Kabanata 3
Intramuros, Manila, 1941
Ngayon nagbabalik tanaw si Lolo Juan sa alaala ng nakalipas. Sa tanyag at makasaysayang siyudad ng Intramuros, bago sirain at bulabugin ng digmaan, hindi lamang ang pundasyon ng mga nagtataasang dingding, kundi pati na rin ang puso at kaluluwa ng bawat Filipino.
Ang Intramuros ang itinuturing na isa sa mga natitirang bakas ng Espanya sa bansa, kahit na ito ay pamana ng mga mapang-abusong Kastila, ito ay pinahahalagahan ng taumbayan sa taglay nitong bighani, kagandahan at mga kaakit-akit nitong istraktura.
Sa loob ng Hiyas ng Dating Maynila, masaya ang pamumuhay ng mga tao sa pamamahala ng Commonwealth ng Estados Unidos. Malaki ang naiambag ng Amerika sa pag-usad ng Pilipinas. Masagana ang pamumuhay, edukasyon, komersiyo, at ekonomiya sa buong bansa at walang bahid ng korapsyon, gayunpaman, marami ring hindi magandang naidulot ang pamamahala ng Amerika sa Pilipinas. Nagmistulan itong isang magulang na ibinigay ang lahat ng luho sa kanyang anak. Lumaki sa layaw ang Pilipinas at unti-unti nitong nakalimutan ang pagiging makabayan at ang tunay na kahulugan ng pagiging isang Pilipino. Naging kaagaw ng sariling wika ang wikang Ingles at natuto ang mga Pinoy na gamitin ito sa pang-araw-araw nilang komunikasyon. Nilamon ang karamihan ng kanilang sistema.Umusbong rin ang isang kolonyal na kaisipan kung saan mas nakakahiligan at tinatangkilik nila ang mga kaugalian, gamitan, kasuotan at mga kotseng gawa ng Amerika.
Kung iisipin, hindi masisisi ang Pilipino, totoo ngang pinaunlad ng Estados Unidos ang antas ng pamumuhay sa ating bansa at hindi naman masama na magbunyi para sa pang-unlad, basta hindi binabaon sa limot ang pagiging makabayan.
***
Taong 1941, nagpatuloy ang mausbong na pamumuhay sa Intramuros. Dumaan ang mga araw na para bang walang mangyayaring kaguluhan, wala silang kaalam-alam na malapit ng magtapos ang kanilang mga maliligayang araw bago pa man sumapit ang susunod na taon.
Sumikat ang matingkad na sinag ng araw sa pinagpalang bayan. Sa harap ng Silangan, nakatayo ang Puerta Del Parian, ang isa sa pinakamatandang daluyan papasok sa siyudad na pinaliligiran ng dingding, kung saan dumaraan ang karamihan.
Sa loob ng siyudad, abala ang mga tao sa kanilang mga ginagawa, ang iba ay nagtitinda at naglalako ng mga kakanin, ang mga kababaihan ay nakahawak sa kanilang mga kasintahan suot-suot ang Filipiniana na karaniwan pa ring isuot sa panahong iyon. Ang mga kalalakihan naman ay nilamon na ng sistemang Amerika. Sopistikado na ang kanilang mga kasuotan, imbes na barong ang kanilang suotin, karamihan ay nakasuot na ng puting sumbrero sa kanilang ulo at puti rin ang kanilang mga Amerikana at mga pantalon. Ito ang kanilang pamamaraan upang makibagay sa mga dayuhang namamahala sa kanilang bansa.
May kalakihan ang kalsada kaya naman hindi nagkakaroon ng matinding trapiko, gayumpaman, hindi rin ito nababakante sa pagdaan ng mga kalesa at mga sinaunang kotseng tatak "Ford" galing pa sa Estados Unidos. Ang iba namang simpleng mga mamamayan ay nagbibisikleta lamang. Ang iba ay patungo sa mga sinaunang Istraktura at Simbahang ipinatayo ng mga kastila, tulad ng Simbahan ng Sto. Domingo na isa sa pinakamatandang simbahan at pati na rin ang Fort Santiago na lalo pang naging tanyag sa pagkakabilanggo ni Dr. Jose Rizal at ng hindi na mabilang na katao noong panahon ng Kastila, hindi nila alam na madadagdagan pa ang mga maghihirap dito sa pagpasok ng mga Hapon.
Hindi naman lahat ng nagbibisikleta ay namamasyal, ang iba naman ay naghahagis ng mga pahayagan sa mga kabahayan. Malalaki at matataas ang mga mansyon sa Intramuros. Nakatayo pa rin dito ang mga kabahayang tinirahan na ng ilang henerasyon sa loob ng mga siglo.
***
Masayang nagbibisikleta ang dalawang binata sa mabatong sahig ng Intramuros, ang isa sa kanila ay si Juan Miguelito Garcia na noon ay dalawampu't-isang taong gulang pa lamang. Ang kasama niya naman ay ang kanyang kaibigang nagngangalang Jonathan Medrano, isang mestizong binata na may dugong kastila, halata naman sa kanyang maputing balat at matangos na ilong. Magkababata ang dalawa at noon pa man, palagi na silang magkasama sa mga lakad. Magkapatid na ang turingan nila sa isa't-isa.
Tumigil sila sa isang malaki at mataas mansyon, yari sa kahoy ang itaas at bato naman ang unang palapag. Sumilip ang magkaibigan, nakasara ang malalapad na bintanang kahoy, ngunit masisilayan ang liwanag sa loob nito.
"Sige, Onat," sabi ni Juan sa kaibigan, "baka naghihintay na si Judith."
Pilyong natawa si Jonathan sa kanya, "kaibigan, huwag mo na akong tawaging 'Onat.' Ang ganda-ganda ng pangalan ko, Jonathan, dapat iyon na ang itawag mo sa akin. Just call me, Jonathan."
Napailing na natawa si Juan sa pagbibiro ng kaibigan, "ikaw talaga, nadadala ka na rin sa impluwensiya ng mga Amerikano. Hindi ka pa nanibago sa akin, bata pa lang tayo yan na ang tawag ko sa'yo at hindi ako magpapaka-Kano para sa'yo, kaibigan."
"Sige na nga. Siya, siya aalis na ko, sigurado ako inaabangan ka na ni Judith sa itaas."
Bago pa man makasagot si Juan, bumukas ang bintana sa pagtulak ng isang maliit na kamay at mula rito, isang batang babae ang sumilip habang maligalig na tinatalon ang bintanang mas mataas sa kanya.
"Iyon na pala siya," tinuro ni Jonathan ang bata sa itaas.
Nagmadali nang pumasok si Juan sa kanilang tahanan. "Paano kita na lang ulit sa susunod."
"Sige, kaibigan, tsaka nga pala, pwede ka ba bukas? Punta naman tayo sa mga bar sa Maynila. Kaunting inom lang."
"Hindi pwede, pupuntahan ko si Angelita bukas sa ospital," sagot ni Juan.
"Pwede ba akong sumama? Matagal-tagal ko na rin hindi nakakamusta si Angelita."
"Sige, bukas na lang, aakyat na ako. Ingat, kaibigan."
"Sige," sumakay si Jonathan sa kanyang bisikleta, pumadyak sa pedal at lumarga na palabas ng Intramuros.
Umakyat si Juan sa mataas na hagdan ng kanilang mansyon at may siningit siyang isang gamit sa kanyang bulsa. Pagkabukas niya ng kanyang pinto, sumalubong sa kanya ang batang nakaabang sa kanilang bintana. Nasa limang taon ang bata, maputi ang kanyang balat at maasul-asul ang kanyang mga mata na tulad ng mga banyaga ngunit purong itim naman ang kanyang buhok.
"Tito Juan," palundag na yumakap ang bata sa kanya at napayakap rin siya nang mahigpit.
"Judith, maligayang kaarawan."
Sumagot sa kanya ang malalim na ngiti ng bata.
"Naku, Juan, kanina pa naghihintay sa'yo yan. Sobrang excited na siya," pinaalam ng kanyang Ate Juliana.
"Oo nga. Anak, mula kanina wala ng bukang bibig si Judith kundi ang regalo mo," dagdag ng kanyang inang si Maria.
"Nabili niyo po ba? Sabi niyo bibilhin niyo po sa birthday ko?" Lalong nanigla ang matinis na tinig ni Judith sa pangungulit sa kanyang Tito.
Natunaw ang ngiti sa mukha ni Juan, "pasensya na, Judith, pero wala akong nabili. Ubos na raw."
Naglaho na rin ang pananabik sa mukha ni Judith, napatigil siya sa paggalaw na parang siya ay iiyak na, nagkatinginan naman si Juliana at Maria.
"Biro lang," inilabas ni Juan ang isang kulay pink na laso mula sa kanyang bulsa at ibinigay ito sa kanyang mahal na pamangkin, "pwede ba namang hindi ko ito mabili?"
Muling nagtatalon ang bata at umabot sa tenga ang ngiti sa kanyang labi.
"Yehey! Salamat po, Tito Juan."
Muling niyakap ni Judith ang kanyang mahal na Tito.
"Walang anuman, Judith. Kahit ano para sa'yo."
Makita lamang niyang masaya ang pamangkin, kumakabog na rin sa tuwa ang kanyang puso. Ganoon siya kahalaga kay Juan.
"Inay, tignan niyo po, binili na ni Tito Juan yung ribbon na gusto ko."
Kinagiliwan ni Juliana ang pagmamalaki ng anak, "oo na, anak, ngayon isuot na natin iyan sa'yo."
Dahan-dahang isinuot ng Ina ang laso sa ulo ng kanyang anak, pagkatapos, pinagmasdan niya ito. Mas lalong lumitaw ang kagandahan ng bata sa kanyang bagong laso na tumugma sa kanyang maliit na mukha.
"Bagay na bagay," sabi ng kanyang ina.
"Napakaganda mo, apo," papuri ni Maria.
"Salamat po, lola."
"Para ka ng isang Prinsesa," dinagdag ni Juan.
"At ikaw naman ang aking Prinsipe."
Nagtawanan ang lahat sa sinabi ng bata. Limang taon pa lamang si Judith ngunit parang sampung taon na siya kung mag-isip at magsalita.
"Tara na sa hapag-kainan at nagluto na ako ng adobo," Niyaya sila ni Aling Maria sa may hapag.
***
Pagkatapos nilang kumain, nakatulog na ang bata pagsapit ng ika-walo ng gabi at maya-maya, naiwan naman si Juan na nakasilip sa kanilang bintana. Wala ng maririnig na ingay sa paligid at tulog na ang mga tao sa kanilang mga kabahayan. Sanay siyang magpalipas ng ilang oras dito upang magpaantok, dinadama ang kapayapaan na nakagisnan niya sa Intramuros mula noong siya ay sinilang.
Lumapit ang kanyang Ate Juliana.
"Juan."
"Ate, gising ka pa."
"Gusto ko lang magpasalamat sa pagmamahal na ibinibigay mo sa anak ko. Sobra-sobra na ang pag-aalaga mo sa kanya, parang ikaw na ang tumatayo niyang ama."
Napangiti si Juan, "Ate, wala iyon, mahal na mahal ko si Judith. Sa kanya umiikot ang mundo ko at habang nabubuhay ako, ipinapangako ko, aalagaan ko kayo. Kung hindi iyon kayang gawin ng kanyang Ama, ako ang gagawa nun."
Naluluha si Juliana sa pagmamalasakit ng kapatid sa kanila.
Ipinanganak si Juliana noong 1918, dalawang taon ang pagitan nila ni Juan. Noong labinwalong taong gulang pa lamang siya, umibig siya sa isang Amerikanong Sundalo na nadestino sa Pinas at nagkamabutihan sila. Noong malaman niyang nabuntis niya si Juliana, nagmadali siyang umalis at bumalik sa Amerika. Hindi niya pinanindigan ang kanyang responsibilidad sa mag-ina. Ipinanganak si Judith noong 1936, nakuha niya ang ang halos lahat sa kanyang ama bukod lamang sa buhok. Pinalaki siya ni Juliana mag-isa kasama ang inang si Maria at ang kapatid na si Juan na tumayong ama-amahan sa kanyang pamangkin.
***
Kinabukasan, maagang bumangon si Juan at nag-ayos maigi para sa pagbisita niya sa kasintahang si Angelita. Inayos niya ang kanyang paligo, kinuskos niya ang katawan mula ulo hanggang paa, at siniguradong walang ni katiting na libag o dumi ang matira sa kanya.
Kinuha niya ang puting long sleeve na pag-aari ng kanyang ama, pagkatapos dinoblehan niya ito ng puting amerikana, maging ang kanyang sumbrero ay katerno ng kulay. Kahit na ayaw niyang magpaka-Kano tulad ng iba, hindi niya rin maiwasang magaya ang kanilang pananamit.
Napahanga ng kanyang Ina at Ate nang makita ang kanyang magarbong kasuotan, nagmistulang artistang pang Hollywood ang dating ni Juan, kahit na likas sa kanya ang pagka-Pilipino sa balat at laki, hindi maipagkakailala ang kanyang kagwapuhan na taglay ng tunay na lahing Malaya.
"Aba, napakaayos mo naman ngayon, darating ba si Pangulong Quezon?" pabirong banat ng kanyang Ina.
"Inay, ganyan talaga kapag may pag-ibig," sabi ng kanyang Ate Juliana.
Namula ang mukha ni Juan na parang isang nahinog na mangga. Kahit na magkasintahan na sila, madalas ay nahihiya pa rin siya sa tuwing tinutukso siya ng kanyang pamilya sa dalaga.
"Bibihira lang kami magkita ni Angelita, abala siya lagi sa ospital sa pag-aasikaso sa mga pasyente, kaya gusto ko maayos ako tuwing magkikita kami. Sa totoo nga, hindi niya alam na dadalawin ko siya."
Dahan-dahang bumukas ang kahoy na pinto, lumabas si Judith, kagigising lamang niya, pupungas-pungas pa ang kanyang mga mata at mamuo-muo pa ang kanyang mga muta.
Napatingin siya sa kanyang Tito Juan at nawala ang antok ng kanyang kamalayan. "Tito Juan, ang gwapo niyo po. Saan po kayo pupunta?"
"Bibisitahin ko lang ang Ate Angelita mo sa ospital.
"Si Ate Angelita?" lalong nagalak ang bata nang marinig ang pangalan ng kasintahan, "pwede ba akong sumama?"
"Anak, hindi pwede," sagot ng kanyang Ina, "oras ito ng Tito Juan at Ate Angelita mo mag-isa."
"Ayos lang naman, Ate. Kasama ko rin naman si Onat, pwede ko rin namang isama si Judith, tiyak na matutuwa si Lita."
Hindi inaasahan ni Juliana na sasang-ayon ang kapatid sa kagustuhan ng anak. Nanlaki ang mata niya sa kapatid at sumenyas sa kanya. Natahimik si Juan, alam niyang kapag ganito na ang mukha ng kanyang Ate, ibig sabihin ay hindi ito sang-ayon.
"Judith, magbibisikleta ang Tito Juan mo. Saan ka naman sasakay?"
"Aangkas na lang po ako sa likod niya," direktang isinagot ng anak, "maliit lang naman po ako."
Huminga ng malalim si Juliana bago ipaalam sa anak ang pasya, "hindi, anak. Hindi ka makakasama."
***
"Whoo-hoo!" Humiyaw si Judith habang nakaangkas sa likuran ng kanyang Tito Juan. Kahit na nakapasan sa kanyang likuran, hindi naman nahirapan si Juan sa pagbibisikleta sapagkat napakagaan lamang ng kanyang pamangkin. Kasabay naman nilang nagbibisikleta si Jonathan na nauuna sa kanila.
Pinagbawalan man ni Juliana ang anak, wala pa rin siyang nagawa upang mapigilan ito sa pagsama dahil sinusunod ng kapatid ang lahat ng layaw ng anak.
Nakalabas na sila ng Intramuros at ngayon nagbibisikleta na sila sa Hiyas ng Dating Maynila. Napalingon si Judith at nagmasid sa kanyang kapaligiran. Bibihira lamang makalabas ng Intramuros ang bata dahil may pagkaistrikta ang kanyang Ina.
Pinagmasdan niya ang karaniwang nangyayari sa Maynila sa araw-araw na buhay. Tunay ngang karapat-dapat ang taguring "Paris ng Asya" sa dating Maynila. Napakaganda ng nasabing siyudad noong araw, animo'y maihahalintulad ito sa mga kabigha-bighaning siyudad sa Europa. Maayos at magarbo ang kapaligiran. Magkaibang-magkaiba na ang anyo at kalagayan nito sa kasalukuyan. Kumapit sa balat ni Judith ang presko at sariwang simoy ng hangin habang pabilis ng pabilis ang kanyang Tito. Nilanghap niya ito, nakapikit pa ang kanyang mga mata. Purong-puro ang hangin at walang bahid ng kahit anong usok at polusyon, hindi tulad ngayon, madumi na ang hangin. Nagkakaroon man ng trapiko, ito ay babahagya lamang at nangyayari lang kapag nagkakasabay-sabay ang mga kalesa sa mga sasakyan, hindi tulad ngayon na sala-salabat na sa magkabilang sulok ang mga sasakyan at buhol-buhol ang trapiko buong araw. Maluwag ang kalsada at malaki ang espasyo ng mga establishamento sa bawat isa, kung gaano kaluwag at kaaliwalas ang daanan ganoon rin ito kalinis. May mga disiplina ang mga tao noon at walang basura at kalat na makikita sa bawat sulok, hindi tulad ngayon na tambak na sa basura at kalat. Sopistikado ang mga mamamayan, disente ang kanilang pananamit at pormal ang kanilang pag-uugali, hindi tulad ngayon, talamak na ang nakawan, krimen at droga. Ito ang lugar na masarap pasyalan noon, ngunit nakakatakot na ngayon, hindi ka mangangamba sapagkat alam mong ligtas kang makakapaglibot sa mga kabayanan, maging ang Tondo ay maituturing na ligtas, ngunit ngayon ito ay kinatatakutan na ng ilan.
Ito ang Dating Maynila: mapayapa, masagana, maaliwalas, maunlad. Larawan ng isang tahimik at ligtas na pamayanan, ngunit ngayon ito'y isa na lamang alaala mula sa nakaraan. Isang siyudad na napaglipasan at tuluyan ng napabayaan ng panahon. Isang bahagi ng kasaysayan na tuluyan ng nilimot ng karamihan. Isang pamumuhay na sa gunita na lamang mabubuhay. Isang bayang nalugmok sa panahon ng digmaan at hindi na muling naibangon pa mula sa kawalan.
Habang papalapit ng papalapit sa Ospital ng Maynila, nadaanan ni Juan, Judith at Jonathan ang mga establishamentong pinagkakalibangan ng mga Pinoy. Dinala ng Amerika ang iba nilang kaugalian at pamumuhay sa ating bansa, nagpatayo sila ng mga bar para sa mga mahilig uminom at mag-good-time. Uso na rin ngayon ang mga teatro, kung saan nanonood ang mga Pinoy ng mga pagtatanghal ng dulang may musika. Nakita nila ang ilang Pinoy at Kano na gumaganap sa nasabing teatro.
***
Narating ni Juan, Judith at Jonathan ang Ospital kung saan nagtatrabaho si Angelita bilang isang nurse. Si Angelita ay kababata nilang dalawa at sabay-sabay silang lumaki sa lungsod ng Maynila. Hindi siya katangkaran at taglay niya ang kayumangging balat ng isang dalagang Filipina. Nangungusap ang kanyang mga mata, maikli ngunit may kakapalan ang kanyang buhok tulad ng iba pang mga nurse sa kanyang kapanahunan. Isa lamang siyang simpleng dalaga, pero ito ang katangiang nangingibabaw at nagpapabighani sa kanya.
Kasalukuyan niyang inaasikaso ang isang pasyenteng may pilay sa braso at maingat niyang nilagyan ito ng benda. Tahimik siyang pinapanood ni Juan at Jonathan, si Judith naman ay hindi na nakapagpigil.
"Ate Angelita!"
Lumingon si Angelita at napangiti nang makita si Judith.
"Judith, ikaw pala," mahinhin niyang pagbati, yumapos ang bata sa kanya at mahigpit naman niya itong sinuklian. "Kamusta na, lamalaki ka na."
"Ate Angelita, may gusto pong bumisita sa inyo," hinatak ni Judith ang kamay ni Angelita at inilipit niya ito sa kanyang Tito Juan.
"Angelita," malumanay na bumati si Juan na may bahid nang pananabik at pagkahumaling. Sa tuwing mgakikita sila, animo'y ito ang unang beses na makikita niya ang dalaga sapagkat hindi napapawi ang pagkabighani niya rito, sa paraan lamang naiiba.
"Juan," mahinhing isinagot ng kasintahan na may kasamang matamis na ngiti sa manipis niyang labi.
"Naisip kong baka namimiss mo na ako kaya dinalaw na kita," sinundan niya agad ng biro.
Napatawa niya ang kasintahan ngunit napanatili naman nito ang kanyang hinhin. Buong puso silang nagyakapan, nananabik sa piling ng isa't-isa.
"Para sa'yo," inabutan ni Juan ng isang parihabang tsokolate ang dalagita. "Pasensyahan mo na at iyan lang ang nadala ko ngayon."
"Salamat, kahit ano galing sa'yo, masaya na ko.
Pasimple namang pumasok si Jonathan sa silid.
"Angelita, kamusta?"
"Onat, ikaw pala. Ayos naman ako, masaya ako at nagkita-kita ulit tayo."
Napayakap rin ang dalaga sa kaibigan.
"May ginagawa ka ba? Baka nakakaistorbo kami?" nahihiyang tanong ni Jonathan.
"Ah wala naman, patapos na naman ang duty ko."
"Lita, huwag kang masyadong magpapagod," paalala ni Juan, "magpahinga ka naman kapag may oras ka, ayokong magkasakit ka dahil sa trabaho mo."
"Opo, Itay," pangangantyaw niya.
"Mahal, may gagawin ka ba sa mga susunod na araw? Yayayain sana kita sa bahay, gusto ka na ring makita ni Inay at Ate Juliana. Mula kasi noong nagtapos ka at naging ganap na nurse, bibihira ka na lang nilang makita. Namimiss ka na rin nila."
"Busy na kasi ako dito sa ospital sa mga susunod na araw," paglalahad ni Angelita.
Nawalan ng imik si Juan sa sinabi nito, maging siya hindi na rin madalas makasama ang nobya mula noong magtrabaho siya.
"Ate Angelita, punta na po kayo, please," naglungkot-lungkutan si Judith.
"Pero para sa iyo at para kay Judith, handa akong maglaan ng oras.
Nanumbalik ang sigla sa magtiyuhin, buti talaga at sinama ni Juan ang pamangkin ngayon. Naging malaking tulong siya sa pagkumbinsi sa nobya.
"Yehey!" nagtatalon si Judith.
"Salamat, mahal," hahagkan na sana ni Juan sa labi si Angelita, pero nakita ng dalaga na nakatingin si Jonathan kaya nahiya siya at umiwas sa halik ng nobyo. Hinagkan na lang niya sa pisngi ang kasintahan. "Pauwi ka na, hatid ka na namin?"
"Sige."
Malapit lamang sa Ospital ang bahay ni Angelita kaya naman hindi na sila nahirapan pang marating ito. Habang naglalakad, sumabay sa kwentuhan ng magkasintahan si Judith.
"Ate Angelita, mahirap po bang maging nars?"
"Mahirap rin, pero kapag iniisip kong nakakatulong kami sa mga nangagailangan, para bang gumagaan ang pakiramdam namin at dumadali na ang aming trabaho."
"Ako, alam ko na po ang gusto ko paglaki ko," pagmamalaki ni Judith.
"At ano naman iyon?" pabirong tanong ni Juan. "Sabihin mo sa amin ng Ate Lita mo?"
"Gusto kong maging doktor para makatulong ako sa mga tao," desididong niyang isinagot "para mapagaling ko ang mga maysakit."
Nagkasulyapan si Juan at Lita sa sinabi ng bata, namangha sila na sa murang edad niya, nais na niyang makatulong sa kapwa.
"Kung ganoon ay ilang taon lang magtatrabaho na pala ako para kay Doktora Judith," biro ng dalagita.
"Nag-aalala na ang Ate Lita mo," muling nagbiro si Juan.
"Judith, kapag sundalo na ako at nasugatan ako sa pakikipaglaban, ikaw ang gagamot sa akin ah," dagdag ni Jonathan.
"Opo, Kuya Onat," masiglang sagot ng bata, "saan po ba ang masakit sa inyo?"
Lahat sila ay natawa sa pagkabibo ni Judith.
***
Pagkahatid nila kay Angelita, nakatulog si Judith at kinalong siya ni Juan pauwi. Hindi na nila sinakyan ang bisikleta at inilakad na lamang nila ito pabalik sa Intramuros. Habang sila'y naglalakad pauwi, hindi maiwasan ni Jonathan na sabihin kung ano ang nasa sa loob niya. Hindi niya ito magawang sabihin noong kasama pa nila si Angelita.
"Buti at sumama ako kaibigan, gumaan na ang loob ko."
"Bakit naman?"
"Ngayon lang uli tayo nagkasama-samang tatlo, naalala ko tuloy nung mga bata pa tayo, palagi tayong naglalaro. Bibihira na lang kasi tayo magkita mula nang mapag-awayan natin si Angelita."
Nakangiting napailing si Juan sa kanyang sinabi, "natatawa na lang ako kapag naaalala ko iyon."
"Ako rin, biruin mo, isang babae pa ang nagustuhan natin at si Angelita pa. Noong una talagang nagalit ako sa'yo dahil ikaw ang pinili niya, pero ngayon wala na sa akin iyon. Magkakaibigan tayo, iyon ang mas mahalaga kaysa sa kahit anong hidwaan. Maswerte ka, Juan at ikaw ang napili niya."
"Siyempre," pagbibirong ipinagmalaki ni Juan sa kaibigan, "mas tipo niya ata ang binatang Pinoy kaysa sa mestizo."
Humalakhak si Jonathan, "nakatsamba ka lang sa akin, alam naman ng lahat kung sino sa atin ang mas gwapo."
"Ako!" sagot ni Juan. Sunod naman siyang humalakhak at hinampas niya ng malakas sa braso ang kababata.
"Alam kong darating rin ang tamang babae sa akin."
"Oo naman," sinuportahan ni Juan ang kaibigan, "ikaw pa. 'Ang Matipunong si Jonathan Medrano, isang magiting na sundalo.' Teka nga pala, kamusta ang training?"
"Mahirap," mula sa pagiging masaya, naging seryoso ang tono ni Jonathan, "kailangang ibigay mo ang buong katawan at pag-iisip mo, kailangan mong gumapang sa putikan, umakyat sa mataas na lugar at dapat asintado ang bawat tira mo. Hindi madali ang pagiging isang sundalo, ilang araw lang rin babalik na ako sa pagsasanay lalo na ngayon at..."
Napatigil si Jonathan sa kanyang sasabihin at napaisip si Juan.
"Bakit? May problema ba?"
"Hindi mo ba alam?" Bahagyang nanamlay na para bang namomroblema ang tinig ni Jonathan.
Sa tinagal-tagal nilang naging magkaibigan, ngayon niya lamang ito nakitang nagkaganito.
"Alam ang alin?" Totoong wala siyang malay kung ano man ang tinutukoy nito.
"Paparating na sila," isang tinig ang kanilang narinig mula sa likuran, isang tinig na nanggagaling sa isang matandang lalaki mula sa madilim na bahagi ng daan.
Lumingon sila at nakilala nila kung sino ang nagsasalita. Ito ay si Don Ronwaldo Diaz, isang kapitbahay at kakilala na nakatira rin sa isang matandang mansyon sa Intramuros mula pa noong panahon ng Kastila. Lagpas walumpung taong gulang na siya at isa siya sa pinakamatandang nakatira sa Intramuros. Lumabas siya mula sa dilim at nagtungo sa liwanag malapit sa magkaibigan.
"Hindi natin alam kung kailan pero isa lang ang sigurado ako, parating na sila," babala niya sa dalawang binata, "maaaring sa mga susunod na linggo, sa mga susunod na buwan o sa mga susunod na taon."
"Don Waldo, sino po?" Unti-unti nang tumutubo ang kilabot kay Juan, alam niyang kung ano at sino man ang tinutukoy niya, kailangan itong seryosohin at bigyang-pansin.
"Ang mga Hapon," sagot ni Don Waldo.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro