Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 5

Kumakalat ang makakapal at maiitim na usok mula sa mga bahay at gusaling pinasabog ng mga Hapon. Umabot ito hanggang sa kalangitan at bahagya nitong natakpan ang liwanag na taglay ng araw. Isa ang bahay ng mga Garcia sa matinding pininsala ng mga bomba.

Unti-unting dumilat ang mga mata ni Juan at muli siyang nagkamalay. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nawalan ng malay, kung ilang minuto lang ba o ilang oras, ang alam niya lang ay patungo siya sa silid ng sumabog ang napakalakas na bomba.

Sinubukan niyang pagmasdan ang kanyang paligid ngunit nanlalabo pa rin ang kanyang paningin, dumodoble ang bawat bagay na kanyang makita at ito'y paikot-ikot na para bang siya ay inuuga.

Hindi nagtagal, bumalik sa normal ang kanyang paningin at nagkaroon na siya ng pagkakataon na pagmasdan kung ano ang nangyari sa kanilang bahay. Tinupok ng malakas na bomba ang pinakamamahal nilang tahanan. Nagbagsakan ang mga piraso ng mga bubong at kisame, pati na rin ang pader na gawa sa bato at kahoy. Patuloy ang pagbagsak mula sa itaas at napuwing siya sa alikabok at maliit na piraso ng bato mula sa gumuhong bubungan. Malapit sa kanyang kinaroroonan, narinig niya ang huni ng apoy at nalamang nasusunog na ang paligid ng bahay. Nagsisimula na ring kumalat ang makakapal na usok na lubhang nagpapahirap sa kanyang hininga at hindi na niya napigilang maubo.

Napalingon siya sa may silid, wasak-wasak ang pintuan at lumalabas mula sa loob ang makakapal na usok.

Inay, ate, Judith!

Masakit man ang ulo at katawan sa tinamong sugat, kumuha ng lakas si Juan at pinilit niyang tumayo, ngunit isang nakapipilipit na sakit ang muling nagpabagsak sa kanya. Napagtanto niyang naipit ang kanyang kanang paa sa isang piraso ng pader. Buong lakas niya itong hinatak at matagumpay niya itong natanggal. Tumayo siya at naglakad ng pasuray-suray patungo sa kinaroroonan ng kanyang pamilya.

"Inay! Ate!" pagtawag niya.

Sinipa niya ang nakaharang na piraso ng pinto. Pagkapasok niya sa silid, agad niyang siniyasat ang paligid. Nalaman niyang ang silid pala ang malubhang napuruhan ng bomba, bumagsak ang buong bubungan at malawak na ang pinsalang dulot ng nagliliyab na apoy.

Tumingin siya sa ibaba at nasilayan ang sugatang katawan ng kanyang ina malapit sa may pinto. Nadaganan ng mabibigat na bato ang kanyang katawan at tanging ang ulo na lang niya ang makikita.

"Inay!" sigaw ni Juan, nanlalaki ang kanyang ulo at kumakabog ng mabilis ang kanyang dibdib.

Tinanggal niya ang mga nakadagang bato, duguan ang kanyang katawan pati na rin ang kanyang mukha.

"Inay! Inay! Gumising ka!" Kinalog ni Juan ang balikat ng ina ngunit huli na ang lahat. Alam niyang wala na ang kanyang ina.

Dahan-dahan siyang inangat ni Juan at niyakap ng mahigpit, humahagulgol siya sa sinapit ni Aling Maria.

Habang siya'y nakayapos, napalingon siya sa gitna ng silid. Ang Ate Juliana naman ang nakita niyang nakahigang patagilid na para bang mayroon siyang hinarangan. Gaya ng kanyang ina, gumuho rin sa kanya ang piraso ng kisame.

Ihiniga ni Juan ang kanyang ina at nilapitan ang kanyang ate, ihiniga niyang paharap ang nakatagilid niyang katawan at napaluha siya sa hinagpis nang makitang lapnos ang kanyang kabilang braso at duguan ang kanyang pisngi at bibig.

"Ate!" pagtawag niya. "Ate, gumising ka! Kailangan ka pa ng anak mo! Ate!" nabasag sa pighati ang napapaos na tinig ni Juan, pero gaya ng kanyang ina, patay na rin si Juliana.

Wala siyang nagawa kundi tumangis sa harap ng kanyang ate, tumutulo ang kanyang mga luha sa kanyang sugatang pisgni.

Natigilan naman siya nang masilayan ang isang maliit na palad na nakalitaw mula sa nakadagang mga bato.

Judith! Nanlaki ang mga mata ni Juan na parang mga holen, hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at matulin niyang tinanggal ang mga gumuhong bato.

Nang maalis na niya ang lahat ng ito, gumimbal sa kanya ang nakakaawang sinapit ng pamangkin, pumutok ang ulo ni Judith sa pagbagsak ng mga bato, umaagos ang dugo mula sa kanyang noo, patungo sa kanyang maputing pisngi na na nagkasugat-sugat mula sa pagsabog. Lapnos naman ang kabilang bahagi ng kanyang ulo at pisngi kung saan nakasuot pa rin ang iniregalo niyang laso at nasunog rin ang kalahati nito.

Bumilis ang pagtulo ng mga luha ni Juan, lubhang mas malala ang pinsala ni Judith kung ikukumpara sa kanyang ina at ate, milagro na kung siya ay makakaligtas, gayunpaman, hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa na maaaring buhay pa siya.

"Judith, ang Tito Juan mo ito," pagtawag niya, walang malay ang bata at nagmistulan siyang isang manikang walang buhay.

Itinapat ni Juan ang kanyang tenga malapit sa dibdib ng bata, wala siyang marinig na kahit katiting na tibok sa kanyang puso.

"Huwag kang mag-alala, Judith," saad niya, pero sa totoo lang pinapalakas niya ang kanyang loob, "mabubuhay ka, ililigtas ka ni Tito Juan."

Sinubukan niyang CPR ang bata, pagakatapos, pinakinggan niya ulit ang kanyang dibdib, hanggang ngayon, wala pa ring tibok ang kanyang puso.

Sa pagkakataong ito, alam niyang hindi na niya masasagip si Judith. Wala ng nagawa si Juan kundi ang umiyak na parang isang bata, alam niyang wala na rin ang pinakamamahal niyang pamangkin.

"Judith! Judith! JUDITH!" umabot sa sukdulan ang kanyang tinig. Kinuha niya ng may pag-iingat ang bata at kinandong ito sa kanyang kanlungan gaya ng palagi niyang ginagawa. Pinakawalan niya ang isang nakapangingilabot na sigaw na nanggagaling mula sa pighati ng kanyang kaluluwa.

Hindi niya akalaing mangyayari ito sa kanya, na mawawala ang kanyang ina, ate at pamangkin. Kung maaari lang ang buhay niya ang ipalit para mabuhay si Maria, Juliana at Judith, handa siyang magsakripisyo. Sobra-sobra na ang pasakit na ito para sa kanya. Hindi niya alam kung kakayanin pa niya. Ang kanyang pamilya, wala na silang lahat. Hindi na niya ito muling makikita at makakasama.

Higit sa lahat, lubos siyang naaawa sa sinapit ng pamangkin. Wala siyang kinalaman sa mga pangyayari, isa lang siyang inosenteng bata na nadamay sa mga kaguluhan. Isang batang nabuhay sa panahong magulo ang mundo. Siya ang pinakahuling dapat madamay sa digmaang ito. Napakabata pa niya para mamatay, marami pa siyang gagawin at mararanasan sa buhay na ito. Mag-aaral pa siya, magdadalaga, magkakanobyo, magtatapos, makakapag-asawa, magkakaroon ng mga anak at tatanda  kasama ang kanyang pamilya. Ngayon, hindi na mangyayari ang lahat ng ito, hindi na rin matutupad ang kanyang mga pangarap at kagustuhan. Nanghinayang siya sa buhay ng kanyang pinakamamahal na pamangkin, hindi matutumbasan ang kanyang pagmamahal para sa kanya, itinuring niya itong parang siang tunay na anak at sa kanya umikot ang kanyang mundo, ngayon, gumuho na rin ang kanyang mundo kagaya ng kanilang tahanan sa pagkawala ng kanyang mga mahal sa buhay.

Mga hayop sila! Magbabayad sila!

Muling sumigaw mula sa kaloob-looban ng kanyang puso ang naghihinagpis na binata, nang mga sandaling iyon, maririnig ang mga sigaw at pagtangis sa buong Intramuros, sa bawat bahay na pininsala ng mga Hapon.

***

Matapos ang naganap na pagpapasabog ng mga Hapon, napuno ang mga Ospital sa Maynila ng mga pasyenteng napinsala. Sari-sari ang mga tinamong sugat at pinsala ng mga residente. Ang iba ay nabagsakan ng mga gumuhong gusali, ang iba ay natamaan mismo ng bomba at nalapnusan, ang iba naman ay naputulan ng mga binti at braso sa pagsabog. Ang lahat ay abala sa Ospital, maririnig ang sigawan, pamimilipit at iyakan ng mga isinugod na pasyente pati na rin ang kanilang mga pamilya.

Isa si Angelita sa mga abalang nag-aasikaso sa mga residenteng nadamay. Ginamot niya ang mga pasyenteng nasabugan.

"Sandali lang po, medyo masakit po ito," saad niya habang binebendahan ang isang lalaking naputulan ng braso. Nagsisigaw sa pamimilipit ang lalaki kaya naman kumuha siya ng bakuna at binakunahan ang pasyente nang sa ganoon ay hindi niya gaano maramdaman ang sakit ng kanyang braso.

Pagkatapos, napadaan siya malapit sa may morge, sa kanyang pagkagulat, nakita niya ang kasintahang si Juan, malapit sa pinto. Nakaupo ito sa sahig, duguan ang ulo at patuloy ang pagtangis.

"Juan," pagtawag niya.

"Angelita," agad na tumayo si Juan at niyapos ng mahigpit ang kasintahan.

Nagulumihanan naman si Angelita. Hindi niya alam ang nangyaring trahedya sa pamilya ng kasintahan.

"Anong nangyari?" May pag-aalala niyang tinanong.

"Pinasabog ng mga Hapon ang bahay namin," umiiyak na ikinuwento ni Juan, "wala na ang pamilya ko."

Nanlaki ang mga mata ni Angelita, napanganga siya sa pagkabigla at naramadaman niya ang pagtayo ng kanyang mga balahibo. Hindi siya makapaniwala sa narinig.

"Si Judith?" tanong niya.

Umiling si Juan na may matinding pait sa kanyang mukha.

Muling niyakap ni Angelita ang kasintahan.

"Wala na ang pamilya ko," pagpapatuloy ni Juan, "hindi ko alam kung ano ang gagawin ko."

"Nandito lang ako, Juan," saad ni Angelita, "hindi kita iiwan."

Hindi na rin napigil ni Angelita ang kanyang mga luha at maging siya ay nadala sa nangyari sa pamilya Garcia.

***

Dalawang araw lang, inilibing sa Museleo ng mga Garcia sina Maria, Juliana at Judith sa tabi ng puntod ni Don Juliano. Minadali ni Juan ang pagpapalibing sapagkat kailangan na niyang magtungo sa himpilan. Nakipaglibing ang ilang kakila at kapitbahay.

Hindi naman nawala sa tabi ng binata si Angelita at si Jonathan.

Ipinapangako ko sa inyo, pagbabayarin ko ang mga Hapon sa ginawa nila.

Taimtim siyang nakatingin sa mga puntod ng lapitan siya ni Jonathan at Angelita.

"Nakikiramay kami, kaibigan," saad ni Onat.

"Maraming salamat sa inyong dalawa," naluluhang sagot ni Juan.

"Handa ka na bang makipaglaban, Juan?" tanong ni Onat. "Hindi pa huli ang lahat para umatras."

"Tama si Onat," dagdag ni Angelita, "sa tingin ko mas makakabuti kung huwag ka na lang tumuloy."

"Tutuloy ako," buo ang pasya ni Juan.

"Pero hindi ka pa maayos at hindi biro ang kakalabanin niyo," rason ng kasintahan.

"Iyon nga ang gusto kong mangyari, ang makaharap na ang mga Hapon na iyon. Para maubos ko na sila at maipaghiganti ko ang pagkamatay ni Inay, Ate at Judith!"

"Hindi, hindi," kumontra si Onat sa kanyang sinabi, "huwag ganyan ang isipin mo."

"Ipinangako ko sa kanilang puntod na ipaghihiganti ko sila!" tumaas ang kanyang nanginginig na tinig. "Mga hayop sila! Dapat sa kanilang lahat ay patayin! Kung kailangang pasabugin ko ang buong Japan para lang maranasan nila ang sakit at hirap na dinanas ko, iyon ang gagawin ko! Uubusin ko silang lahat hanggang sa wala ng matirang Hapon dito sa mundo!"

Huminga ng malalim si Angelita, "Juan, alam ko ang nararamdaman mo, gusto mong bigyan ng katarungan ang pagkamatay ng pamilya mo, pero huwag kang magpapadala sa galit at poot. Wala iyan magandang idudulot sa iyo. Ito ba ang gugustuhin ni Judith? Ang pangarap niya ay ang tumulong sa ibang tao, hindi ang manakit at pumatay. Juan, ang mga Hapon ang may kagagawan nito, pero hindi ibig sabihin na lahat sila'y masama at nararapat mamatay. Walang kinalaman ang iba sa mga nangyari."

"Sila ang dahilan kung bakit wala na ngayon si Inay, Ate Juliana at Judith," nagpatuloy siya sa pag-iyak, "kinuha nila ang buhay ng mga mahal ko sa buhay. Hindi maaaring wala akong gawin."

"Juan," sunod na nagsalita si Jonathan, "naintindihan kita, at wala akong magagawa kung gusto mo talagang makipaglaban, hindi kita pipigilan, ganito na lang, kapag nasa Bataan na tayo, huwag mong isipin ang paghihiganti. Isipin mo na lang na nakikipaglaban ka para sa Pilipinas, para makuha ang ating kalayaan at hindi tayo masakop ng mga tiranong Hapon. Isipin mo ang mga sakripisyo ng mga Pilipinong Sundalong nagbuwis ng buhay sa Lingayen, ganoon na rin ang mga bayani ng nakalipas na nakipaglaban sa mga Kastila at Amerikano. Higit sa lahat, isipin mo na lang si Tita Maria, Ate Juliana at Judith. Isipin mong may uuwian ka pa, hindi naman talaga sila nawala, nariyan lang sila sa paligid mo, nagbabantay sa'yo. Kumuha ka sa kanila ng lakas at sila ang gawin mong inspirasyon para lumaban. Huwag kang magpadala sa galit at paghihiganti, kung ganoon ang gagawin mo, ano ang ipinagkaiba mo sa mga Hapon?"

Tila natauhan si Juan sa suhestiyon ni Jonathan, nawala ang galit sa kanyang mukha at unti-unti itong umaliwalas.

"At kung sakaling hindi gumana ang mga sinabi ni Onat, isipin mo na lang na maghihintay ako," dagdag ni Angelita.

Hinawakan niya ang kamay ni Juan at niyakap ito ng mahigpit.

"Sige, pumapayag na ko," saad ni Angelita, "basta ipangako mo lang na babalik ka."

"Ipangako mo ring may babalikan pa ako," sagot ni Juan.

"Pangako."

"Angelita, kahit wala na sila, mayroon pa ring pag-asa sa aking puso dahil nandyan ka. Ikaw na lang ang natitirang liwanag sa buhay ko."

Niyakap ni Juan si Angelita at hinagkan ng matamis sa labi, pagkatapos, nakangiti siyang nagpaalam at umalis sa musuleo na magaan ang kalooban.

"Huwag kang mag-aalala, Angelita," paninigurado ni Onat, "ako na ang bahala sa kaibigan natin."

Maligayang napangiti si Angelita sa sinabi ng kababata.

Katupusan ng Disyembre 1941

Nagsimula ng magpaalam sa kanilang mga pamilya ang mga binatang Pilipinong nagpalista para makipaglaban sa mga Hapon. Sa bawat bayan, makikita ang pagpapaalam ng kanilang mga magulang sa kanilang mga anak. Ang iba ay pinagbaon ng rosaryo, pagkain at bibliya. Sa panahong ito, mas makakabuti ang magpaalam na ng buong puso sapagkat walang kasiguraduhan kung makakauwi pa ba silang buhay sa kanilang mga pamilya.

Sa Maynila, dalawang magkapatid na binatilyo ang nagpapaalam sa kanilang mga magulang. Ang magkapatid na Alfredo at Maximo Sandoval. Si Alfredo ay dalawamput-dalawang gulang, ipinanganak siya noong 1919 at siya ang mas nakatatanda sa dalawa. Siya'y matangkad, matipuno at moreno. Si Maximo naman ay dalawampung taong gulang at ipinanganak noong 1921. Siya ang mas nakababata sa dalawa, may kaputian ang kanyang balat na namana niya sa kanyang inang si Karlota. Siya'y mas maliit at mas payat kaysa sa kanyang kuya.

"Mag-iingat ka doon, anak," saad ni Karlota kay Maximo, "mamimiss ko ang bunso ko."

"Mamimiss ko rin po kayo, ina," saad ni Maximo habang nakayakap sa ina.

Kung si Maximo ay nagpapaalam sa ina, si Alfredo naman ay nagpapaalam sa ama.

"Oh anak, alalahanin mo ang bilin ko sa iyo," saad ni Mang Alfonso sa panganay, humina ang kanyang tinig, "ingatan mong mabuti ang kapatid mo, alam mo naman iyan. Lalampa-lampa, walang alam sa mundo, parang binabae, masyado kasing nakadepende sa amin ng iyong ina. Baka hindi siya magtagal doon."

Natawa si Alfredo sa sinabi ng ama, "malaki na po si Maximo, kaya na rin niya ang kanyang sarili."

"Hindi ko matitiyak iyan, anak," sagot ni Alfonso, "hindi siya katulad mo."

Lingid sa kanilang kaalaman, naririnig ni Maximo ang lahat ng sinabi ng kanyang ama at sinubukan na lang niyang hindi ito bigyan ng pansin.

Sunod na niyakap ni Karlota si Alfredo, "mag-iingat kayo roon, anak. Umuwi kayong dalawa. Hihintayin namin kayo."

"Opo, inay," nakangiting ipinangako ni Alfredo, "pangako namin, uuwi kami. Paalam po inay."

Niyakap niya ng mahigpit ang ina.

Nakatayo naman si Maximo malapit sa kanila at malayo sa kanyang ama, noon pa man, naiilang na siya sa ama at mas malapit siya sa kanyang ina.

"Max, hindi ka ba magpapaalam sa iyong itay?" tanong ni Karlota.

Nahihiyang lumapit si Maximo sa kanyang ama, "Itay, aalis na po kami." Hindi niya magawang tumingin ng diretso sa kanya.

Yumakap sa kanya ang ama, "mag-iingat kayo, sana maging maayos ka."

Naglakad ang magkapatid paalis sa kanilang tahanan at iwinagayway ang kanilang kamay bilang pagpapaalam.

***

Sa isang bayan naman sa Batangas, dalawang magkaibigan ang sabay na aalis patungo sa himpilan. Si Benito Bernal na may katabaan ang pangagatawan at si Gabriel Sta. Ana na laging pupungas-pungas ang mga mata sa pagtulog. Pareho silang mga bata pa para maging sundalo. Ipinanganak sila noong 1922 at hindi pa sila tumutungtong sa edad na dalawampu. Sa hindi pa malamang dahilan, silang dalawa ay napasali sa digmaang ito.

Bago umalis si Benito para sunduin ang kaibigang si Gabriel, inasikaso ng kanyang inang si Lucia ang kanyang mga gamit. Dinamihan niya ang paglalagay ng mga pagkain sa bag ng anak.

"Iyan, para hindi ka magutom," saad ng kanyang ina, "alam ko namang masama ang timpla mo kapag ikaw ay nagugutom."

Natawa si Benito, "opo, ina, kakailanganin ko po ang mga iyan. Kahit naman may pagkain doon, tiyak magugutom pa rin ako."

Niyakap ni Lucia ang mahal na anak, "sana pag-uwi mo eh pumayat-payat ka naman."

"Papayat po ako doon ina, "sagot niya, "palagi po kaming may training eh."

Natawa ang kanyang ina sa kanya, "sige na, mag-iingat ka doon at huwag kang magpapatalo sa mga Hapon."

"Ala eh dadaganan ko po silang lahat," pagbibiro ni Benito bago umalis.

Naiwan namang natatawa habang napapailing ang kanyang ina.

***

Narating ni Benito ang bahay-kubo ng kanyang kaibigang si Gabriel. Dahan-dahan siyang kumatok sa kanilang kahoy na pinto.

"Gabriel, Gabriel," pagtawag niya.

Bumukas ang pinto at nakaharap ni Benito ang ama ni Gabriel na si Lagdameo.

"Ala eh, ikaw pala iyan Benito," saad ni Lagdameo.

"Opo, susunduin ko lang po si Gabriel, ngayon na po kasi ang alis namin patungo sa Bataan."

Sumama ang mukha ng kanyang ama, "oo nga pala. Sandali lang gigisingin ko lang siya."

Nilagyan niya ng malmig na tubig ang isang baso, pagkatapos nagtungo siya sa loob ng silid at ihinagis ito sa natutulog na anak.

Nagising si Gabriel sa lamig ng tubig na tumapon sa kanyang mukha.

"Anak ng tokwa naman eh," inis niyang sinambit.

"Gumising ka dyan, batugan," pagtawag ng kanyang ama, "narito na si Benito, aalis na raw kayo eh."

Bumangon si Gabriel na para bang napakahirap nitong gawin. Mabagal pa sa pagong ang kanyang pagkilos at unti-unti niyang kinusot ang mga muta sa kanyang mga mata. Naligo siya ng wala pang limang minuto at isinuot ang kanyang unipormeng pandigma.

"Anak ng puyat na unggoy kang bata ka eh," sermon ng kanyang ama, "hindi pupwede ganyan ka sa Bataan. Anong gagawin mo kapag nakikipaglaban na kayo sa mga Hapon, matutulog ka lang? Dapat pag-uwi mo dito masipag ka na eh."

Hindi na pinansin ni Gabriel ang mga sermon ng kanyang ama. Para sa kanya normal na ito, sapagkat totoo namang tamad siya kaya siya pinilit nitong magpalista, para naman may magawa siya sa buhay. "Sige po, tay, alis na po kami."

Naglakad sila ni Benito patungo sa istasyon ng tren, "ang sarap pa ng tulog, ginising niyo agad ako eh."

"Eh aalis na nga tayo," saad ni Benito. Kumuha siya ng bibingkang gawa ng kanyang ina at kumain. "Gusto mo?"

Namumualam pa si Benito sa dami ng pagkaing nasa bibig.

"Hindi pa ko gutom," may pagkainis na sinabi ni Gabriel. "Ubusin mo ang lahat ng iyan kung kaya mo."

***

Samantala, sabay namang nagtungo si Juan at Onat papunta sa himpilan. Sinuot ni Juan ang unipormeng nilabhan ng kanyang mahal na ina. Hindi niya akalaing wala na sila sa araw ng kanyang pag-alis, ngunit kailangan niya itong tanggapin.

Bago sila tuluyang magtungo sa Bataan, magtutungo muna ang mga bagong recruit sa kanilang himpilan upang sila ay magsanay.

Pagkadating nila Juan at Onat, marami na silang naroroon. Nakarating na ang magkapatid na Alfredo at Maximo at maya-maya dumating na rin ang magkaibigang Benito at Gabriel.

Naglakad sila patungo sa himpilan, habang sila ay naglalakad, may kinuha si Juan sa kanyang bulsa at ito'y tinitigan niya ng taimtim. Ito ang nasirang laso ni Judith na nagsisilbi niyang huling alaala. Tuwing tinitignan niya ito, bumabalik sa kanyang gunita ang kanyang pamangkin: ang kanyang malakas at matinis na tinig, ang kanyang pangungulit, ang kanyang mga asul na mga mata at ang kanyang malaanghel na ngiti. Para bang kasama niya ulit ito.

Nabahiran ng lungkot ang mukha ni Juan at hindi na niya namalayan ang kanyang dinaraanan, tyempo namang dadaan rin sa kanyang harapan ang apat na matatangkad na binata na malalakas ang tawanan at halakhakan.

Hindi sila napansin ni Juan at nakatuon pa rin ang kanyang paningin sa laso. Dumaan ang isang binatang nakataas ang noo at sila'y nagkabanggaan. Nagulat si Juan sa nangyari at siya'y bumalik sa realidad.

"Hoy!" sigaw ng lalaking nabangga. "Loko ka, tumingin ka dinaraanan mo!"

Siya ay si Frederico Reyes, dalawampung-apat na gulang at ipinanganak noong 1917.

Hindi siya binigyang pansin ni Juan at nanatili siyang nakayuko sa may laso ni Judith.

"Tumingin ka dito! Kinakausap kita? Hindi mo ba ako kilala?" patuloy na pagsigaw ni Frederico na tila naghahamon ng gulo. "Walang sinuman ang bumabangga sa akin."

"Ginoo, paumanhin po," si Onat na ang humingi ng tawad para sa kaibigan, "hindi sinasadya ng kaibigan ko na mabunggo kayo. May problema lang kasi siya."

"Frederico, mukhang may problema nga siya," saad ni Rodolfo Castro, kaibigan ni Frederico na ipinanganak noong 1918. "Tignan mo, parang ako lang kapag namimiss ko si Alicia."

Nagtawanan naman ang dalawa pa nilang kasama na sina Raul at Cito.

"Ilayo mo iyan sa akin," saad ni Frederico kay Onat. "Ayokong makikita ang pagmumukha niyan!"

"Muli, pasensya na Ginoo," saad ni Onat, "pero hindi naman ata tama na pag-initan mo ang isang baguhang gaya niya."

"At sino ka naman sa tingin mo?" tanong ni Frederico, tumayo siya sa harap ni Onat na tila naghahamon ng away.

"Ako si Jonathan Medrano ng 21st Division, matagal na akong nagsasanay, hindi na ako isang baguhang tulad niyo. Kilala ko si Sgt. Rivera. Gusto mo bang isumbong ko ang ginagawa mong paniniga?"

Natahimik si Frederico at ang kanyang mga kasamahan sa pagbabanta ni Jonathan. "Frederico, tara na. Baka isumbong pa tayo."

Hinatak ni Rodolfo, Raul at Cito ang hambog na si Frederico palayo sa kanila.

"Ayos ka lang?" tanong ni Jonathan kay Juan.

"Hindi ko man lang naipagtanggol ang sarili ko sa kanila, paano pa kung ang mga Hapon na ang kalaban ko?"

"Tama lang ang ginawa mo," saad ni Jonathan, "ang mga mayayabang na katulad nila, hindi dapat pinapatulan."

***

Sa isang sulok ng himpilan, isang matangkad na Sundalong Amerikano ang nagmamasid sa kanyang paligid. Siya ay si Jason Woods, isang sundalong mediko mula sa Amerika. Mapapag-alaman na isa siyang mediko sapagkat mayroong krus ang kanyang suot-suot na helmet.

"Tignan mo iyon," pagtuturo ni Raul.

"Isang Kano," saad ni Cito.

"Isang Medikong Kano," pagtatama ni Rodolfo, "ano sa tingin mo, Frederico?"

Umismid ang pagmumukha ni Frederico sa kanyang nakita, "huwag niyo ngang maturo-turo sa akin iyan, baka mang-init lang uli ang dugo ko, ang mga Kanong iyan ang may kasalanan kung bakit tayo sinasakop ng mga Hapon, nadamay lang naman tayo dahil hawak tayo ng Amerika."

Nagpatuloy sa paglalakad ang grupo ni Frederico.

Kinuha ni Jason ang kanyang wallet at binilang ang kanyang mga dolyar, pagkatapos, ipinasok niya ito sa kanyang bulsa. Hindi niya namalayang nahulog ito sa sahig.

Nakita ito ng isang binatilyong sundalong nagngangalang Eusebio Santos, pinulot niya ang wallet, tatawagin niya sana ang banyaga pero tinignan niya muna ang laman nito. Mayroon itong lagpas sampung piraso ng dolyar. Isang kakaibang ngiti ang pumorma sa kanyang mukha at habang walang nakatingin, isingit niya ito sa kanyang bulsa.

"Kung sinuswerte ka nga naman," pabulong niyang sinabi sa kanyang sarili.

***

Matapos ang ikang minuto, oras na para magsimula ang pagsasanay sa mga bagong recruits at nagsisimula ng dumating ang mga sundalong may matataas na ranggo para sila'y hasain.

"Papaano, Juan, aalis na ko," pagpapaalam ni Jonathan sa kaibigan.

"Aalis ka?" tanong ni Juan.

"Oo, hinatid lang talaga kita dito," paliwanag ni Jonathan, "para sa mga baguhan ang himpilang ito, kailangan ko na ring bumalik. Magkaiba tayo ng Division, doon ako sa 21st Division at kayo naman sa 57th Infantry Philippine Scouts."

"Ah, ganun pala," sagot niya sa kaibigan.

"Doon kami naassign sa Porac-Guagua line, kayo naman ay sa kagubatan ng Bataan, kami ang mauunang makakalaban ng Hapon bago sila makarating sa inyo, pipigilan namin sila para makaurong kayo. Kapag nakalaban niyo na sila, iisa lang ang ibig sabihin nun, natalo kami."

"Sana hindi na umabot sa ganoon," hiling ni Juan.

"Sana nga," hiling rin ni Jonathan.

Niyakap ni Juan ang matalik na kaibigan.

"Huwag kang mag-alala sa training,makakaya mo yan basta sumunod ka lang," payo ni Jonathan.

"Salamat, kaibigan, hanggang sa muli nating pagkikita," saad ni Juan.

"Paalam, kaibigan," saad ni Jonathan, "mag-iingat ka."

"Ikaw rin."

Naglakad si Jonathan palabas ng himpilan at nagsimula namang luminya si Juan kasama ang kanyang mga bagong kasamahan, handa na sa pagsasanay.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro