Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 4

"Papaano niyo po nasabi iyan, Don Waldo?" usisa ni Juan.

Kumunot ang noo ni Don Waldo at taimtim siyang napatingin sa sahig bago ibalik ang katanungan ng binata. "Hindi ka ba nagbabasa ng pahayagan o nakikinig sa radio, bata?"

Hindi nakasagot si Juan, bibihira lang siyang magbasa ng pahayagan at kung nabasa man niya ito, malamang hindi niya ito binigyan ng pansin. Wala rin siyang panahon para makinig ng mga balita sa radyo dahil siya'y abala sa pag-aaral ng inhinyero.

"Sinakop na ng mga Hapon ang Manchuria, taong 1932. Sumunod ang Tsina limang taon ang nakalipas, at ngayon balak nilang sakupin ang buong Timog Silangang Asya kasama na ang Pilipinas. Malakas ang pwersa nila, naaalarma na ang mga Amerikano sa banta ng digmaan."

"Totoo ang lahat ng sinabi ni Don Waldo," sabi ni Jonathan sa kaibigan, "nangangamba na ang Amerika na tayo na ang susunod sasakupin ng mga Hapon. Pinagsama na ang pwersa ng mga Sundalong Amerikano at Pilipino sa pamumuno ni General MacArthur. Tinawag nila itong United States Army Forces in the Far East o USAFFE. Ngayon pa lang, naghahanda na sila."

Nawalan ng imik si Juan sa mga ipinagtapat nila. Naramdaman niyang unti-unti ng tumutubo ang takot mula sa kanyang dibdib.

"Don Waldo, ano po ang pagkakakilala niyo sa mga Hapon? Mapanganib po ba sila?" tanong niya sa matanda.

"Lubhang mapanganib, iho," pagkumpirma ng matanda, "para silang mga hayop kung makipagdigma, mga brutal! Wala silang pinipili, lalaki man o babae, bata man o matanda, napakarami nilang pinatay sa Tsina, nagpapasabog sila ng mga siyudad, gumagahasa ng kababaihan at handa silang magpakamatay para sa kanilang bansa. Kung darating ang mga Hapon sa ating mga isla, magdasal na tayo, hindi lamang para sa ating bansa, kundi pati na rin sa kaligtasan ng ating pamilya."

"Sus, wala iyan," sumabat ang isang lalaking naglalakad sa kanto, si Mang Eulogio na isang tinderong nagtitinda ng balot. "Matanda na itong si Don Waldo, marami na siyang alalahanin."

"Mang Eulogio, ano po ang palagay niyo tungkol dito?" tanong ni Juan sa tindero.

"Wala kayong dapat ipag-alala, wala iyang mga Hapon na iyan sa mga Amerikano, sisiw lang ang mga iyan," saad ni Eulogio na may kakaibang tono sa kanyang tinig, na para bang hindi man lang siya naaalarma sa mga pangyayari, "kahit pa manakop sila ng maraming bansa, wala silang binatbat sa lakas ng Amerika. Ligtas tayong lahat, portektado tayo ng pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo, kahit marating nila ang Pilipinas, sigurado ako ilang araw lang matatapos rin ang giyera at mauubos ang mga Hapon na iyan, takot na lang nila!"

"May punto ka," sumang-ayon si Don Waldo, "malakas nga ang hukbo ng mga Amerikano pero sa pagkakaalam ko, hindi dapat natin maliitin ang lakas ng mga Hapon. Tandaan niyo, ganyan din ang sinabi ng mga tao sa Europa, inakala nilang hindi magtatagumpay si Hitler sa kanyang pananakop, pero sa huli kinain rin nila ang kanilang mga sinabi. Ngayon halos dalawang taon na ang digmaan sa Europa, marami na ang namatay at nagtatago na ang mga hudyo. Sa kabilang panig ng mundo naman, lumalawak ang pananakop ng mga Hapon sa Asya. Tingin nila sa atin ay isang maliit na tuta ng Amerika, na kahit kailan maaari nilang pasukin. Ikinakatakot ko lang na dumating ang panahong lumawak hanggang dito sa pasipiko ang nagaganap na digmaan."

Natawa muli si Eulogio sa sinabi ng matanda, "Don Waldo naman, masyado kayong negatibo. Walang mangyayaring kaguluhan, sige aalis na po ako."

Lumakad palayo si Eulogio at muling sumigaw ng Balot sa mga kabahayan.

"Mga bata, ako'y matanda na," saad ni Don Waldo, "naabutan ko na ang lahat ng maaari akong abutan. Naabutan ko sa aking kabataan ang panahon ng mga kastila, sa totoo nga kung buhay ngayon si Dr. Jose Rizal kasing tanda ko na siya ngayon. Ipinanganak siya noong 1861, ako ay ipinanganak noong 1860. Naabutan ko ang pagdating mga Amerikano at kung paano sila nilabanan ng mga Pilipino bago tayo tuluyang mapasailalim nila, alam ko na ang lahat, naranasan ko na ang lahat. Alam ko na ang pakiramdam ng totoong takot, pero sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nakaramdam ng matinding kabog sa aking dibdib at pangamba sa aking kalooban. Tuwing naiisip ko ang mga Hapon, para bang nagmimistulang mga tupa ang mga Kastila at mga Amerikano, kailangan natin silang paghandaan para sa kinabukasan ng ating bansa."

Inakbayan ni Don Waldo si Jonathan sa balikat, "opo, Don Waldo, naghahanda na po kami para sa kanila. Lalaban po kami para sa bayan."

"Mabuti," gumaan ang pakiramdam ng matanda, "sa panahong ito kailangan nating baguhin ang ating mga sarili mula sa pagiging isang batang musmos, kailangan nating maging isang magiting na mandirigma. Matanda na ako at wala ng kakayahan pang makipaglaban kaya sa inyong mga kabataan ko na lang ipapaubaya ang pagtatanggol sa ating bansa."

Pagkatapos nito, pumasok na si Don Waldo sa kanyang tahanan at tahimik na naglakad si Juan at Jonathan pauwi, walang ni isa sa kanila ang nakapagsalita mula ng marinig ang mga babala ng matanda.

December 7, 1941 (American Time)

Dumating na ang araw na kinatatakutan ng lahat, sa kabila ng kagustuhan ng Amerika na makipag-usap at makipag-ayos sa Japan upang mapigilan ang tumitinding tensyon, posorpresang inatake ng mga Hapon ang Hawaii at pinasabog nila ang base ng US Navy sa Pearl Harbor. Sa laki ng pinsalang tinamo mula sa pambobomba ng mga Hapon, libo-libong Amerikanong Sundalo ang namatay at natupok ang kanilang mga barko at eroplanong pandigma.

Iisa lamang ang nais ipahiwatig ng mga Hapon, gusto nila ng digmaan at hindi sila natatakot sa pwersa ng Amerika.

December 8, 1941 (Philippine Time)

Ilang oras lang matapos ang kanilang pag-atake sa Pearl Harbor sa Hawaii, sunod namang umatake ang mga Hapon sa Wake Island, Guam, Singapore, Hong Kong, Malaya at sa Pilipinas.

Sunod-sunod ang mga pagsabog na naganap sa iba't-ibang bahagi ng bansa. Binomba nila ang Clark Field sa Pampanga at maraming eroplanong Amerikano ang nasira. Nagkaroon naman ng mga Air Strikes sa Baguio, Davao at Aparri sa parehong araw.

Nanatili namang ligtas ang Maynila sa unang araw ng giyera, pero ito ay panandalian lamang.

December 8, 1941 (American Time)

"Yesterday, December 7, 1941- a date which will live in infamy- the United States of America was suddenly and deliberately attacked by naval and air forces of the empire of Japan."

Ito ang laman ng pahayagan at radyo, isang araw matapos ang malagim na trahedya. Idineklara ni President Roosevelt ang ginawang karahasan ng mga Hapon laban sa Amerika, binaggit niya rin ang mga bansang inatake ng Hapon.

"Last night, Japanese Forces attacked the Philippine Islands."

Isa ang ating bansa sa kanyang nabanggit.

Sa kalagayang ito, hindi na maiiwasan ang nagbabadyang kaguluhan at nagdeklara na ang Amerika ng giyera laban sa bansang Japan. Sinuportahan ng Great Britain ang Amerika at sunod naman silang nagdeklara ng digmaan laban sa mga Hapon.

Lumawak na sa Pasipiko ang digmaan ng Europa at nagsimula na ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

***

Bago pa man dumating ang mga Hapon, pinaghanda na ang mga tao sa kanilang pagdating. Nagkaroon ng malawakang drill sa bawat bayan, pansamantalang tinanggal ang mga suplay ng kuryente at tinuruan ang mga tao kung ano ang kanilang gagawin kung sakaling dumating ang hukbo ng mga Hapon.

Sa pagsisimula ng giyera sa Pilipinas, nabalutan ng takot ang puso ng bawat Pilipino. Nangamba sila para sa kaligtasan nila at ng kanilang pamilya. Ang iba ay nagpasya nang lisanin ang kanilang mga tahanan bago pa mahuli ang lahat. Unti-unti nang nag-eempake ang mga nakatira sa Intramuros.

Isa sa mga nagpasyang umalis ay ang kapitbahay nila Juan na si Aling Sioneng, nagmadali siyang empake kasama ang dalawa niyang anak na babae.

Nakita siya ni Aling Maria at Judith bago sila umalis.

"Sioneng, sigurado ka na bang aalis na kayo?" tanong ni Maria.

"Oo, mare," sagot ni Sioneng, "masyado nang mapanganib kung mananatili kami rito. Dalawa ang anak kong dalaga, wala kaming lalaki sa bahay at wala kaming kalaban-laban sa oras na lusubin ng Hapon ang aming tahanan."

"Saan naman kayo pupunta?" tanong ni Maria.

"Hindi ko alam, basta sa lugar na ligtas at malayo sa kaguluhan," natatarantang sagot ni Sioneng.

"Sa panahon ngayon, wala ng lugar na ligtas, bakit hindi na lang kayo manatili sa inyong tahanan?"

"Nandito tayo sa Intramuros," pagpapatuloy ni Sioneng, "ang Maynila ang puso ng Pilipinas, imposibleng hindi tayo atakihin dito ng mga Hapon. Nakita niyo ang ginawa nila sa Hawaii? Hindi malabong ganoon rin ang gawin nila sa Maynila. Sa ibang lugar, kahit papaano ay makakahinga kami ng maluwag. Kung ako sa inyo, maghakot na rin kayo at umalis, bago pa mahuli ang lahat."

Hindi na naghintay pa ng sagot si Sioneng at nagmadali siyang umalis ng Intramuros kasama ang dalawa niyang anak na babae.

Napaisip si Maria sa sinabi ng kumare, pero hindi niya ito binigyang-pansin.

***

Lumipas ang mga araw at nagpatuloy ang kaguluhan sa Pilipinas, mula noon, palagi ng nakikinig ng radyo, nanonood ng balita at nagbabasa ng pahayagan ang nangangambang si Juan. Ipinagdarasal niya sa bawat araw na dumating na matapos na ang nagaganap na digmaan, hindi lang sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo, pero sa tuwing siya'y manonood, makikinig at magbabasa ng mga balita, tila mas lalong umiigting ang kaguluhang nagaganap. Sa paglipas ng mga araw, mas lalong lumalala ang ginagawa ng mga Hapon sa Pilipinas. Sunod-sunod ang kanilang pagpapasabog at pananakop sa iba't-ibang bayan.

Isang beses, habang siya'y taimtim na nakikinig sa balita sa radyo, pumasok sa kanyang silid si Judith, hawak-hawak ang kanyang manika at suot-suot ang kanyang laso.

Hindi siya namalayan ni Juan na seryosong nakikinig sa pag-aanunsiyo sa radyo.

"Pinaghahanda ngayon ang lungsod ng Maynila sa nalalapit na paglusob ng mga Hapon."

"Tito Juan," tinawag niya ang tiyuhin sa mahina ngunit may pagkatakot na tinig.

Agad na pinatay ni Juan ang radyo nang malaman niyang naroroon ang pamangkin.

"Judith, halika dito," pagtawag niya, hinawakan ng kanyang palad ang kama at doon puwesto ang bata.

"Tito Juan, totoo po ba ang sinasabi sa mga balita? Magkakagulo po ba sa Maynila?"

Huminga ng malalim si Juan bago sagutin ang tanong ng pamangkin, ayaw niyang takutin ang bata pero ayaw rin niyang magsinunangaling dito. "Iyon ang sabi nila sa balita."

"Marami po bang masasaktan?" muli niyang pagtatanong.

"Huwag kang matakot," niyakap ng mahigpit ni Juan ang mahal na pamangkin, "habang nandito si Tito Juan mo, walang masasaktang kahit sino sa atin. Kailangan muna nilang dumaan sa akin."

"Tito Juan, bakit po ganun?" nagtanong ang bata sa ikatlong pagkakataon, nangingilid ang luha sa kanyang mga mata, "bakit po nagkakagulo, bakit po nagpapatayan ang mga tao? Di ba po masama iyon? Bakit kailangan pa po nilang mag-away? Pwede naman po silang magbati."

Nadala si Juan sa inosenteng pag-uusisa ng pamangkin, alam niya sa mga mata ni Judith, mahirap intindihin ang mga nagaganap na kaguluhan.

"Hindi kasi ganoong kadali iyon," paliwanag niya, "may mga bagay na mahirap maintindihan, masyado ka pang bata para sa lahat ng ito."

"Sana na po maayos na ang lahat," hiling ni Judith.

"Ako rin," sumang-ayon si Juan, "iyon rin ang kahilingan ko."

Dahil sa patuloy na paglala ng digmaan, lalong nangibabaw ang pangamba at pag-aalala ni Juan para sa kaligtasan ng kanyang pamilya at ng kanyang bansa. Tama si Don Waldo, dapat na itong bigyan ng pansin, hindi na ito biro. Naiiba ang mga Hapon sa mga manlulupig na dumating na sa Pilipinas. Buhay na ng mga Pillipino ang nakasalalay sa digmaang ito, at higit sa lahat, ang kinabukasan ng Pilipinas. Hindi na siya maaaring umupo na lang sa isang tabi at mag-abang ng balita. Dapat na siyang umaksyon.

Kailangan ko na ring lumaban, para sa kaligtasan ng aking pamilya at para sa kinabukasan ng Pilipinas.

***

Kinabukasan, bumangon si Juan sa kanyang kinahihigaan, kasabay ng pagsikat ng araw. Handa na siyang gawin ang kanyang tungkulin para sa bansa.

"Juan, ang aga mo naman," saad ni Juliana, "saan ka pupunta?"

"Kikitain ko si Onat, sasamahan niya ako at magpapalista na ako," saad niya.

"Magpapalista?" nagulumihanan si Juliana sa kanyang sinabi.

Lumabas si Maria sa kanyang silid at pinakinggan ang usapan ng magkapatid.

"Sasali na ako sa Philippine Scouts," deklarasyon ni Juan, "makikipaglaban na rin ako sa mga Hapon."

"Ano?" magkahalong gulat at tensyon ang nabuo sa boses ng kanyang ate. "Lalaban ka sa mga Hapon? Nababaliw ka na ba?"

"Ate, kailangan ko itong gawin," may paninindigang isinagot ni Juan, "halos lahat ng binatang kasing edad ko nagpalista na."

"At bakit mo naman sila gagayahin? Marami na silang makikipaglaban sa mga Hapon, hindi mo na kailangang dumagdag, hayaan mo na sila."

"Hindi, Ate," napalakas ang tinig ni Juan, "makakatulong ang bawat sundalong pilipino sa pagpigil sa mga Hapon. Kailangan ko itong gawin para sa inyo ni Inay at Judith, para sa kaligtasan niyo at para sa kapakanan ng ating bansa."

"Mas kailangan ka namin dito, Juan," pagpupumilit ni Juliana, "paano kung dumating dito ang mga Hapon at kunin nila si Judith? Papaano kung pagsamantalahan nila kami ni inay at wala ka rito? Sino ang magpoprotekta sa amin. Ang sabi mo habang ikaw ay may buhay, aalagaan at poprotektahan mo kami, ngayon tuparin mo ang pangako mo! Manatili ka dito sa bahay kasama namin! Kung saan hindi lang kami ang ligtas, pati na rin ikaw. Huwag mo kaming iwan!"

"Pasensya na Ate, kailangan ko itong gawin, malamang hindi mo ako maiintindihan ngayon, pero pagtatagal malalaman niyong para sa inyo ang ginagawa ko. Kaya nga namin lalabanan ang mga Hapon, para mapigilan namin ang panggugulo nila, nang sa ganoon hindi na mangyari ang mga kinatatakutan niyo, nais ko kayong protektahan dito sa bahay pero hindi lang kayo ang dapat kong iligtas, pati na rin ang Pilipinas. Hindi ako pwedeng manatili lang dito sa bahay habang ang iba ay nakikipaglaban, kailangan kong gampanan ang tungkulin ko sa ating bansa."

"Ano namang gagawin mo, anak?" sumali na sa usapan si Maria, "makikipagpatayan ka sa mga Hapon? Magpapabaril ka gaya ni Rizal? Magpapakabayani ka tulad nila Bonifacio, Luna at Del Pilar?"

"Kung ang kapalit nun ay ang kaligtasan niyo at ng ating bansa, handa akong ialay ang aking buhay," buong pusong sinabi ni Juan.

"Wala ka na bang pakialam sa buhay mo? Sandali na lang at makakatapos ka na ng Inhinyero sa kolehiyo, magiging katulad ka na ng iyong ama, sasayangin mo lang ba ang lahat ng iyon para lang sa digmaang ito? Para lang sa amin?"

"Patawarin niyo ko, ina," naluha na si Juan, "hindi niyo na ako mapipigilan, kayo lamang ang iniisip ko. Matinding kalaban ang mga Hapon, hindi sila basta-basta, marahas sila. Ayokong umabot sa puntong mapahamak kayo dahil sa kahayupan nila, lalong-lalo na si Judith. Kitang-kita ko ang takot at pangamba sa kanyang mga mata dahil ganoon rin ang nararamdam ko. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa kanya. Ayokong biguin siya, ayokong biguin kayo."

Hindi magtatagal, tatanda na ako at magkakaroon ng sarili kong pamilya, ayokong maalala ng aking mga anak at apo bilang ang lalaking nagtago sa kanyang tahanan sa gitna ng digmaan. Ang binatang naduwag makipaglaban sa mga Hapon. Kailangang lumaban ako, gaya ni Onat, gaya ng mga magigiting na sundalong Pilipino na handang talikuran at isakripisyo ang kanilang mga buhay at pangarap. Oras ng iwanan ko ang aking kamusmusan at maging magiting na mandirigma."

"Huwag mong gawin ito, anak," pakiusap ng kanyang ina.

"Paumanhin, ina," mahinahon niyang isinagot, "kailangan ko."

Wala ng nagawa si Aling Maria at Juliana para mapigilan ang anak sa pagsali sa hidwaang nagaganap.

Sinamahan siya ni Jonathan sa pagpapalista, pero pati ang kaibigan ay nag-aalangan sa kanyang biglaang pagsali.

"Sigurado ka na ba?" tanong niya.

"Oo, buo na ang pasya ko," sa tagal nilang magkakilala ngayon lang narinig ni Jonathan na ganitong kadesidido si Juan sa isang bagay.

Nakapagpalista siya at opisyal na siyang nakasali sa listahan ng mga Sundalong Filipinong makikipaglaban sa mga Hapon.

***

Mula nang suwayin niya ang kanyang ina at ate, naging malamig ang pakikitungo nila kay Juan sa loob ng ilang araw, tila iniiwasan nila ito at hindi nila ito kinakausap, tanging si Judith lamang ang nakakausap ni Juan ng mga panahong iyon.

Hindi lamang sa labas mayroong hidwaan, kundi pati na rin sa loob ng kanilang tahanan, kahit na sumama ang loob ng kanyang ina at ate, hindi naman sumama ang loob ni Juan sa kanila. Alam niyang kapakanan niya lang ang iniisip nila kaya sila nagkakaganito.

Isang araw, nagtungo ang binata sa kanilang bakuran, may kalakihan ang kanilang hardin, napanganga siya sa gulat ng makita niyang nakasampay ang kanyang unipromeng pandigma kasama ng mga nilabhang damit. Mula kasi ng makuha niya ito, hindi niya ito pinakita sa kanila at tinago na lamang sa isang maliit na baul sa ilalim ng kanyang kama, kaya naman laking gulat niya ng matagpuan niya itong malinis at bagong laba.

"Naisip naming baka kailangan mo ng suotin yan," narinig niya ang tinig ng kanyang ina mula sa kanyang likuran.

Lingid sa kanyang kaalaman, matagal na palang nagmamasid sa kanyang likuran ang ina at ate niya.

"Nais kong kahit papaano mabango ka bago ka umalis," nakangiting pagbibiro ni Maria.

Hindi na rin naiwasang mapangiti ni Juan, napagtanto niyang wala ng sama ng loob sa kanya ang ina at tanggap na niya ang kanyang desisyon.

Mabilis na niyakap ni Juan ang ina, "maraming salamat po."

"Mag-iingat ka doon," naluluhang saad ni Maria, "mahal na mahal ka namin."

"Mahal na mahal ko rin po kayo," bumuhos ang luha ni Juan na parang tubig na galing sa gripo.

Hinawakan ni Juliana ang kanyang likuran habang siya ay nakayakap sa kanilang ina, "palagi naming ipagdarasal ang kaligtasan mo."

December 20, 1941

Namataan ng US Navy Submarine Stingray ang isang malaking convoy at mga barkong pandigma. Lulan nito ang heneral na si Masaharu Homma kasama ang karamihan sa kanilang hukbo. Pinaghandaan nila ang pagsakop sa Pilipinas, mayroon silang 85 troop transports, 2 battleships at iba pang destroyers. Sinubukan silang atakihin ng mga US Submarines ngunit sila ay nabigo.

Decmeber 22, 1941

Narating ng mga Hapon ang baybayin ng Lingayen at naganap ang labanan sa pagitan ng Hapon at ng mga sundalong Pinoy at Amerikano. Para makaurong ang USAFFE, dinepensahan nila ang buong lugar ngunit naging kapalit nito ang kanilang mga buhay.

Maraming Sundalong Pilipino at Amerikano ang nagpakabayani, nilabanan nila ng buong tapang ang mga Hapon para mapigilan ang kanilang pagpasok at madepensahan ang kanilang mga pwersa pero sa huli, sila'y nabigo. Maraming dugo ang dumanak sa Lingayen, mga dugo ng mga magigiting na bayani.

Mula sa Lingayen, mabilis na gumalaw ang mga Hapon patungo sa Central Luzon. Naghiwalay ang kanilang mga pwersa, pero parehas lamang ang kanilang destinasyon, ang Maynila. Ang pwersa sa hilaga ay magmumula sa Lingayen, samantalang ang pwersa sa Timog ay magmumula sa Lamon Bay.

Sa sitwasyong ito, sigurado na ang gagawing paglusob ng mga Hapon sa lungsod ng Maynila at lalo nitong pinaigting ang pangamba at takot sa puso ng mga mamamayan.

***

Lumikas na ang ilan sa mga residente ng Maynila sa takot na sila'y bombahin at ratratin ng mga Hapon, maging sa Intramuros, nagsisimula ng magsilikas ang mga tao, bukod na lamang sa tahanan ni Don Waldo at Pamilya Garcia.

"Inay, nagsisialisan na po ang karamihan sa ating mga kapitbahay, natatakot na po sila, sa bawat araw na lumilipas, mas papalapit ng papalapit ang mga Hapon,"
saad ni Juliana, "hindi pa po ba tayo aalis?"

Hanggang ngayon, hindi pa rin mabitawan ni Maria ang kanilang Ancestral House. Apat na henerasyon ng nakatira dito ang pamilya Garcia at ito'y huling ipinama sa kanyang asawang si Juliano Garcia.

"Ang bahay na ito ang natitirang pamana ng inyong ama at lolo," sagot ni Maria, "hindi ko magawang iwanan ito, marami tayong mga masasayang alaala sa bahay na ito."

"Opo, inay, naiintindihan ko," sumang-ayon ang anak, "pero nag-aalala po ako para sa kaligtasan ng anak ko. Hindi po ba mas makakabuti na unahin natin ang ating sariling kaligtasan bago ang ating tahanan? Ang alaala natin, naririto lang iyan sa ating puso, kahit na masira ng mga Hapon ang bahay, habang buhay itong nakatayo sa ating gunita."

"Tama ka, anak," naluluhang saad ni Aling Maria, "siguro nga panahon na para humanap tayo ng ibang malilipatan. Huwag kang mag-alala, pagkatapos ng pasko, aalis na tayo."

December 25, 1941

Sa kabila ng mga kaguluhang nagaganap, hindi pa rin nawalan ng rason ang pamilya Garcia para ipagdiwang ang Pasko. Alam nilang sa kasagsagan ng patuloy na lumalalang kaguluhan, sa huli mananaig pa rin ang kabutihan at ang tunay na diwa ng kapaskuhan. Ang pagmamahalan, ang pagbibigayan at ang pagkakaunawan, hindi matitibag ng digmaang ito ang kanilang pananalig at pananampalataya. Kahit na dumating na ang gabi, sisinag at sisinag pa rin ang liwanag.

Nagluto si Aling Maria ng maraming putahe gaya ng hamonado, kare-kare, pansit at iba pa. Naghanda rin sila ng mga prutas sa mesa para sa Noche Buena. At dahil may kalamigan ang panahon, hindi mawawala ang kape at mainit na tsokolate sa hapag-kainan.

"Maligayang Pasko sa inyong lahat," pagbati ni Juan sa kanyang pamilya.

"Maligayang pasko rin, kapatid," masayang pagbati ni Juliana.

"Maligayang pasko po inay, lola at Tito Juan," masiglang pagbati ni Judith.

"Maligayang Pasko rin, apo," sagot ni Maria, "tara kumain na tayo."

Nagsiupo na sila sa hapag-kainan, kakain na sana sila ng biglang nagsalita si Judith.

"Wala po ba tayong nakakalimutan?" tanong niya.

Napatingin sa isa't-isa sina Juan, Juliana at Maria.

"Magdadasal po muna tayo," sagot ni Judith. Siya'y pumikit, nagsign of the cross at nagsimulang magdasal. "Lord, thank you sa mga pagkaing kakainin namin ngayon. Happy birthday po, Papa Jesus. Sana po maging tahimik na ang lahat, sana po hindi na magkagulo sa Pilipinas at wala na pong masaktan na mga ibang tao. Sana po palagi kaming ligtas at masaya dito. Sa ngalan ng ama, ng anak, ng espiritu santo, Amen."

Pagkabukas ni Maria ng kanyang mata, hindi niya napigilan ang kanyang emosyon, tumatak sa kanya ang dalangin ni Judith at nagagalak ang kanyang puso na sa murang edad ng bata, siya pa ang mas nakakaintindi at nakakaunawa kaysa sa mga taong nagpasimula ng kaguluhang ito.

"Lola, bakit po kayo umiiyak?" tanong ni Judith.

"Wala, masaya lang ako," sagot ni Maria, "na sa kabila ng mga kaguluhang nagaganap, naririto tayong lahat, ligtas at magkakasama."

Inakbayan ni Juan ang ina, "huwag kayong mag-alala, inay. Matatapos rin ang lahat ng ito."

"At sa isang taon, magdiriwang tayo sa Araw ng Pasko sa Pilipinas na tahimik at walang digmaan," pinapalakas ni Juliana ang loob ng kanyang inay. "Tara na, kumain na tayo."

December 26, 1941

Ngunit ang kanilang mga kahilingan ay tila malayo pa sa realidad, nagpatuloy ang pag-abante ng mga Hapon sa lungsod ng Maynila, wala ng nagawa si McArthur kundi ideklarang "Open City" ang buong Maynila nang sa ganoon ay maiwasan na ang pagdanak ng dugo at pagkasira ng buong siyudad. Kinumpiska ang lahat ng baril at kahit anumang armas alinsunod sa alituntunin ng isang Open City.

***

"Inay, Ate, nabalitaan niyo na ba?" tanong ni Juan. "Idineklara ng Open City ni McArthur ang Maynila."

"Anong ibig sabihin nun?"

"Ibig sabahin malayang makakapasok ang mga Hapon sa Maynila pero kinumpiska ang lahat ng baril at armas laban sa kanila nang sa ganoon maiwasan ang kaguluhan at pagkasira ng buong lungsod. Napagpasyahan ito ni McArthur upang mapanatiling ligtas ang Maynila pati na rin ang buong residente."

"Kung ganoon, ligtas na ba tayo?" tanong ni Juliana.

"Hindi ko masisigurado Ate, tuso ang mga Hapon," sagot ni Juan, "pero sa tingin ko hindi naman na nila pasasabugin ang Maynila kapag nalaman nilang bukas ito para sa kanila, kahit papaano makakahinga rin tayo ng maluwag."

"Magagamit rin natin ang pagkakataong ito para makalipat," suhestiyon ni Maria, "nakausap ko na ang Tiya Celia niyo, pumayag siya na makatira muna tayo sa kanila sa Bulacan habang may nagaganap na giyera. Aalis na tayo sa makalawa, lilisan tayo ng madaling araw habang wala pang mga Hapon."

"Tamang-tama ina," sumang-ayon si Juan, "ihahatid ko lang kayo sa kanila, pagkatapos didiretso na rin ako sa aming himpilan. Naatasan ang buong USAFFE na umurong sa Bataan at depensahan ito laban sa mga Hapon."

"Mag-iingat ka, anak," paalala ulit ni Maria, "Diyos ko po, nawa ay maging ligtas kaming lahat."

December 27, 1941

Taliwas sa kanilang akala, hindi nirespeto ng mga Hapon ang pagdeklara ng Open City sa Maynila. Kasisikat pa lamang ng araw, maririnig na ang nakabibinging ingay na nanggagaling sa mga eroplanong Hapon.

Nagising ang nahihimbing na si Judith sa kanyang kinahihigaan, sumakit ang kanyang tenga sa ingay ng eroplano.

"Inay ano po iyon?" Nagtago siya sa likuran ng kanyang ina.

"Huwag kang matakot, Judith," pinakalma ni Juliana ang anak,"eroplano lang iyon."

"Bakit po iba ang tunog ng eroplano?" tanong ng bata.

Lumipad sa kalangitan ng Intramuros ang mga Eroplanong pandigma ng Hapon.Wala silang pakialam sa mga gusaling mawawasak at mga buhay na madadamay.

Pumasok si Juan at Maria sa silid ng mag-ina.

"Nandito na ang mga Hapon," anunsiyo ni Juan.

Tumapat sa malaki at malawak na simbahan ng Sto. Domingo ang isang eroplanong hapon, walang pagdadalawang-isip ang mga Hapon sa kanilang gagawin. Nilaglag nila ang mga bomba sa tapat ng simbahan at narinig ang isang malakas at nakabubulabog na ingay sa Buong Intramuros. Ang nakagigimbal na pagsabog ng bomba.

Isang matinis na hiyaw ang nanggaling mula kay Judith, tinakpan niya ng dalawang kamay ang kanyang mga tenga, lubha siyang naapektuhan sa narinig na pagsabog. Buong buhay niya, ngayon lang siya nakarinig ng pagsabog ng bomba at ito'y gumimbal sa kanyang buong katauhan.

Agad niyang niyakap ang kanyang Tito Juan, tumutulo ang mapapait na mga luha mula sa kanyang inosenteng mga mata.

"Tito Juan, natatakot po ako!" sigaw niya. "Ano po iyon?"

"Judith, kumapit ka lang ng mahigpit kay Tito Juan, huwag kang bibitiw sa akin," walang atubiling sinunod ni Judith ang utos ng kanyang mahal na tito. Kumapit ang kanyang dalawang maliit na braso sa katawan ni Juan, na para bang sa kanya nakasalalay ang kanyang buhay. Nanginginig ang bata at tiyak na matinding trauma ang kanyang mararanasan pagkatapos nito.

Sa mga sandaling iyon, tila napaisip si Juan kung tutuloy pa ba siya sa Bataan, ngayon wala siyang nais gawin kundi hawakan ang kanyang mahal na pamangkin. Ayaw na niyang bitawan ang kanyang piling, kung maaari lang habang buhay na siyang mananatili sa pagkakakapit ng pamangkin, kung iyon ang maglalayo sa kanya sa kapahamakan.

***

Gumuho ang bubungan ng simbahan at kumalat sa paligid ang abo at usok pati na rin ang mga nagbabagsakang bato mula sa nasirang gusali. Yumanig ang kalupaan na para bang may malakas na lindol.

"Anong nangyayari?" natatarantang sigaw ni Maria, "bakit nila tayo binobomba? Akala ko ba bukas na ang bayan para sa kanila?"

"Ina, kailangan na nating makaalis rito bago nila bombahin ang iba pang mga bahay!" sigaw ni Juliana.

"Hindi," saad ni Juan, "delikado kung aalis tayo ngayon sa kasagsagan ng pambobomba. Baka lalo tayong mapahamak kung lalabas tayo ng bahay!"

Nag-isip si Juan kung ano ang nararapat niyang gawin.

"Sandali lang, sisilipin ko kung ano ang nangyayari," saad niya, kumawala siya sa pagkakahawak ni Judith pero ayaw siyang bitawan ng bata.

"Tito Juan, huwag niyo po akong bitawan," pagmamakaawa ng bata, "natatakot po ako!"

Inalis ni Juan ang pagkakahawak sa kanya ng pamangkin, "Judith, babalik ako agad, sandali lang ako. Kumapit ka muna sa iyong ina."

Kinarga niya ang pamangkin at inabot niya ito sa kanyang ate, niyakap ng mahigpit ni Juliana ang natatakot na anak.

"Anak, huwag ka ng lumabas," pakiusap ng kanyang ina.

"Sandali lang ako inay, babalikan ko kayo!" Pangako niya sa ina.

"Tito Juan! Tito Juan!" pagtawag ni Judith sa kanyang tiyuhin, hinahabol niya ang palabas na binata.

Naplingon si Juan kay Judith, namumula na ang kanyang maputing pisgni sa kakaiyak, pagkatapos lumabas na siya ng silid.

Niyakap ng mahigpit ni Juliana ang kanyang anak, yumuko siyang tumatangis at hinagkan ang noo ng bata. Si Maria naman ay bumubulong ng isang dasal habang nakatingin sa itaas.

***

Nagtungo si Juan sa may bintana at tinignan kung saan naganap ang pagsabog. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang umaabot na sa kalangitan ang maiitim na usok na nagmumula sa Simbahan ng Sto. Domingo kung saan madalas silang magsimba.

Ang Sto. Domingo Church ang unang gusaling pinasabog ng mga Hapon sa Intramuros at ang pagsabog nito ang naging hudyat ng pagbagsak ng kilalang siyudad, mula rito, hindi na makakabangon pang muli ang Intramuros.

Ang dating siyudad na napapaligiran ng dingding, ngayon ay isa ng siyudad ng abo, apoy at usok. Ang mga pader na may pagmamalaking nakatayo ay napaluhod sa pinsalang dulot ng digmaan.

Bumaba si Juan upang siyasatin kung mayroong mga bahay na nadamay sa nasabing pambobomba. Napalingon siya sa mansyon ni Don Waldo kung saan nakita niya ang isang maliit na sinag ng ilaw mula sa nakasarang bintana.

Sa loob ng kanyang mansyon, nakaupo si Don Waldo sa kanyang Rocking Chair, kalmado, mapayapa, para bang walang nangyayaring kaguluhan sa labas. Tumingin siya sa litrato ng kanyang mga magulang at kapatid at isang matamis na ngiti ang pumorma sa kanyang bibig.

Hawak-hawak niya ang isang rosaryo na nakapulupot sa kanyang kamay at siya'y nag-alay ng dasal, hinihiling na tanggapin siya ng lumikha.

Lumipad sa tapat ng kanyang mansyon ang eroplanong hapon at naglaglag ng bomba sa bubungan. Sumabog ito at natabunan ng mga gumuhong bato at pader ang matanda. Kitang-kita ni Juan kung paano natupok ang eleganteng mansyon ni Don Waldo at siya'y napaluhod sa naganap, pinakawalan ang isang nangingilabot na bugtong hininga.

Sunod na lumipad malapit sa mansyon ng mga Garcia ang isang Eroplanong Hapon, nanlaki ang mga mata ni Juan nang mapagtanto niyang ang tahanan na nila ang susunod na bobombahin ng mga Hapon.

Hindi! Hindi!

Hinatak siya ng kanyang mga paa paakyat sa kanilang tahanan. Bumilis ang kanyang takbo, ang pinakamatulin na nagawa niya sa kanyang buhay. Sa bilis na hindi niya inaasahang makakaya niya. Maging ang tibok ng kanyang puso ay umabot na rin sa sukdulan, at tila aatakihin na siya sa puso sa tindi ng kabog. Tumagos ang kanyang kabog sa kanyang pagkatao na parang isang kutsilyong paulit-ulit na sumasaksak sa kanya.

Wala ng oras, kailangan niyang mapuntahan ang kanyang pamilya. Sa lalong madaling panahon.

Inilaglag ang bomba sa tapat ng kanilang bubungan. Dahan-dahan itong bumagsak patungo sa kanilang bahay.

"Inay!"

Narating niya ang sala.

"Ate!"

Patungo na siya papalapit sa silid.

"Jud-"

Isang nakakabibinging ingay ang bumabalog sa buong kabahayan, tinabunan nito ang sigaw ni Juan sa pangalan ng kanyang pamangkin, tuluyan ng sumabog ang bombang inilaglag ng mga Hapon. Kung sumigaw man si Judith, Juliana at Maria, malamang natabunan na rin ito ng ingay ng bomba. Tumalsik si Juan papalayo sa pinto ng silid kasabay ng pagsabog. Walang ni isang kagamitan sa bahay ang nanatili sa kanilang pwesto. Sa tindi ng pagsabog, tila isang napakalakas na lindol ang yumanig sa kanilang tahanan. Bumagsak ang bubungan at kisame at gumuho ang pundasyon ng bahay. Sa bawat paligid, maririnig ang pagbagsak ng mga nagkapira-pirasong mga bato at pati na rin ang nakapngingilabot na siklab ng kumakalat na apoy. Sa bilis ng mga pangyayari, hindi na namalayan ni Juan na nabagsakan siya ng isang malaking piraso ng pader sa kanyang katawan at naipit ang kanyang isang paa.

Iniangat niya ang kanyang duguang ulo mula sa magaspang na sahig, sinubukan niyang pagmasdan ang kanyang paligid ngunit nanlabo ang kanyang paningin at doon na siya nilisan ng kanyang kamalayan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro