Kabanata 6
Nang nalaman nilang paparating na ang kanilang sarhento, humilera ang lahat sa kanilang pwesto at sinubukang gumawa diretsong linya, tumayo silang nakatuwid ang tindig. Pumwesto si Juan sa dulong hanay, katabi niya ang magkapatid na Alfredo at Maximo pati na rin ang magkaibigang Benito at Gabriel. Sa kabilang hanay naman nakatayo si Frederico kasama ang kanyang mga kasamahang si Rodolfo, Raul at Cito. Ang Amerikano namang mediko ay tumabi sa iba niyang kalahi, sa kabilang sulok naman pumwesto ang palaging nag-iisang si Eusebio.
Maya-maya, pumasok na sa himpilan ang isang Serhento kasama pa ang iba pang opisyal. Siya'y matangkad at matipunong lalaki, malaki ang kanyang mga braso at hita at mayroon siyang matang matalas kung tumingin. Sapat na ang kanyang pisikal na anyo para siya ay katakutan ng mga bagong sundalo.
Naglakad siya sa harap ng mga bagong recruits, tinititigan ang bawat isa sa kanila mula ulo hanggang paa na para bang sinisiyasat niya ni katiting na dumi sa kanilang balat. Napatigil siya ng mayroong mapansin sa linya nila Frederico.
"Linya ba iyan o zig-zag? Straigthen your line!" sigaw niya sa tinig na kasing tigas ng bato.
Luminya ng maayos ang buong pulutong at tumayo ng mas tuwid pa kaysa sa isang lapis.
"Ako si Sergeant Baldomero Asuncion, maaari niyo akong tawaging Sgt. Bal," pagpapakilala niya, "bago tayo magsimula, gusto ko munang maging malinaw ang lahat, kayo ang ipapadala sa Bataan para makipaglaban sa mga Hapon, tama ba?"
"Sir yes Sir!" sabay-sabay isinagot ng mga sundalo.
Ngumisi si Sgt. Bal, "hindi ko kayo marinig, masyadong mahina. Mga lalaki ba kayo o mga binabae, uulitin ko, tama ba?"
"SIR YES SIR!" mas malakas na isinagot ng lahat, sa pagkakataong ito mas buo ang kanilang mga tinig.
***
Bago sila magsimula ng kanilang training, nagbigay muna ng lecture ang sarhento tungkol sa lahat ng kailangan nilang malaman sa digmaang ito. Tumayo siya malapit sa isang chalkboard at hinila ang mapa ng Bataan.
"Nakapasok na ang mga Hapon sa buong Timog Silangang Asya, nakapasok na sila sa Pilipinas. Narating na nila ang Visayas at Mindanao at pati na rin ang ibang lungsod sa Luzon, ilang araw lang papasukin na nila ang lungsod ng Maynila. Balak ng kanilang Heneral na si Masaharu Homma na sakupin ang buong Pilipinas sa lalong madaling panahon ngunit hanggang may pwersang lumalaban sa kanila, hindi mapapasakanila ang buong bansa. Dito na papasok ang misyon natin, ang protektahan ang Bataan laban sa mga Hapon, hanggang nasa atin ang Bataan, hindi nila masasakop ang Manila Bay at habang hindi nila ito nakukuha, may pag-asa pang hindi nila masasakop ang buong bansa. Ipinag-utos ng nakatataas na kailangang hawakan natin ang Bataan 'to the last extremity' habang hinihintay natin ang tulong mula sa Estados Unidos. Ganoon rin ang misyon ng mga naitalaga sa Corregidor."
Tumingin siya sa mga sundalo at napagtanto niyang may mga gatas pa sa labi ang karamihan sa kanila. Mapipili lamang ang mga lalaking nasa tamang edad na para lumaban at makidigma.
"Alam kong marami sa inyo ang mga musmos pa, pero ngayon nasa totoong mundo na kayo, kailangan niyong harapin ang mga Hapon kung nais niyong maprotektahan ang inyong mga pamilya, ang ating bayan at ang ating bansa. Ngayon, kahit sasandali na lang ang oras natin para magtraining, gagawin ko ang lahat upang mahubog kayo mula sa pagiging isang batang panatag, kayo ay babalik bilang isang magiting na mandirigma. Is that understood?"
"Yes sir!" sagot nila.
"Good, ngayon sisimulan na natin ang pagsasanay," anunsiyo niya kahit na sumapit na ang gabi. "Move!"
***
Nagsimula ang pagsasanay at ang bawat isa ay binigyan ng mga rifle, sasanayin sila kung paano asintahin ang mga kalaban sa pamamagitan ng pagbaril sa latang nakatapat sa kanila.
Sabay-sabay silang pinapwesto ngunit isa-isa silang susubok. Tumira si Alfredo at matagumpay niyang natamaan ang lata, nakita ito ni Maximo at siya ang sumunod na tumira, hindi tumama ang kanyang unang tira pero nabawi niya naman sa pangalawa, gayunpaman, nadismaya pa rin siya na hindi niya nalamangan ang kanyang kuya.
Sunod na tumira si Eusebio, natamaan niya agad ang lata, ganoon na rin ang mga amerikanong nagsasanay.
Taas noong bumaril si Frederico at mainam niyang natamaan ang lata, natuwa ang kanyang mga kasamahan at mas lalo siyang nagpakitang-gilas.
Sunod na sumalang si Juan, ngayon lang siya nakahawak ng baril sa buong buhay niya at hindi siya marunong gumamit nito, nagpakawala siya ng tira ngunit hindi ito tumama. Ngumisi si Frederico at ang kanyang mga kasamahan sa kanyang pagsablay. Sinubukan niya ulit, nanatiling nakatayo ang lata. Napailing ulit ang kanyang mga katunggali sa kanyang kapalpakan.
Nilapitan siya ni Sgt. Bal. "Pvt. Garcia, anong ginagawa mo? Magpokus ka sa target! Kumuha ka ng inspirasyon!"
Tila ang mga utos ni Sgt. Bal ay tumatak sa kanyang kamalayan at nag-isip siya kung paano makakakuha ng inspirasyon, naalala niya si Judith, Aling Maria at Juliana, nagkunwari siyang nandito lang sila at humhiyaw para sa kanya ng buong suporta, lalong lalo na si Judith. Para bang naririnig niya ang kanyang mga tinig, "Tito Juan, kaya mo iyan!"
Tumingin siya sa lata at nagkunwari siyang isang kalabang Hapon ang nakatayo sa kinaroroonan nito.
"Asintahin mo!" sigaw ni Sgt. Bal.
Muling tumira si Juan at sa pagkakataong ito, natamaan na niya ang kanyang target na ikinatuwa nila Benito, Gabriel at iba pa niyang kasamahan.
Matapos ang pagsasanay sa baril, sunod na sinanay ang kanilang pisikal na katawan at lakas. Ang lahat ay nagpaunahang tumakbo patungo sa putikan.
Nanguna si Frederico sa karera at sumunod naman si Alfredo, sinubukan uling lamangan ni Maximo ang kapatid ngunit hindi hamak na mas mabilis talaga itong tumakbo kaysa sa kanya. Nahuli naman sa pagtakbo ang mga bagitong si Gabriel at Benito, lalo na si Benito na hirap na hirap dahil sa kanyang katabaan.
Noong una ay nasa gitna ng takbuhan si Juan ngunit dahil sa inspirasyon na taglay ng kanyang yumaong pamilya, bumilis ang kanyang mga paa at hindi nagtagal, naunahan na niya si Alfredo at Frederico sa karera. Nainis si Frederico at sinubukan niyang unahan ang karibal ngunit hindi na siya nakahabol.
Nagpatuloy si Juan at siya ang unang nakarating sa putikan kung saan siya ulit ang nanguna sa paggapang. Ang huling pagsasanay nila ay ang pag-akyat sa dingding at pagbaba sa kabila gamit ang mga lubid. Masigasig na humawak sa lubid si Juan at siya ulit ang nakalalamang sa kanyang mga kasamahan, napangiti sa kanya si Alfredo at napahanga naman sa kanya si Gabriel at Benito. Nang makita ni Frederico na nauuna na naman si Juan, mas binilisan niya ang pag-akyat upang malamangan niya ito ngunit sa kanyang pagmamadali dumulas ang kanyang kamay sa lubid at siya ay napabagsak sa sakuhan. Naunahan na siya ng iba at kinakailangan niya uling umakyat.
Narating ni Juan ang ibaba ng pader at nagpatuloy siya sa pagtakbo hanggang sa marating niya ang finish line. Sumunod sa kanya si Alfredo, sunod si Maximo, Frederico, Rodolfo at ang iba pa.
"Magaling Pvt. Garcia," saad kay Juan ng isa pang sarhentong nagbabantay.
***
Matapos ang pagsasanay, nilapitan si Juan nila Alfredo, Maximo, Benito at Gabriel.
"Ang galing mo naman," saad sa kanya ni Benito na namamawis-mawis pa ang may katabaan niyang pangangatawan.
"Hanga kami sa'yo," sagot ni Gabriel.
Natuwa si Juan sa papuring natanggap mula sa kanyang mga bagong kaibigan. Bago pa siya makasagot, sumingit sa kanila si Frederico at ang kanyang mga kasamahan.
"Hanga na kayo dyan?" Natatawang sumabat si Fredrico. "Nakatsamba lang yan sa akin ngayon."
"Mas magaling pa rin si Frederico," dagdag ni Rodolfo.
Umalis ang kanilang grupo na naaasar sa pagkapanalo ni Juan laban sa kanila.
"Huwag mong pansinin ang grupo ni Frederico," sabi ni Alfredo, "mga mayayabang lang, wala namang ibubuga. Sa akin ayos lang na ikaw ang nauna, hindi naman ito pagalingan. Ako nga pala si Alfredo."
Nakipagkamay si Juan sa kanya, "ikinagagalak kitang makilala. Ako nga pala si Juan."
"Ikinagagalak rin kitang makilala, Juan. Ito naman ang kapatid kong si Maximo," pagpapakilala ni Alfredo sa kanyang bunsong kapatid.
"Kamusta, Juan, ang husag mo kanina," saad ni Maximo. "Nakakainggit ka naman."
"Salamat, Maximo," sagot niya.
"Max na lang," pagtatama niya.
"Ako naman si Benito," masiglang pagpapakilala ng matabang binata.
"Ako si Gabriel," sunod na nagpakilala ang kanyang kaibigan.
"Kamusta, Benito, Gabriel," pagbati ni Juan.
"Ayos naman," sagot nila, "sa susunod ba maaari mo kaming tulungan sa pagsasanay?"
Natawa si Juan,"sa totoo lang wala naman talaga akong karanasan, kumuha lang ako ng inspirasyon."
"Sus, hindi nga?" Hindi naniwala si Benito at sila ay nagkatawanan.
"Ngayong magkakakilala na tayo, ipinangako natin sa isa't-isa na palagi tayong magtutulungan at walang iwanan," saad ni Alfredo.
Habang sila ay nag-uusap, lumapit kay Juan ang Amerikanong mediko na nakapansin rin sa angking galing ni Juan.
"Hey, what you did today was amazing, you got some skills," nakangiting sinabi ng Amerikano. Maamo ang kanyang mukha at maasul-asul ang kanyang mga mata.
"Thanks," sumagot si Juan na ngayon lang nakakausap ng isang Amerikano. Napansin niyang tila naiilang sa kanya ang binata.
"Where are my manners? By the way, I'm Jason Woods," pagpapakilala niya sa kanyang sarili, "I'm a medic."
Inalok niya ang kanyang kamay at siya ay kinamayan ni Juan.
"Nice to meet you," saad ni Juan, "I am Juan Miguelito Garcia."
"Nice to meet you too, Juan, I hope all of us will be the best of friends."
"Me too," sagot ni Juan, habang ang iba naman ay natameme sa presensiya ng banyaga.
***
Kainabukasan, ipinatawag ni Sgt. Bal si Juan sa kanyang opisina.
"Sgt. Bal," itinapat ni Juan ang kanyang kamay sa kanyang ulo bilang pagsaludo.
"Maupo ka Private," saad ni Sgt. Bal.
"May problema po ba, Sarge?" tanong ni Juan.
"Wala, wala naman," paninigurado ng Sarhento, "nais lang kitang batiin, napabilib mo ko sa ginawa mo kahapon, akala ko ikaw ang magiging pinakamahina base sa unang pagsasanay, pero sinorpresa mo ako. Sa kabila ng pinagdaanan mong unos sa pagkawala ng iyong pamilya, nagawa mo pa ring magsanay at manguna kumpara sa iba."
Nagulat si Juan sa kanyang sinabi, "alam niyo po?"
Tumango si Sgt. Bal, "naikwento sa akin ni Medrano ang nangyari sa iyong pamilya. Gaya mo, naging biktima rin ng mga Hapon ang aking pamilya, namatay rin ang aking tiyahin at pinsan sa kanilang pambobomba. Ano ngayon ang nararamdaman mo sa mga Hapon?"
Sumama ang mukha ni Juan, "kinamumuhian ko sila, gusto kong patayin silang lahat."
"Sabi ko na nga ba," napangiti si Sgt. Bal, "iyan ang dahilan kung bakit kita ipinatawag, alam ko ang nararamdaman mong galit dahil ganoon rin ang nararamdaman ko, pero may I remind you soldier, ang hidwaang ito ay mas malaki pa kaysa sa ating mga galit. Mas malaki pa ito kaysa sa kung anuman ang namamagitan sa atin at sa mga Hapon.Huwag kang makipaglaban para sa paghihiganti, ang galit at poot, iyan ang maghahatid sa atin sa kapahamakan. Makipaglaban ka para sa ikabubuti ng Pilipinas, para hindi nila masakop ang ating lupain, upang wala ng mga mahal sa buhay ang mawala at wala ng ina, ama, mga kapatid, anak ang maulila. Para wala ng matulad sa atin na nawalan ng pamilya, gawin mo to dahil ikaw ay isang magiting na sundalo, hindi dahil isa kang taong marahas at mapaghiganti, nagkakaintindihan ba tayo, Pvt?"
"Yes Sir," sagot ni Juan kahit hindi siya sigurado sa kanyang isinagot, hindi naman siya maaaring humindi sa anumang sasabihin ng kanilang commander.
"Mabuti, ngayon kailangan niyo ng maghanda at nalalapit na ang pagpunta natin sa Bataan."
***
Ilang araw lang, pinaghanda ang buong USAFFE sa kanilang pag-urong sa Bataan, mula San Fernando, ang hukbo ay magtutungo sa Bataan, habang ang iba naman ay magtatayo ng depensa sa bayan ng Porac at Guagua.
Habang nagbabyahe ang sasakyan nila Juan patungo sa Bataan, nasilayan niya ang mga Sundalong naiwan upang depensahan ang bayan ng Porac at Guagua.
Mag-ingat ka sana, Onat. Bulong ni Juan sa kanyang sarili.
January 1-6, 1942: Porac-Guagua Line- Layac Junction
Habang ang ibang sundalo ay patungo sa Bataan, ang iba naman ay naatasang gumawa ng linya ng depensa sa mga lugar na tatahakin ng mga Hapon para mapasok ang Bataan. Isa sa mga unang babaybayin ng mga mananakop ang Bayan ng Porac at Guagua na sagana sa bukiran at damuhan.
Sa unang araw ng bagong taon, abala ang mga sundalo sa pagdepensa sa kanilang mga posisyon. Mayroon ng linya sa Porac at mayroon na ring nakadepensa sa Guagua.
Kasama si Jonathan Medrano sa mga sundalong naatasang gumawa ng depensa sa Bayan ng Porac.
"Medrano, kamusta ka naman?" tanong ng isa sa mga Sarhentong nagngangalang Margarito Rivera.
"Ayos naman po ako, Sarge," sagot ni Jonathan habang nakapwesto sa kanyang kinaroronan.
"Anong petsa na nga pala ngayon?" tanong ng nakakataas na sundalo.
"Ngayon po ang unang araw ng bagong taon," magalang na sinabi ni Jonathan.
"Ah ang unang araw sa taong isang libo siyam na raan at apatnaput-dalawa," matawa-tawang inanunsiyo ni Rivera na may kakaibang ngiti sa kanyang mukha, "sa sobrang abala ko rito, nakalimutan ko na ang mga araw. Ito ba ang unang bagong taon na hindi mo kasama ang iyong pamilya, Medrano?"
"Opo, Sarge," may kalungkutan sa mga mukha ni Jonathan, "pero ayos lang naman po at makakasama ko rin sila pagbalik ko. Mas maswerte pa rin ako sa iba."
Napangiti si Rivera, napalingon naman siya sa sundalong katabi ni Jonathan, ang binatang nagngangalang Antonio Vergara na pupungas-pungas ang mga mata sa antok at pagod.
"Vergara, gumising ka!" isinigaw ni Rivera sa matigas na tono ng mga sundalo,"you're on your own time now, Soldier!"
Nagulantang ang inaantok na si Vergara at sapat na ang lakas ng boses ng sarhento para magising siya, "pasensya na po, Sarge."
"Maging alerto kayo. Hindi pwedeng aantok-antok, kahit anong oras maaaring umatake ang mga Hapon. Papalapit na sila, nararamdaman ko. Maaaring bukas o sa makalawa uusbong na ang digmaan. Dito tayo nagbagong taon sa lugar na maaaring huli nating masilayan, hindi magtatagal, magbabaha ang dugo sa bayan na ito at magkakalat ang mga bangkay ng mga sundalong Pilipino, Amerikano at Hapon. Maaaring dito na tayo lagutan ng hininga. Tutal mamamatay rin naman tayo, mas mabuti ng mamatay tayong bayani."
"Yes sir," sumang-ayon si Jonathan.
"Tama kayo, Sarge, mamamatay rin naman tayo, bakit pa nating kailangang natin gawin ito?" reklamo ni Vergara.
"Para mabigyan ng oras ang ibang mga sundalo na marating ang Bataan. Habang dinedepensahan natin ang lugar na ito, magkakaroon sila ng sapat na oras para marating ang kanilang target. Mahalaga ang bawat segunda sa giyerang ito. Dapat marating nila ang Bataan, kapag nakuha ng Hapon ang Bataan, makukuha na nila ang Manila Bay at kapag nakuha na nila ang Manila Bay, tuluyan na nilang masasakop ang Pilipinas. Inatasan tayong gumawa ng linya at protektahan ito hanggang kamatayan, iyon ang order sa atin at iyon ang ating gagawin. Hindi tayo aalis sa ating pwesto hanggang hindi tayo inuutusan. Is that understood?"
"Yes, Sarge," sabay na saad ni Jonathan at Vergara.
***
Dumating ang ikalawa ng Enero, pagsapit ng hapon, nabulabog ang katahimikan sa bayan ng Porac nang may marinig silang ingay malapit sa kanilang pwesto. Mula sa kawalan ng bukiran, biglang nagsulyapan ang mga Hapon, tumatakbo silang pasugod kasabay ng kanilang nakabibinging hiyaw, taas-taas ang kanilang mga baril, bayonate at granada.
"Ang mga Hapon!" sigaw ng isa sa mga sundalo. "Nandito na sila!"
Tumindig sa kanyang kinaroroonan si Sgt. Rivera at nasilip niya ang mga Hapon na nagtatakbuhan sa madamong kabayanan.
"To your positions!" sigaw niya. "Get in line! Kahit anong mangyari huwag tayong aalis sa ating pwesto!"
Ihinanda ng mga sundalo ang kanilang mga armas, nagtungo si Jonathan sa Artilerya upang tumao, ang iba naman ay nanginginig na humawak sa kanilang mga machine gun, natatakot ngunit handang ratratin ang mga Hapon. Ang ilan ay humawak ng mahigpit sa kanilang mga baril at rifle, pinaghahandaan ang paglapit ng mga kaaway.
Nagbigay ng hudyat si Sgt. Rivera at nagsimula ang kanilang pakikipaglaban. Nagtagpo ang dalawang pwersa. Tumira si Jonathan gamit ang kanyang artilerya, bumagsak ito sa kalayuan at nagkaroon ng malakas na pagyanig kasabay ng pagsabog. Nakita niyang tinamaan nito ang isang Hapon na nagkalasog-lasog ang katawan sa tinamong pinsala.
Nagsimulang ratratin ni Sgt. Rivera ang mga Hapon, matagumpay niyang natamaan ang isang susugod sa kanya taas-taas ang kanyang itak. Pinaulanan ni Vergara ng mga bala ang mga susugod sa kanya gamit ang machine gun. Napabagsak nito ang kaaway bago pa marating sa kanya.
Nagpatuloy ang pagtira ng mga sundalong Pilipino gamit ang kanilang Artilerya, marami silang natamaan ngunit marami ring matagumpay na nakalapit sa kanilang linya.
Walang takot na inatake ng mga Hapones ang mga nakalinyang mga Sundalo. Nanlilisik ang kanilang mga matang mabagsik na may kasingkitan at animo'y isa silang mga gutom na hayop. Maihahalintulad sila sa mga buwitre: malupit, mabagsik at handang sumugod at magdala ng kamatayan kanilang mga biktima.
Hindi sila nagpatalo at niratrat nila ng paulit-ulit ang mga kalabang Pilipino at Amerikano. Ang iba ay matapang na tumakbo patungo sa Artilerya, kinabahan si Jonathan nang mahuli ang paglalagay niya ng bala sa artilerya kasabay ng papalapit na kalaban, muntikan na siyang masaksak ng isang Hapon kundi lamang niya naiputok sa kanyang katawan ang kanyang tira. Nang ito'y tumama, humagis sa damuhan sa kalayuan ang Hapon pero natalsikan siya ng dugong bumulwak mula sa nagkapirapirasong katawan.
Nakatagpo ni Sgt. Rivera ang isang matangkad na Hapon at sila ay naglaban lalaki sa lalaki, sinuntok niya ang kanyang madilaw na pisngi ngunit nadaplisan siya ng bayoneta sa likuran, napabagsak siya ngunit agad rin siyang bumangon sa damuhan, nilundagan ang Hapon, inagaw ang bayoneta at sinaksak ito gamit ang sarili niyang sandata. Matapos nito, nakasagupa niya ang higit sa apat sa kanila, kinuha niya ang kanyang dalawang Colt 45 kalibreng baril at pinagbabaril ang mga ito gamit ang dalawa niyang kamay, bumagsak ang mga hapon na duguan at walang buhay.
Samantala, ang iba naman ay hindi pinalad sa lakas at bagsik ng ibang hapon. Matagumpay nilang napabagsak ang ilang Pinoy at Amerikanong tumatao sa mga Artilerya ng sugurin nila ang mga ito at walang humpay na pinagbabaril at pinagtutusok ng kanilang mga armas. Ang iba ay masigasig na bumaril gamit ang kanilang machine guns at napabagsak ang marami sa mga sumusugod na Hapon. Kasama sa kanila si Vergara na halos mapaos na ang boses sa kakahiyaw kasabay ng kanyang mga pagtira.
Nanatili naman si Jonathan sa kanyang pwesto at pinapuputukan niya ang mga Hapon na sumusugod sa kanya, hindi niya namalayang may Hapon na pasugod na sa kanyang gilid. Nakita ito ni Sgt. Rivera.
"Medrano!"sigaw niya, nakita ni Jonathan ang kalabang titira sa kanya, itinapat ng Sarhento ang baril sa kalaban, yumuko si Jonathan upang iwasan ang mga tira at ang sisingit na Hapon ang natamaan ng mga bala sa ulo, bumagsak siya malapit kay Jonathan, dumudugo ang nawakwak na ulo kasama na ang utak na bahgyang nakalabas. Nagkaroon ng lakas ng loob si Jonathan at nagpatuloy siya sa pagtira sa mga papalapit na kalaban.
Magiting na nakipaglaban ang mga Pilipinong Sundalo sa kanilang mga kalaban, kung ang mga Hapon ay parang mga buwitreng handang umatake sa kanilang mga biktima, ang mga Pinoy naman ay maihahalintulad sa mga Agilang handang tukain ang sinumang mag-aangkin sa kanilang mga pugad. Handa silang makipaglaban at makipagpatayan sa sinumang mang-aagaw sa kanilang tahanan. Lilipad sila ng mataas kung kinakailangan kung iyon ang makakatalo sa mga buwitre.
Hindi man sila ganoong kabihasa sa pakikidigma, nakabawi naman sila sa determinasyon, lakas ng loob at liksi ng kanikang pangangatawan. Mainam nilang naiwasan ang mga tira ng mga padalos-dalos na kalaban. Niratrat nila ang mga kalaban at pinaulanan ng bala na ikinamatay ng marami sa kanila.Gayunpaman, hindi rin maitatanggi na malalakas ang mga Hapon, nagtagumpay sila sa pagpaslang sa mga Pilipino at Amerikano at napasok nila ng mabilis pa sa alas-kwatro ang unti-unting nagkawatak-watak at nanghihinang linya ng kanilang depensa. Nagsimulang gamitin ng mga Hapon ang kanilang mga Flamethrowers at isiniga ang mga ito sa mga sundalong Pilipino at Amerikano. Nagtakbuhan silang sumisigaw habang tinutusta ng apoy ang kanilang mga nagliliyab na katawan.
Makikita ang mga nasawing sundalong Pilipino at Amerikano sa kanilang kinaroroonan gaya ng ipinag-utos sa kanila. Karamihan sa kanila ay hinagisan ng granada at natadtdad ng bala mula sa mga baril.Kumakalat ang dugo mula sa kanilang mga katawan na tadtad ng bala o tusok, ang iba naman ay hindi na makilala dahil nagkalasog-lasog na ang kanilang mga katawan mula sa granada. Nagpatuloy sa pagsira sa kanilang depensa ang mga kaaway.
Napansin ni Sgt. Rivera na nakapasok na ang mga Hapon sa kanilang pwesto at nasira na ang kanilang linya.
"Fall back!" sigaw niya.
Nagsiurong ang kanyang mga sundalo sa kanyang utos. Nagulat sila ng magpakita ang isang malaking tangke ng mga Hapon at nagsimula itong atakihin ang mga nagsisiurong na mga sundalo.
Natakot na ang iba, inaakala nilang ito na ang kanilang katapusan. Sa isang iglap, biglang nagsidatingan ang mga tangke mula sa mga Reserve Troops at pinagtatadtad nila ang mga Hapon.
Nagsilitiwan ang mga Sundalong reserba mula pa sa labanan sa Lingayen at muling lumakas ang kanilang pwersa kapalit ng mga namatay na sundalo. Maraming mga Hapon ang napaslang nila kaya naman nagpasya ang mga ito na magsiurong muna pabalik sa kanilang himpilan. Muling nanumbalik ang pwersa ng USAFFE, hindi na nila naibalik ang dating linya kaya gumawa uli sila ng bagong linya ng depensa.
***
Naging mabilis ang mga pangyayari at hindi namalayan ng mga sundalo na inabot na pala ng gabi ang laban. Naglibot-libot si Jonathan, Sgt. Rivera at Pvt. Vergara sa paligid, tinignan ang kinahinatnan ng laban. Nagkalat ang mga bangkay ng mga Pilipino, Amerikano at Hapon sa bawat paligid. Nagmistulang ilog ng dugo ang bayan ng Porac sa dami ng dugong dumanak mula sa magkabilang pwera.Nakita rin nila ang ilang bahagi ng mga binti at braso, pati na rin ang mga lamang loob na nagkagiling-giling.
Maraming Pinoy at Amerikano ang nasugatan sa naganap na digmaan, ang iba ay may tama ng bala sa braso at hita, ang iba ay naputulan ng paa at ang iba naman ay may saksak galing sa bayoneta.
Inasikaso sila ng mga nakaligtas na sundalo at mediko, pagkatapos, naupo sila sa kanilang pwesto upang magpahinga, sinusulit ang pansamantalang katahimikan ng bayan.
"Sige, magpahinga muna kayo kahit sandali," atas ni Sgt. Rivera, "pero huwag muna kayong makampante, hindi magtatagal babalik at babalik rin ang mga Hapon."
***
Kinabukasan muling sumugod ang mga Hapon sa bukiran, dala-dala ang kanilang mga bayoneta at itak. Mula sa kalayuan narinig ng mga Sundalo ang tunog ng artilerya at isang sundalo ang tinamaan nang bumagsak ito sa lupa at sumabog. Naghanda ang mga Hapon ng mga Artilerya bilang suporta sa kanilang mga foot soldiers. Mayroon silang 105 mm. guns mula sa 8th field Artillery at muli silang nagpaputok habang ang iba ay nagsasagawa ng Banzai Attacks.
Nagpaulan ng tira ang mga Hapon at ang mga sundalong magkakatabi ay sunod-sunod na napabagsak sa kanilang kinaroroonan, duguan at wala ng buhay. Wala namang balak umatras si Sgt. Rivera.
"Laban hanggang katapusan!" pagkatapos sumigaw siya ng malakas para mahikayat ang kanyang pulutong. Sumigaw ng may kagitingan ang mga Pinoy. Muli nilang hinarap ang mga Hapon.
Masigasig na tinira ni Vergara ang mga kalaban gamit ang kanyang machine guns, ganoon rin ang iba niyang kasamahan. Tinamaan ang mga Hapon na paparating at sabay-sabay silang nagbagsakan sa lupa na tadtad ng mga bala. Nagkatawanan si Vergara at ang kanyang mga kasamahan sa kanilang pagkapanalo nang biglang ratratin ng mga papalapit na kalaban ang ilan sa kanyang mga kasamahan at sila'y patay na bago pa sila bumagsak sa kanilang kinaroronan. Nagpatuloy ang binata siya sa paglalagay ng mga bala at muli siyang nagpaulan ng mga tira.
Binilisan ni Jonathan ang paglalagay ng may kabigatang bala sa kanyang artilerya at siya ay tumira sa magkabilang direksyon, sa bawat tira, yumayanig ang kalupaan at naglalaho ng parang bula ang mga Hapon sa usok ng pagsabog, matapos mawala ang usok, makikita na lang ang duguan nilang katawan na nagkahiwa-hiwalay.
Hindi nagpatalo ang mga tusong mananakop. Nagpaulan rin sila ng tira mula sa kanilang mga artilerya at tinamaan ang marami sa kanilang mga kalaban. Pagkatapos nakarinig sila ng ingay mula sa kalangitan, ito ay nanggagaling sa mga eroplanong Hapon. Nagbagsak sila ng mga bomba mula sa itaas, sinubukang umalis ng mga sundalo ngunit wala silang nagawa at hindi sila nakaiwas sa pagsabog ng bomba.
Ang isinagawang bagong linya ng USAFFE sa kaliwa at muling nasira.
Lumusob ang mga Hapon na may mataas na enerhiya, walang humpay ang kanilang pagbabaril, pagsasaksak sa mga sugatan at paghahagis ng mga granada sa mga nanghinang agila ng Pilipinas.
Nang dahil sa lakas ng kanilang pwersa, nasira nila ang linya sa kaliwa at napasok nila ito. Kahit na mukhang matatalo na sila, hindi nagpatinag ang mga sundalo. Inasinta ni Sgt. Rivera ang mga kalabang papalapit sa mga sugatang kasamahan, naiwang nag-iisa si Vergara sa kanyang pwesto at nanatiling nagpapaputok si Jonathan sa mga kalaban.
"Tuloy lang ang laban!" sigaw ni Sgt. Rivera. "Para sa Pilipinas!"
Nawalan ng bala si Vergara at bago pa siya makakuha, tumama sa kanyang kaliwang balikat ang bala ng mga Hapon at siya ay napabagsak.
"Vergara!" sigaw ni Sgt. Rivera.
Nasugatan ang batang sundalo ngunit pinalad siya sapagkat malayo sa puso ang kanyang pinsala.
Pinagbabaril ng Sarhento ang mga paparating na Hapon sa kinaroroonan ng sugatang sundalo at hindi niya namalayang papalapit na sa kanya ang tatlong Sundalong Hapon, naghahandang tumira.
Napansin ito ni Jonathan at nanlaki ang kanyang mga mata, "Sarge!"
Napalingon si Rivera at bago pa siya makagawa ng aksyon, sabay-sabay na nagpapaulan ng mga tira ang tatlong Hapon, tinamaan ang buong katawan ni Sgt. Rivera mula sa dibdib, tagliran at sikmura, ang iba ay tumagos pa sa kanyang likuran at siya ay naratrat, nangisay ang kanyang katawan kasabay ng mga tira at siya ay bumagsak sa kanyang pwesto. Umagos ang dugo mula sa kanyang bibig.
"Sarge!" sabay na sigaw ni Jonathan at Vergara. Nangiyak-iyak si Vergara sa ginawang sakripisyo ng Sarhento para sa kanya. Nabalutan naman ng poot si Jonathan, padabog niyang pinagana ang artilerya at tinira niya ng paulit-ulit ang tatlong hapon na pumaslang kay Sgt. Rivera kasabay ng isang malakas na sigaw. Natupok sila ng kanyang mga tira pero bago iyon nakapaghagis naman sila ng isang granada sa kinaroroonan ng bumagsak na sarhento at sumabog ito sa kanyang mga labi.
Ilang Hapon naman ang tumira kay Jonathan gamit ang malalakas nilang baril, ngunit naiwasan niya ito ng magtago siya sa likod ng kanyang artilerya.
Nagtagumpay ang mga Hapon sa pagpasok sa kanilang linya ngunit hindi ito nagtagal at muling dumating ang iba pang reserbang Regiment at Infantry, sakay-sakay ng mga tangke at may mga dalang Artilerya.
Hinarangan nila ang mga sugatang mga sundalo at pinatay nila ang mga Hapon na nakapasok sa linya, pati na rin ang mga pasugod pa lang. Dahil sa panunumbalik ng lakas ng USAFFE, muling napaurong ang mga Hapon habang nagaganap ang labanan sa Barrio Pio. Nagtagal ng halos anim na oras ang laban sa pagitan nila.
***
Naibalik muli ang katahimikan, ngunit ang katahimikam naman sa puso ni Jonathan, Vergara at iba pang mga sugatan ay hindi magawang manumbalik. Ginamot si Vergara ng mga mediko at ibinenda ang kanyang braso. Nakatulala naman si Jonathan sa isang sulok, nag-iisip. Nilapitan siya ng kasamahan upang damayan.
"Hindi ko akalaing wala na siya," maluha-luhang sinabi ni Jonathan tuwing naaalala niya ang kalunos-lunos na sinapit ng Sarhento. "Parang kahapon lang kasama pa natin siya, nagbibigay ng utos, ginagabayan ang bawat isa sa atin."
"Iniligtas niya ang buhay ko kaya siya napahamak," sagot ni Vergara, "hindi ko makakalimutan iyon hanggang ako ay nabubuhay."
"Isa siyang bayani," pagpapatuloy ni Jonathan, "hindi siya nagdalawang-isip na ialay ang kanyang buhay, siya ang gagawin nating inspirasyon upang lumaban."
***
Kinabukasan, halos walang naganap na labanan, nagpaulan ng tira ang mga Hapon mula sa kalayuan gamit ang kanilang 105 mm. na Artilerya ngunit wala itong naiwang pinsala sa mga sundalo. Naatasan ang pulutong na gumawa ng bagong linya sa Gumain River sa ibaba, kinahapunan, sinamantala nila ang dilim upang makaurong sa ilog at naging matagumpay sila.
Sa kabilang linya naman sa Guagua, nagpatuloy ang pagbobobomba at pagsugod ng mga Hapon, hindi nagtagal, nagliyab sa Apoy ang buong Guagua at napasakamay nila ito. Naatasan ang mga nakaligtas na Sundalo na magtungo sa kanilang huling destinasyon at huling depensa bago marating ang Bataan, sa bayan ng Layac kung saan gagawa sila ng bagong linya.
Bumaba rin ang mga tagapagbantay ng Porac sa Dinalupihan at inatasang magtungo rin sa Layac.
***
Ikaanim ng Enero, narating nila Jonathan, Vergara at pati na rin ng ibang mga Sundalo ang bayan ng Layac kung saan nagtatagpo ang lahat ng daanan patungo sa Bataan. Kailangan nilang depensahan ito at labanan ang mga paparating na pwersa ng Japan para mabigyan ng sapat na oras ang mga ibang sundalo na makaurong at makapaghanda sa Bataan.
Tumawid ang lahat ng kanilang tangke, sasakyan at hukbo sa Culo River, masyadong maraming tao sa Layac na para bang walang gulong nagaganap at tila may piyesta. Ipinag-utos ng nakatataas na linisin ang daan at maaari nang dumating ang mga Hapon. Nang makaraan na ang lahat, pinasabog nila ang Culo Bridge upang mabawasan ng dadaanan ang mga Hapon.
Nagsipaghanda silang gumawa ng linya sa magkabilang daanan, pati na rin sa mga bukiran, ihinanda nila ang kanilang mga tangke, artilyera, machine guns, rifles, at iba pang armas. Handa na silang depensahan ang Layac Junction.
Gaya ng kanilang inaasahan, papalapit na nga ang mga Hapon at sila ay nagmamartsa na pababa ng Culo River dala-dala ang kanilang 150mm. Howitzer na tiyak na magdudulot ng malaking pinsala sa kabilang pwersa.
Nabasag ang katahimikan nang magsuguran ang ground troops ng Japan at sila ay nagsagawa ng Banzai Attacks. Ihinanda ng mga Amerikano at Pilipino ang kanilang mga rifle at pinaulanan nila ng bala ang mga Hapon, ang iba ay nagkaharap at nagkalaban. Sinaksak nila ng bayoneta ang mga nakabantay na sundalo, nagkaroon naman ng taktika ang mga Amerikano at naghagis na rin sila ng granada sa mga pasugod na kalaban. Nagmano-mano si Vergara at ang isang Hapon, sinubukan siyang itakin nito ngunit siya ay nakaiwas at sinuntok niya ng malakas sa mukha ang demonyong singkit, pagkatapos kinuha niya ang kanyang baril at pinagbabaril ang nakasagupa pati na rin ang mga pasugod.
Tumira ang tangke ng USAFFE laban sa tangke ng mga Hapon, purisgidong panatilihin ang linya, nagsimula namang magpaulan ng mga mortar shells ang 150 mm. Howitzer ng mga Hapon at sa lakas nito, naapektuhan nito ang mga tangke ng kabilang pwersa ngunit hindi naman ito nakapansila.
Nagpaulan na rin ng mga pampasabog ang mga Pinoy na sundalo sa may bukiran gamit ang kanilang artilerya na higit na mas mahina kumpara sa gamit ng mga Hapon, gayunpaman, marami pa rin itong napatay na sundalo ng mga kaaway.
Nagmistulang umuulan ng mga bala at pampasabog sa magkabilang pwersa, nagpatuloy ang pagtira ng mga Hapon at maraming Pilipino at Amerikano ang nasawi sa kanilang mga Howitzer, sinamantala nila ang pagkakataon na sirain ang linya, mabagsik nila itong pinasok na parang mga tigre at nagkasagupaan sa lakas ang mga Pilipino at ang kanilang katunggali. Nagbigay naman ng utos ang kanilang pinuno na panatilihin ang linya sa banta ng mga kalaban at iyon nga ang ginawa ng mga sundalo, kahit na naging kapalit nito ang kanilang mga buhay,
Patuloy ang pagtira ni Jonathan sa mga Hapon nang sumulpot ang eroplano ng kalaban at naghagis ng bomba sa tapat niya. Mabilis siyang nakalayo ngunit nasira na ang ginagamit niyang artilerya, napalingon siya sa paligid at nakitang nakakalamang na ang mga Hapon, patuloy ang kanilang pagbobomba sa paligid, nagkalat na ang mga sundalong patay sa kalupaan, pinagsasaksak nila ng kanilang mga bayoneta ang mga sugatan, niraratrat ng kanilang rifle at sinisigaan ng Flamethrower ang mga kaawa-awang kasamahan. Napakagulo na ng paligid, nagliliparan ang mga bala ng baril at artilyera at kumakalat na ang apoy sa paligid.
Napailing si Jonathan sa kinahinatnan ng mga kasamahan, napalingon siya sa isang Pilipinong Sundalo na nakahandusay sa may damuhan, duguan at wala ng buhay, nakahawak pa siya sa kanyang rifle.
Nagkaroon ng ideya si Jonathan, kinuha niya ang kanyang rifle at buong puso niyang sinugod ang mga Hapon, hindi iniintindi ang panganib na kanyang kakaharapin, dahil sa isang taong magiting, ang kapahamakan at kamatayan ay handa niyang suungin.
Lumundag siya sa kinaroroonan ng mga Hapon na tumitira sa kanyang mga kasamahan at ito ay pinaslang niya ng may buong tapang, nagtakbuhan ang mga sugatan na sundalo at kumuha rin ng mga armas sa kanilang mga namatay na kasamahan.
Tinuon ni Jonathan ang kanyang pansin sa mga kalaban na paparating at hindi niya namalayang pinaputok na ang howitzer malapit sa kanyang kinalalagyan. Nakita ito ni Vergara.
"Medrano!" sigaw niya,
Napalingon si Jonathan sa itaas at nakitang patungo sa kanya ang mortar shell na sasabog, tumalon siya palayo, pero huli na ang lahat at siya ay nasabugan ito.
Bumagsak siya sa kalayuan, lapnos ang kanyang kalahating mukha pati na rin ang kanyang dibdib at braso.
Lumapit sa kanya si Vergara at pinagbabaril ang mga Hapon na lalapit sa kanila.
"Medrano," pagtawag niya sa sugatang si Jonathan. "Natamaan ka, tatawag ako ng mediko!"
"Vergara, huwag," sagot ni Jonathan, bahagyang malakas sa bulong ang kanyang matamlay na tinig, "huwag na, tapos na. Ito na ang katapusan ko. Huwag mo na akong intindihin...makipaglaban ka...hanggang sa marating niyo ang Bataan."
"Hindi," naluluhang sagot ni Vergara, "sabay tayong makakarating sa Bataan, makakaligtas ka."
"Umalis ka...na," babala ni Jonathan, "paparating na ang mga kalaban."
Napatingin si Vergara sa paligid at nakitang pasugod ang isang pulutong ng mga Hapon.
"Hindi kita iiwan!" Paninindigan niya.
Nilapitan si Vergara ng kanyang ibang kasamahan at hinatak ang kanyang braso.
"Tara na!" sigaw ng isa sa kanila.
"Papatayin nila tayo! Halika na!"
"Hindi kita iiwan, Medrano!" Paninindigan ni Vergara.
"Tara na, Vergara," pagpupumilit ng isa nilanb kasamahan, "hindi na niya kakakayanin!"
Tumango si Jonathan bilang pagsenyas na kailangan na nilang umalis. Hinatak nila si Vergara at siya ay sumama na sa kanila, ngunit siya ay nakatingin pa rin sa sugatang kaibigan, nahahabag sa nangyari sa kanya.
Narating ng mga Hapon ang kinaroroonan ni Jonathan, naghahabol na ng hininga ang binata, nagkatawanan ang mga Hapon nang makita nila ang naghihingalong binata. Tinignan sila ng may pagkasuklam ni Jonathan, itinaas nila ang kanilang mga bayoneta at itinapat ito sa kanya, nasilayan ni Jonathan ang mga nakagiti ngunit mabagsik nilang pagmumukha, ito na ang huli niyang nasaksihan bago siya tuluyang saksakin at tadtarin ng kanilang mga bayoneta. Tuluyan ng nilamon ng madilim na kawalan ang kanyang nanghihinang kamalayan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro