan kasabay ng pagtulo ng kanyang mga luha at niyakap niya ng mahigpit ang inang akala niyang hindi na niya makikitang muli.
"Anak, salamat at nakauwi ka na," saad ni Maria.
"Akala ko hindi ko na kayo makikita muli," tumatangis na isinagot ni Juan.
Sunod namang lumabas ang kanyang Ate Juliana, "Juan."
"Ate," niyakap niya ang kanyang kapatid.
"May isa pang nag-aabang sa iyong pagbabalik," tugon ni Juliana.
Bumukas ang pinto at nagmamadaling tumakbo si Judith upang salubungin ang kanyang tiyuhin. Suot-suot niya ang lasong iniregalo niya sa kanya.
"Tito Juan!" hindi maipaliwanag ang saya at pagkanabik sa tinig ni Judith.
"Judith," lumuhod si Juan at sinalo ng kanyang kamay ang pinakamamahal niyang pamangkin, pagkatapos, kinalong ito at itinaas.
"Napakasaya ko po at magkakasama na tayong muli."
"Ako rin, Judith," sagot niya sa pamangkin, "ako rin."
Sumandal sa kanyang kanlungan ang bata.
Hindi pa man sila nakakapasok sa loob ng kanilang tahanan, nakarinig sila ng mga nakabubulabog na ingay sa buong lungsod. Bumingi sa pandinig ni Juan ang pagsabog ng mga bomba at pagtira ng mga bala.
Nang siya'y lumingon sa kanyang harap, sumalubong sa kanya ang isang pulutong ng mga Hapon, nagsisigawan ang kanilang mga kababayan habang sila'y pinapaslang, dinadakip at kinakaladkad ng mga mananakop. Sa isang iglap, naglaho ang kaginhawahang nararamdaman niya at napalitan ito ng takot at panghihina ng loob.
Sa kanyang pagkagimbal, hinablot ng mga Hapon ang kanyang Ina Maria at Ate Juliana, habang sila ay nanlalaban at nagpupumilit na kumawala sa kanila, patuloy naman ang paghatak sa kanila ng mga singkit na banyaga.
"Juan! Tulong!" sigaw ng kanyang ina at ate.
Hinawakan ni Juan nang mahigpit ang pamangkin, ngunit isang Hapon ang dumakip sa bata at humatak sa kanyang likuran.
"Tito Juan!" umiiyak na sigaw ni Judith habang siya'y papalayo ng palayo sa kanyang piling. "Tulong!"
"Judith!" Hiyaw ng binata, sinusubukan niyang abutin ang pamangkin ngunit sila ay papalayo na ng papalayo sa isa't-isa.
"Tito Juan! Tulungan mo ko!" Nakapangingilabot ang sigaw ni Judith, tuluyan na siyang naglaho sa kanyang paningin patungo sa madilim na kawalan.
Napabangon si Juan sa kanyang kinahihigaan, punong-puno ng pawis ang kanyang namantsahang uniporme at siya'y naghahabol ng hininga sa bilis ng pintig ng kanyang dibdib. Natagpuan niya ang kanyang sarili sa trintserang kanyang hinukay magdamag, napagtanto niyang nakatulog siya at panaginip lamang nga ang lahat ng iyon. Kinuha niya ang kanyang rifle at hinawakan ito ng may poot at galit.
***
Bago pa magtanghalian, nagbigay ng isang mahalagang anunsiyo si Sgt. Bal sa pinamumunuan niyang platoon.
"May nabalitaan kaming paparating na ang mga Hapon dito sa Bataan, tatahakin nila ang daan sa Silangan ng Mt. Natib, dito mismo sa ating kinaroonan, kaya magsihanda tayo. Kahit anong oras maaari na nila tayong atakihin, kahit pa mahirap dumaan sa kabundukan, sigurado ako hindi nila ipagpapaliban ang pagkakataong sugurin at ubusin tayo. Hindi basta-basta ang halimaw na kakalabanin natin. Remember that. Everyone to your positions now. Bahala na ang Panginoon sa ating lahat."
Bumalik si Juan sa kanilang posisyon kasama sina Alfredo, Maximo, Benito at Gabriel.
"Eusebio," pagtawag ni Benito sa mahiyaing binata.
"Tara, dito na tayo," alok ni Gabriel.
Pumwesto malapit sa kanila ang tahimik na si Eusebio.
Dinaanan muna ni Frederico at ng kanyang mga kasamahan ang grupo nila Juan bago pumunta sa kanilang posisyon.
"Tara na at pumatay na tayo ng mga Hapon," pagyayaya ni Rodolfo.
"Sigurado ako marami agad akong mapapatay," saad ni Frederico sa kasama, "at sigurado rin akong hindi lang ang mga Hapon ang mamamatay mamaya."
Nanggalaiti si Benito sa ginawang pagpaparinig ni Frederico, tatayo na sana siya upang komprontahin sila ngunit pinigilan siya ni Alfredo.
"Huwag mo na silang pag-aksayahan ng oras," payo ni Alfredo na nagsisilbing kuya sa mga bagitong kasamahan.
***
Nagsipaghanda na ang mga sundalong Filipino at Amerikano sa Corps II sa pamumuno ni General Parker laban sa nalalapit na paglusob ng mga Hapon sa kanilang linya ng depensa. Nagtungo na ang lahat sa mga hinukay nilang trinstera at fox holes, ihinanda ang kanilang iba pang armas tulad ng rifle, artilerya at granada.
Isinuot ni Juan at ng kanyang mga kasama ang kanilang mga helmet at hinawakan ang mga armas na kanilang gagamitin.
Ang ibang mga sundalo ay naglabas ng kanilang mga rosaryo at bibliya upang magdasal para sa kaligtasan, hindi lamang kanilang pisikal na katawan, kundi pati na rin ng kanilang mga kaluluwa sapagkat batid nilang sa mga oras na ito, maaaring ito na ang huling beses na magagawa nilang magdasal at walang kasiguraduhan na sila ay makakaligtas.
Kabilang sa kanila si Sgt. Bal na bumubulong ng kanyang panalangin sa maykapal, alam niyang maya-maya lamang, magkakalat na ang dugo at bangkay sa probinsya ng Abucay.
***
Gaya ng kanilang inaasahan, nagmamartsa na nga sa Silangan ng Bundok Natib ang hukbo ng mga Hapon, dala-dala ang kanilang mga baril, bayoneta at granada, masigasig nilang tinatahak ang matarik at mabatong daanan patungo sa kabundukan, nakahandang pumatay at magpakamatay para sa kanilang Emperador.
Ilang minuto bago ang ikatatlo ng hapon, nakarinig ng ingay malapit sa kanila ang mga Sundalong Filipino at Amerikano. Nagsipaghanda sila sa kanilang foxholes at itinapat ang kanilang mga rifle sa direksyon ng mga kalaban.Ang bawat isa sa kanila ay mabilis ang kabog ng dibdib, inaasahan na ang kanilang kamatayan, gayunpaman, hindi sila pinanghihinaan ng loob.
Pagsapit ng alas tres ng hapon, nagsilitawan na ang mga Hapon na nagsagawa ng Banzai Attacks, maririnig ang sigaw ng kanilang mga malalaking tinig habang sila ay pasugod sa kanilang mga kalaban na parang isang lobong patungo sa kanilang biktima.
"Fire!" sigaw ng isang Amerikanong Heneral at pinaulanan nila ng bala ang mga ito at ang ilan sa kanila ay tinamaan at napaslang bago pa nila marating ang linya.
Nanlaki ang mga mata ni Juan nang makita ang pwersa ng mga Hapon sa unang pagkakataon, hindi niya matiyak kung gaano karami ba sila, kung sila ba ang yamado o dehado, isa lang matitiyak niya, mababangis ang mga ito at hindi dapat sila basta-basta maliitin.
Nangatog si Benito at Gabriel sa takot habang si Alfredo at Maximo naman ay taimtim na nakatingin sa kanila, ihinahanda ang kanilang mga armas.
"Fire!" utos ni Sgt. Bal sa kanyang platoon.
Sabay-sabay na nagpaputok mula sa kanilang foxholes sina Juan, Alfredo, Maximo, Frederico, Rodolfo at Benito habang si Gabriel, Eusebio, Raul at Cito naman ay tumao sa mga Artilerya.
Matagumpay nilang natamaan ang ilang Hapon gamit ang kanilang mga bala at Artilerya. Binaril ni Juan ang mga nangunguna patungo sa kanilang linya, ganoon na rin sina Alfredo at Frederico na naging abala sa pag-asinta. Si Benito naman ay pumalya sa kanyang unang tira ngunit nakabawi naman ng matamaan niya sa dibdib ang isang papalapit sa kanya.
Binilisan naman ni Gabriel ang kanyang pagkilos at mabilis niyang inilagay ang mortar shells kanyang artilerya at sunod-sunod niyang pinaputukan ng tira ang mga pasugod na kaaway, tumama ito sa kalupaan at nagkalasog-lasog ang katawan ng mga tinamaan.
Marami man silang natamaan, hindi pa rin ito sapat upang mapigilan ang bagsik ng hukbo ng Japan. Nagtagpo ang magkabilang pwersa sa kanilang mga linya at lalong umigting ang sagupaan.
Niratrat ng mga Hapon ang mga Filipino at Sundalong Amerikano na parang ipis lang ang pinapatay nila.Isang malakas na tira galing sa kanilang rifle at bumulwak ang dugo at utak mula sa ulo ng isang Amerikanong Sundalo. Ang iba naman ay paulit-ulit na sinaksak ang mga kaawa-awang binatilyo gamit ang kanilang matutulis at malalamig na bayoneta. Nilabas ng ilan ang kanilang flamethrowers at sinigaan ng apoy ang mga sundalo sa kanilang trintsera, nagsisigaw sa init ang mga sundalo hanggang sa maabo sila sa apoy na tumupok sa kanilang katawan.
Hindi naman nagpatalo ang mga Filipino at Amerikano, pinaulanan nila ng bala ng baril at Artilerya ang mga barbarong Hapon at marami-rami rin ang nalagas sa kanila.
"Gamitin na natin ito," Pagtuturo ni Alfredo sa kanilang mga granada.
"Tama," sagot ni Juan.
Sabay-sabay silang kumuha ng granada, lumitaw sa kanilang foxholes, hinila paalis ang takip nito at ihinagis sa mga Hapon, sumabog ang mga granada at nagkapira-piraso ang mga tinamaan nito, nang makita ito ni Benito, kinuha na rin niya ang kanyang granada at ihinagis sa papalapit na kalaban. Tumira naman ng kanilang mga rifle ang mga Hapon sa kanilang kinaroroonan.
"Yuko!" sigaw ni Juan.
Yumuko sila sa ibaba ng kanilang trintsera, habang patuloy ang pagratrat ng nila sa kanilang pwesto, hinila naman ni Alfredo si Benito pababa, tumama ang mga bala sa mga sandbag na nagdedepensa sa kanila at sa kabutihang palad, walang natamaan sa kanila.
***
Nakipagbarilan ang medikong si Jason Woods sa mga nakapiligid sa kanya, habang ginagawa ang kanyang tungkulin na gamutin ang mga nasugatan at napinsala. Tinamaan niya ang isa, dalawa, tatlong Hapon.
Isang Hapon naman ang naghagis ng granada sa kanyang kapwa Amerikano at siya'y humiyaw sa sakit nang sumabog ito at maputulan siya ng paa.
"My legs! My legs! Somebody help me!" malakas niyang isinigaw.
Matapang na lumabas sa kanyang taguan si Jason, pinagbabaril ang mga nakaharang na Hapon at hinatak palayo ang kanyang kababayan, nag-iwan ng maraming dugo sa kalupaan ang kanyang paang naputol.
"Help me! My legs!" patuloy ang pagbulwak ng dugo sa kanyang naputol na paa, binendahan ito ni Jason, pagkatapos tinurukan niya ng morphine ang kasama upang maibsan ang sakit na iniinda.
"Easy, stay calm," payo niya, "you're going to be okay."
Habang siya ay nanggagamot, lumapit sa kanila ang isang sundalong Hapon, agad na kinuha ni Jason ang kanyang pistol sa bulsa at pinutok ito sa ulo ng kalaban.
Pagkalingon niya, hindi na gumagalaw ang kanyang kasamahan pero nakadilat pa ang kanyang mga mata, isinara ito ng Amerikanong Mediko nang malaman niyang wala na siya.
***
Matagumpay naman si Sgt. Bal sa kanyang pakikipagdigma sa mga kalaban, sa galing niyang mag-asinta, halos lahat ng Hapon na papalapit sa kanya ay natatamaan niya, at marami-rami na ang napuruhan niya, lumundag siya papaalis sa mga sakong kinatatayuan niya noong siya'y hagisan ng granada, nagpagulong-gulong siya sa mga dumuhan at sinusubukan siyang barilin ng dalawang Hapon ngunit di nila magawa dahil sa liksi ng kanyang pangangatawan, dinukot niya ang kanyang rebolber at tinira niya sa dibdib ang una at pinuruhan naman niya ang ulo ng ikalawa.
Samantala, napapaligiran naman ang taguan nila Juan, Alfredo, Maximo at Benito. Sabay-sabay nilang pinagbabaril ang mga Hapon ngunit masyadong marami ang grupo nila, napaslang ang isa nilang kasamahan ng barilin ng Hapon ang kanyang noo, ang isa naman ay tinadtad ng bala sa katawan at bumagsak ang kanyang duguang bangkay malapit kay Benito.
Nagimbal ang matabang binatilyo sa kanyang mga nasaksihan at siya ay nagpalamon sa takot, tumayo siya at nagmadaling umakyat palabas ng trinstera.
"Ayoko na! Uuwi na ko!" sigaw niya.
"Benito!" sabay na pagtawag ni Juan at Alfredo.
Habang tumatakbo palayo, namataan siya ng isang matangkad na Hapon at siya ang pinili nitong asintahin. Babarilin na sana siya nito pero may tumadtad ng bala sa likuran niya, pagbagsak niya, nakita ni Benito na si Sgt. Bal ang bumaril sa kalaban.
Napailing ang Sarhento at hinatak siya pabalik sa isang trintsera sa may sulok.
"A real soldier never quits!" sigaw niya, hinagisan niya ng rifle ang nangangatog na binata.
***
Yumanig ang Probinsya ng Abucay sa ginagawang pag-atake nila Gabriel at Eusebio sa mga Hapon gamit ang kanilang Artilerya. Naubusan na ng mortar shells si Eusebio at tinulak niya papalayo si Gabriel sa kanyang pwesto at siya ang pumalit sa kanya.
"Sige bahala ka," tugon ni Gabriel, "buti nga yun wala na kong gagawin."
Tumama sa braso ni Eusebio ang isang ligaw na bala, namilipit siya sa sakit at napabagsak sa trintsera.
"Eusebio!" Muling tumao si Gabriel sa artilerya at ipinagpatuloy ang pagtira sa kalaban.
"Tiisin mo muna, may darating na mediko mamaya!"
"Hindi mo ba ako magagamot ngayon?" tanong ni Eusebio.
"Mukha ba akong Mediko?" ibinalik ni Gabriel sa kanya ang tanong.
***
Sa kanilang posisyon, napapaligiran na ng mga Hapon sina Juan, Alfredo at Maximo. Nakipagsabayan si Maximo sa pakikipagbarilan kasama ang kuya upang ipakita sa kanya na kaya niya ring makipaglaban. Nakipagengkwentro sila nang mapasok ng kaaway ang kanilang kinaroroonan, matagumpay si Maximo sa pagpaslang sa mga nakaharap na Hapon na hindi rin nalalayo kanya ang edad at laki, nasa kasagsagan siya ng digmaan nang maubusan ng bala ang kanyang rifle. Lumundag sa kanya ang isang may bigoteng Hapon at siya ay bumagsak, itinaas nito ang kanyang bayoneta at itutusok na ito sa kanya. Nakita ito ni Alfredo, sinunggaban niya ang Hapon papalayo sa kanyang kapatid at sila ay nagpagulong-gulong sa trintsera, nangibabaw ang Hapon, hinablot niya ang kanyang bayoneta at itinusok ito sa braso ni Alfredo.
"Kuya!" sigaw ni Maximo.
Tatlong bala ang tumama sa ulo ng Hapon at tumalsik kay Alfredo ang dugo nito.
Si Juan ang bumaril sa kanya, habang hinihila ni Maximo ang sugatang kapatid, pinagtatadtad ni Juan ang mga Hapon na nakapasok sa kanilang taguan hanggang sa mapatay niya ang lahat ng ito.
"Max, bantayan mo ang kuya mo, dedepensahan ko kayo!"
"Sige," sagot ni Maximo.
Lumitaw si Juan sa mga sako at inasinta ang mga Hapon na papunta sa kanilang taguan.
***
Samantala, si Frederico at Rodolfo naman ay tuwang-tuwa sa mga napapatay nilang Hapon.
Niratrat ni Frederico ang ulo ng isang bagitong Hapon hanggang sa magiling niya ito.
"Iyan, patay kang Hapon ka!"
Binaril rin ni Rodolfo nang paulit-ulit ang sugatang Hapon na nakahandusay sa sahig.
"Ilan na ang napapatay mo, Frederico?" tanong niya.
"Hindi ko na mabilang, tiyak mas marami kaysa sa napatay ng iba dyan," sagot niya.
Ilan lang sila sa mga nangahas na lumabas sa kanilang trinstera upang makipaglaban ng mano-mano laban sa mga baril at bayoneta ng mga katunggali.Namataan ni Frederico ang isang matangkad at matipunong Hapon na patuloy ang pagpaslang sa mga Amerikanong sundalo.
"Tignan mo ang ugok na iyon," pagtuturo niya kay Rodolfo, "panoorin mo kung paano ko siya papaslangin."
Tumakbo si Frederico malapit sa kanyang kinatatayuan. Katutusok lamang nito sa isang Amerikanong sundalo.
"Hoy!" sigaw ni Frederico, "singkit na unggoy! Kalabanin mo ko kung matapang ka."
Hindi naintindihan ng Hapon ang sinabi ni Frederico pero batid niyang naghahamon ito, Hindi na nagpaligoy-ligoy pa ang Matangkad na Hapon at sila ay nagsuguran, pinagsusuntok ni Frederico sa pisngi ang kalaban habang nagpapakitang-gilas sa kanyang mga kaibigan.
"Ano? Wala ka na bang ibubuga?"
Patuloy ang kanyang pagsuntok.
Dumukot ng baril sa kanyang bulsa ang Hapon at ipinutok niya ito balikat ni Frederico malapit sa kanyang puso.
Napahiyaw si Frederico sa pamimilipit, bumagsak siya sa damuhan at bumangon naman ang matangkad na Hapon.
Narinig ni Juan ang pagsigaw ni Frederico, napalingon siya at nakitang papaslangin na ng Hapon ang kanyang mortal na kaaway.
Inis siya kay Frederico pero hindi niya nais na mamatay ito. Hindi na siya nagdalawang isip pa at agad siyang tumakbo upang pigilan ang pagpatay kay Frederico, papaslangin na siya ng Hapon gamit ang kanyang rifle ngunit humarang si Juan sa tapat niya at ipinutok niya ang baril sa dibdib nito.
Nanlaki ang mga mata ni Frederico sa ginawa ni Juan, hindi niya akalaing sa lahat ng tutulong sa kanya, si Juan pa.
Nakita nilang pasugod na ang iba pang Hapon sa kanila.
Inalok ni Juan ang kanyang kamay kay Frederico, "tara!"
"Hindi! Hindi ako tatanggap ng tulong sa'yo!" Paninindigan ni Frederico na namimilipit na sa kanyang tinamong pinsala.
Lumapit si Rodolfo sa sugatang kaibigan.
"Ilayo mo na siya rito, bilis!" utos ni Juan.
Inalalayan ni Rodolfo patayo ang sugatang si Frederico at agad silang nagtungo sa kanilang trintsera.
Susunod na sana sa pag-urong si Juan ngunit napalingon siya at pinagmasdan niyang mabuti ang mga mababagsik na mananakop. Ang pagpaslang nila sa mga kapwa sundalo niya gamit ang kanilang mga bayoneta at flamethrowers. Naririnig niya ang mga hiyaw ng mga kahabag-habag na sundalo habang sila ay namamatay para sa bayan. Muling bumalik sa isip niya ang kanyang bangungot, kung paano pinahirapan ng mga Hapon ang kanyang mga kababayan, at kung paano nila kinuha palayo sa kanya ang kanyang mga mahal sa buhay.
Namuo ang poot sa kanyang mukha at itinaas niya ang kanyang rifle. Ito na ang pagkakataon ko para makapaghiganti sa inyong lahat! Hindi ko na ito palalagpasin, para ito kay Ina, Ate, Judith at sa lahat ng mga kasamahan kong pinaslang niyo, pagbabayarin ko kayong lahat sa aking galit!
Tumakbo si Juan patungo sa isang pulutong ng mga Hapon upang salubungin ang mga ito.
Nabigla si Sgt. Bal sa kanyang nakita. "Pvt. Garcia!"
Batid niyang hindi kakayanin ni Juan mag-isa na labanan ang ilang dosenang Hapon. Tiyak na ikakapahamak niya ito.
Tila walang narinig si Juan at pinagraratrat niya ng bala ang mga Hapon kasabay ng isang nakapangingilabot na sigaw. Sigaw ng galit, paghihiganti at karahasan. Nandilim ang kanyang paningin at sa tindi ng kanyang galit, pinagtatatadtad niya ang mga Hapon ng bala kahit patay na sila at hindi siya nakaramdam ng kahit katiting na awa sa kanila. Hindi niya namalayang naubusan na pala siya ng bala.
Sumunod sa kanya si Sgt. Bal at tumulong sa pagpatay sa mga Hapon.
"Juan!" Pagtawag niya. "Fall back!"
Hindi siya pinansin ni Juan, titira pa sana siya ngunit napagtanto niyang wala na siyang bala at tila natauhan na siya.
"That's an order!" sigaw ni Sgt. Bal.
Bumalik sa tamang pag-iisip si Juan, tumakbo siya pabalik sa isang trintsera habang nakikipagsagupaan ang Sarhento sa mga Hapon.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro