Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 7

January 2, 1942- Maynila

Kasabay ng pag-usbong ng bukang-liwayway sa ikalawang araw ng bagong taon, sa Lungsod ng Maynila, nakataas ang bandilang puti na may pulang araw sa gitna. Nakasakay ang mga Hapon sa kanilang mga dambuhalang sasakyan, taas noo gaya ng pagwagayway ng kanilang mga matitingkad na watawat. Habang ang iba ay abala sa pagtugis sa mga Filipino at Amerikanong Sundalo, ang ibang Hapon naman ay nagmamartsa na upang angkinin ang dakilang kapital ng Pilipinas.

***

Sa kabayanan, naglalakad si Angelita sa kalsada, inaalalayan ang kanyang Lola Ester na pitumpung taong gulang na ang edad. Sinama ng dalagita ang kanyang Lola papunta sa Ospital para magpatingin sa doktor sa kanyang iniindang sakit sa binti.

Habang sila ay papalit sa Ospital, pumukaw sa pansin ng maglola ang mga nagkukumpulang tao sa gitna ng mga daanan, nakarinig sila ng malalakas na ingay ng sasakyan na maihahalintulad sa mga trak at dambuhalang tangke.

"Diyos ko po, iha," mahina ngunit may pagkabahala ang mapaos-paos na tinig ni Lola Ester. "Ano na naman kaya iyan?"

"Hindi ko alam, la," tugon ni Angelita, "tara na po."

"Teka lang, puntahan natin," saad ng matanda, "gusto kong malaman kung tungkol saan ba ito."

Dahil sa kagustuhan ng kanyang Lola Ester, walang nagawa si Angelita kundi sundin ito at alalayan patungo sa nagkukumpulang mamamayan.

Sumilip sila sa direksyon kung saan nakatuon ang mga tao at hindi nagtagal sumalubong sa kanilang mga paningin ang mga singkit na mananakop na nakasakay sa ibabaw ng kanilang nagtataasang mga trak, ang iba ay nakatayo ng tuwid, hawak-hawak ang kanilang mga bandera. Umaandar ang kanilang mga sasakyan na parang sila ang hari ng daanan.

"Mga Hapon," bulong ni Ester sa kanyang apo.

Sari-sari ang reaksyon ng taumbayan sa presensiya ng mga banyaga sa kanilang bayan, ang iba ay nangangamba para sa kaligtasan at seguridad ng kanilang pamilya, ang iba ay nagbubulungan at ang iba naman ay wala na lang magawa kundi ang tumingin sa lupa, iniiwasang magtagpo ang kanilang mga mata sa malamig na tingin ng mga madidilaw na dayuhan.

Napansin ni Angelita at ng iba pang mga taumbayan na tila may ilang Pinay na nakasakay sa mga trak kasama ang mga Hapon. Tumigil sila ng bahagya malapit sa kinatatayuan ng taumbayan. Nagsalita ang isang mataas na Hapon gamit ang kanilang sariling lengguahe, pinakinggan itong mabuti ng mga kababaihang kasama nila, pagkatapos siya naman ang nagsalita at isinalin sa wikang tagalog ang mga sinabi ng Hapon.

"Mga kapwa Asyano, huwag kayong matakot," saad ng babae, "hindi kami kalaban, hindi natin kalaban ang mga Hapon, nandito sila para palayain ang ating bansa sa mapang-abusong pamamahala ng mga Amerikano. Tutulungan nila tayong itaguyod ang mga Pilipinas para sa mga Pilipino kung makikipagtulungan lang tayo sa kanila."

Napailing ang iba sa sinabi ng babae, ang iba naman ay natatakot na umalma sa pag-aakalang sila ay papaslangin.

Ngumisi si Lolo Ester sa pahayag ng babae, "tignan mo ang mga balimbing na iyan, habang ang ating mga sundalo ay masigasig na nakikipagdigma sa mga Hapon, sila naman ay nandito, nakikipagtulungan sa kanila, ipinagkakanulo ang kapwa Pilipino."

Mahina ang tinig ni Lola Ester upang walang makarinig sa kanyang maaanghang na komento. "Sa dami ng karanasan ko sa edad kong ito, kahit kailan hindi nila ako masusulsulan na magtiwala sa mga banyaga."

"Tara na po," niyaya ni Angelita ang kanyang lola at dahan-dahan silang naglakad palayo ,patungo sa ospital.

January 6-8, 1942

Nang dahil sa kabayanihan ni Jonathan at ng ibang sundalong Filipino at Amerikano sa Porac-Guagua, narating ng hukbo ang Lungsod ng Bataan habang ang iba ay nakikipaglaban upang mapabagal ang pwersa ng mananakop.

Kahit na nasa ilalim ng Dagat Tsina ang lungsod, magiting naman nitong pinaliligiran ang Manila Bay sa Silangan, kung ano ang kanyang posisyon, maihahalintulad rin sa kanya ang posisyon ng mga hukbong handang magbuwis ng buhay para sa bayan.

***

Naitalaga si Sgt. Baldomero Asuncion ang kanyang buong Squad pati na rin ang ibang Filipino at Amerikano sa Probinsya ng Abucay sa Silangan ng Bataan. Abala ang lahat sa paghuhukay ng trintsera na gagamitin nilang taguan at depensa laban sa kalaban, pinupunan rin nila ang mga sako ng lupa, magsisilbi itong harang at panangga ng mga sundalo sa oras ng engkwentro. Ang iba naman ay nagsisimula na ring gumawa ng mga foxholes.

Taimtim na naghuhukay si Maximo ng trintsera, ilang oras na siyang naghuhukay gamit ang kanyang pala at malalim-lalim na ang kanyang hukay at sapat na ito bilang depensa sa mga kalaban, sa ilang oras niyang pagtatrabaho, humahapdi na ang kanyang mga mata sa pagtulo ng kanyang pawis at siya'y umuubo na sa pagod. Napansin ito ng nakatatanda niyang kapatid na naghuhukay rin malapit sa kanya.

"Max, ako na iyan," saad ni Alfredo sa kapatid.

"Hindi na kuya, kaya ko na," matigas na sinabi ni Maximo kahit na halatang napapagod na siya.

"Pagod ka na, magpahinga ka na, ako na tatapos niyan," muling alok ni Alfredo.

"Sinabing ako na nga. Ayos lang ako."

"Ipinangako ko kay Ina at Ama na ako ang bahala, na hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa iyo at iyon ay tutuparin ko."

Tinigilan ni Maximo ang kanyang paghuhukay at tinignan nang may pag-uuyam ang kapatid, "dyan ka naman magaling, kuya, sa mga mata ni Ina at lalo na ni Ama, ikaw ang mabait, ikaw ang masunurin. Palagi nilang pinagmumukha sa akin na hindi ko makakaya na wala ka sa tabi ko, puwes ipapakita ko sa kanila pagbalik natin na kaya ko ring tumayo sa aking mga paa, na hindi ko kailangan ng tulong mo, kaya pwede ba, hayaan mo na lang ako."

Bumalik sa paghuhukay ang nakababata sa magkapatid na Sandoval, hinayaan na lang ni Alfredo na magtrabaho si Maximo, noon pa man, pinapalagpas na lang niya ang kanyang kapatid kaysa mauwi pa ito sa alitan. Batid niyang noon pa man, may inggit na sa kanya ang nakababatang kapatid.

***

Kasama rin  sa naghuhukay ng trintsera ang magkaibigang Benito at Gabriel.

"Akala ko pa naman nagpunta tayo rito para makipaglaban," pagrereklamo ni Gabriel, "iyon pala maghuhukay lang tayo ng walang humpay, sundalo ba tayo o sepulturero? Dapat itinulog ko na lang ito sa bahay."

Si Benito naman ay abala sa pagkain ng mga saging na ipinabaon sa kanya ng ina.

"Huwag kang mag-alala, matatapos mo rin yan," sagot niya habang namumualam sa dami ng pagkain ang kanyang bibig.

"Bakit hindi mo kaya ako tulungan dito?" tanong ni Gabriel. "Kanina ka pa kain ng kain dyan."

"Nagugutom ako eh," sagot ni Benito. "Kung hindi ako kakain, wala akong lakas para maghukay."

Hindi namalayan ni Benito na nasa likuran na pala niya si Frederico at ang kanyang mga kasamahan.

Natatawang itinapat ni Frederico ang kanyang rifle sa likuran ni Benito.

"Bang!"

Humiyaw sa pagkagulat si Benito at nahulog ang matabang binatilyo sa trintserang hinuhukay ni Gabriel.

Humalakhak ng may pang-iinsulto si Frederico at ang iba pa, ginagaya ang naging reaksyon ni Benito sa kanilang pananakot.

"Ano Taba? Kaya mo pa?" tanong ni Frederico. "Bang! Bang!"

"Kung ako sa iyo huwag ka ng umalis dyan kasama si Batugan," dagdag ni Rodolfo sa kanilang dalawa, "dyan naman kayo nababagay dalawa, sa taguan."

Sumabog sa kakatawa si Raul at Cito.

"Hindi kayo nakakatawa!" pagalit na sigaw ni Benito. "Kala niyo, may araw rin kayo."

"Tama na, huwag mo na silang pansinin," pananaway ni Gabriel sa kaibigan.

"Pasensya na, hindi namin kayo gustong insultuhin," sagot ni Frederico, "sinasabi lang namin ang totoo, pag dumating na ang mga Hapon dito, tiyak hindi kayo tatagal ng isang minuto sa labanan, kung ako sa inyo, umuwi na kayo habang may oras pa."

"Pvt.Reyes!" narinig ni Benito at Gabriel ang tinig ni Sgt. Bal.

Lumapit ang Sarhento sa kinatatayuan nila Frederico, "hindi mabubuo ang ating depensa sa kakasatsat niyo, maghukay na kayo or I'll double your work, Soldier!"

"Yes Sir," sabay na sagot ni Frederico at ng kanyang mga kasama.

"Nakita ko ang ginawa nila sa inyo," tugon ng Sarhento, "ipakita niyo sa kanila na mali ang iniisip nila, patunayan niyo. Gabriel, magpursige ka lang sa ginagawa mo, makikita mo, magbubunga rin ang kasipagan."

"Yes Sir," sagot ni Gabriel.

"Ikaw naman, Benito, kailangan mo matuto ng tamang disiplina," paalala niya, "isa ito sa pinakamahalagang katangian na dapat taglayin ng isang sundalo. Ito ang nagsisilbing pundasyon nating lahat. Limitahan mo ang pagkain, kakailanganin mo iyan sa mga buwan na darating, isa pa, mahirap makipaglaban kapag puno ang sikmura."

"Yes po, Sarge," napapaisip na sagot ni Benito, "susubukan ko po."

"Sige, magtrabaho na kayo," inakbayan ng Sarhento ang binata.

***

Ang tahimik at misterysong binata naman na si Eusebio Santos ay isa sa mga naatasang mag-ayos at magpatong-patong ng mga sakong gagamitin nilang pangdepensa sa mga kaaway, habang ang ibang sundalo ay abala sa paghahakot ng mga sako, pasimple niyang ipinuslit sa loob ng isang sandbag ang isang dosenang delatang sardinas na kanyang kinuha mula sa kanilang stock ng pagkain. Para sa kanya, isa para sa isa lamang ang labanang ito at kakailanganin niya ng maraming pagkain kung sakaling magkakaubusan.

Pagkalagay niya ng mga delata, hindi niya napansing nasa likuran na niya si Sgt. Bal.

"Pvt. Santos," pagtawag niya.

"Sarge," sumaludo ang binata sa kanya.

"Kamusta naman ang trabaho?"

"Ayos naman po, marami-rami na rin kaming nahakot na mga sako."

"Buti naman," sagot ni Sgt. Bal, "ito lang ang palagi mong isasaisip, hindi lang isa para sa isa ang giyerang ito."

Nagulat si Eusebio sa sinabi ng sarhento sa kanya, pagkaalis niya, napaisip ang binata, "nakita niya kaya?"

***

Pagkalipas ng ilang oras, patuloy pa rin sina Benito at Gabriel sa paghuhukay ng trintsera nang tumayo sa itaas ang Amerikanong Mediko na si Jason Woods.

"Hey brothers," nakangiti niyang pagbati, "you need a hand?"

Napasulyap si Benito kay Gabriel na nagugulumihanan sa sinabi ng Amerikano.

"Ano raw, kamay? May kamay naman tayo ah?"

"Hindi," sagot ni Gabriel, "ibig sabihin niya kung kailangan daw natin ng tulong."

"Siyempre naman."

"Yes, sure," tugon ni Gabriel sa Amerikano, kahit na alam niyang dudugo na ang kanyang ilong.

"Great, I'll go down," bumaba si Jason dala ang kanyang pala at tinulungan niya sa paghuhukay ang dalawang bagitong sundalo. "If you guys need some help, just ask me, okay?"

"Sure," sagot ni Gabriel.

"Buti pa yung kano, mabait," bulong ni Benito kay Gabriel.

"Oo nga eh," pagsang-ayon ni Gabriel, "kausapin mo naman, magpasalamat ka."

Tumigil ng sandali si Benito at lumapit kay Jason. "Tenkyu beri mats."

Napangiti ang banyaga sa kanyang pagpapasalamat, "you're welcome, brother."

***

Kinahapunan, natapos ni Juan at Alfredo ang kanilang paghuhukay sa kabilang sulok ng linya, nakahanda na ang kanilang trinstera anumang oras kung sakaling sosorpresahin sila ng mga Hapon.

"Juan, papahinga muna ako saglit doon sa may puno," saad ni Alfredo, "hindi ka ba sasama?"

"Sige, ayos lang ako dito," tugon ni Juan habang nakasandal sa mga sakong nakahilera pahaba.

Nang wala na si Alfredo, napahiga siya sa mga sandbag at sinubukang magpahinga, napapikit na ang kanyang mga mata ngunit may isang bagay na pumukaw sa kanyang pansin.

Nalaglag sa kanyang bulsa ang litrato niya kasama ang kanyang Ina Maria, Ate Juliana at Judith. Pinulot niya ito at tinignan ng taimtim at may pangungulila. Kung hindi lang sana sumiklab ang digmaan, malamang namumuhay pa siya ng masaya sa Intramuros kasama ang ina, ate at ang pinakamamahal niyang pamangkin, malamang madalas ang paggala nila ni Jonathan at pagdalaw sa ospital kay Angelita. Kung hindi lang sana sinira ng digmaan ang kanyang mapayapa at masayang buhay.

Ipinikit niya ang kanyang mata at itinapat sa kanyang dibdib ang litrato. Tyempo namang dumadaan si Frederico, Rodolfo at ang iba pa.

"Tignan niyo," itinuro ni Raul sa kanila ang natutulog na binata.

"Di ba iyan si Juan Pulpol?" dagdag ni Cito.

"Oo nga, tara," pagyayaya ni Frederico.

Tumayo sila malapit sa kanya.

"Ano to?" Hinablot ni Rodolfo ang litrato na ikinagising ni Juan.

Pinagmasdan nila ang imahe.

"Ibalik niyo iyan," mahinahong saad ni Juan.

Hindi siya pinansin ng mga ito.

"Tignan niyo!' Pagtuturo ni Rodolfo sa imahe ni Juliana. "Kay gandang babae, may anak na siya pero pwede pa ring pagtyagaan."

Nagsitawanan ang iba pa nilang kasama.

Kumulo ang dugo ni Juan ng marinig ang pambabastos sa kanyang yumaong kapatid. Tumayo siya na parang isang agilang lumipad ng mataas at sinuntok ng malakas si Rodolfo na napabagsak sa kalupaan. Hinablot niya pabalik ang litrato.

"Hindi ko hahayaang bastusin niyo ang Ate Juliana ko!"

Sinuntok niya sa magkabilang pisngi si Rodolfo. Kinuha ni Frederico ang kanyang rifle at ihinampas ito sa likuran ni Juan, namilipit sa sakit ang binata. Tumayo si Rodolfo at pinagsisipa siya sa sikmura.

"Tarantado pala to!"

"Tama na, Rodolfo," pananaway ni Frederico, "madadala na iyan, isa pa. Alam ko ang dahilan kung bakit siya nagkakaganyan. Naalala ko, namatayan pala siya ng pamilya, nawala ang kanyang Ina, pamangkin pati na rin ang kanyang ate na binabastos mo."

Itinayo ni Frederico si Juan hablot ang kanyang maruming uniporme na namantsahan ng lupa sa paghuhukay. "Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit nagpasya pa ang mahinang tulad mo na pumasok dito. Huhu, wala na ang ina ko! Huhu, wala ang ate ko, kaya iiyak na lang ako sa isang tabi na parang isang binabae hanggang sa tumama ang bala sa ulo ko at makasama ko na ulit sila. Huhu!"

Tumaas ang dugo sa ulo ni Juan, napuno siya sa ginagawang pangungutya ni Frederico at sinuntok niya ito ng malakas sa ilong. Gumanti ng mas malakas na suntok ang hambog na binata at bago pa man dumating ang mga Hapon, mayroon nang naganap na labanan sa pagitan nila.

Agad na sumaklolo si Alfredo, Maximo, Benito, Gabriel at Jason. Hinatak nila papalayo si Juan kay Frederico at ganoon rin ginawa mga kasama nito.

Hindi naman nagpaawat ang dalawa.

"Hayop kang binabae ka! Ano! Labanan mo ko!" sigaw ni Frederico.

"Hindi ako natatakot sa iyo! Punong-puno na ko sa iyo!" nanggagalaiting sigaw ni Juan.

Dumating si Sgt. Bal sa kasagsagan ng kaguluhan, "Anong nangyayari rito? Magsitigil kayo!"

Natahimik ang lahat sa pananaway ng Sarhento, "Papaano tayo mananalo kung tayo mismo ngayon pa lang nagkakagulo-gulo na? Hindi tayo ang magkakalaban rito! Ang mga Hapon ang kalaban! Dapat nagtutulungan tayo! Gusto niyo bang magpatayang dalawa? Sige, pagbibigyan ko kayo ngayon! Mahiya naman kayo sa inyong mga sarili! Daig niyo pa mga bata! Where's your honor? What a disgrace!"

Natahimik ang lahat sa panenermon ng Sarhento at kumalma ang dalawang binata.

"Pvt. Reyes, napapansin kong isa ka sa mga nagsisimula ng gulo sa grupong ito, ikaw naman, Pvt. Garcia, I expect better from you! Nang dahil sa kaguluhang ito, bibigyan ko kayo ng parusa, magdamag kayong maghuhukay ng trintsera hanggang sa sumikat ang araw, walang magpapahinga at kapag naulit pa ang gulong ito, wala na akong magagawa kundi tanggalin kayong dalawa sa serbisyo. Is that understood?"

"Yes Sir," nahihiyang isinagot ni Juan at Fredercico.

Binigyan sila ng pala at muling pinagtrabaho, bago umalis si Frederico, isang masamang tingin ang kanyang ibinigay kay Juan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro